WALA TALAGANG SECOND CHANCE SA PAG-IBIG
PROLOGO
“You may kiss the bride.” Kasabay ng dahang dahang pag-angat ni Carlo ng belo ang pagpatak ng luha sa mga mata ni Kristine. Matagal na hinintay at ipinalangin ni Kristine ang tagpong ito. Ang makasama ang pinakamamahal niyang lalaki sa tapat ng altar.
Hindi makakalimutan ni Kristine ang unang pagkakataon na nagkakilala silang dalawa. First year college palang siya noon nang di sinasadyang matapunan niya ng sawsawan ng fishballs ang uniform ni Carlo. Pero sa halip na komprontahin siya, laking gulat niya ng numero niya ang hininging pang abswelto nito.
Nagsimula sa pagiging textmate, hanggang sa naging tuluyan silang magkaibigan. Patapos na ang school year ng taong iyon nang magtapat sakanya si Carlo ng nararamdaman nito.
Pero hindi niya pa muna binigay ang matamis na oo bagama’t masidhi narin ang pag-irog niya para rito. Pinasabik at pinaghintay niya pa ito hanggang sa dumating ang panibagong taon ng pasukan.
Iyon kase ang mahigpit na bilin noon ng namayapa niyang lola. Kung talagang seryoso si Carlo at tapat sa nararamdaman nito. Magagawa nitong magtiis at maghintay kahit hindi sila nagkikita o nagkakasama, na siyang napatunayan naman ng binata kinalaunan.
Palaging nagdudulot ng ngiti sa mga labi ni Kristine sa tuwing naaalala niya ang naging matinding reaksyon ni Carlo pagkatapos niyang ibigay ang matamis niyang oo.
Nagsusumigaw ito, nagtatalon sa tuwa atsaka binuhat pa siya’t nagpaikot-ikot silang dalawa sa gitna ng marami nilang kapwa estudyante na nakasaksi ng tagpo.
Walang araw na hindi sila nagkasama. Hatid sundo siya ni Carlo sa eskwelahan araw-araw. Mapera ang pamilya ni Carlo kaya kahit nag-aaral palang ito, mayroon na agad itong sariling kotse na minamaneho.
Ang pamilya naman ni Kristine ay simple lang ang pamumuhay. Hindi mayaman pero hindi rin mahirap. Sa bangko nagtratrabaho ang mama ni Kristine, ang papa naman niya ay ofw sa Saudi.
Hindi naging mahirap para kay Carlo na kunin ang loob ng mga kasama ni Kristine sa bahay. Kalog kase, masiyahin at kahit na lumaki sa marangyang pamumuhay hindi mababakasan ng kahit anong kaartehan si Carlo sa katawan.
Sa katunayan, hindi maaaring matapos ang araw ng Linggo na hindi dumadalaw si Carlo sa bahay nila Kristine. Hindi ito nirequest ni Kristine kundi ang lola niya ang may hiling sapagka’t botong boto ito noon sa binata.
Kung hindi nga lang sila parehong nag-aaral pa, malamang naipilit ng matanda ang pagpapakasal nila noon.
Naunang nakapagtapos si Carlo sa kursong business management. Samantalang si Kristine naman ay tatlong taon pa ang bubunuin sa pag-aaral ng kursong edukasyon. Pagkagraduate na pagkagraduate ni Carlo ay sumabak agad ito sa pamamahala ng ilan sa mga negosyo ng pamilya nito.
Si Kristine naman ay mas naging abala sa pagsusunog ng kilay kaya nalimitahan ang oras ng dalawa na magkausap at magkasama. Sa isang linggo maswerte na kung mapuntahan siya ni Carlo ng dalawa o tatlong beses. Kapag masyado naman itong busy, minsan isang beses lang sa loob ng dalawang linggo.
Nakakapag-usap naman sila sa cellphone ngunit paikli ng paikli ang nagiging pag-uusap nila bawat lumilipas na araw. Gayunpaman, sa kabila ng padami ng padami nilang responsibilidad at prayoridad, hindi parin nabawasan ang pagmamahal ng dalawa para sa isa’t isa.
Hanggang sa huling taon na ni Kristine at makakapagtapos narin siya’t mapapauwi na niya sa wakas ang ama sa pinas....