What a Girl wants CHAPTER FOURTEEN


What a Girl wants πŸ’•πŸ₯°
🍬 CHAPTER FOURTEEN 🍬
NAKAUPO sina Claribelle sa gilid ng swimming pool at nagre-relax. Bago makeup-an ay ipinaliwanag na sa nanay niya na may partisipasyon ito sa episode para sa araw na iyon.
“Anak, kailangan ba akong tutukan ng camera? Hindi naman ako ganoon kaganda para ma-TV pa. Kita mo nga at wala pa akong tulog,” sabi ni Aling Myrna habang sapo ang magkabilang pisngi. “Kailangan pa bang gawin ito?”
“Oras na para makilala po kayo nang mabuti ng mga manliligaw ko. At para din po malaman ng lahat na hindi biro-biro ang trabaho ninyo,” sabi ni Claribelle. “Nanay ko kaya ang gumagawa ng pinakamasarap na pastillas sa buong Pilipinas.”
Ipinagmamalaki ni Claribelle sa lahat ang negosyo nilang mag-ina. Dahil sa exposure sa telebisyon ay dumami ang mga umo-order sa kanila. Lumaki ang operasyon nila at sa tulong din ng talent fee niya ay nakabili na ng bagong kagamitan ang kanyang nanay. Inaasikaso na rin nito ang business permit kaya sa gabi lang ito nasa mansiyon. Ayaw ng nanay niya na pabayaan ang pagma-manage ng negosyo nila dahil alam nito na pansamantala lang ang exposure niya sa telebisyon.
Hinaplos ni Aling Myrna ang buhok ni Claribelle. “Anak, masaya ka ba sa ginagawa mo? Maayos naman ba ang trato sa iyo ng mga manliligaw mo?”
“Opo. Inaalagaan naman po ako ng lahat dito.”
Kahit si Jaime ay natuto na ring makisama lalo pa’t sinabihan ni Kara na tatanggalin na ang lalaki sa susunod kapag hindi pa nagtino.
“Kailangan ba talagang mamili ka sa huli kahit na hindi mo naman sasagutin o hindi mo mahal?” nag-aalalang tanong ng nanay ni Claribelle.
“Nanay, sa TV lang po ito. Saka isipin niyo na lang na mga kaibigan ko sila. Parang kinikilala lang po ninyo ang mga kaibigan ko.”
“Alam ko kasi na mahal mo pa si——-”
“Huwag na po nating pag-usapan,” sabi ni Claribelle at huminga nang malalim. Ayaw na niyang umasa kay Reymart. Napag-tripan lang siguro ng lalaki na sagutin ang mga tanong sa trivia game dahil baka mahaba ang breaktime nito at walang magawa. Hindi si Reymart ang lalaking tumugtog para sa kanya sa bar. Wala itong oras para doon. At nalulungkot si Claribelle dahil umaasa ang puso niya na mag-e-effort din nang ganoon si Reymart para sa kanya.
“Anak, kahit na saan ka pa makarating, huwag mong kalilimutan ang lahat ng pangaral na itinuro ko. Huwag mo ring ikokompromiso ang alam mong tama para lang sa trabahong ito,” bilin ng nanay niya.
“Opo, Nanay,” sagot niya at niyakap ang ina.
🍬🍬🍬🍬🍬🍬🍬🍬🍬🍬
PAGALINGAN sa pagpapa-impress ang mga manliligaw ni Claribelle nang ipakilala niya sa kanyang ina. May natitira pa siyang anim na manliligaw at nangangalahati na sila sa show. Napansin niyang nag-blush ang nanay niya nang makilala si Jaime. Magaling talagang mambola ang lalaki.
“Hindi lang simpleng meet-and-greet kay Nanay Myrna ang mangyayari ngayong araw na ito, suitors. We also have a challenge today, para makilala ninyong mabuti sina Claribelle at Nanay Myrna. Tuturuan nila kayong gumawa ng pastillas,” sabi ng host na si Vhon.
“Whoooo! Easy, easy,” confident na sabi ni Jaime.
“At matapos balutin ang mga pastillas na gagawin ninyo, kailangan ninyong ibenta sa labas. Ang pinakamaraming mabebenta ay mananalo ng dinner kasama sina Nanay Myrna at Claribelle. Alalahanin ninyo kung gaano kahalaga kay Claribelle ang approval ng nanay niya. Advantage ito sa sino mang mananalo,” dagdag pa ni Vhon. “So, are you ready?”
“Ready!” sabay-sabay na sabi ng mga lalaki.
Matiyagang tinuruan ni Aling Myrna ng paggawa ng pastillas ang mga lalaki. Ang iba sa mga ito ay hindi magaling sa pagluluto pero sinusubukang makasunod sa instruction. Napansin ni Claribelle si Dave na dumudukot ng nabilot nang pastillas kay Gerlan.
“Pare, ang sarap talaga ng gawa mo. Pareho lang naman tayo.”
Tinampal ni Claribelle ang kamay ni Dave. “Um! Mauubusan si Gerlan ng ititinda.”
“Ang sarap kasi,” ngingisi-ngising sabi ni Dave.
“Singilin mo siya,” sabi ni Claribelle kay Gerlan at ngumuso kay Dave.
Natutuwa si Claribelle dahil sa nabuong pagkakaibigan ng mga lalaki. Parang magkakapatid ang mga ito o isang malaking barkada. Walang gaanong isyu. Although minsan ay lumalaki ang maliliit na di-pagkakaintindihan kapag ipinalabas na sa TV. Iniisip na lang niya na kailangan iyon sa show. Pero sa totoong buhay ay good vibes lang ang mga ito.
Humalukipkip si Claribelle sa tabi ni Jaime nang mapansing ang nanay na niya ang naghahati-hati ng nabuong pastillas. “Nay, pabayaan niyo na po si Jaime diyan. Gumawa lang ng pastillas, di pa kayang mag-isa.”
“Nangangalay daw kasi siya,” katwiran ni Aling Myrna. “Kawawa naman. Di pala siya sanay na magluto.”
“Naglalambing lang naman ako kay Nanay,” katwiran ni Jaime at yumakap pa sa baywang ng nanay ni Claribelle. “Thank you po, Nanay.”
Isang matamis na ngiti ang ibinigay ni Claribelle sa lalaki. “Sige. Tutal nanay ko naman ang gumawa ng pastillas para sa iyo, dito ka na lang at maghugas ng mga pinaglutuan. Hindi ka na kasali sa challenge. Mas nakakapagod kasi yon. Nakakahiya naman sa laki ng katawan mo kung wala kang gagawin.”
Humalakhak si Jaime. “You really have the hots for me, Claribelle. Bakit hindi mo na lang aminin?” At saka kumindat sa camera.
Alam ni Claribelle na maka-cut sa final editing ang panlalait niya kay Jaime at ang matitira na lang ay ang sinasabi ng lalaki na may pagnanasa siya rito. Alam na alam ng lalaki kung paano paglaruan ang camera. Kung gusto ni Jaime ang larong showbiz, sa palagay niya ay sisikat ito paglabas ng mansiyon. Pero hindi bilang “The One” para sa kanya. Sinasakyan lang niya ito sa ngayon.
Sa kabila ng pagiging tamad ni Jaime, ito pa rin ang nanalo sa challenge. Sa palagay ni Claribelle ay mas nag-enjoy ang nanay niya sa kanilang date. Kuhang-kuha ni Jaime ang kiliti ng nanay niya. May mabait na side naman ang lalaki kahit may-kayabangan. Nabanggit ni Jaime na maagang namatay ang nanay nito at hindi na uli nag-asawa ang ama kaya nami-miss nito ang pagkakaroon ng nanay na mag-aalaga rito.
“Salamat sa pagpapahiram sa akin sa nanay mo,” sabi ng lalaki nang ihatid si Claribelle sa ibaba ng hagdan na paakyat sa kanyang kuwarto.
“Parang nag-enjoy din si Nanay sa company mo. Sa company ninyong lahat,” sabi ni Claribelle. Nasa ibaba pa rin ang nanay niya at ipagtitimpla raw ng gatas ang mga lalaki. Gising pa rin kasi ang mga ito at nanonood ng TV.
“Pasensiya na nga pala kung naging mayabang at tamad ang dating ko. H-hindi lang talaga ako sanay na nag-aalaga o nag-e-effort para sa ibang tao. Sanay kasi ako na pinagsisilbihan. Ang mga babae mismo ang naghahabol sa akin.”
Tumango si Claribelle. Naramdaman niya ang sincerity ng lalaki. “Jaime, kapag natagpuan mo na ang babaeng mamahalin mo nang totoo, mag-effort ka para sa kanya. Iparamdam mo na gusto mo talaga siya. At ipaglaban mo. Dahil kaming mga babae, kahit kaunting effort lang ng lalaki, masaya na kami. Ang simpleng effort mo, ibabalik namin nang sampung beses sayo. Ganoon kami magmahal.”
“Tatandaan ko yan. Pwede ba kitang yakapin? Walang malisya.” Itinaas ni Jaime ang isang kamay. “I swear.”
Tumango si Claribelle. “Okay.”
At pinangatawanan naman iyon ni Jaime. Hindi dumapo sa kung saan-saan ang kamay nito. Sa likod lang talaga at tinapik-tapik siya. Pwede naman pala silang magkasundo. May common ground na sila, ang nanay niya. At sa palagay ni Claribelle ay magiging mabuti silang magkaibigan.
🍬🍬🍬🍬🍬🍬🍬🍬🍬
NANG magbukas ng Facebook si Claribelle ay may natanggap siyang message mula kay Totoy Biloy.
πŸ§‘ TOTOY BILOY : How’s your date?
Ngayon na lang uli nagparamdam ang lalaki. Hindi siya nito pinansin nang mag-send siya ng message tungkol sa ex-boyfriend niya.
πŸ‘© CLARIBELLE : Nag-enjoy kami ni Nanay at ng ka-date ko. Minsan talaga...


mahirap husgahan ang isang tao dahil lang sa nakikita mo sa kanya. May magaganda rin pala siyang katangian kahit na nakakainis siya.
πŸ§‘ TOTOY BILOY : Sayang, hindi kita nakasama ngayon. Siguradong mag-e-enjoy ka kung ako ang kasama mo.
πŸ‘© CLARIBELLE : Saan ka ba nagpunta?
πŸ§‘ TOTOY BILOY : Kasama ko ang mga batang ulila sa fans day ko.
πŸ‘© CLARIBELLE : Yeah, right! Ibig sabihin, hindi ka sumali sa challenge ko ngayon?
πŸ§‘ TOTOY BILOY : Kailan ba ako nagpahuli pagdating sa iyo?
πŸ‘© CLARIBELLE : Gumawa at nagbenta ka rin ng pastillas? Hahaha!
πŸ§‘ TOTOY BILOY : Pinakyaw ko para sa iyo.
Magtatanong pa sana si Claribelle nang kumatok si Abegail sa kuwarto.
“Miss Claribelle, ipinapatawag po kayo ni Ma’am Kara sa conference room. Nandoon na po lahat ng head. Kayo na lang po ang hinihintay nila.”
Bumuntong-hininga si Claribelle at hinablot ang bathrobe. Alas-onse na ng gabi at may meeting na naman?
(Parang problema na naman ito.)
🍬🍬🍬🍬🍬🍬🍬🍬
NANG pumasok si Claribelle sa conference room ay nagtaka siya nang makitang nakangiti ang mga head na bumubuo sa “You’re The One For Me.” Sampung tao lang ang pwedeng umupo sa conference table at isang bakanteng upuan na lang ang natitira. Umupo siya sa tabi ni Kara. Parang good mood ito. Ano kaya ang pag-uusapan nila? Bagong sponsor? Malaking twist sa programa? Minsan kasi ay may wildcard at pinababalik ang mga dating contestant.
“You shouldn’t watch this,” sabi ni Kara at pinindot ang Play button sa hawak na remote control.
Nag-play sa projector ang video footage ng isang showbiz news channel na independent at hindi hawak ng kahit anong istasyon. Nagulat si Claribelle nang mabasa ang headline.
πŸ“Ί Reymart Ferrer, namigay ng pastillas sa mga batang naulila na kasama niya sa fans day.
Biglang pumihit sa upuan si Claribelle. Ano naman kung namigay ng pastillas ang lalaki? Parang namigay rin naman ito ng ibang candies at chocolates.
πŸ“Ί “Reymart, alam mo ba na Ang tatak ng pastillas na ipinamigay mo ay gawa ni Miss Pastillas sa katapat mong timeslot?” tanong ng reporter.
Pinagdikit ni Claribelle ang nanlalamig na mga kamay. Hindi niya alam kung gusto niyang marinig kay Reymart ang totoo o i-deny na lang siya nito. (Sanay naman akong itinatago niya. 😩 Ano ba ang bago?)
πŸ“Ί “Yes. Paborito ko ang pastillas na iyan noong college pa ako. Bumibili ako niyan,” sabi pa ng binata. “Kaya gusto ko ring i-share sa mga bata. It is good.”
πŸ“Ί “Pareho kayo ng university ni Pastillas Girl,” sabi ng reporter.
πŸ“Ί “Naging magkaklase kami noong first year college. Then I pursued showbiz.”
Nag-init ang pakiramdam ni Claribelle na hindi niya maintindihan. Inamin ni Reymart na magkaklase sila. Sa unang pagkakataon ay inamin nito ang existence niya. Pakiramdam niya ay nag-awitan ang mga anghel sa langit. Dati, parang hindi siya nag-e-exist sa mundo nito pero ngayon ay parang sa iisang lupa na lang sila nakatapak. At nakikita rin ng mundo kung paano siyang tignan ni Reymart.
πŸ“Ί “Do you like her?” tanong ng reporter sa nanunuksong boses.
Humalakhak ang binata.
πŸ“Ί “Kahit naman siguro sino ay magkakagusto kay Claribelle. Look at her. She is intelligent and beautiful. Wala ring arte sa katawan. At mabait din. Kaya hindi nakapagtataka na marami siyang manliligaw.”
πŸ“Ί “Di ka ba nanligaw sa kanya? Baka naman hindi namin alam, naging girlfriend mo pala siya,” sabi ng reporter.
Sinapo ni Claribelle ang dibdib. (Aaminin ba niya ang naging relasyon namin?)
πŸ“Ί “Bata pa kami noon at alam kong naka-focus siya sa pag-aaral. She’s graduating this coming school year and I heard she’s running for magna cum laude.”
Gusto nang maiyak ni Claribelle sa pagmamalaki sa boses ng binata. Hindi lang niya magawang maging emosyonal dahil nakatutok sa kanya ang atensiyon ng mga head. She couldn’t betray Reymart now. Nangako siya na hindi ito pag-uusapan. Pero napakahirap na magtago ng emosyon kung si Reymart na mismo ang nagbabanggit sa kanya. Masarap pa rin sa pakiramdam hindi man nito sinabi na may relasyon sila o mahal siya nito.
πŸ“Ί “Wala bang isyu sa inyo kung magkatapat man ang show ninyo?” tanong ng reporter.
πŸ“Ί “I am happy for her. Masaya ako na nakakapagpasaya kami ng audience.” Tumingin sa camera si Reymart. “Hi, Claribelle! Sana, mahanap mo ang lalaki na magpapasaya talaga saiyo. Ilibre mo naman ako ng pastillas next time,” pabirong sabi nito.
Natutop ni Claribelle ang bibig at hindi na napigilang maiyak.
“Bakit ka umiiyak?” nakakunot ang noong tanong ni Sir Mico.
“K-kasi….. Hindi ko po inaasahan na makikilala pa ako ni Reymart. Na maaalala pa niya ako. F-fan po kasi niya ako,” palusot niya. “Ang bait pa rin niya kahit matagal na po kaming hindi nagkikita.”
“Gusto mo ba ng interview tungkol kay Reymart Ferrer?” tanong ni Kara.
Umiling si Claribelle. “A-ayoko Po. H-huwag na po natin siyang idamay.”
Tinaasan siya ng kilay ng story editor na si Bong. “Bakit naman hindi? Malaking tulong sa show natin ang statement niya. After all, hindi naman natin siya pinilit. Siya ang unang bumanggit sayo.”
“At ayon sa kontrata natin, tungkol lang sa ex-boyfriend mo ang hindi natin pag-uusapan. Hindi mo naman siguro ex-boyfriend si Reymart,” sabi pa ni Kara.
Yumuko si Claribelle. “A-ayoko pong madamay si Reymart dito sa show. Hayaan na lang po natin siya kung gusto niya akong banggitin. Ayoko pong isipin ng mga tao na ginagamit ko siya para sumikat tayo. Mag-focus na lang tayo sa mga manliligaw ko.”
Nagtaas ng kamay ang head scriptwriter nila. “Pero sayang naman si Reymart…..”
“Tama si Claribelle. Mag-focus na lang tayo kung ano ang meron sa show natin. Huwag na nating gatungan,” sabi ni Kara. “Magpahinga na tayo. Marami pa tayong gagawin bukas.”
Tatayo na sana siya nang biglang magsalita si Kara.
“Maiwan ka, Claribelle. We need to talk.”
“T-tungkol po saan?” tanong niya.
“Wala ka ba talagang sasabihin sa akin tungkol kay Reymart Ferrer? Baka naman may higit pa sa relasyon ninyo kaysa sa kine-claim mo.”
Inipon ni Claribelle ang lakas ng loob at tinignan ito sa mga mata. “W-wala po. M-mabait lang po talaga siya sa akin noon.”
“Hindi siya nanligaw sayo? Hindi mo siya naging boyfriend?”
Umiling si Claribelle. “H-hindi po. Hindi naman po kami ganoon ka-close. Bumibili lang siya ng pastillas sa akin.” Mahabang sandali siyang tinitigan ni Kara. (Huwag kang bibitaw ng tingin, Claribelle.) Sa ganoong pagkakataon, alam niyang kailangang protektahan si Reymart. Tutuparin niya ang pangako. Hindi niya alam kung gaano siya katagal na tinitignan ni Kara pero sa huli ay tumango rin ito.
“Sige na. Magpahinga ka na.”
Tumango lang si Claribelle at lumabas na ng conference room. Gusto sana niyang tawagan si Reymart bago matulog pero baka ang nanay na naman nito ang sumagot. Sinubukan niyang padalhan ng mensahe sa messenger ang binata pero hindi naman nito binuksan ang kanyang message.
πŸ‘© CLARIBELLE : Reymart, ano bang ginagawa mo sa akin? Mababaliw na ako sayo.
Sa sobrang frustration ay si Totoy Biloy ang binalingan ni Claribelle.
πŸ§‘ TOTOY BILOY : Hindi ba matagal ka nang baliw sa akin?
πŸ‘© CLARIBELLE : Seryoso ako. This is silly. Bakit ba ikaw ang kinakausap ko? Hindi naman ikaw si Reymart.
πŸ§‘ TOTOY BILOY : Hindi man ako makaharap sa iyo ngayon, hindi ko man masabi sa lahat na mahal kita, hindi ibig sabihin na nabawasan ang pagmamahal ko sa iyo, Claribelle. Gagawa at gagawa ako ng paraan para iparamdam sayo na mahal kita. Di man ngayon, pero alam kong magagawa ko ring isigaw sa buong mundo na mahal kita kapag dumating na ang tamang panahon para sa atin.
πŸ‘© CLARIBELLE : Tama na. Paasa ka lang din. Ayoko nang umasa. Goodnight, Reymart…. Totoy Biloy… Whatever!
Tapos na ang isang gabing kahibangan. Dahil kahit ano pa ang gawin ni Reymart, malupit pa rin ang tadhana para sa kanila.






Share On Whatsapp

Leave a Reply






top