DEBBIE… ang KULIT KABANATA 2


– Sa panulat ni Rocel P. Cheche

Paikot ikot ang mga mata ni DEBBIE tila ito’y nangungusap, hindi talaga siya mapakali, gusto niya magsalita at gusto niya sumigaw habang nagtuturo ang Guro nila.
” Debbie, ano ginagawa mo parang may gusto kang sabihin.” wika ng kanilang guro.
” Ako po Ma’am?…
w- wala, wala po akong sasabihin,
s- sige po ituloy nyo lang po ang lesson…” wika ng nagkukunwaring si Debbie.
” Ok ang pinag- uusapan natin mula pa kanina ay tungkol sa pamilya, ano ba ang ibig sabihin ng pamilya?.” pagpapatuloy ng guro nila.
” Ma’am ang ibig sabihin po ng pamilya ay binubuo po ito ng Tatay, Nanay, kuya, Ate, Bunso, mga kapatid, lolo at lola.” wika ng isa sa mga classmate ni Debbie.
” Tama! Ang pamilya ay binubuo ng Nanay, Tatay, lola, lolo, bunso, ate, kuya at iba pang mga anak…” wika ng sumasang-ayon nilang guro.
” Ma’am, maari po bang tanungin nyo si Debbie kung anong ibig sabihin ng pamilya? .” Pang- aasar ng isa sa mga classmate rin ni Debbie.
Napatingin si Debbie sa classmate niya at mas lalong nanglaki ang mga mata niya dahil kahit madaldal siya ayaw niya banggitin man lang sa mga kaibigan at kaklase niya ang tungkol sa pamilya niya.
” Oo nga Debbie, sige ano ang ibig sabihin ng pamilya? Makikinig ako sa iyo, gusto ko marinig ang sagot mo, Class, huwag kayong maingay pakinggan natin ang sasabihin ni Debbie.” wika ng nakangiti nilang Guro.
” Ah…eh…ih…ang
p-pamilya po ay may Tatay at Nanay at kapatid po pati na rin lola pero kung pag- uusapan po ang pamilya, sa pamilya ko po kasi maaga po kinuha ni Lord ang Nanay ko, ang Tatay ko po iniwanan na kami bata pa lang po kami… may kapatid ako, isa lang, babae siya, sobrang ganda niya pang Miss Universe nga ang beauty niya, kaya lagi siyang sumasali sa mga beauty contest, siya si Ate Diana, tapos may lola ko, siya po yun nagpalaki sa amin ni Ate Diana, si Lola Maneng, alam nyo saksakan niya ng takaw kumain kaya kay taba taba na niya… pero alam nyo ba mahal na mahal ko siya kasi kahit masungit siya, inaalagaan parin niya kami ng Ate ko.” Napilitan at mahabang paliwanag ni Debbie ukol sa kahulugan niya ng pamilya.
Nalungkot ang Guro nila ng marinig nito ang kuwentong pampamilya ni Debbie, parang kinurot ang puso niya na sa kabila ng pagiging kwela at kalokohang ginagawa nito ay may natatago pa lang lungkot sa pagkatao ni Debbie.
” Ok Class, palakpakan naman natin si Debbie.” wika ng kanilang Guro.
Nagpalakpakan naman ang mga Classmate ni Debbie.
” Nakakaawa ka naman pala Debbie, ok lang yan ang mahalaga may lola ka na nagmamahal sa iyo.” wika ng isa rin nilang Classmate.
” Thank you… thank you sa inyong lahat…” sobrang pagkangiti at pasasalamat ni Debbie sa mga Classmate niya.
Si DEBBIE ay anak ng Amerikanong si William Smith, ang kanyang Ina naman ay isang Pilipina na si Gloria Reyes, bata palang sila Debbie at Diana ay iniwan na sila ng kanilang Ama, kahit ng magkasakit at namayapa ang kanilang Ina hindi ito sumipot man lang para magpakita.
Si Lola Maneng, siya ang nag- alaga at nagpalaki kay Debbie at Diana, maaga ring namayapa ang asawa niya dahil ito’y na stroke…
Sobra ang pagtitiis na ginagawa niya, madalas hinahanap niya si...


Debbie kung saan saan lupalop at nakikita naman niya palagi ito at pinagtatanong tanong niya sa mga kabarkada nito.
Kinabukasan…
Sabado ng araw na iyon, walang pasok sila Debbie, hindi nagpaalam si Debbie sa lola Maneng niya, umalis siya ng maaga, mga 4:30 ng umaga, sa kasagsagan ng paghihilik na pagtulog ni Lola Maneng at maging ang ate Diana niya ay tulog na tulog rin dahil sa pagent na sinalihan nito…
Agad na tumakas si Debbie at nagpunta sa kanyang mga kabarkada kasi meron silang lakad na magkakabarkada.
Lakwatiya dito, lakwatiya doon, hindi napipirmis ng pamamahay si Debbie, mas gusto niyang kasama ang barkada niya kaysa sa Lola Maneng niya at sa kapatid niyang si Diana.
Mga 4:30 na ng hapon nakauwi si Debbie pero dumeretso siya pauwi sa bahay ng Barkada niyang si Alexa…
Habang naroon siya sa bahay nila Alexa isang boses mula sa labas ang narinig nila Debbie at Alexa.
” Alexa, balita ko ay nariyan daw si Debbie, buksan mo ang pinto papasukin mo ko…” wika ng nagsisisigaw na si Lola Maneng.
” Debbie, sabi ko sa iyo, dumiretso kana pauwi sa inyo, yan tuloy hinahanap ka na ng Lola Maneng mo… lumabas ka na, umuwi kana sa inyo.” wika ng kinakabahan na si Alexa.
” Alexa, huwag kang mag-alala, huwag kang maingay kasi dadaan ako doon sa kabilang bintana nyo kasi baka may dalang patpat si Lola Maneng, hahatawin ako niyan… pakisilip mo nga kung may dala siyang patpat?.” Nanginginig na si Debbie.
” Naku! Tama ka, may patpat nga siyang dala dala.” wika naman ni Alexa.
Agad tumalon si Debbie sa kabilang bintana at doon ay binilisan niya ang takbo.
Binuksan na ni Alexa ang pinto at nakausap niya si Lola Maneng.
” Nasaan si Debbie? Magsabi ka ng totoo Alexa…”wika ng galit na galit na si lola Maneng.
Hindi sana ipagtatapat ni Alexa ang totoo pero naawa siya sa matanda.
” Lola Maneng, dumaan po si Debbie sa kabilang bintana, doon nyo na lang po siya abangan malapit po doon sa puno ng niyog para di po kayo mahirapan na habulin siya.” wika ni Alexa.
Malapit na si Debbie sa tabi ng puno ng Niyog ng matanawan niya si Lola Maneng na nakataas ang kamay at hawak hawak ang mahaba at matabang patpat.
” Naku, ayan na si Lola Maneng, mukhang maaabutan niya ko, teka aakyat ako sa puno ng niyog, hindi na niya ko mahahabol kapag nasa taas na ko ng puno..” nangangatog na si Debbie habang umaakyat sa puno ng niyog.
” Debbie, Debbie, Debbie… bumaba ka riyan sa puno ng Niyog, napakatigas talaga ng ulo mo, hindi kana naawa sa akin, kung saan saan kita hinahanap, peste ka talagang bata ka…” nagsisisigaw na si Lola Maneng habang hawak hawak parin ang mataba at mahabang patpat.
Nangunyapit ng todo todo si Debbie sa puno ng niyog dahil sa sobrang takot niya sa kanyang Lola Maneng, hanggang sa umuga uga ang puno at ang mga bunga nito ay nagsisimula ng magbagsakan, eksaktong papalapit na si Lola Maneng sa punong iyon.
” Lola Maneng huwag ka po lalapit kasi mababagsakan ka ng mga bunga, pakiusap huwag ka po lalapit sa puno ng niyog .”pakiusap ng nag- aalalang si Debbie.
Pero di mapigilan si Lola Maneng agad siyang lumapit dahil sa kagustuhan niya na mahagip at mahuli niya si Debbie.
Nang biglang…
” Lola Manengggggg! .” nakakabinging sigaw ni Debbie.






Share On Whatsapp

Leave a Reply






top