“KAILANGAN ng kompanya ko ang isang modelo na magre-represent sa all natural and organic products ng Garden of Eden. We’ve asked an advertising agency to look for models but I already informed them that I have found the perfect person for the job. Ikaw iyon, Aica. Sa palagay ko ay qualified kang maging modelo ng Garden of Eden.”
“Wala akong alam sa pagmomodelo. Isa lamang akong ordinaryong probinsiyana. Ang alam ko lang ay magtanim ng gulay. Baka nagkakamali ka lang.”
“Hindi ako nagkakamali. Napakaganda ng rehistro mo sa camera. You are photogenic. Isang quality na dapat mayroon ang isang modelo.”
“Oo nga, Aica. Nakita ko ang mga litratong kuha sa iyo ni Sam, naku, pagkaganda-ganda mo!” bulalas ni Aling Lily. “Pumayag ka na. Aba’y suwerte na ang lumalapit sa iyo.”
“That’s right, Aica. Isang magaan na trabaho ang pagmomodelo. Aside from that, it’s a good-paying job. Kikita ka nang malaki rito.”
“Tama si Jeric. Kung papayag kang maging modelo ng kompanya ko, sasagutin ko ang titirhan mo sa Maynila. Wala kang magiging problema sa transportation dahil bibigyan kita ng sarili mong sasakyan at driver. You’ll get an allowance for your daily needs bukod pa sa perang makukuha mo kapag pumirma ka ng kontrata.”
“Napakagandang offer iyan, Aica. Pumayag ka na,” muling himok sa kanya ni Aling Lily. “Ako na ang magpapatunay sa inyo na mabuting tao itong si Sam. Hindi ka niya dadalhin sa kapahamakan. Sampung taon na silang magkaibigan nitong pamangkin ko.”
“I can vouch for his character. Mabuting tao si Sam, Lola Bening,” sang-ayon ni Jeric sa sinabi ng tiyahin.
“Naiintindihan ko ang ibig ninyong sabihin. Pero si Aica ang magdedesisyon dahil siya ang sangkot dito. Ako nama’y nakasuporta lamang sa apo ko.”
“Pumayag ka na, Ate,” sabad ni Ipe na abala sa pagkain ng cake at ice cream. “Ang sarap nito, oh!”
“Hindi naman ako nagmamadali, Aica. Huwag ka munang tumanggi. Bibigyan kita ng ilang araw para pag-isipan ang alok ko. I hope you will consider.”
“Sige na, Aica. Pag-isipan mo na muna,” sabi ni Aling Lily.
“Sige po, pag-iisipan ko,” sabi niya para huwag na lang humaba ang usapan. Pwede naman niyang tanggihan sa ibang araw ang alok nito.
“Ay, salamat! Sige, kumain na tayo. May dala kaming kaunting mapagsasaluhan natin,” masayang bulalas ni Aling Lily.
“Nilalantakan na nga nitong si Ipe ang cake at ice cream,” sabi ni Lola Bening. “Aica, maglabas ka ng mga pinggan at kubyertos.”
“Opo, Lola.” Tumayo siya at bumaba sa paminggalan. Inilabas niya mula sa eskaparate ang mga pinggan, baso at kubyertos na ginagamit nila tuwing may bisita. Malilinis ang mga iyon kaya pinunasan na lang niya ng malinis na basahan.
“Inaasahan kong tanggapin mo ang alok ko,” sabi ni Sam na hindi niya namalayang nasa likuran niya.
Muntik pa niyang mabitawan ang mga plato sa pagkagulat niya. Mabuti na lang at maagap siyang naalalayan nito.
“Bakit ka pa ba sumunod dito?” Naggalit-galitan siya upang pagtakpan ang pagkataranta niya. Hawak-hawak ni Sam ang mga siko niya at halos isang dangkal lamang ang layo ng mga mukha nila sa isa’t isa.
“Tutulungan na kita,” sabi nito habang pilit hinuhuli ang mga mata niya.
“Kaya ko na ito. Magaan lang naman ito, eh,” pagdadahilan niya habang iniiwas dito ang paningin niya.
Pero sa halip na makinig ay kinuha nito ang mga plato at kubyertos mula sa mga kamay niya. Habang pabalik ito sa sala ay hindi niya maiwasang ihatid ito ng tingin. Napabuntong-hininga siya. Hindi pa niya naranasang kumabog nang ganoon ang dibdib niya sa isang lalaki. Naaapektuhan siya ng presensiya nito bagay na noon lang niya naramdaman. At natatakot siya sa maaaring ibig sabihin niyon.
Pinagsaluhan nila ang mga pagkaing dala...