STEALING HIS INNOCENCE CHAPTER SEVEN


By Yzabelah
🌺🌺🌺🌺🌺🌺🌺🌺
MAAGANG nagising si Vivienne nang umagang iyon. Sinadya niyang i-set ang alarm clock sa cellphone niya eksaktong alas singko ng umaga. Nais niyang maagang bisitahin ang taniman ng mga bulaklak. Kailangang makita mismo ng kanyang mga mata ang katotohanan ng sinabi ni Hyacinth na wala siyang dapat ikabahala. Hindi sa nagdududa siya kung hindi kailangan niyang samantalahin ang pagkakataon na pagsawain ang kanyang mga mata sa napakalawak na tila dagat ng iba’t-ibang bulaklak sa hardin.
Matapos makapag-shower at makapag-ayos ng sarili ay lumabas na siya ng silid niya at tinungo ang dining room upang kumuha ng mainit na tubig sa water dispenser. Iyon na lang ang inilaman niya sa kanyang tiyan nang umagang iyon bago tuluyang lumabas ng cottage house. Iyon ang morning routine niya, ang pag-inom ng mainit na plain water, parte na rin ng healthy diet niya.
Pasado alas sais na noon nang umaga. Sumisilip na rin ang mangilan-ngilang sinag ng papasikat na araw. Lubos ang paghingi ng paumanhin ni Hyacinth nang makitang nauna pa siyang naglakad-lakad sa pathway sa gilid ng malawak na taniman.
“Pasensiya ka na, Ms. Vivienne, hindi ko inaaahan na mauuna ka pa sa akin na lumabas ng cottage house,” wika nito nang makalapit agad sa kanya.
Tipid na ngumiti siya rito.
“Okay lang, sinadya kong gumising ng maaga para makita ko ang pagsikat ng araw at ng hindi masyado mainit sa balat ang pagbisita natin sa hardin,” tugon ni Vivienne.
“Magpapahanda muna ako ng almusal,” wika ni Hyacinth na pinukol ng tingin ang kalalabas din lang na lalaki sa cottage house.
Nilingon ni Vivienne ang lugar kung saan nakatingin si Hyacinth at tumambad sa paningin niya si Julian. Sa ayos nito na naka T-shirt na puti at Gray na pantalon ay ganap itong larawan ng lalaking tila modelo kung manindigan. Nasa mukha na naman nito ang nakakamagnetong mga ngiti.
Agad niyang binawi ang kanyang paningin at itinanaw iyon sa ibang direksyon. Kailangan ba talagang sa tuwing pagmamasdan niya si Julian ay kailangan niyang idetalye sa isip niya ang hitsura nito?
Samantala noon din ay tinawagan ni Hyacinth si Jasmine upang sabihin rito na puwede na nitong ihanda ang breakfast na pagsasaluhan nila, doon mismo sa nipa cottage na nasa labas ng cottage house na tinuluyan ng mga bisita.
Hindi naman nagtagal at dumating ito kasama sina Tatay Quintin at Nanay Rosita dala ang native square basket kung saan naroon ang mga lutong almusal na galing sa mansiyon.
Matapos maihain ang mga iyon sa mesa ay niyaya na ni Hyacinth ang mga bisita niya para dumulog sa mesa.
Noon din ay nagpaalam naman ang mag-anak na babalik na sa mansiyon na pinayagan naman niya.
Sa breakfast na iyon ay muli silang nagkasalo-salong tatlo. Tipikal na heavy meal ang mga nakahain roon. Walang interes si Vivienne na kumain ng kanin nang oras na iyon. Tanging sa lunch lang siya naka-plan para kumain ng kanin kaya naman kumuha na lang siya ng sliced na mansanas at naglagay sa plato.
Napatingin naman si Hyacinth sa kanya. Nasa mata nito ang pagtatanong. Nakuha agad ni Viviene ang kahulugan ng tingin na iyon ng dalaga.
“Huwag kang mag-alala, Ms. Cueva, ayos na sa akin ito. Hindi ako kumakain ng heavy meal sa umaga,” wika ni Vivienne upang pawiin ang kung ano man na tumatakbo sa isip nito, kung bakit wala siyang balak na galawin ang ibang nakahain sa mesa.
Napatango na lang si Hyacinth. Kagabi nga ay hindi na rin ito kumain ng kanin, tanging ang hinanda nilang caesar’s salad lang ang kinain nito sa dinner at wala ng iba pa. Iba rin ang klase ng diet ng babae. Halata naman sa balingkinitan nitong pangangatawan ang klase ng diet nito.
Walang anu-ano ay kinuha naman ni Julian ang pinggan niya at nilagyan iyon ng fried rice. Nilagyan rin iyon ng lalaki ng pritong itlog at sliced ham. Matapos iyon ay inilapag na sa harap niya. Walang sabi-sabing isinantabi muna nito ang plato ng mansanas na nasa harap niya.
“Subukan mong kumain ng kanin,” seryosong wika ng lalaki. “Hindi ka naman tataba agad kapag kumain ka ngayon ng kanin.”
Napatingin si Vivienne sa lalaki. Nang hindi siya kumilos para sundin ito ay buong kapangahasan na kumuha ito ng fried rice at sliced ham at iniakmang susubuan pa siya.
Tila nag-init ang mga pisngi niya dahil sa ikinilos na iyon ni Julian. Bigla siyang bumaling ng tingin kay Hyacinth na noon ay kasalo rin nila. Inaalam niya ang reaksiyon nito. Nakita niyang ngumiti lang ito sa kanya at nakamasid na tila hinihintay kung tatanggapin niya ang isinusubo sa kanya ni Julian. Pagbalik niya ng tingin sa lalaki ay nananatiling nakataas pa rin ang kutsang hawak nito na may pagkain at naka-level sa may labi niya.
“J-Julian, stop it!” halos pabulong niyang wika rito.
Sa halip na sundin siya ng lalaki ay ngumiti lang ito sa kanya. Walang balak na sumuko.
Para matahimik na ang lalaki ay tinangka niyang kunin dito ang kutsara upang siya na mismo ang magsubo sa sarili ngunit mabilis na hinawakan ng isang kamay nito ang kamay niya upang pigilan siya.
“Sige na, ako na ang magsusubo sa iyo,” wika pa nito na parang kung kausapin siya ay katropa lang siya nito.
Parang napaso siya na agad niyang binawi sa lalaki ang kamay niyang nahawakan nito. Para matapos na rin ang tagpong iyon at matahimik na ang lalaki ay pinagbigyan na niya ito. Marahan niyang tinanggap ang isinusubo na iyon ng lalaki.
Bakas naman ang kasiyahan sa mukha ng lalaki matapos niyang tanggapin iyon.
Halata naman ni Julian na tila napilitan lang ang babae. Hindi na rin niya sinundan pa ang ginawa niyang una sapagkat kita na niya sa mga tingin pa lang nito ang bahagyang pagkairita sa kanya. Naalala pa niya ang sinabi ng pinsan niyang si Maurelle na maikli ang pasensiya ng dalaga sa lahat ng bagay. Propesyonal nga lang ito kaya hindi ito nawawala sa poise kahit na nagagalit o naaasar na.
MATAPOS ang almusal na pinagsaluhan nila ay inilibot na ni Hyacinth sa taniman si Vivienne. Dinala niya sa panig kung saan nakatanim ang mga Calla lily na gagamitin sa kasal ni Tatiana.
“Sapat ang mga bulaklak para sa simbahan at maging sa venue ng kasal,” wika ni Hyacinth.
“Please, reserve all white and red calla lilies. Red is Tatiana’s favorite color,” pagbibigay alam ni Vivienne sa kausap.
“Okay, sure,” tugon nito na tumango pa.
“Anyway, I’m sorry, kung na-cancel ang mga Amaryllis na order ko sa iyo.”
Biglang lumungkot ang mukha ni Hyacinth nang marinig ang sinabing iyon ng kaharap. Amaryllis ang mga bulaklak na gagamitin sana sa kasal ng kaibigan niyang si Cleo.
“Ayos lang, wala namang may gusto ng nangyari at hindi naman iyon sinadya. Sana lang dumating ang araw na matuloy ang kasal nila,” umaasa si Hyacinth na magbabalik rin ang nawalang memorya ni Calyx Lee, ang lalaking pakakasalan ni Cleo.
Hindi tumugon si Vivienne. Purely business lang sa kaniya ang lahat at wala naman siyang pakialam kung matuloy o hindi ang kasal na iyon. Hindi siya simpatikang babae para isipin pa ang kalagayan ng kanyang mga kliyente.
“Mag-iissue ako ng check para sa cancelled orders,” wika pa ni Vivienne. Batid niyang nakompormiso ang mga bulaklak ng Amaryllis sa farm na iyon at isang malaking pagkalugi iyon sa panig ni Ms. Cueva. Mga...


bulaklak na nai-reserved sa kanila na sana ay naibenta pa sa iba.
“Don’t bother! Hindi mo na kailangan pang mag-issue ng tseke. Hindi naman namin na-harvest ang mga bulaklak, so hindi rin siya nasayang,” ngumiti si Hyacinth sa kanya upang ipaabot na ayos lang ang nangyari.
“Okay, thank you,” ginantihan ni Vivienne ang ngiting ipinagkaloob sa kanya ng dalaga. “ Pag dating ko sa Manila, ipade-deposit ko sa account mo ang down payment.”
“Sure! “
Nang magkasundo na ang dalawa at magsarado ng usap ay nagpaalam na si Vivienne upang noon din ay bumalik na sa Manila. Hindi niya kailangan magsayang pa ng oras sapagkat marami pa siyang aasikasuhin. May anim na nakalinyang kasal pa siyang aayusin at ipaplano. Ang kasal ng mga apo ni Don Zandro Brillante.
MAGICAL DREAM, MANILA
Sa halip na sa mansiyon magpahatid si Vivienne upang tuluyang makapagpahinga ay sa Magical Dream niya ipinatuloy ang kotse. Pasado alas tres na ng hapon noon ngunit ipinasya pa rin niyang dumaan sa kanyang opisina.
Nang igarahe ni Julian ang kotse niya sa parking lot ng sampong palapag na gusaling pag-aari niya na nagsisilbing kompanya niya ay hindi na siya naghintay na ipagbukas ng lalaki ng pinto upang alalayang lumabas. Kusa na siyang lumabas roon. Bumaba rin si Julian mula sa driver’s seat at lumapit sa kanya.
“Iwan mo na lang dito sa parking lot ang kotse ko. Sumama ka sa akin at ipabibigay ko sa sekretarya ko ang bayad sa naging serbisyo mo mula pa kahapon.” Seryoso ang mukha ni Vivienne habang winiwika iyon.
Magsasalita pa sana si Julian ngunit agad na siyang tinalikuran ng babae. Wala tuloy siyang choice kung hindi ang sumunod rito. Mula sa likuran ay kitang-kita ng binata ang natural na pag-imbay ng balakang ng babae sa mala modelong paglakad nito. Tila napapasong binawi niya ang kanyang paningin.
Ganap na larawan si Vivienne nang isang aristokratang babae sa pananalita, sa tindig at maging sa kilos man. May personalidad rin itong may pagka-superior at demanding.
Napansin niyang tila ilag ang mga empleyadong nakakasalubong ng babae sa gusaling iyon. Lahat ay bumabati ng buong galang at ang ilang nag-uumpukan na nadadaanan nito ay mabilis na naghihiwa-hiwalay na tila ba natatakot na maabutan nitong nag-uusap man lang. Napansin niyang sa mga taong bumati sa babae ay ni isa man ay wala itong tinugon bagaman at tinatapunan nito ng tingin. Ni wala din kahit simpleng ngiti bilang sukli sa mga pagbati ng mga ito.
Nakaramdam ng lungkot si Julian sa nasaksihan. Paano naging ganoon kalamig ang babae sa mga tao sa paligid nito? At humahanga rin siya sa mga empleyado ng kompanya nito sapagkat tulad ni Maurelle ay hindi nagagawa ng mga ito na abandonahin ang babae para humanap ng ibang mapagtatrabahuhan.
Nang bumukas ang elevator na magdadala sa kanila sa ika-sampong palapag kung saan naroon ang opisina ni Vivienne ay nauna na siya sa lalaki para pumasok roon ngunit sadya nga yatang makulit at nananadya ang pagkakataon sapagkat napasingit ang stiletto heels ng sapatos niyang suot sa may pinto na naging sanhi ng pagkatalisod niya.
Susubsob sana siya sa sahig kung hindi pa naging mabilis ang paghapit ni Julian sa kanyang baywang. Ramdam niya ang pwersang humatak sa kanya huwag lamang tuluyang sumubsob sa elevator floor. Ngunit mas ramdam niya ang init ng katawan ng lalaki at ang matigas na dibdib nito dahit sa pagkakaandal niya sa katawan nito.
Mabilis niyang inalis ang brasong nakayakap sa baywang niya upang agad na mailayo ang katawan niya rito ngunit noon niya naramdaman ang bahagyang paninigas ng kalamnan ng kanyang mga binti at tila pinulikat pa yata siya.
Nakita naman ni Julian na hindi makahakbang si Vivienne at nang pilitin nito na kumilos ay akma na naman itong babagsak kaya naman nangahas na siya kahit pa nga hindi iyon sang-ayunan ng babae.
Halos nanlaki ang mga mata ni Vivienne nang maramdaman ang pag-angat ng kanyang katawan nang buong kapangahasan siyang buhatin ni Julian. Ang hindi pa niya inaasahan ay nang mapalinga siya sa paligid at makitang napakarami ng empleyado ng Magical Dream ang nakuha nila ang atensyon at nakamasid sa kanila. Para siyang mamamatay sa hiya sa ginawa ng lalaki.
“J-Julian, put me down!” mariin niyang utos sa lalaki.
Sa halip na tugunin siya nito ay binuhat siya nito na papasok sa loob ng elevator.
“Anong floor ng opisina mo?” tanong nito sa kanya habang buhat-buhat siya.
“Ibaba mo ako!”
“Hindi masamang minsan ay tumanggap ka ng tulong lalo na at hindi mo kaya,” sa halip na ibaba siya nito ay wika nito.
“Pero—”
“Anong floor? Sabihin mo na para hindi na tayo magtagal pa sa ganitong ayos.”
Dahil nakita ni Vivienne na tila desidido ang lalaki na buhatin siya hanggang sa opisina niya kaya siya na mismo ang umabot para pindutin ang button para sa 10th floor.
Ang buong akala ni Vivienne ay ibababa na siya ng lalaki nang bumukas ang elevator sa ika-sampong palapag ngunit muli itong nagtanong.
“Saan ang opisina mo?”
“Ibaba mo na ako,” piglas niya.
Pakiramdam ni Vivienne ay sirang-sira ang reputasyon niya sa ayos niyang iyon dahil maging ang mga nakakakita sa kanilang empleyado na nasa 10th floor ay batid niyang lihim na may pagtataka sa ayos ng mga ito at ang iba naman ay hindi nakaligtas sa kanyang paningin ang pagtutop ng mga kamay ng mga ito sa mga labi nila.
Noon naman sila nasalubong ni Maurelle na batid na ang nangyari dahil may isang empleyado ng tumawag rito na nakakita ng nangyari sa baba.
“What happened! Anong nangyari?” tarantang tanong ni Maurelle na punung-uno ng pag aalala ang mukha. Iginiya nito si Julian patungo sa deriksyon ng opisina ng dalaga. Ito na rin ang pumuhit sa door knob ng pinto upang makapasok agad ang dalawa.
Nang makarating sa loob ng opisina ay marahang inilapag ni Julian paupo sa sofa ang babaeng kasalukuyang pulang-pula ang mukha nang sandaling iyon.
Akala ni Vivienne ay lulubayan na siya ng lalaki ngunit hindi pa ito nakuntento sapagkat naupo ito sa harap niya at ang pinangahasan naman ay ang paa niya. Akma nitong ima-massage ang namumulikat niyang mga binti ngunit agad na niyang tinawag si Maurelle.
“Maurelle, palabasin mo na siya!” wika nito na hindi tumitingin sa lalaki. “ Huwag mo akong hahawakan!” banta nitong bigla sa lalaki sa mahina ngunit mariing tinig.
Hindi siya nagagalit kung hindi sobra na siyang nahihiya at naiiskandalo ang pagkababae sanhi ng mga naging kilos ng lalaking kahit alam niya ang pangalan at nakasama na niya ng dalawang araw ay maituturing pa rin niyang estranghero.
Dahil kabisado naman ni Maurelle si Vivienne ay lihim nitong sinenyasan si Julian na iwan na nito ang babae. Walang nagawa ang lalaki kung hindi sumunod sa pinsan.
“Issue-han mo siya ng tseke, at huwag ka munang magpapapasok dito sa opisina ko. Ayokong maistorbo ngayon!” utos pa ulit nito kay Maurelle.
Hindi man tumugon si Maurelle ay batid ni Vivienne na nakuha nito ang ibig niyang mangyari.
Nang tuluyang mapag-isa na si Vivienne sa loob ng opisina niya ay tila siya nakahinga ng maluwag. Pinayapa ang nag-aalborotong dibdib sanhi ng nagdidribol na tibok ng kanyang puso. Hindi na niya nagugustuhan ang kusang response ng kanyang Sistema sa tuwing magkakalapit sila ng estrangherong lalaki na iyon. Wala pang nagpakabog ng kanyang dibdib ng ganoon kung hindi ito lang.






Share On Whatsapp

Leave a Reply






top