HABANG tumatakbo ang sasakyan ay kung anu-ano ang naglalaro sa isip ni Sam. Ang sabi ni Kylie ay bigla na lamang lumabas ng opisina si Aica pagkatapos itong awayin ni Roselyn. Hindi ito hinabol ng kapatid niya sa pag-aakalang hindi naman ito lalabas ng building. Pero nang hanapin niya si Aica ay sinabi sa kanya ng guwardiya na sumakay ito ng taxi.
On the way ay tumawag siya sa kanyang ina. Binigyan niya ito ng instruction na kung sakaling dumating doon ang dalaga ay huwag itong paalisin. Hindi niya alam kung ano ang naglalaro sa isip nito, pero ang hinala niya ay nasindak ito nang tuluyan kay Roselyn. Marahil ay natakot ito sa mga pagbabanta ng babae.
Nagpasalamat siya na tahimik lang si Kylie sa kinauupuan nito habang pauwi sila. Hindi siya makakapag-isip nang maayos kung mag-uusap pa silang dalawa.
Makalipas ang mahigit isang oras ay nakarating sila sa bahay. Agad silang sinalubong ng kanilang ina at sinabi nito na nauna lang ng beinte minutos sa kanila si Aica. Naroon daw ito sa kuwarto kasama ng kapatid at ni Lola Bening. Agad nang tumakbo papanhik sa itaas si Kylie.
“Ano ba ang nangyari, hijo? Nang tanungin ko siya ay sinabi niyang babalik na lamang daw sila sa probinsiya. Ayaw na raw niyang magmodelo para sa kompanya mo.”
“Hindi ko rin alam, Mommy. Bigla na lang siyang umalis sa opisina kanina.”
“Puntahan mo siya para magkausap kayo. Nang silipin ko kanina ay umiiyak siya sa kandungan ng lola niya.”
Napabuntong-hininga siya bago tinapik sa balikat ang kanyang ina. Pumanhik siya at kumatok sa kuwartong inookupa nina Aica. Si Lola Bening ang nagbukas ng pinto para sa kanya. Pagkatapos siyang papasukin ay lumabas ito kasama sina Ipe at Kylie. Napansin niyang malungkot ang kapatid niya.
“Aica, ano ang nangyari?” tanong niya nang lapitan ito. Nakapanungaw ito sa bintana at tila malalim ang iniisip.
“Babalik na lang kami sa amin, Sam,” sabi nito.
“Bakit?” Hinaplos niya ang braso nito. “Hindi kita maintindihan.”
“Hindi na mahalaga...