BEFORE YOU LOVE ME CHAPTER 19


TITLE: BEFORE YOU LOVE ME
CHAPTER 19
Nakatulala si Anne sa pader. Wala na naman siya sa sarili niya. Ilang araw na siyang ganito. Mula ng halikan na naman siya ni Calvin, paulit-ulit na bumabalik sa isip niya ang eksenang iyon. Yung araw na hinalikan siya ulit nito.
Naaalala niya ang pakiramdam na nakadikit ang labi ni Calvin sa labi niya. Naaalala niya kung gaano kasarap ang mga halik nito. Naaalala niya kung paano gumalaw ang labi nito. Naaalala niya lahat.
Huminga siya ng malalim. Pilit niyang kinakalimutan ang nangyaring iyon. Pero sa tuwing makikita niya si Calvin, bumabalik sa isip niya ang alaalang iyon. Naiinis na nga siya. Kung pwede niya lang ikulong ito sa kwarto nito para hindi na niya makita ito, ginawa na sana niya.
Yumuko siya at tiningnan ang ginagawa niya. Umaapaw na ang tubig sa palanggana na pinaghuhugasan niya ng gulay. Hindi na niya namalayan na kanina pa puno ang palanggana at nagsisihulugan na sa gilid ang mga gulay. Pinatay niya ang gripo saka kinuha ang mga nahulog na gulay at ibinalik iyon sa palanggana. Malinis naman ang lababo kaya ayos lang na ibalik niya iyon.
Natigilan na naman siya. Iniisip din kaya ni Calvin ang nangyari sa kanila? Naiisip din ba nito ang halik na pinagsaluhan nila?
Napailing-iling siya. Heto na naman siya, iniisip na naman ang nangyari. Wala naman siyang mapapala. Siguradong marami nang babae na nahalikan si Calvin. Ang isang katulad niya ay madali lang nitong makakalimutan.
“Calvin…Calvin. Nasaan ka?” Malakas na tawag ng isang babae na nagpatigil sa kanyang pag-iisip.
Napakunot-noo siya. May nakapasok sa bahay nila. Mabilis niyang tinuyo ang mga kamay niya. Lumabas siya ng kusina.
Nakita niya sa gitna ng living area ang isang morenang babae. Matangkad ito at may mahabang itim na itim na buhok. Nakatalikod ito sa kanya kaya hindi niya makita kung sino ito.
“Uhm, sino po sila?” natigilan siya ng lumingon ito sa kanya.
Ang ganda ng babaeng ito. Kahit simple lang ang suot nitong damit at wala itong make-up, maganda pa rin ito. Para itong yung rumarampang mga modelo sa isang sikat na brand ng underwear. Sino kaya ito? Girlfriend ba ito ni Calvin?
Tinitigan lang siya ng babae. Kapagkuwan ay lumapit ito sa kanya. Pinasadahan siya nito ng tingin at nang muling tumingin ito sa mga mata niya ay parang naiinis na ito sa kanya.
“Anong ginagawa mo dito?” Naniningkit ang mga matang tanong ng babae sa kanya.
“Huh?” Naguguluhang sabi niya.
“Nasaan si Calvin?” Tanong muli nito saka nito ipinalibot ang mga mata sa paligid. “Calvin! Letse ka!”
Napamaang siya sa sinabi ng babae. Girlfriend nga yata ito ni Calvin. Nagalit ba ito dahil nakita siya nito sa condo ni Calvin?
Napatingin siya sa may hagdanan. Nakita niyang nagmamadaling bumaba si Calvin at lumapit sa kanila. Para itong natataranta.
“What are you doing here, Methus?” Tanong ni Calvin sa babae.
Tumingin si Methus kay Calvin. “Bakit nandito ang babaeng iyan?” Singhal nito kay Calvin habang nakaduro sa kanya.
Tumingin sa kanya si Calvin at muli ding tumingin kay Methus. Lumapit ito kay Methus at ibinaba ang kamay ni Methus.
“Its a long story. Saka ko na ikukwento sayo” malumanay na sabi ni Calvin na ikinataas ng kilay niya. Marunong din pala ito ng ganung pagsasasalita.
Tumingin sa kanya si Methus saka siya nito inirapan. Humalukipkip ito at tumingin ulit kay Calvin.
“Make it short. Gusto kong malaman kung bakit nandito ang babaeng iyan? Nawalan na ba siya ng bahay?”
Huminga ng malalim si Calvin. “Hindi. Ano…”
Matalim na nilingon nito si Calvin. “Ano?!”
“Siya si Anne…”
Hinampas naman ni Methuselah sa ulo si Calvin ng hawak nitong pamaypay.
“Si Anna iyan. Anong Anne ka dyan?”
“Hindi siya si Anna” sabi ni Calvin habang nakahawak sa ulo nito.
Nanlalaki ang mga matang tiningnan na naman siya ni Methuselah. Pinasadahan siya nito ng tingin. Parang hindi ito makapaniwala.
“Pumunta kayo sa bahay. Nagluto ako…” wala sa sariling sabi ni Methuselah. Kapagkuwan ay humarap ito kay Calvin at saka hinampas ulit si Calvin sa ulo ng pamaypay. “…dapat nandoon kayo. Kung hindi, susunugin ko itong condo mo” pagbabanta ni Methus saka nito pinanlakihan ng mga mata si Calvin.
“Fine. Sige na umalis ka na”
“Pinapalayas mo ako?!”
Napakamot naman sa ulo si Calvin. “Hindi. Ano…maupo ka na lang muna dyan. Mag-aayos lang kami” humarap sa kanya si Calvin. “Mag-ayos na kayo ni Zyra, aalis tayo”
Tumango lang siya saka umalis sa harapan ng mga ito. Bago tuluyang siyang makaakyat sa hagdanan, tumingin siyang muli sa mga ito. Tinabihan ni Calvin si Methus sa upuan at malumanay na kinakausap ang huli. Mukhang close ang dalawa. Ito nga siguro ang girlfriend ni Calvin. Ang pagkakaalam kasi niya ay may girlfriend ito pero hindi pa naman niya nakita. Baka isa ito sa mga girlfriend ni Calvin.
HINDI mapakali si Anne sa kinauupuan niya. Nasa likuran sila ni Zyra habang si Calvin ang nagdadrive at nasa passengers seat naman si Methus. Hindi siya makatingin sa harapan dahil nakatingin sa kanya si Methus. Kanina pa siya nito tinititigan. Naiilang na siya sa ginagawa nitong pagtitig sa kanya. Para kasing pinag-aaralan nito ang pagkatao niya. Kung sino ba talaga siya.
Naipaliwanag naman na dito ni Calvin na hindi siya si Anna pero hindi pa rin siya nito tinantanan. Panay pa rin ang titig nito sa kanya. Pero hindi naman siya nito kinakausap. Mabuti sana kung kahit isa ay tinanong siya nito para hindi siya naiilang ng ganito. Nakatingin na nga lang siya sa labas ng bintana ng kotse ni Calvin, makaiwas lang sa mga titig nito.
“Saan mo naman siya nakuha, Calvin? Sigurado ka bang walang kapatid si Anna?” Tanong ni Methus kay Calvin.
Umiling naman si Calvin. “Nag-iisang anak lang si Anna, kaya imposible na may kapatid siya. Saka may pamilya si Anne sa quezon province. Sinabi na niya na may nanay at kapatid siya at hindi siya ampon. Kaya imposible iyang iniisip mo, Methus”
Napataas ang isa niyang kilay. Mabuti pa kay Methus maraming nasasabi si Calvin, samantalang sa kanya halos isang salita lang ang lumalabas sa bibig nito. Magsalita man ito ng mahaba sa kanya, puro naman panenermon. Marunong naman pala itong magsalita ng mahaba-haba, pero hindi man lang nito magawa sa kanya. Sana kausapin siya nito nang matagal ng hindi nagagalit o sermon. Gusto niya tuloy mainis dito.
Tiningnan niya si Methus. Anong meron dito at nagagawa nitong pagsalitain ng mahaba si Calvin? Bakit hindi ganito sa kanya si Calvin?
Lumingon muli sa kanya si Methus saka siya nito pinakatitigan. Nandoon na naman yong pakiramdam na nakakailang. Wala naman siya dapat ikailang, pero iyon ang nararamdaman niya dito. Tumingin na lang ulit siya sa labas ng bintana.
“Huwag ka sanang mag-isip ng kung ano sa pagitan namin ni Calvin. Asawa ako ng kapatid niya at wala akong balak na ipagpalit ang gwapo kong asawa” nanunulis ang labing sabi ni Methuselah.
Napakurap-kurap siya ng mga mata. Nahihiya siyang tumingin dito. “Hindi naman sa ganun—”
“Huwag ka ng magpaliwanag. Iyang galaw mo, alam ko na kung anong ibig sabihin niyan” nakangising sabi nito.
Gusto niya sanang magsalita at sabihin dito na mali ito ng iniisip. Pero itinikom na lang niya ang kanyang bibig. Sa tingin niya ay hindi naman ito maniniwala sa kanya kahit ano pa ang sabihin niya. Saka ano ba ang sinasabi nito?
Ilang sandali pa ay nakarating na sila sa isang village. Malalaki ang mga kabahayan doon. Halos walang magpapatalo sa desenyo ng mga kabahayan dito. Siguradong puro mayayaman ang nakatira dito. Sa gate pa lang ng village masyado ng mahigpit ang security, kaya imposible na may makapasok dito na magnanakaw. Hay, mayayaman nga naman…
Huminto sila sa tapat ng isang malaking gate. Ilang sandali pa ay bumukas iyon at pumasok ang sinasakyan nila sa loob. Nang ihinto ni Calvin ang kotse ay nagsibabaan na sila. Nahuli pa siya sa paglalakad dahil hinintay niya pang makababa ang anak niya. Hinawakan niya sa kanang kamay si Zyra saka sumunod kina Calvin.
Habang naglalakad sila papalapit sa malaking bahay, nakita niyang nakatayo na si Kyle sa may pintuan. Buhat nito ang isa sa mga anak nito. Nakatingin lang ito sa kanila. Mukhang hindi ito masaya na makita sila sa pamamahay nito.
Huminga siya ng malalim. Alam na niya kung anong mangyayari. Minsan na niyang nakita ito sa opisina ni Calvin at narinig na din niya kung paano nito kausapin si Calvin. Hindi niya nagustuhan ang ugali nito. Nag-iisa nitong kapatid si Calvin, pero kung itrato nito si Calvin ay parang ibang tao.
“Bakit nandito ka?” Bungad ni Kyle kay Calvin.
Napahinto sila sa paglalakad. Si Methus naman ay mabilis na lumapit sa asawa. Napakunot ang noo niya. Hindi niya talaga maintindihan ang kapatid ni Calvin. Bakit ba mukha itong palaging nagagalit kapag nakikita si Calvin?
“Why the f**k are you here?!” Asik ni Kyle. Masama na ang tingin nito kay Calvin. Napatingin ito sa kanya saka muli itong tumingin kay Calvin. “Dinala mo pa talaga iyan dito. Ano na naman ang susunod na kapalpakan mo?”
“Kyle” saway dito ni Methus. Kinuha nito ang anak nito mula kay Kyle at ibinigay sa yaya nito. “Huwag mainit ang ulo. Inimbitahan ko sila”
Matalim pa rin ang mga tingin ni Kyle kay Calvin. Mukhang mainit talaga ang ulo nito. Huminga...


siya ng malalim. Alam na niya ang mangyayari.
Muli niyang dinala pabalik ang anak niya sa kotse ni Calvin. Alam niyang hindi maganda ang mangyayari. Sa bungad pa lang sa kanila ng kapatid ni Calvin, alam niyang hindi maganda ang magiging usapan ng mga ito. Nang masigurong maayos na ang anak niya sa loob ng kotse, binalikan naman niya si Calvin.
Mabilis siyang lumapit kay Calvin ng makita niyang papalapit dito ang kuya nito. Nakikita niya ang galit sa mga mata ni Kyle. Ilang beses na niyang nakita na ganito ito kay Calvin at hindi siya papayag na tatratuhin sila ng ganito ni Kyle.
Maayos silang pumunta dito kaya hindi niya hahayaang magsalita na naman ito ng hindi maganda kay Calvin. Kahit sabihin pang kapatid ito ni Calvin at mas mataas ang posisyon nito sa kumpanya ng pamilya nito, hindi siya papayag na ganito ang gagawin nito kay Calvin. Hindi niya nga maintindihan ito. Minsan mabait naman ito kay Calvin pero madalas na parang sinasapian ito ng demonyo. Hindi niya alam ang kwento ng magkapatid na ito pero hindi niya hahayaang parati na lang yuyuko at matatakot dito si Calvin.
Huminto si Kyle sa harapan nila ni Calvin. Humarang kaagad siya sa harapan ni Calvin. Wala siyang pakealam kung isa ito sa boss ni Anna. Hindi naman siya si Anna at hindi niya kailangan matakot na mawalan ng trabaho.
Hindi makapaniwalang tiningnan siya ni Kyle. Para ba siyang kakaibang nilalang kung tingnan nito.
Tumingin si Kyle kay Calvin. “Sa dami ng katangahan na gagawin mo, ito pa talaga ang naisip mo. Ilang projects na ang nasira at kinancel mo para sa babaeng iyan” galit na sabi ni Kyle saka siya nito itinuro.
Natigilan naman siya sa narinig. Anong nasirang mga projects? Sa pagkakaalam niya wala pa siyang nasisirang projects. Lahat ng nagawa niya ay maayos naman ang kinalabasan. Yung iba, lalo na ang mga pictorial niya sa mga magazine, mukhang okay naman. Wala siyang alam sa kinalabasan niyon. Pero sinabi na sa kanya ni Calvin na huwag iyon isipin, kaya akala niya ay walang problema sa mga ginawa niyang trabaho. Kung may problema man talaga, hindi na niya alam ang nangyari. Hindi naman kasi sinasabi sa kanya ni Calvin. Iyon kaya ang tinutukoy ni Kyle?
“Im sorry…”
“Puro na lang ba sorry ang sasabihin mo?” Singhal ni Kyle kay Calvin. “Ilang kapalpakan pa ang gagawin mo? Huwag puro katangahan ang ….”
“Tumahimik ka!” Sigaw niya kay Kyle. Hindi na siya nakatiis pa. “Hindi kami pumunta dito para lang pagsalitaan mo ng ganyan si Calvin. Kung alam ko lang na ganyan mo kami pakikiharapan, hindi na lang sana kami pumunta. Napakasama mo!”
Nakipagsukatan siya ng tingin kay Kyle. Wala siyang pakialam kung magalit ito sa kanya. Hindi siya natatakot dito kahit pa ito ang president ng company na may hawak sa kanya. Hindi siya papayag na ganito ang gawin nito kay Calvin.
“Hindi ka dapat ganyan kay Calvin. Ginagawa naman niya ng maayos ang trabaho niya…”
“Huwag kang makisali….”
“Kyle, tama na” mariin na saway ni Methus sa asawa. Napatingin siya dito. Nagpapasalamat siya at sinaway na nito ang asawa nito, kundi baka marami pang palitan ng salita ang lumabas sa mga bibig nila.
Nilingon niya si Calvin. Nakayuko lang ito. Nakakaramdam siya ng inis dito. Bakit ba nito hinahayaan ang kapatid nito na tratuhin ito ng ganito? Hindi niya maintindihan kung bakit parang takot na takot itong sagutin ang kapatid nito. Kahit na mali na ang ginagawa ni Kyle, wala pa rin itong kibo.
Huminga siya ng malalim at saka ito hinawakan sa kamay. Hinatak niya ito pabalik sa kotse nito. Naiinis talaga siya. Pakiramdam niya tuloy ay ang bilis ng tibok ng puso niya. Parang gusto niyang ratratin ito ng mga salita pero alam niyang hindi iyon magugustuhan ni Calvin, kaya tahimik na lang siya.
“Sakay” utos niya kay Calvin.
Tumungin ito sa kanya. Napalunok siya ng makita ang mga mata nito. Napakalungkot ng mga mata nito at alam niyang dahil iyon sa kapatid nito.
“Im sorry…”
“Sumakay ka na at umalis na tayo dito” putol niya sa sasabihin nito at saka sumakay sa kotse nito. Naaawa siya dito pero alam niyang walang maitutulong ang awa niya dito. Ang dapat nitong gawin ay ang maging matapang at harapin ang takot nito sa kuya nito. Pero paano nito iyon gagawin kung isang salita pa lang ng kapatid nito ay takot kaagad ito? Ano bang dapat niyang gawin para dito?
Hindi niya kinikibo si Calvin habang nasa byahe sila pauwi sa condo nito. Ni tingnan ito, hindi niya ginawa. Naiinis pa rin siya. Nanggigigil talaga siya sa kapatid nito.
“Tito Calvin, bakit ang pangit ng brother mo po?”
tanong ni Zyra habang nakadukwang sa gitna nila.
Tinignan niya ang anak niya. “Zyra, bad iyon” saway niya dito. Ganito ito kapag hindi nito nagustuhan ang ginawa ng isang tao. Palagi nitong sinasabihan ng pangit.
Nanulis naman kaagad ang nguso nito.
“Totoo naman po kasi inaway niya po si Tito Calvin”
Huminga siya ng malalim. “Umayos ka ng upo at huwag kang magsasalita ng ganun”
Bumalik naman ito sa kinauupuan nito. Humalukipkip ito. “Mama, bad din po yung brother ni Tito”
Napahilot siya sa sintido niya. Hindi niya alam kung saan nagmana ng pagkamaldita ang anak niya. Hindi naman siya ganito noong bata pa siya. Napakabait niyang tao.
“Im sorry” biglang sabi ni Calvin na ikinalingon niya dito.
“Para saan?”
“Hindi naman ganun si Kuya. Minsan kasi mainit lang ang ulo niya at…”
“Calvin, madalas mainit ang ulo niya sayo. Minsan ko lang siyang makitang maayos sayo kapag nakikita ko kayong magkasama” huminga siya ng malalim. “Huwag mong ipagtanggol sa akin ang kapatid mo. Naiinis ako sa kanya”
Hindi na ito kumibo. Nakatuon na lang ang atensyon nito sa kalsada. Kapagkuwan ay nagtatakang tumingin siya dito. Pumasok kasi sila sa isang mall.
Ipinark nito ang kotse sa parking lot. Saka pinatay ang makina ng sasakyan.
“Anong ginagawa natin dito?” Nagtataka niyang tanong kay Calvin.
“We’re going to eat” wika nito habang tinatanggal ang seatbelt nito.
“Huh?” Hindi makapaniwalang sabi niya. Tumingin siya sa labas ng bintana. “Pero maraming tao. Baka….”
“Dont worry, ako na ang bahala” anito. Bumaba ito saka kinuha si Zyra sa likod.
Nag-aalangang sumunod naman siya. Maraming tao sa paligid. Maliwanag pa kasi at siguradong makikita siya ng mga tao. Maraming makakakilala sa kanya. Napatingin siya sa anak niya. Kasama pa nila si Zyra. Paano kung may kumuha ng picture at lumabas ito sa media?
“Anne, lets go” tawag sa kanya ni Calvin.
Napatingin siya dito. Hawak nito sa isang kamay si Zyra.
Huminga muna siya ng malalim bago lumapit sa mga ito. Tumingin sa kanya si Calvin. Binitawan muna nito si Zyra saka humarap sa kanya. Hinawakan siya nito sa magkabilaan niyang balikat at saka pinaharap dito. Umangat pa ang kamay nito saka isinuot sa kanya ang isang facemask. May hawak pala itong facemask at sombrero.
Nakatingin lang siya dito habang inaayos nito ang facemask niya saka nito inilagay sa ulo niya ang sombrero. Napalunok siya. Pakiramdam niya ay ang bilis ng tibok ng puso niya. Parang lalabas na nga ang puso niya sa dibdib niya sa sobrang bilis ng tibok niyon. Bakit ganito ang nararamdaman niya sa tuwing malapit sa kanya si Calvin? Ano ba itong nararamdaman niya?
Yumuko si Calvin at tiningnan siya nito. Ngumiti ito.
“Iyan, hindi ka na nila makikilala” nakangiti nitong sabi. Nginitian siya nito! Ngayon lang niya ito nakitang ngumiti sa kanya ng ganito. Walang pagpapanggap. Hindi pilit.
Ngunit nakikita niya pa rin ang lungkot sa mga mata nito. Parang pinipilit lang nitong maging masaya. O sanay lang itong magpanggap na okay lang ang lahat pagkatapos itong masaktan ng kapatid nito. Siguro nga, siguro sinanay na nito ang sarili na itago ang totoo nitong nararamdaman.
“Huwag mo akong tignan ng ganyan” Nakasimangot na sita nito sa kanya.
Napayuko siya. Nahiya siya dito dahil pakiramdam niya ay nalaman nito ang iniisip niya. “Ano…a-anong gagawin n-natin dito?” Nauutal niyang tanong dito.
“Kakain”
“Ano?”
“Kakain tayo. Hindi naman natuloy ang pagkain natin kaila Kuya, kaya kakain tayo dito. Saan mo gusto kumain?”
“K-kahit saan”
“Okay” ngumiti lang ito sa kanya saka nito hinarap si Zyra at binuhat.
Akala niya ay maglalakad na ito pero nagulat siya ng kuhain nito ang isa niyang kamay at hawakan iyon. Napatingin siya sa mga kamay nilang magkahawak. Pakiramdam niya ay may gumagapang na kuryente sa katawan niya. Hindi niya maintindihan kung bakit ganito ang nararamdaman niya. Nahihirapan na din siya huminga dahil sa bilis ng tibok ng puso niya. Kakaiba na talaga ang nararamdaman niya. Hindi na niya ito nagugustuhan.
Dahan-dahan niyang hinahatak ang kamay niya mula sa pagkakahawak ni Calvin. Pero mas humigpit pa ang pagkakahawak nito sa kanya. Napatingin siya sa likuran nito.
“Huwag kang bibitaw, baka mawala ka” sabi ni Calvin habang patuloy pa rin ito sa paglalakad.
Napalunok siya at saka bumuga ng hangin. Tumingin siyang muli sa mga kamay nila. Wala sa sariling humawak na din ang kamay niya sa kamay ni Calvin. Parang iyon kasi ang tama niyang gawin. Ang kumapit kay Calvin. Pero may isang bahagi ng isip niya na nagsasabing hindi ito tama. Gusto niyang paniwalaan ang isip niya. Pero sa ngayon, gusto niya munang damdamin ang nararamdaman niya.
✍ SALAMAT SA MGA NAGBABASA






Share On Whatsapp

Leave a Reply






top