“IS HE okay?”
Kasunod ng tanong na iyon ay hinubad ng lalaki ang sunglasses at isinabit sa puting-puting polo shirt na suot nito. Nakita ni Aica ang abuhing mga mata nito. Kung hindi lang matatas ito sa pagta-Tagalog ay aakalain niyang isang foreigner ito.
Mukhang estranghero ito. taga-Maynila siguro. Biglang nag-init ang ulo niya nang maisip na kung hindi ito pumunta roon ay hindi sana nasagasaan ang kapatid niya. Tumayo siya mula sa pagkakaluhod sa tabi ni Ipe at hinarap ito.
“Hindi mo ba nakitang mataong lugar itong dinadaanan mo?” singhal niya rito. Halatang nagulat ito sa pagtataray niya. “Kung hindi ka reckless sa pagmamaneho, hindi mo sana nasagasaan ang kapatid ko!”
“I wasn’t reckless. At mabagal lang naman ang takbo ko. Kung hindi siya biglang tumawid, hindi siya madidisgrasya,” paliwanag nito.
“Oo nga naman, Miss. Walang kasalanan ang kaibigan ko. Pasensiya na,” sabi ng lalaking sumulpot sa tabi nito. Guwapo rin ito pero mas guwapo ang una.
Lalong nag-init ang ulo niya nang kampihan ito ng kasama. “Ang kapatid ko pa ang may kasalanan ngayon? Siya na nga ang nasagasaan!”
“Anong nangyari dito?” tanong ng pulis na lumapit upang mamayapa sa kaguluhan.
“Look, hindi ko sinasadya. At lalong hindi ko gusto ang nangyari. Ang mabuti pa, dalhin na lang natin siya sa hospital.”
“Dapat lang! Kapag may nangyaring masama sa kapatid ko’y mananagot ka!”
“Ate……”
Narinig niya ang mahinang boses ni Ipe sa gitna ng ingay.
“Magkamalay na siya,” sabi ni Enteng na nang lingunin niya ay inaalalayan na ang kapatid niya.
“Ipe! Ipe, ano ang masakit sa iyo? Nasagasaan ka ba? Saan ka tinamaan?” hindi magkandatutong tanong niya nang makaupo ito. Niyakap niya ito at pinaghahagkan.
“Hindi naman ako tinamaan, Ate. Natakot lang ako kaya ako hinimatay. Akala ko, masasagasaan ako,” paliwanag nito na halatang groge pa sa pangyayari.
“See? I told you,” sabi ng lalaking nagmamaneho sa Chedeng.
“Sinisisi mo pa ang kapatid ko?” Muling bumaling siya rito. “Ang kapal ng mukha mo, ha! Imbes na humingi ka ng paumanhin, kami pa ang sisisihin mo!”
“Kanina pa nga ako humihingi ng pasensiya, hindi ba?” anito, nakakubli sa tono ang pagkairita. “Mamang pulis, may pananagutan ba ako? I’m willing to take the kid to the hospital.”
“Okay ka na ba?” tanong niya sa kapatid. Pinainom niya ito ng tubig na hindi na niya alam kung sino ang nag-abot sa kanya.
“Nanghihina pa ako, Ate. Ang sakit ng puwitan ko sa pagkasadlak sa semento.”
“Bakit hindi ka kasi nag-iingat?” bulong niya rito. “Tignan mo tuloy ang nangyari.”
“Hindi ko naman gustong madisgrasya. Iyong popcorn ko…..”
“Hay, naku, matakaw ka talaga! Nadisgrasya ka na, pagkain pa rin ang nasa isip mo!” Pasimpleng kinurot niya ito sa tagiliran.
“Aray!” eksaheradong bulalas nito.
“Dadalhin ko na siya sa hospital para matignan ng doktor,” sabi ng driver ng Chedeng. “Sumama na kayo sa amin.”
“Okay na ako, te. Ayoko sa hospital, baka turukan ako!” mariing tutol ni Ipe na takot sa heringgilya.
“Hindi na kailangan. Ipapahilot ko na lang siya sakaling napilayan!” mataray na sabi niya sa lalaki habang inaalalayan nila ni Enteng si Ipe patungo sa tabi ng kalsada.
“Hindi na ba kayo magrereklamo?” tanong ng pulis na tumitingin sa driver’s license ng lalaki. “Sigurado ba kayong hindi nasaktan ang kapatid mo?”
“Sigurado po. Uuwi na lang kami.” Muling sinulyapan niya ang estranghero at nakasimangot na inirapan. “Sa susunod, magdahan-dahan ka na lang sa pagmamaneho mo. Hindi mo pag-aari ang kalsada!”
“Ate, huwag ka nang makipag-away,” sabi ni Ipe na hinatak ang braso niya. “Ako naman ang may kasalanan, eh. Bigla na lang akong tumawid.”
“Ihahatid ko na kayo,” sabi ni Enteng. “Makabawi man lang ako sa kasalanan ko sa iyo.”
“Isa ka pa!” Inis na binalingan niya ito. “Bakit akala mo’y nakalimutan ko na ang ginawa mo!”
“Aica, naman……” Napakamot uli sa ulo si Enteng. “Sige na, ako na ang maghahatid sa inyo ni Ipe.”
“Hindi na! Sasakay na lang kami kay Mang Carling. Tutal naman, nauuna siya sa pila. Ayokong magkaroon ng utang-na-loob sa iyo. Nakakainis ka!”
Walang nagawa si Enteng nang sumakay na sila sa tricycle ni Mang Carling. Nagbalik na rin ang mga tao sa kani-kanilang gawain kaya nagkaroon siya ng pagkakataon na pagmasdan ang lalaking muntik makasagasa sa kapatid niya. Kausap nito at ng kaibigan nito ang pulis. Nakita niya nang iabot ng pulis ang lisensya nito. Pagkatapos magpasalamat ay sumakay na sa Chedeng ang dalawa.
Tumingin pa sa direksiyon nila ang lalaki kaya agad na binawi niya ang kanyang tingin. Ang buwisit na iyon at malakas pa ang loob na tumingin sa kanila! Pasalamat ito at walang nangyaring masama kay Ipe. Kung nagkataon, tiyak na maghahalo ang balat sa tinalupan!
๐ฉโโค๏ธโ๐โ๐จ๐ฉโโค๏ธโ๐โ๐จ๐ฉโโค๏ธโ๐โ๐จ๐ฉโโค๏ธโ๐โ๐จ๐ฉโโค๏ธโ๐โ๐จ๐ฉโโค๏ธโ๐โ๐จ๐ฉโโค๏ธโ๐โ๐จ๐ฉโโค๏ธโ๐โ๐จ๐ฉโโค๏ธโ๐โ๐จ๐ฉโโค๏ธโ๐โ๐จ๐ฉโโค๏ธโ๐โ๐จ
“ARAY, luway-luway naman po, Lola!”
Nagkakandapilipit si Ipe habang hinihilot ni Nana Gagay ang likod at balakang nito. Napapangiwi naman si Aica habang nanonood at naririnig ang reklamo nito. Nakatingin lang si Lola Bening habang ginagamot ng kaibigan ang apo nito.
“Dai ka na magreklamo!” sabi ni Nana Gagay na kilalang manghihilot sa lugar nila. “Kung nag-iingat ka, dai na sana nangyari iyan sa imo.”
“Ewan ko ba naman kung bakit bigla na lang tumawid iyan kanina, Lola. Muntik na akong hinimatay, ah! Pagkatapos, sasabihan akong huwag makipag-away. Ipinagtatanggol ko lang naman siya. Paano kung may masamang nangyari?”
“Eh, wala naman nga, Ate. Ako nga ang may kasalanan———–araaayyyy kupo, makulog!” anitong ang ibig sabihin ay masakit. Napaiyak na ito.
“Masakit, ano? Kaya sa susunod, mag-iingat ka na. Huwag kang tawid na tawid, titignan mo muna kung may paparating na sasakyan,” paalala niya. “Makulit ka kasi, eh.”
“Nasaan ka ba kanina at hindi mo namalayang bigla na lang tumawid iyang kapatid mo?” tanong ni Lola Bening sa kanya.
“Iniiwal niya si Enteng, Lola,” sabi ni Ipe. “Araaay!”
“Inaway mo si Enteng?”
“Kinompronta ko lang po. Totoo ngang ipinamamalita niyang nobya niya ako. Ang kapal ng mukha, eh!”
“Guwapo naman si Enteng. Mabuot, mayong bisyo, mahigos. Ano pa naman ang hahanapin mo sa kanya, Aica?” biro ni Nana Gagay sa kanya.
“Mabait nga, walang bisyo, masipag. Pero hindi ko nga po siya gusto, alangan namang pilitin ko ang sarili ko?”
“Sabagay nga naman.” Ibinalik nito ang kamiseta ni Ipe. “Oh, tapos na. Magbihis ka na. Huwag kang maliligo ng dalawang araw. Baka kalimutan mo ay makakasama iyon dahil hinilot kita.”
“Sanay naman pong hindi maligo ang batang iyan,” biro niya. “Hindi ba, Ipe?”
“Sige, biruin mo ako, Ate. Kung may masamang nangyari sa akin, wala ka nang binibiro ngayon,” nakasimangot na sabi nito habang isinusuot ang kamiseta.
“Tama na iyang biruan na iyan. Magpasalamat tayo at walang masamang nangyari sa imo,” sabi ni Lola Bening bago binalingan ang kaibigang manghihilot. “Dito ka na maghapunan, Gagay.”
“Sa bahay na at hinihintay ako ng mga apo ko. Ako’y lalakad na.”
“Ipagbalot mo na lamang ng nilagang baka ang Nay Gagay mo, Aica.”
“Opo. Sandali lang.”
Bumaba siya sa paminggalan at ipinagbalot ng ulam ang matanda. Nang iabot niya iyon ay nagpaalam na ito. Dalawang bahay lang naman ang layo ng tinitirhan nito...