“ATE AICA! Pinaaapod ka ni Lola Bening! Atsan mo na iyan idagos at maglilipot ang tsikolate!”
Sa ikatlong pagkakataon ay narinig ni Aica ang sigaw ng onse anyos na kapatid niyang si Ipe. Kanina pa siya ipinapatawag ng Lola Bening nila. Mamaya na raw niya ituloy ang ginagawa niya at lalamig ang tsokolate.
“Madali lang! Masunod na ako!” sagot niya nang umunat mula sa pagkakaupo sa harap ng hinuhukay na kamote. Gusto niyang tapusin ang ginagawa bago mag-merienda para magpapahinga na lang siya pagkatapos niyon.
“Dalian mo na!”
“Oo! Kulit mo talaga!”
Pinahid niya ang pawis sa noo, hinubad ang sumbrerong buntag na suot at ginawang pamaypay. Kay Lola Bening ang sumbrerong iyon at sa nakakalas nang mga dulo ay parang ibig nang magretiro niyon.
Pero hindi pa dapat. Kailangan pa niya ang sumbrero dahil wala pa siyang pambili ng kapalit niyon. Matagal na rin silang magkasama sa ilalim ng init ng sikat ng araw. Kung minsan, pati sa ulan ay ipinagsasanggalang niya iyon. Isa pa, kapag napamahal sa kanya ang isang gamit ay hindi niya basta-basta itinatapon.
Inipon niya sa basket ang mga kamoteng nahukay niya at binitbit iyon patungo sa kubo nilang maglola.
“Ipe, magrani ka digdi! Bombahan mo ako ng tubig!” tawag niya sa kapatid pagsapit niya sa bomba na pinagkukunan nila ng tubig para sa araw-araw na pangangailangan. Ang bomba na iyon ay alaala mula sa namayapa nilang ina. Nakalulungkot mang isipin, naitayo ang bomba na iyon mula sa natirang abuloy nang mamatay ito sa sakit sa baga apat na taon na ang nakararaan.
Noong wala pa silang bomba ay nakikiigib sila sa kapitbahay, na ang layo ay kulang-kulang dalawandaang metro. Para hindi sila mahirapan ay isinasakay nila sa paragos ang mga container ng tubig. Pero mainitin Ang ulo ng matandang lalaking may-ari ng bomba, at kapag natatalo sa sabong ay ilang araw na “sarado sa publiko” ang nag-iisang igiban sa lugar nila.
Kaya naman nang malaki-laki ang natira sa abuloy ay ipinatayo ng itay nila ang bomba. Biglang gumaan ang mga trabaho nila ni Ipe sa bukid at sa bahay. Nakatulong nang malaki iyon lalo na sa pagdidilig niya sa kanyang mga halaman at gulay.
Pero dalawang taon pagkaraang mamatay ang inay nila ay sumunod ang itay nila. Isang araw na mataas ang sikat ng araw ay natagpuan ito ni Ipe na nakahandusay sa bukid at wala nang buhay. Ang sabi ng doktor ay inatake raw ito sa puso. Bagay na walang-wala sa isip nilang mangyayari, bagaman ilang araw bago nangyari iyon ay naringgan niya itong inirereklamo ang paninikip ng dibdib.
Sa edad niyang disinuwebe at siyam naman si Ipe ay naging ulilang lubos sila. Dahil matanda na ang lola Bening nila ay naatang sa kanya ang pangangalaga sa kanilang munting bukirin na pinagkukunan nila ng kabuhayan. Hindi na niya natupad ang pangarap niyang makapag-aral man lang kahit vocational dahil tinutukan niya ang responsibilidad sa pagpapalaki at pagpapaaral kay Ipe. Nagkasya na lang siya sa pagdalo sa mga seminar na ibinibigay ng lokal na pamahalaan tungkol sa pagsasaka at paghahayupan.
Awa ng Diyos ay nakakaraos sila sa pang-araw-araw. At kapag nagkakasakit si Ipe o si Lola Bening ay mayroon silang alagang hayop na naibebenta para makapagpagamot ang mga ito. Suwerteng ubo at sipon lang naman ang dumadapo sa kanya at bihira pang mangyari iyon. Siguro ay dahil na rin sa daig pa niya ang nag-ehersisyo sa gym dahil sa dami ng gawain niya buong araw.
“Ipe! Magrani ka digdi! Parang hindi ka tinatawag, ah!”
“Nariyan na po! Nakain pa ang tao, eh!” sagot nito mula sa direksiyon ng kusina at paminggalan na nakasibi sa gilid ng kubo.
“Puntahan mo na ang ate mo bago pa magalit iyon,” marinig niyang sabi ni Lola Bening.
Nakasimangot si Ipe nang lumabas para bombahan siya. Tangan pa nito sa kaliwang kamay ang kinakaing nilagang kamote.
“Dai ka nakakangisi, ha? Ang tamad-tamad mo, ang lakas-lakas mo naman kumain!” sermon niya sa ikinikilos nito habang hinuhugasan niya ang putik na dumikit sa mga braso at kamay niya.
“Maglilipot ang tsikolate, eh!” sagot pa nito.
“Eh, ano kung lumamig? Magrereklamo ka pa. Ang takaw-takaw mo sa tsokolate, pero hanggang ngayon ‘tsikolate’ pa rin ang bigkas mo? Ituwid mo nga iyang dila mo, hindi ka na bata,” litanya niya. Pagkatapos maghugas ay pinahinto na niya ito. Ipinupunas niya sa laylayan ng kamisetang suot niya ang mga kamay niya nang sumunod siya rito papasok sa paminggalan.
“Lola, ang Ate, pinapagalitan na naman ako,” sumbong ni Ipe sa lola nilang nakaupo sa kabisera ng kahoy na mesang animan.
“Nakow, hindi ka na nasanay sa are mo. Paano’y ayaw mo kaagad lapitan.”
Lalong napasimangot si Ipe nang siya ang kampihan ni Lola Bening. Napangiti siya at kasunod niyon ay napabuntong-hininga. Kapag ganoon ang ekspresyon nito ay lalo itong nakakamukha ng kanilang ama. Bigla siyang napapahinto para titigan ito at nararamdaman niyang lalo niya itong minamahal.
“Sus, magagawa ba naman kitang pagalitan, eh, mahal na mahal kita?” Nilapitan niya ito at kinuskos ang ulo. “Para nilalambing ka lang, eh. Sige, kain na. Kung gusto mo pa, inumin mo na rin iyong tsokolate ko.”
“Mayroon pa sa kaserola,” sabi ni Lola Bening. “Dinamihan ko para hindi kayo mabitin. Inubos ko na ang tablea. Huwag mong kalimutang bumili pag pumunta kayo sa bayan bukas para magtinda.”
“Opo. Ipaalala mo sa akin, ha? Alam mo namang makakalimutin ang ate mo,” sabi niya kay Ipe. Naupo siya sa tabi nito at dumampot ng kamote. Binalatan niya iyon at isinawsaw sa asukal na nasa platito.
“Alam ko naman iyon, eh. Tumatanda ka na kasi,” ganting biro nito sa kanya.
“Bata pa ako, no?” Pabirong binatukan niya ito.
“Sige, kain nang kain para lumaki iyang katawan mo at isusuga kita.”
“Ginawa mo naman akong kalabaw, Ate!”
“Hindi kaya! Pwede pa kung kambing. Hindi mahilig maligo ang kambing, eh. Kagaya mo.” Tinakpan niya ang ilong niya pagkatapos itong amuyin. “Meeee, meeeeee!”
“Lola, si Ate nga, oh!”
“Naku, tama na nga kayong dalawa. Talo kayo nang talo. Isali ko nga kayo sa debate pagsapit ng pista.”
“Uy, si Lola, nagpapatawa!” Bumaling sa matanda ang pagbibiro ni Ipe. “Sa palakasang kumain na lang ako, at si Ate sa Reyna ng Pista. Maganda yata ang ate ko!”
“Sus, binola mo pa ako! Kumain na nga lang tayo.”
π©ββ€οΈβπβπ¨π©ββ€οΈβπβπ¨π©ββ€οΈβπβπ¨π©ββ€οΈβπβπ¨π©ββ€οΈβπβπ¨π©ββ€οΈβπβπ¨π©ββ€οΈβπβπ¨π©ββ€οΈβπβπ¨π©ββ€οΈβπβπ¨π©ββ€οΈβπβπ¨π©ββ€οΈβπβπ¨
KINAGABIHAN, pagkatapos ng hapunan ay pumuwesto silang magkapatid sa maliit na balkonahe ng kubo. Yakap ni Aica si Ipe habang nakalupasay ito sa sahig na kawayan. Siya naman ay nakaupo nang lotus position sa kawayang sofa na ginawa pa ng itay nila. Nakakatang ang mga siko niya sa unan na nakapatong sa kandungan niya.
Wala sa loob na isinuklay niya ang mga daliri niya sa buhok ni Ipe. Napakatamad nitong maligo kaya madalas niyang biruing katulad na ng mga alaga nilang kambing ang amoy nito. Pero nasanay na siya. Kapag minsan at sa tabi ni Lola Bening ito natutulog ay hinahanap-hanap nga niya ang amoy nito.
“Nakakainis naman, ano, Ate?” basag nito sa katahimikan. “Maagang nagsawa sa buhay si Nanay at si Tatay. Ang babata pa natin, iniwan na nila tayo. Ano kaya ang ginagawa nila ngayon? Nagkita kaya sila sa heaven?”
“Siguro….” Malungkot ang ngiting sumilay sa mga labi niya. “Pareho naman silang mabait, eh.”
Bumuntong-hininga ito.
“Ang lalim non, ah!” Sinilip niya ang mukha nito at nang makita ang lungkot sa mga mata nito ay hinalikan niya ito sa pisngi. “Huwag mo nang isipin sina Nanay at Tatay. Nandito pa naman ako, eh. Hindi ko kayo pababayaan ni Lola.”
“Alam ko iyon, Ate. Hindi ko lang maiwasan ang malungkot minsan. Siyempre, iba pa rin kung nabubuhay sila at kasama natin, diba?”
“Hindi ko na iniisip yon. Kaya huwag mo na ring isipin. Kasi kung iisipin natin, hindi tayo magiging masaya kahit kailan. Dapat ay matuto tayong tanggapin ang mga pangyayari sa buhay natin gaano man kasakit iyon. Dahil hindi natin...