What a Girl wants CHAPTER TWENTY


What a Girl wants 💕🥰
🍬 CHAPTER TWENTY 🍬
NIYAKAP ni Claribelle ang ina at napahagulhol ng iyak. Hinaplos lang nito ang buhok at likod niya.
“Ipinanood sa akin nina Abegail ang nangyari. Ano ba talaga ang nangyari, anak? Gusto kong marinig mula mismo sa iyo ang totoo.”
“Si Reymart po talaga ang kasama kong nag-dinner. Sinadya po niyang ang ninong niya ang manalo sa bidding para magkasama kami. Mahal pa rin po niya ako, nay. Hindi naman po namin alam na may ibang nakakita sa amin.”
Bumuntong-hininga si Aling Myrna. “Anong plano mo ngayong alam na ng lahat ang tungkol sa lihim ninyong pagkikita? Sasabihin mo na ba ang tungkol sa inyo ni Reymart?”
“Hindi ko po kayang sabihin. Nangako po ako na ililihim ko po iyon.”
“Pero hindi ka man lang ba niya tutulungang malinis ang pangalan mo?”
“H-hindi ko po alam, nay. Si Tita Gina po ang kumokontrol sa career ni Reymart.”
“Anong plano niya sa iyo? Ikaw ang naiipit dito. Kung mahal ka niya, dapat ka niyang tulungan sa problema na pareho namang kayo ang gumawa. Di naman ako papayag na ikaw na lang nang ikaw ang magdadala nito. Anak, di kita pinasali sa show na to para sumama lang ang reputasyon mo. Hindi ka naman mababang klase ng babae gaya ng gustong palabasin ng naglabas ng video na yan. Kung ilalabas mo ang totoo, iyon ang magpapalaya sa iyo.”
Pinisil ni Claribelle ang kamay ng ina. “Nay, kung magsasalita po si Reymart, sa kanya po manggagaling iyon. Di ko po siya pwedeng pangunahan dahil nangako ako.”
“At kung pabayaan ka na lang niya para sagipin ang career niya?”
Huminga siya nang malalim. “Haharapin ko po ang lahat.”
“Magsasakripisyo ka para kay Reymart?”
“Alam ko pong mahirap tanggapin para sa inyo pero lilipas din po Ito, Nay.” Pero sa kaibuturan ng puso ni Claribelle, umaasa siya na nariyan pa rin si Reymart para sa kanya. Hindi siya bibitawan ng binata at tutuparin nito ang pangako na sasabihin sa mundo na siya ang babaeng mahal nito.
🍬🍬🍬🍬🍬🍬🍬🍬🍬🍬🍬
“ANG KAPAL talaga ng mukha ng Jessa at Venus na to. Sila raw ang nakakaalam ng sekreto mo dahil friends daw kayo. Gawa-gawa mo lang daw ang video at kunwari, may ex-boyfriend ka para lang mapag-usapan. Eh, kung ipakaladkad ko kaya sa ferry ng Pasig River ang dalawang yan para magtanda. Sila nga itong gagawa-gawa ng kwento para lang sumikat. How cheap!” panggagalaiti ni Edmark.
Tulala lang si Claribelle habang inaayusan ng buhok para sa pagharap niya sa mga manliligaw. Buong araw na hindi napahinga ang kanyang isip at ng lahat ng staff ng “You’re The One For Me” sa kagustuhang aregluhin ang eskandalo sa pagitan nila ni Reymart. They decided to proceed with the show. Plano nilang huwag pag-usapan ang isyu sa harap ng camera at kontrolin iyon. Pero desisyon ni Claribelle na ipaalam sa mga manliligaw niya kung ano ang totoong nangyari.
Sa desisyon din ng mga ito nakasalalay kung sino ang aalis ng mansiyon nang gabing iyon. Kung saka-sakaling maubos ang manliligaw ni Claribelle, malaking gulo iyon dahil may mahigit isang linggo pa silang natitira sa show. Hindi pa handa ang susunod sa kanila. Hindi rin naman pwedeng basta na lang putulin ang programa. Nagbe-brainstorming pa ang mga staff sa magiging script nila sa mga darating na araw. Hindi magiging madali ang lahat, lalo na’t kaibigan na niya ang mga searchees. Kahit hindi totoo para sa kanya ang ligawang iyon, halatang ang iba ay umaasa na mapapalapit sa puso niya.
“Gusto mo bang patulan ko itong mga bruhang ito?” tanong ni Edmark. “Sasabihin ko na sa kanila ang totoo..”
Itinaas ni Claribelle ang isang kamay. “Hayaan mo na lang sila. Ayoko nang palalain ang gulo. Mas mabuti kung sa kampo mismo ni Reymart manggagaling ang statement.”
“Iyon nga. No comment daw sila. Magsasalita raw sila in due time,” sabi ni Marie at huminga nang malalim. “Parang walang balak si Reymart na depensahan ka.”
“O pinipigilan siya ng nanay niya,” sabi ni Edmark. “Alam mo namang hindi papayag si Tita Gina na masira ang career ng anak niya. Hinding-hindi siya papayag na madehado si Reymart sa isyu na to. Walang magtatanggol saiyo kundi ikaw lang, Claribelle. Kung maririnig mo lang ang sinasabi sa iyo ng mga tao, hindi mo masisikmura. Akala mo naman pagkadumi-dumi mo nang babae kung makahaliparot sila.”
Tipid na ngumiti si Claribelle. “Ilang araw na lang naman ako dito sa TV. Matatapos na rin ang dating game na to. Makakabalik na ako sa normal kong buhay at makakapag-focus na sa pag-aaral. Lilipas din yan dahil may bago na namang pag-uusapan ang mga tao.”
Niyakap siya ni Marie. “Pero hindi ko kayang manahimik na lang nang walang ginagawa para sa iyo. Kung alam ko lang na ganito ang gagawin sa iyo ni Reymart, hindi ko na sana hinayaang makalapit siya sayo. Di ka naman niya kayang pangatawanan.”
Hinaplos ni Claribelle ang buhok ni Marie. “Okay na ko. Huwag mo na akong paiyakin. Kaya ko to. Simpleng pagsubok lang ito. Kapag naka-graduate na tayo at may totoong trabaho, mas matindi pa dito ang haharapin natin. OJT lang ito.”
“Magiging matatag din kami para sa iyo, friend,” sabi ni Edmark at yumakap din sa kanila.
Lumingon si Claribelle sa nanay niya na tahimik lang na umiiyak sa isang tabi kahit nasasaktan. Handa ang nanay niya na protektahan siya at wala itong pakialam kung magalit man sa kanya ang mag-inang Ferrer. Pero sa huli, hinayaan siya nitong magdesisyon para sa sarili. Mas marami raw siyang matututunan sa buhay kung magagawa niyang panindigan at resolbahin ang mga napasukang problema. May tiwala raw ang kanyang ina sa kaya niyang gawin. Ang mahalaga raw ay naroon ito para gabayan siya. Pero sa huli ay siya pa rin ang magdedesisyon.
🍬🍬🍬🍬🍬🍬🍬🍬🍬
MULA sa itaas ng hagdan, nakita ni Claribelle na nag-uusap-usap ang mga manliligaw niya. Tapos na ang mga itong panoorin ang video nila ni Reymart at natahimik nang bumaba siya ng hagdan. Tumayo siya sa harap ng mga ito at hiniling na huwag nang i-cover ang mangyayari. Gusto niyang maging pribado ang lahat.
Iba-iba ang ekspresyon ng mukha ng mga manliligaw niya. May malungkot, may nakasimangot, may galit, at may tulala.
Pinagdikit ni Claribelle ang dalawang kamay. “Guys, ngayong napanood niyo na ang video, sorry kung——-”
Biglang tumayo si Gerlan. “Sorry? Sorry lang ang sasabihin mo? Saglit ka lang nawala dito sa mansiyon, doon ka na agad sa Reymart na iyon. Ang taas-taas pa man din ng tingin ko sa iyo tapos ganyan ka.”
“Easy lang, dude. Di naman natin alam ang buong pangyayari,” pagpapakalma ni Dave.
“Ang sakit kasi, pare. Napapamahal na ako sa kanya. Akala ko, siya na ang pinaka-ideal na babae para sa akin. Tapos gagaguhin lang ako, tayo,” sabi ni Gerlan na mangiyak-ngiyak na.
“Sorry,”nakayukong sabi ni Claribelle at hindi na napigilang umiyak. “Hindi ko naman sinadya na saktan kayo. Nangyari na lang kasi.” Huminga siya nang malalim at lakas-loob na tinignan ang mga lalaki. Gusto niyang sabihin na mahal niya si Reymart. Na si Reymart ang unang lalaking minahal niya. Baka sakaling maintindihan siya ng mga ito. Pero hindi pa rin niya pwedeng sabihin ang katotohanan kahit na walang camera. “Hindi ko kayo masisisi kung ayaw niyo nang mag-stay dito sa mansiyon. Kung ayaw niyo na akong makita. Thank you dahil hinayaan ninyo akong maging parte ng buhay ninyo. At kahit anong mangyari, kaibigan ko pa rin kayo.”
“Iyon din pala ang bagsak ng lahat. Kaibigan lang,” sabi ni Gerlan at nagdadabog na umakyat sa hagdan. “Mag-eempake na ko. Ayoko nang maging parte ng kalokohan na ito.”
🍬🍬🍬🍬🍬🍬🍬🍬🍬🍬
TUMAYO si Claribelle at lumabas ng mansiyon para magpunta sa hardin. Napaalis na roon ang mga fans ni Reymart na nagpoprotesta laban sa kanya. Parang napakasama na niyang babae ngayon dahil kay Reymart. Siguro, isang mang-aagaw rin at babaeng di-masiyahan sa isang lalaki ang tingin sa kanya ng mga manliligaw niya.
“Claribelle,” untag ni Dave na nakatayo sa harap niya.
“Aalis ka na rin ba?”
“I like you a lot. Kahit noong mapanood ko pa lang ang video mo, alam kong gusto na kita. I will even stay if you want to.”
“G-gusto mong maiwan dito?”
“Kung sasabihin mo sa akin na hindi mo gusto si Reymart Ferrer. Na nagkamali ka lang talaga sa kanya,” puno ng pag-asam na sabi nito.
Yumuko si Claribelle. “H-hindi ko kayang magsinungaling sa iyo....


Gusto ko siya dati pa.”
“Ibig sabihin, kahit na piliin mo ako sa dulo nito, hindi pa rin magiging akin ang puso mo?”
“I am sorry,” sabi niya.
“It is okay.” Malungkot na ngumiti si Dave. “I just hope that he is worth it.”
Nagpaalam na rin si Vincent dahil nararamdaman daw nito na kaibigan lang din ang tingin niya rito. Ang presence daw ni Reymart sa buhay niya ang patunay na wala itong pag-asa. Sumunod siyang kinausap nina Jaime at Warren.
“Aalis ba kayo? Iiwan niyo na ako?” tanong ni Claribelle.
“I am staying,” sabi ni Jaime. “Wala akong pakialam sa Reymart na iyon. Kasi alam ko na sa huli, ako rin ang pipiliin mo. Kung ako na lang ang matitira, mas mabuti para sa akin.” Saka ito ngumisi kay Warren.
“Hindi rin kita susukuan,” maagap na sabi ni Warren at bahagyang ginitgit si Jaime. “Ipinangako ko sa sarili ko na kapag nakagusto uli ako sa isang babae, siya na. Kaya ikaw na ang para sa akin. Di na ako pwedeng magkamali.”
“Gusto kong maging totoo sa inyo. Hindi ko naman pwedeng turuan ang puso ko na mahalin na lang kayo sa loob ng maigsing panahon. This dating game is just a show. Kailangan ko pa ring mamili sa huli, mahal ko man o hindi.”
“Alam ko naman na laro lang ang lahat ng ito,” puno ng kompiyansang sabi ni Jaime. “Handa akong magpanggap na smitten suitor o boyfriend para sa iyo. Wala akong kahit anong ilusyon na mamahalin mo ako at alam ko na hindi ka rin mai-in love sa akin.”
“Kahit na hindi mo ako gusto, nandito pa rin ako para sa iyo. Kung ano lang ang kaya mong ibigay, handa akong tanggapin,” sabi naman ni Warren at pilit na ngumiti. “Basta nandito lang ako para sa iyo.”
“Salamat,” sabi ni Claribelle at inilahad ang kamay sa dalawa. “Tapusin natin ang show na ito. Ayokong biguin ang mga taong nagtiwala sa akin.” Her heart could take it for now. (Fake it til you make it, Claribelle. Things will get better.)
🍬🍬🍬🍬🍬🍬🍬🍬🍬🍬
————– “KAHIT kailan palpak ka, Jaime. Pinagmukha mong tanga ang pamilya natin. Why did you stay with that bitch? She was cavorting with another man. Nakita na ng buong mundo kung gaano siya kababang babae. Tapos gusto mo pa rin siya? Pati ako gagawin mong katatawanan sa eleksiyon. That woman won’t help us.”
Mariing naglapat ang mga ngipin ni Claribelle habang pinapanood ang pagtatalo ni Jaime at ng ama nito na isang negosyante at stockholder sa Star Network. Hindi niya inaasahan na iyon ang sasalubong sa kanya sa pagdalaw sa pamilya ni Jaime sa Dasmarinas, Cavite.
“Franklin, huwag mo namang pagalitan ang anak mo sa harap ng bisita,” babala ng mabait na ina ni Jaime.
“I don’t care. Tauhan lang silang lahat sa kompanya. I own them including that woman!” sabi ng ama ni Jaime at itinuro si Claribelle. “And stop playing that video.”
“Gusto ninyong manalo ako? Nandito na ako sa finals. Dalawa na lang kami ni Warren na pagpipilian niya. And I am doing my best to be a winner, like you want me to. Tinutupad ko ang pangako sa inyo na hindi ako uuwing talunan.”
“Di mo talaga ginagamit ang sentido mo. Kahit kailan, palpak ka. Hindi kita napapakinabangan.”
“What else do you want from me, Dad? Iniwan ko na nga ang girlfriend ko at ang magiging anak namin para lang pasayahin kayo. Wala na akong ginawang tama.” Hinila ni Jaime ang braso ni Claribelle. “Let’s go, Claribelle. This meet the family thing is a disaster.” ————————
Napabalikwas si Claribelle mula sa panaginip. Nagulat nang makitang wala na siya sa villa ng pamilya ni Jaime kundi nasa loob ng van na papunta sa Bicol; dadalawin nila ang pamilya ni Warren. Pawis na pawis siya sa kabila ng malamig na aircon at humihingal sa pagod. Panaginip lang pala ang lahat.
“Bakit?” tanong ni Edmark at inabutan siya ng bottled water. “Parang masama ang panaginip mo.”
“Napanaginipan ko na naman nang dumalaw kami sa bahay nina Jaime,” sagot ni Claribelle, saka uminom ng tubig.
It was a traumatic experience for her. Kaya pala ayaw mawala ni Jaime sa dating game ay dahil sa exposure na makukuha nito sa telebisyon at magiging mas madali sa ama nito na pumasok sa pulitika. Natuloy pa rin naman ang meet the family niya sa pamilya ni Jaime pero hindi na kasama ang ama nito. Mabait ang nanay at kapatid na babae ng binata pero hindi mawala sa isip ni Claribelle ang babaeng iniwan ni Jaime para lang manatili ang magandang pangalan ng pamilya nito. Anak ng isang prostitute ang girlfriend ni Jaime na isang saleslady sa department store. Pinaghiwalay ang mga ito ng ama ng binata. Sinusustentuhan ng ina ni Jaime ang buntis na girlfriend ng binata kapalit ng kasunduan na huwag lalabas sa publiko para hindi makasira sa political career ng ama ni Jaime.
Pero sa huli ay parang nauwi rin sa wala ang paghihirap nito.
Ang hindi magandang reputasyong nakuha ni Claribelle dahil sa pagkaka-expose ng mga litrato nila ni Reymart. She was vilified left and right. At wala man lang inilabas na statement ang binata para ipagtanggol siya. Parang nagpatuloy lang ang buhay nito. As if she didn’t exist. Maging ang kaibigan niyang si Totoy Biloy ay hindi na nagbubukas ng account nito o nagme-message man lang sa kanya. Nakakalungkot. Pakiramdam niya ay nawalan siya ng kaibigan. Ni hindi niya madepensahan ang sarili o masabi ang totoong nararamdaman.
“Huwag kang mag-alala, Claribelle. Iba naman ang pamilya ko. Basta mahal ko, tatanggapin nila nang buong-buo. Mabait din ang nanay at tatay ko. Naku! Iwe-welcome ka pa ng buong angkan ko,” sabi ni Warren.
Nasa gitna ng niyugan sa Gumaca, Quezon ang bahay nina Warren. Walang Internet pero may telebisyon naman. Mahina nga lang ang signal. Kaya may dala silang TV box para mas malinaw na makapanood. Maayos naman ang pagtanggap kay Claribelle ng pamilya ng binata pati na rin ang mga kaibigan nito. May inihanda pa ngang program ang barangay para sa kanila na para silang mga panauhing pandangal. Noon pa lang daw kasi nagkaroon ng tagaroon na lumabas sa TV kaya malaking karangalan sa mga ito si Warren.
“Sana, piliin mo ang apo ko. Ipapamana ko sa inyo ang buong lupain ko,” sabi ng lola ni Warren.
Ngiti lang ang naisagot ni Claribelle. Mas gusto man niya ang maayos na pagtanggap ng pamilya ni Warren pero kailangan pa rin niyang pag-isipan. Ayaw niyang umasa ang mga ito na magiging seryoso sila ni Warren sa isa’t isa. Hindi niya kakayaning saktan ang pamilya ni Warren. Pero sino ba ang mas karapat-dapat kina Warren at Jaime?
Nagpaalam si Claribelle sa pamilya ni Warren nang mapansing nawawala ang binata. Pumunta siya sa likod-bahay at naabutan si Warren na may Kausap na isang maganda at morenang babae na parang hindi nalalayo ang edad sa kanya. Tatawagin sana niya ang mga ito pero hindi niya maistorbo ang seryosong pag-uusap.
“Sobrang unfair mo, Warren. Masyado kang mapaghinala. Sabi mo, gusto ko lang mag-aral muna at nasasakal na ako sa kakasunod mo. Hindi ka na nag-aral para lang mabantayan ako. Wala akong ibang lalaki. Hindi kita niloko.”
“Cristina, t-totoo ba yan? Walang kang ibang lalaki?” gulat na tanong ni Warren.
“Mahal kita. Gusto kong magpaliwanag sayo pero hindi mo ako pinakinggan. Alam mo kung ano ang masakit? Yong babaeng ipinalit mo sa akin, may ebidensiya na may kinakalantaring ibang lalaki pero pinili mo pa ring manatili sa tabi niya. Ang tanga-tanga mo, Warren.” At tinalikuran ito ng babae.
Dali-daling pumasok sa loob ng bahay si Claribelle bago pa siya makita ng dalawa.
Nang bumalik si Warren sa bahay ay naghilamos agad ito sa poso. Parang umiyak ito. Pero nang humarap sa kanya ay nakangiti na.
“Pwede na ba tayong umuwi? Gusto ko nang bumalik sa mansiyon.”
“Sigurado ka? Baka naman may kailangan ka pang ayusin dito.”
“Hindi. Okay na ako. Handang-handa na nga ako na piliin mo.”
Tumango na lang si Claribelle. Paano na si Cristina? Paano na ang babaeng mahal nito? Wala ba itong balak na ayusin man lang? O baka dahil sa pride kaya hindi nito hinabol si Cristina. Pride dahil ayaw maniwala na mali ito. Ganoon si Warren. Hindi alam ng lalaki na baka tuluyang mawala ang kaligayahan nito at ang babaeng totoong nagmamahal dito dahil sa desisyon.





1
Share On Whatsapp

Leave a Reply






top