Hindi ako tumigil ng paghahanap kay Ana, hanggang natanaw ko siya mula sa isang maliit na kubo kasama siya ng mga matatandang babae at matatandang lalaki habang humahagalpak siya ng tawa at nakikipagkuwentuhan sa mga ito at tuwang tuwa ang mga ito sa kanya.
Lumapit ako sa kanila.
” Pasensiya na po sa abala sa inyo mga Lolo at Lola, kakausapin ko lang po si Ana…, ano kaba naman Ana? nariyan ka lang pala, lagot ako kay Nanay Carmen at Tatay Lito kapag nawala ka.” Banggit ko kay Ana.
” Ala eh… hinahanap kana ng iyong asawa Ineng.” Sabi kay Ana ng isang matandang babae.
” Hindi ko ho asawa si Ramon, kaibigan ko lang ho siya.” wika naman ni Ana.
Ngayon ko lang nalaman na hindi lang pala makulit si Ana, marunong din pala itong makipagbiruan…
Isang Buwan kami sa bundok at isang buwan din na ipinagkatiwala nila Nanay Carmen at Tatay Lito si Ana sa akin, ayokong sirain ang tiwalang yun na ibinigay nila sa akin dahil minsan ng nasaktan ang puso ni Ana.
Naitanong ko dati kay Nanay Carmen kung nagkaboyfriend na ba si Ana ng minsang makausap ko sila.
Sabi nila, Oo daw pero niloko at pinaglaruan lang daw nito ang damdamin ni Ana, kaya ayaw na niyang masaktan pa.
Maraming pagkakataon na pinaglalapit ang puso namin ni Ana at lahat ng ito ay naganap sa bundok.
Una, pahapon na ng mga oras na iyon, hinanap ko uli si Ana pero andun siya sa matarik at baku bakong daan, maraming halaman, katabi ng maraming puno, bigla siyang nadulas noon sa tila may malalim na espasyo na parang balon minsan siyang umikot para magsayaw at kumanta, agad ko siyang hinila mula sa ibaba ng tila balon na iyon...