ANG HALIMAW SA LAWA NG KAMATAYAN


-Basahing mabuti, mahaba kaya kung hindi mo rin lang babasahin scroll mo nalang pero kung babsahin mo mas maganda ‘yon— maari mong ikomento ang ‘yong natutunan sa kwentong ito-
••••••••••••
“Ang halimaw sa lawa ng kamatayan ay patuloy paring kumukuha ng mga kaluluwa ng binata. Kaya kayo mga bata magsi-uwi na kayo dahil dapit hapon na, baka kayo na ang isunod ng halimaw!” nananakot na kwento ni lolo sa mga batang nasa balkonahe nitong bahay kubo namin.
“Hahaha, Lolo tama na ang pagke-kwento masyado mo na silang tinatakot, sige na mga bata magsiuwi na kayo’t hinahanap na kayo ng mga inay niyo,” baling ko sa mga bata saka tumingin ulit kay lolo. “At ikaw naman lolo ikaw ang bantay ngayon sa bahay dahil mamimingwit pa ako,” .
“Oh siya siya sige, ikaw talaga apo ang hilig mong barahin ang iyong lolo, pero apo totoo ang aking tinuran, kaya tinawag na lawa ng kamatayan ang lawang nasa bayan natin dahil kapagmalapit na ang katapusan ng buwan kumukuha ito ng buhay nang isang binata, kaya ikaw apo mag-iingat ka lalo na’t katapusan na ngayon ng buwan, huwag kang papalinlang,”
“Naku lolo oo naman, baka nga siya pang matakot sa’kin, sa angking kakisigan ko ba nama’y halos lahat ng mga binibining naninirahan sa bayan natin eh may pagnanasa sa’kin,”
“Apo ko talaga, halatang may pinagmanahan, sige apo mamingwit kana sa lawa ng kamatayan, mag-iingat ka apo ah,” habilin niya.
“Ako pa, malakas ‘to lolo!” sabay pakita sa braso ko. “Oh sige lo mamaya nalang mamimingwit na ako, ingat ka rito!” sigaw ko bago tuluyang lisanin ang bahay kubo namin ngunit bago makalayo’y narinig ko pang may isinigaw si lolo sa’kin kaya’t umu-o nalamang ako.
Habang naglalakad pansin ko ang mga tingin ng mga binibini sa’kin, alam ko namang gwapo akong masyado pinapahalata pa nila.
—-
Nang makarating sa lawa’y agad akong sumakay sa bangkang nasa daungan at naglayag.
Habang naglalayag sa gitna ng lawa, pansin ko ang kakaibang paligid mahamog ngunit mataas ang sikat nang araw, maging ang temperatura nang paligid ay kakaiba.
Inihanda ko na ang aking pamingwit at pain na bulateng hinukay ko pa mula sa lupa.
Inilagay ko ang bingwit ko sa gilid ng barko at siniguradong hindi ito madadala nang mabibingwit kong isda.
Nagmuni-muni muna ako, at nahiga sa bangka ngunit isang malakas na lapsaw ng tubig ang narinig ko kaya’t agad akong napabangon, maging ang bangka ko’y umalog-alog dahil sa lakas ng hampas nito.
“Anong nangyayari?” takang tanong ko sa sarili.
“Ginoo?” isang magandang tinig ang aking narinig kaya’t napalingon ako rito at nagulat sa aking nakita isang maganda dilag ang nasa tubig.
“Binibini? Anong ginagawa mo diyan? Ba’t ka naliligo sa lawa ng kamatayan, umahon kana diyan binibini, delikado ang ginagawa mo lalo pa’t nasa malalim na parte tayo ng lawa,” panenermon ko sa dilag na aking nakita.
“Ahahaha, ano kaba ginoo puro ka naman panenermon diyan pwede mo ba akong samahang maligo rito, kay sarap maligo ngayon sa lawang ‘to maligam-gam ang tubig halika’t samahan mo ako ginoo,” hindi ko alam ang nangyari kung bakit ko sinunod ang kanyang sinabi.
Tumalon ako mula sa bangka saka lumangoy palapit sa kanya.
“Ang ganda mo binibini unang tingin ko palang sayo’y parang nabihag muna...


ang puso ko ngunit bakit parang hindi pamilyar ang ‘yong wangis sa mga binibining nakikita ko sa bayan?”
“Marahil nga’y tama ka ginoo, minsan lang akong lumabas nang bahay dahil pinagbabawalan ako ni ina, hahahaha!” mahin-hing tawa nito.
“Ang saya mo pa yata binibini umahon na tayo, malamig ang tubig delikadong lumangoy sa parteng ito!” pagyaya ko sa kanya ngunit bigla nalang may pumalibot sa katawan ko dahilan para hindi ako makalangoy.
“Ano kaba ginoo? iiwan muna agad ako? sayang naman pero pasensya na hindi kita papayagang umalis nang buhay rito! HA-HA-HA!” nagsimulang mag-iba ang wangis ng kanyang mukha, mula sa pagiging magandang binibini’y naging isa itong nakakatakot na halimaw.
“H-Huwag mong s-sabihing ikaw a-ang halimaw?” nanginginig kong tanong hindi dahil sa lamig kundi dahil sa takot.
“Tama ka nga ginoo, napakagwapo at kisig mo sapat nang alay para sa’kin ngayong buwan!” bago paman ako makapagsalita’y nilunod na niya ako.
Habang patuloy niya akong inilulunod pailalim sa lawa’y nagpupumiglas ako, ngunit mas lalo lamang nitong idinidiin ang pagkakagapos sa’kin na buntot niya pala.
Anong gagawin ko?
Malapit na akong mawalan ng hininga nang maalala ko ang punyal na palagi kong dala-dala sa kahit saan, pinilit ko itong kunin sa tagiliran ko kahit na patuloy na humihigpit ang pagkakagapos nito.
Nang makuha ko na ang punyal ay agad ko itong isinak-sak sa buntot niya dahilan para makawala ako at makaahon.
Habol ang hiningang naka-ahon ako saka lumingon sa paligid para tingnan kung nasaan na ang halimaw na mapanlinlang.
‘Kapag nakita mo ang halimaw puntaryahin mo ang ulo nito!’ naalala kong sigaw ni lolo na tinanguan ko lamang.
“Nasaan kana!” sigaw ko. “Handa na akong magpakuha sa’yo! Halimaw magpakita ka!”
unti-unting lumakas ang alon sa lawa at umahon ang isang dambuhalang halimaw sa tubig.
“Talaga ba ginoo?” tanong nito.
“O-Oo bastat magbagong anyo kalamang at maging isang binibini muli!” utos ko rito. Sana’y pumayag.
“Masusunod ginoo!” nagbago ito nang wangis at naging isang magandang dilag nanaman kagaya kanina.
“N-Ngayon binibini maaari ba k-kitang y-yakapin habang dinadala m-mo ako sa kung saan mo man g-gusto?”
“sige ginoo,” lumapit ito sa’kin saka ko naman siya yinakap nang mahigpit, unti-unti kaming pumailalim sa tubig habang lumalim nang lumalalim, sinimulan ko na ang plano ko.
Yinakap ko pa siya nang mas mahigpit saka itinarak sa likod niya ang punyal na naka-ipit sa kamay ko.
Napadaing ito sa sakit at nagpupumiglas ngunit isinak-sak ko ang punyal sa ulo niya kagaya nang sabi ni lolo.
Pagkalaan nang ilang segundo’y hindi na ito gumalaw pa’t nagbago na nang anyo bilang isa nanamang halimaw ngunit wala nang buhay, lumubog ang patay na halimaw pailalim hanggang sa hindi ko na ito nakita pa.
Umahon naman ako para habulin ang aking hininga.
“S-Salamat sa kwento lolo, nalaman ko kung paano patayin ang halimaw salamat rin sa sinabi mong huwag magpapalinlang!” pagpapasalamat ko nang makaahon ako.
Nang maka-uwi ako’y ikwenento ko lahat nang nangyari, kay lolo maging sa mga kapit bahay namin hanggang sa naging usap-usapan ako sa buong bayan namin at ‘di kalaunay naging tanyag na tagapag-ligtas.
Marami na ulit ang nangisda sa lawa ng kamatayan, at naging payapa narin ang aming bayan, wala nang may namamatay na binata sa tuwing sasapit ang katapusan ng buwan.
———-WAKAS———-






Share On Whatsapp

Leave a Reply






top