𝚈𝚘𝚞 π™±πšŽπš•πš˜πš—πš πš πš’πšπš‘ π™ΌπšŽ CHAPTER EIGHT


“TINAMAAN ba natin, Kuya Jeric? Tinamaan ko ba?”
Mula sa kinauupuan ni Aica ay dinig na dinig niya ang masayang boses ni Ipe. Hindi sumablay si Lola Bening nang hulaan nitong kinabukasan din ay babalik ang dalawa. Bago mananghali ay dumating nga sina Jeric at Sam at kagaya kahapon ay may bitbit na pagkain ang dalawa. Abala na raw si Aling Lily sa pananahi kaya hindi na nakasama.
“Mukhang tinamaan mo nga, ah! Magaling kang umasinta, ha?” narinig niyang sabi ni Jeric sa kapatid niya.
Ipinagpatuloy niya ang paghuhugas ng pinagkainan at nang matapos ay sinilip niya sina Sam at Lola Bening na noon ay magkahuntahan sa ilalim ng punong-mangga. Mukhang huling-huli na ni Sam ang loob ng lola niya dahil ilang beses niyang narinig ang pagtawa nito.
“Apo, halika, samahan mo kami rito,” sabi ni Lola Bening nang malingunan siya nitong nakatanaw sa mga ito.
Lumapit siya at tahimik na naupo sa tabi ng lola niya. Manaka-naka ay napapadako kay Sam ang paningin niya. Nagkakahulihan sila ng tingin at kung nahihiya siya tuwing magtatama ang kanilang mga mata ay patawa-tawa lang naman ito.
“Sinasabi ko rito kay Sam na kung sakaling pumayag kang sumama sa kanila sa Maynila, kailangang sumumpa siya sa akin na hindi ka niya pababayaan doon. Kapag may nangyaring masama sa iyo ay mananagot siya sa akin.”
“At sumumpa ako kay Lola Bening na makakaasa siyang walang mangyayaring masama sa iyo roon,” sabi naman ni Sam.
“Pinag-iisipan ko pa ang alok mo. Hindi pa ako nakakapagdesisyon,” sabi niya. Hindi muna niya ipapaalam sa binata ang napag-usapan nilang maglola.
“Tinawagan ko na ang sekretarya ko. Ipinahahanda ko na sa abogado ng kompanya ang draft ng kontrata. They will send it to me tomorrow via e-mail. Ipi-print ko iyon at dadalhin ko rito para mabasa mo. Kapag nagustuhan mo ang offer ko ay kailangan lang na pirmahan mo iyon.”
“Kailangan bang pirmahan ko iyon? Hindi ba pwedeng pag-usapan na lang natin?”
“You mean verbal contract? Mas mabuti ang may kontrata, Aica. Mas pabor iyon sa iyo. You’ll be secure. At kapag hindi ako tumupad sa mga nakasulat sa kontrata ay pwede mo akong idemanda.” Tumawa ito upang ipabatid na nagbibiro lang ito sa huling sinabi. “Of course I wont do that.”
“Sige, pag-iisipan ko,” sagot na lang niya. Pasimpleng kinindatan niya si Lola Bening nang tumingin ito sa kanya. Ngumiti ito at alam niyang nagkaintindihan sila.
“Ate, Ate, marunong na akong bumili!” Inagaw ni Ipe ang atensiyon nila. “Tinuruan ako ni Kuya Jeric! Ang galing-galing niya!”
“Sige, huwag lang ang mga manok ko ang babarilin ninyo, ha?”
Natatawang napakamot sa ulo si Jeric nang maalala ang kasalanan nito sa mga alaga niya. Napangiti na lang siya sa naging reaksiyon nito. Unti-unti nang naglulubag ang loob niya at magaan na rin ang pakiramdam niya sa mga ito.
“Maganda itong lugar ninyo. Tahimik, sariwa ang hangin at sariwa ang mga gulay. Siguro, mas gugustuhin kong tumira sa ganitong lugar kapag matanda na ako.”
“Naalala ko ang mga tanim kong gulay. Wala nang mag-aasikaso sa...


bukid kapag nasa Maynila na ako,” sabi niya kasunod ang isang buntong-hininga.
“Kami na ni Ipe ang bahala sa mga pananim mo. Huwag mo nang isipin iyon.”
“Lola, hindi na kayo pwede sa bukid. Mahiluhin na kayo. Ibibilin ko na lang sa asawa ni May Nonie ang bukid para hindi naman masayang ang mga tanim ko. Si Pay Elmer na ang mag-aani ng petsay at mustasa. Patulungin na lang ninyo si Ipe sa paghuhukay ng kamote.”
“Ibig sabihin ba niyan, pumapayag ka na sa alok ko?” sabi ni Sam na nakahalata marahil.
“Kung sakali lang naman, hindi ba? Napag-uusapan lang natin,” katwiran niya at inirapan ito. “Gusto ko munang basahin ang kontratang sinasabi mo.”
“All right. Bukas na bukas din ay dadalhin ko sa iyo ang kopya ng kontrata para mapag-aralan mo,” kaswal na sabi nito. Pero sa mga ngiti nito ay nakita niyang tila nakasisiguro na ito sa “oo” na isasagot niya.
Alas-tres ng hapon ay nagpaalam na ang magkaibigan. Nangako si Sam na dala na nito ang kontrata pagbalik nito bukas doon. Ayaw pang pauwiin ni Ipe ang dalawa dahil haling na haling ito sa target shooting na itinuro ni Jeric dito. Pero nang tignan niya ito nang masama ay tumahimik din ito. Mabuti na lang at nakukuha pa niya sa tingin ang kapatid niya.
“Maaga pa naman, eh,” sabi nitong kakamut-kamot sa ulo habang inihahatid nila ng tanaw ang kotseng sinakyan ng dalawa. “Sana’y pinigilan mo muna sila.”
“At bakit ko naman gagawin iyon, ha?” nakapamaywang na tanong niya rito. “Ikaw, ha, ibinebenta mo na yata ako sa dalawang iyon! Nasuhulan ka lang ng cake at ice cream, eh…..”
“Gusto ko lang namang matutong bumaril. Paglaki ko, magiging sundalo ako.”
“Hindi! Hindi ka pwedeng maging sundalo. Gusto mong ipambala ka nila sa kanyon? Kahit anong kurso, huwag lang iyon.”
“Nagtalo na naman kayong dalawa,” natatawang sabi ni Lola Bening. “Hindi na kayo nawalan ng pagtatalunan, oo.”
“Pero, Ate, matanong nga kita nang seryoso. Tatanggapin mo na ba ang alok ni Kuya Sam? Sasama ka sa kanila sa Maynila?”
“Bakit mo itinatanong? Masaya ka dahil mawawalan ka na ng kaaway?”
“Hindi, ah! Napansin ko kasing parang may gusto sa iyo si Kuya Sam, eh. Paano kung ligawan ka niya kapag nasa Maynila na kayo? Sasagutin mo ba siya?”
“Ipe, naku, nakakainis ka na talaga!” Nagkunwari siyang hindi nagustuhan ang sinabi nito. “Kung anu-ano ang napapansin mo. Hindi totoo iyan!”,
“May gusto sa iyo si Kuya Sam, maniwala ka sa akin, Ate. Ang lagkit ng mga tingin sa iyo, eh.”
“Lola, sawayin nga ninyo si Ipe! Hindi na nakakatuwa ang mga biro niya!”
“Ipe, tigilan mo na ang ate mo. Mag-igib ka na ng tubig at punuin mo iyong drum sa batalan.”
“Masakit pa ang likod ko, Lola,” reklamo nito.
“Hayan, diyan ka magaling sa katamaran! Kaninang nagta-target shooting kayo ni Jeric, wala kang nararamdaman, ah.”
“Iba naman iyon, Ate.”
“Sige na, mag-igib ka na,” muling sabi ni Lola Bening. “Huwag ka nang magreklamo.”






Share On Whatsapp

Leave a Reply






top