NAIA, MANILA, PHILIPPINES
Ilang oras ng naghihintay si Amanda Sofia sa airport pero hindi pa rin dumarating ang sundo niya. Panay na ang tingin niya sa kanyang wristwatch. Halos dalawang oras na siya roon mula nang lumapag ang eroplanong sinasakyan niya mula Australia kaya lalo siyang nakaramdam ng pagkaasar.
Napawi lang ang pagkainip niya nang may humintong kotse sa harap niya.
“Sakay na!” baritonong utos nito. Ibinaba lang ng lalaki na may dala ng kotse ang bintana, pero hindi man lang bumaba para ipagbukas siya ng pinto ng kotse at ipagbuhat ng mga bagahe niya.
Napataas siya ng kilay nang mahalatang wala itong balak na bumaba sa kotse upang ipagbuhat siya ng mga bagahe.
“Hindi mo ba ako tutulungan na maisakay ang mga bagahe ko?”
“Kaya mo na iyan,” balewalang tugon nito.
Hinayaan nga siya nitong magbuhat ng mga gamit niya. Pawisan siya pagkatapos maipasok sa compartment ng kotse ang maleta niyang dala. Matapos iyon ay padabog niyang binuksan ang pinto ng kotse at sumakay. Asar na asar siya sa lalaki.
“Kumusta ang flight mo?”
“Magmaneho ka na lang, huwag mong pakialaman ang naging flight ko!” Pambabara niya sa lalaki.
Napakunot noo naman ang lalaki na tila hindi nagustuhan ang sagot niya. Dahil doon hindi na siya nito kinausap hanggang sa makarating sila sa Baguio.
BAGUIO, PHILIPPINES
Matapos maigarahe ni Zach ang kotse ay iniwan na lang siya nito. Tulad kanina ay hindi rin siya nito tinulungang maibaba ang mga gamit niya. Minabuti niyang sa mga katulong na lang ipapasok ang maletang dala.
Pagpasok niya sa loob ng tahanan na naging saksi sa kanyang kabataan ay bigla siyang nalungkot.
Ngayon ulila na siyang lubos. Namatay ang kanyang Mama dahil sa pagsisilang sa kanya. Ang kanya naman ama ay pumanaw na rin dahil sa atake sa puso. Kapwa nalibing ang dalawa sa Australia.
Sa Australia siya isinilang kaya naman hindi na iniuwi ang mga labi ng mama niya para dito mailibing. Ang Papa naman niya ay inatake sa puso at doon din binawian ng buhay nang minsang magbakasyon ito roon kaya sa tabi na rin ng asawa inilagak ang labi nito.
Naalala niya ang Papa niya kung paano ito naging ama’t ina para sa kaniya. Lumaki siyang nasusunod ang layaw, at nang hilingin niyang mag-aral sa Australia ay pinagbigyan siya nito.
Aaminin niya laging sakit ng ulo ang ibinibigay niya rito. Ninais niyang mag-aral at manirahan sa Australia simula nang kupkupin nito si Zach, bagay na pinakakatutulan niya noon.
Isa lang kasi itong batang kalye. Natatandaan pa niyang trese anyos pa lang siya noon at diseotso naman ito. Nakilala ito ng papa niya nang minsang muntik na itong mabangga ng kotseng minamaneho ng kanyang ama. Nang iuwi ito ng kanyang Papa ay pilit niya iyong tinutulan pero hindi pumayag ang papa niya.
Mula noon itinuring na niyang karibal ang lalaki dahil nakikita niya ang pagpapahalaga at pagmamahal na iniuukol ng papa niya rito.
Naging napakasakit din kay Zach ang pagkawala ng itinuturing niyang ama. Lubhang napakabait nito at mahal na mahal siya. Ngayong nandito na ang tunay nitong anak kailangan niyang tuparin ang bilin lagi ng kanyang ama-amahan.
“Isa lang ang tanging kayamanan ko, Zach, iyon ay si Mandy. Hindi ako nanghihinayang kung unti-unting nauubos ang pera ko basta at masunod ko lang ang gusto niya. Kung sakaling darating ang oras na mawala ako, pakaingatan mo siya para sa akin.”
Hindi malaman ni Zach kung paano niya matatagalan ang ugali ng dalaga na halatang mula pa noon ay may galit na sa kanya.
Para kay Amanda Sofia babawiin niya sa lalaki ang lahat ng paga-ari na unti-unting inaangkin ng lalaki.
Mula sa bintana ng silid niya ay tanaw niya ang hardin. Naalala niya noong bata pa siya na kahit anong daming trabaho ng Papa niya ay parati itong may panahon sa kanya. Doon masaya silang naghahabulan ng Papa niya. Napangiti siya sa alaalang iyon.
Upang hindi ma-bored ay ipinasya ni Mandy na magtungo sa Valle Mansion upang ipaalam sa Aunt Ana Maria at Uncle Davin niya na dumating na siya galing Australia. Ang papa niya ay second cousin ng Uncle Davin niya.
Kahit may family driver sila ay hindi na nagpahatid rito si Mandy. Minabuti niyang siya na lang ang magmaneho ng kotse.
Dahil nga over speeding siya ay hinuli siya ng pulis. Yamot na nagpaliwanag siya.
“Miss, sa uulitin huwag kang over speeding,” wika ng isang traffic enforcer na kumuha ng driver’s license niya.
“Babayaran ko kayo huwag n’yo na lang ako abalahin,” wika niya rito.
“Miss, wala ka pa palang driver’s license dito, e sa Australia ito, eh.”
“Driver’s license din iyan ‘diba?”
“Mam, e bukod ho sa over speeding hindi rin ho kayo sumusunod sa traffic light, naka-stop na ho pero kayo go pa rin,”wika naman ng isa.
Kahit anong paliwanag at sabihin ni Mandy sa mga traffic enforcer ay isinama siya ng mga ito sa presinto.
Si Zach ang nag-ayos noon para siya makaalis na. Badtrip na badtrip siya nang sandaling iyon.
“Sana naman huwag mo na ulit gawin iyon,” seryosong wika ni Zach nang palabas na sila ng presinto at para puntahan ang sasakyang niyang nakagarahe sa parking lot ng police station.
“Huwag mo na akong sermonan, ayokong makipag-usap sa’yo,” tinalikuran na niya ang lalaki. Hindi man lang siya nagpasalamat sa pagtulong nito sa kanya na maayos ang...