By Yzabelah
Hindi pa rin makalimutan ni Vivienne ang nangyari kanina sa parking lot kahit pa nga ilang minuto na ang nakalipas. Hanggang ngayon ay ramdam pa rin niya ang pag-iinit ng kanyang pisngi hanggang sa kanyang tenga sanhi ng pamumula at matinding kahihiyan nang naging kilos niya. Sa buong buhay niya wala pa siyang lalaking nayayakap ng ganoon kahigpit kung hindi ang lalaking ito.
Kahit hindi niya ito tuwirang tinatapunan ng tingin ay batid niyang kanina pa siya nito paulit-ulit na pinagmamasdan sa pagitan ng pagsubo nito. Batid rin niyang walang humpay ang pagngiti nito sa tuwing pupukulin siya nito ng tingin. Gusto niyang mairita at magsungit sa lalaki ngunit ayaw naman niyang isipin nito na napakalaki ng epekto sa kanya ng pagkakadaite na iyon ng kanilang mga katawan.
Ni hindi niya magawang galawin ang pagkain na nasa kanyang harapan.
“Ayaw mo ba ng pagkain?” tanong nito sa kanya, dahilan upang magtaas siya ng tingin rito.
Kusang puminta na naman ang isang malawak na ngiti sa mga labi nitong may kaaya-ayang hugis at kulay na sadyang mamula-mula.
Oh my god! Pati ba naman iyon ay napansin pa niya? Kailan pa siya naging mapagmasid sa kung anumang hugis at kulay ng labi mayroon ang isang lalaking nakakaharap niya? Bigla siyang napalumod-laway bago magsalita dahil pakiramdam niya ay nanuyong bigla ang kanyang lalamunan.
“Wala ka bang gagawin kung hindi ang ngitian ako ng ngitian?” sa halip na tugunin ang tanong nito ay iyon ang namutawi sa kanyang mga labi.
“Nakaka-distract ba ang mga ngiti ko, kaya ba hindi mo magawang kumain?” balik na tanong agad sa kanya ng lalaki.
Napatingin siya ng deritso sa mukha nito sanhi upang masalubong naman niya ang titig nito na isa pang nagpapawala sa katinuan niya. Gusto niyang isigaw sa mukha ng lalaki na, oo nakaka-distract ang mga ngiti nito hanggang sa puntong nagagawang mag-dribol ng tibok ng kanyang puso, subalit pinilit na lang niyang manahimik at ipinasyang harapin na ang pagkain. Ayaw niyang lalo pa silang ma-delay at magtagal roon.
Grilled pork and buttered garlic shrimp ang inorder nito para maging pananghalian nila. Sinamahan pa nito ng vegetable salad dahil na rin sa hiling niya. Fresh Buko with lemon juice ang naging refreshment nila. Hindi na rin naman masyadong umorder ng marami ang lalaki dahil na rin sa lahat ng tanungin nito kung kakainin niya ay iisa lang ang sagot niya, kung hindi bahala na ito dahil hindi naman siya maghi-heavy meal.
Akmang hihiwain na niya ang grilled pork nang agawin sa kanya ng lalaki ang plate at ito na ang nagkusang hiwain iyon. Matapos iyon ay muling ibinalik sa kanya.
Bukod sa kakambal niyang si Maximillian ay wala pang lalaking nagpapakita sa kanya at gumagawa ng mga ganoong akto ng pagiging gentleman. Kung mayroon mang nagtatangka ay hindi na niya iyon agad binibigyan ng pagkakataon na gawin pa sa kanya. Pero ang lalaking ito, kagabi lang niya nakilala ay napakarami ng mga bagay na nagawa sa kanya at mga pangyayaring naganap sa pagitan nila.
“You are so beautiful!”
Napatigil siya sa akmang pagsubo nang marinig ang sinabing iyon ng lalaki. Muli niyang ibinalik ang tingin rito.
“Anong ginagawa mo?” seryosong kumunot ang noo niya nang bitawan ang tanong na iyon sa lalaki.
“Sinasabi kung ano ang nakikita ko,” tugon nito.
“Next time makabubuting manahimik ka na lang!”
Kailangan niyang paglabanan ang nararamdamang bahagyang paglukso ng puso niya dahil sa simpleng papuri na iyon ng lalaki. Hindi na siya teenager para magpadala sa ganoong papuri. Marami ng lalaki ang naringgan niya ng papuri sa kagandahang taglay niya pero bakit iba ang dating ng papuring natanggap niya ngayon sa lalaki?
“Hindi ako sinungaling na tao. Isa ka sa patunay sa kagandahang nilikha ng Diyos sa mundo,” seryoso ang pagkakabigkas na iyon ng lalaki sa mga salitang iyon.
Hindi niya malaman kung ano ang magiging reaksyon sa sinabi nito.
“Alam mo kung ano ang kulang sa iyo?”
Naintrega siyang bigla sa kung anumang kulang sa kanya na sasabihin ng lalaki.
“Pintahan mo ng mga ngiti ang kagandahang mayroon ka,” matapos sabihin iyon ay kumindat pa ito sa kanya.
“Walang dahilan para lagi akong ngumiti. Ginagawa ko ang lahat sa seryosong paraan. Kung sa tingin mo iyon lang ang kulang sa akin, nagkakamali ka!”
“Alam ko! Maraming kulang sa buhay mo!”
Huli na para mabawi niya ang huling pangungusap na sinabi sa lalaki. Para na niyang binigyan ng hint ang lalaki na hindi perpekto ang buhay na mayroon siya. Na sa kabila ng kanyang marangyang pamumuhay ay may malaking kulang sa buhay niya. Bagay na ayaw niyang ipahalata sa kahit na sinuman.
Noon biglang nag-ring cellphone niya na kasalukuyang nakapatong sa mesa sa tabi ng plate niya. Inignora niya iyon nang makita kung kaninong pangalan ang nag-appear sa screen, kay Maximillian. Ngunit walang sawa talaga ang kakambal niya sapagkat paulit-ulit ang naging pagtawag nito.
“Sige na, sagutin mo na,” ang lalaki na mismo ang kumumbinse sa kanya na sagutin iyon.
“Hindi na kailangan, kakambal ko iyan, mangungulit lang iyan,” hindi niya malaman kung bakit sinadya pa niyang ipaalam sa lalaki na ang pangalan ng lalaking nag-aappear sa screen ng cellphone niya at tumatawag sa kanya ay ang kakambal niya.
Nag alala siyang baka ang iniisip ng lalaki ay kasintahan niya ito o manliligaw. Bagay na pinagsisisihan na naman niya. Nagiging obvious na ba ang pagiging defensive niya?
Dahil nga nakukulitan na rin siya ay minabuti niyang sagutin iyon. Tumigil siya sandali sa pagkain at nag-excuse sa lalaki. Bahagya pa siyang tumagilid upang magkaroon ng kaunting privacy kahit hindi siya umaalis sa pagkakaupo.
“Nasa Valle Hotel ka na ba?” bungad na tanong agad ng kakambal niya nang sagutin niya ang tawag na iyon.
“Wala pa, bakit?”
“Tamang-tama, naka-check-in doon si Tobias Cailler, you know him, right?”
Sino ba naman ang hindi makakakilala kay Tobias Cailler, na bukod sa isa ring heredero at isinilang ng may gintong kutsara sa bibig ay kinababaliwan ng ibang mga kababaihan at paboritong target ng mga gold digger? Ang lalaking ang libangan na lang yata ay ang pagpapalit ng nobya! Isang lalaking certified womanizer!
“So?” wala siyang pakialam kung nasa Valle Hotel man ang lalaking iyon ngunit ninais pa rin niyang marinig mula sa kakambal ang nais nitong mangyari.
“Have a date with him!” tahasan nitong wika.
“What!” medyo napataas ang tinig niyang iyon dahil sa narinig na sinabi ng kakambal. “ Please, Maximillian, I don’t need to have a date with him!”
“Intresado siya sa iyo.”
“But I’m not interested! He’s a certified womanizer for god’s sake! I can’t imagine myself having a date with him!”
“He promised me, he will behave! Please, Vivienne, for this time, be a lady,” may pagsamo ang tinig na iyon ng kakambal niya. “Hahayaan ba kitang mapahamak sa kamay ng isang lalaki?”
“Anong deal n’yo at nakikiusap ka sa akin ng ganyan?”
“Wala naman, I just want you to have a companion.”
“Tell me Maximillian, kung gusto mong pagbigyan kita.”
Narinig niyang bumuntong hininga pa...