MY BOYFRIEND IS A DRUG USER


MY BOYFRIEND IS A DRUG USER
“Ang ganda talaga ng mahal ko…” Ani ni Vino, ang 3-year boyfriend ko. Titig na titig siya sa’kin habang naglalakad kami. Hindi ko naman maiwasang matawa.
“Hindi naman ako mawawala.” Biro ko pa. Para kasing ‘pag kumurap siya ay mawawala ako sa paningin niya. Gano’n katagal siyang tumitig sa’kin.
Biglang humigpit ang hawak niya sa kamay ko na ikinakunot ng noo ko. Pero ngumiti nalang ako sa kaniya.
“Promise mo ‘yan, ah.”
“Syempre.” Nilawakan ko ang ngiti sa kaniya. Napangiti rin siya.
Gabi na pero naglalakad-lakad parin kami ngayon sa labas. Eto kasi ang hobby naming dalawa lalo na kapag may free time kami. Pareho kasi kaming busy sa kaniya-kaniyang trabaho at pag-aaral. Pareho kaming working student.
“Dito muna tayo, mahal.” Masuyo niya akong inalalayan paupo doon sa may hagdan na nasa gilid ng kalsada. Para akong kinikiliti nang makaupo doon. Iba kasi sa pakiramdam sa t’wing tinatawag niya akong ‘mahal’.
Sa pangalawang baitang ako ng hagdan habang nasa pangatlo siya. Namalayan ko nalang na hawak na niya ang buhok ko, pilit inaayos ‘yon kahit hindi naman siya marunong. Natawa na naman ako.
“Anong ginagawa mo?” Hindi lang ‘yon basta tanong, inaaasar ko siya. Kahit nasa likod ko siya ay alam kong nakanguso siya. Napahalakhak ako.
“Sige lang, tawanan mo ‘ko. Diyan ka masaya, eh.” Kunwari ay nagtatampo niyang sabi. Kahit anong pigil ko ay napahalakhak talaga ako.
Pero natigil ako sa pagtawa nang yakapin niya ako mula sa likuran. Kahit hindi na bago sa’kin ‘tong ginagawa niya, sobrang lakas parin ng tibok ng puso ko.
“Mahal kita.” Bulong niya sa mismong tainga ko. Napangiti ako saka isinandal ang mukha sa ulo niyang nakadantay sa balikat ko.
“Mahal din kita.” Pakiramdam ko puso ko mismo ang nagsabi no’n. Ramdam kong napangiti siya at mas hinigpitan pa ang yakap sa’kin.
“Promise mo sa’kin mahal, hindi mo ako iiwan, ha?” Mahina niyang sabi.
“Promise.”
___
“Ma..”
Nanghihinang ngumiti sa’kin si Mama. Nilapag ko naman ang dala kong prutas sa table saka tumabi sa kaniya.
“A-Anak.. kamusta ka na?” Halos wala na siyang boses pero pinipilit niyang magmukhang matatag sa’kin. Napahinga nalang ako ng malalim dahil madalas niya talagang gawin ‘to.
“Ma…kung nanghihina ka ‘wag mo pilitin ang sarili mo na maging malakas sa harap ko. Kasi, kilala na kita. Hindi ‘yan uubra sa’kin.” Ilang beses pa akong bumuntong-hininga. Ngumiti lang siya ng tipid sa’kin.
“Ang totoo niyan,” Biglang lumalim ang paghinga niya. Kinabahan ako. “Pagod na pagod na ako…” Saka dahan-dahang pumikit ang mga mata niya. Bigla ay nangilid ang luha ko at tarantang tinawag ang nurse at doctor.
___
“Shhh…okay lang ‘yan mahal.. magiging maayos din si Mama..tahan na..”
Humahahulgol na ako ngayon habang yakap ni Vino. Nandito kasi kami sa hospital. Matagal nang pasyente rito si Mama dahil may sakit siya sa utak, kinailangan ng operahan pero dahil hindi sapat ang pera namin, nanatili nalang siya dito sa hospital. Kaya lang ngayon, palala na daw ng palala ang kalagayan ni Mama at kailangan na talaga siyang operahan.
Sunod-sunod na namang tumulo ang luha ko, iniisip na bakit kailangang maghirap nang ganito ni Mama. Mas humigpit ang yakap sa’kin ni Vino.
“M-Mahal…kailangan…k-kailangan na daw siyang… operahan..” Pumiyok ang boses ko. “H-Hindi ko alam.. kung saan makakakuha ng pera..”
“Hahanap ako ng paraan.” Sabi niya saka hinagod ang likod ko. Wala akong nagawa ng araw na ‘yon kundi umiyak habang yakap niya.
___
“The number you have dialed is either unattended or out of coverage area. Please try your call later.”
Kanina pa ako hindi mapakali dito sa hospital dahil hindi sinasagot ni Vino ang phone niya. Pangatlong araw na kasi ngayon simula nang huli ko siyang makita at nag-aalala na ako ng sobra.
“Dianne…”
Napalingon ako nang may tumawag sa’kin. Saka ko nakita si Khloe, ang Bestfriend ko.
“Khloe, napadalaw ka?” Umupo siya sa visitor’s chair kaya naupo narin ako sa tabi niya.
“Dianne, ano kasi…” Parang...


nagdadalawang isip siya magsalita. Nangunot ang noo ko.
“Bakit? May problema ba?”
Sandali pa siyang tumitig sa’kin. Saka inilabas ang phone mula sa sling bag niya. “Alam kong marami ka nang pinagdaraanan ngayon pero kasi, kailangan mo ‘tong makita.”
Bigla ay kinabahan ako. Nilahad niya sa’kin ang phone niya at may pinakitang picture doon. Nanginig ang mga kamay ko nang makita kung ano ‘yon.
“Nakuha ‘yan doon sa isa kong kaibigan… Dianne, s-sorry.. hindi ko alam na—”
“H-Hindi…” Umiling ako. “Hindi ‘to si Vino..”
Natahimik si Khloe dahilan para magsimulang mangilid ang mga luha ko. Hindi siya sumagot at isa lang ang ibig sabihin no’n. Pero kahit alam kong totoo ang nakita ko, mas gusto kong magbulag-bulagan.
Dahil doon sa picture.. si Vino ay may babaeng kahalikan.
___
“M-Mahal…”
Namumugto na ang mga mata ko kakaisip ng kung ano-ano. Hindi pa nga maayos si Mama ay may dumagdag na namang problema. Ang sakit na sa ulo.
“Mahal—”
“Wag mo akong hawakan.” Malamig kong tugon kay Vino. Pagkatapos ng apat na araw ay ngayon lang siya nagpakita sa’kin. Hindi ko mapigilan ang galit ko.
“H-Hindi ko yun sinasadya mahal. Maniwala ka naman sa’kin, oh…”
Nangilid ang mga luha ko. Pero nang maalala ang litrato na ‘yon ay sunod-sunod na namang tumulo ang mga luha ko. Napahagulgol ako habang takip ang palad sa mukha.
“Bakit… b-bakit mo nagawa sa’kin ‘to? M-May… may kulang ba sa’kin… Vino?” Mahina kong tanong habang patuloy na umaagos pababa ang mga luha.
Napaluhod din siya sa harap ko, umiiyak. “I-I’m sorry… m-magpapaliwanag ako—”
“Magpapaliwanag para saan pa? Malinaw ang nakita ko, Vino. Hinalikan mo ang babaeng ‘yon.”
“H-Hindi ko ‘yon sinasadya—”
“T*ngina, Vino!” Parang pinipiga sa sakit ang puso ko ngayon. “Ginawa ko naman lahat, ah?! Bakit kailangan mo pa akong lokohin?!”
“Dianne—”
“Hindi!” Umatras ako nang magtatangka sana siyang lumapit. “Tapos na tayo, Vino.”
“P-Pero…” Natigilan siya at napatulala sa’kin. Saka sunod-sunod na tumulo ang luha niya. “S-Sabi mo…h-hindi mo ako iiwan…”
“Mangyayari ‘yon kung hindi mo ako niloko.” Saka ay iniwan ko na siya doon na nakaluhod at parang wala sa sarili.
____
Walang tigil kakatulo ang luha ko habang nasa harap ng lamay ni Mama. Hindi ko matanggap na pagkatapos ng lahat, mawawala rin pala siya sa’kin.
“Dianne.”
Si Aaron, isa sa tropa ni Vino. Tipid siyang ngumiti sa’kin.
“Nakikiramay ako.”
Tahimik lang akong tumango. Saka siya tumabi sa’kin, nakatingin rin sa kabaong ni Mama.
“May ibibigay pala ako sa’yo.” Hindi ako nagsalita. May nilahad siyang puting sobre sa’kin, parang makapal ang laman. Nangunot ang noo ko.
“Ano ‘yan?”
“Pera ni Vino.”
Mas lalo akong nagtaka. Saka inabot ang sobre na ‘yon. Pero halos mamilog sa gulat ang bibig ko nang makita kung gaano karami ang pera na nandoon.
“Anong… saan ‘to galing?”
“Ako na ang magpapaliwanag sa’yo.” Seryoso niyang sabi. “Para sana ‘yan sa pang pa-opera ng Mama mo, kaso nahuli na siya kasi… n-nakipagpatayan pa siya para lang makuha ang pera na ‘yan…” Humina ang boses niya. Dinagundong ng malakas ang puso ko.
“N-Na..nakipagpatayan?”
“Wala na si Vino, Dianne.” Nakita kong tumulo ang luha niya kahit nakayuko siya. Parang gumuho ang mundo ko. “P-Pinasok niya ang trabahong illegal.. para sa’yo, para sainyo ng Mama mo. Desperado na siya noon kaya kahit pagbebenta at paggamit ng droga ay trinabaho niya. Trinaydor siya ng mga kasamahan niya k-kaya nakipagpatayan siya sa kanila para makuha ang pera na dapat sa kaniya at agad na maiabot sa’yo para maligtas ang Mama mo..”
Nanikip ang dibdib ko at nanginginig na napaluhod. Napatutop ako sa bibig nang magsimula na naman akong humagulgol.
“Hindi rin si Vino ang humalik sa babaeng ‘yon.” Natigilan ako ng magsalita ulit siya. “Sapilitan siyang pinagamit ng droga kaya nahalikan siya noong babae.”
Mas lalo akong napaiyak. Kinakain ng konsensya at pagsisisi. Kung sana lang… pinakinggan ko siya noon, hindi sana aabot sa lahat ang ganito ngayon.
✍️: Janess Manunulat | @janessCious
• Work of Fiction






Share On Whatsapp

Leave a Reply






top