𝚈𝚘𝚞 π™±πšŽπš•πš˜πš—πš πš πš’πšπš‘ π™ΌπšŽ CHAPTER NINE


ILANG sandali na ang nakalipas pagkatapos basahin ni Aica ang draft ng kontratang ipinahanda ni Sam ay nakatitig pa rin siya sa hawak na tatlong pahinang dokumento. Hindi siya makapaniwalang kapalit ng pagmomodelo niya ay ang malaking halagang nakasulat doon at mga benepisyong hindi niya naisip na mapapasakanya.
Kung tutuusin ay walang kahirap-hirap ang trabahong iniaalok sa kanya ni Sam. Sa pagkakaalam niya ay posing-posing lang naman ang pagmomodelo. Kagandahan niya ang kanyang magiging puhunan.
Hindi na niya matandaan kung sino ang nagsabi pero minsan na niyang narinig na trabahong pangtamad daw iyon. Hindi na nga mahihirapan ang modelo ay babayaran pa ng malaki.
“Gaya ng nakalagay sa kontrata, bukod sa isandaang libong piso na paunang bayad ay bibigyan kita ng tirahan, sasakyan na magagamit mo anumang oras na gusto mong gamitin, allowance para sa pang-araw-araw na pangangailangan mo, at ako na rin ang bahala sa mga sapatos at damit na kakailanganin mo. I will answer to practically everything.”
Sa isang walang karanasan na katulad niya ay malaking halaga na ang isandaang libong piso. Kahit magpakakuba siya sa pagtatanim at magbilad sa ilalim ng sikat ng araw ay hindi niya kikitain ang ganoon kalaking halaga. Kung iisipin, para siyang magtatrabaho habang buhay-prinsesa. Pero bakit nakasaad din sa kontrata na bawal siyang mag-asawa at magbuntis sa mga panahong nakapirma siya ng kontrata sa kompanya nito?
“Bakit parang pati buhay ko ay nakatali sa kontratang ito? Bawal mag-asawa? Bawal magbuntis?”
“Gusto ko lang linawin na produkto ng Garden of Eden ang ire-represent mo kaya kailangang tiyakin ko na you will live up to it. Isang taon lang naman ang itatagal ng kontrata. You’re only nineteen, at walang boyfriend? Hindi mo naman siguro gustong mag-asawa sa panahong ito kaya walang magiging problema. Unless, of course, gusto mo nang mag-asawa?”
“Paano mag-aasawa si Ate, wala nga iyang boyfriend? Binasted niya si Enteng,” sabad ni Ipe na pinalabas na niya kanina ay naroon at nakikinig pa rin pala sa balkonahe.
“Huwag ka ngang makisabad dito!” saway niya sa kapatid. “Umalis ka riyan!”
Kakamut-kamot sa ulo na bumaba ng bahay si Ipe.
“Wala akong balak mag-asawa sa taong ito o sa mga susunod na taon,” sabi niya kay Sam. “Bata pa ako. Wala pa sa isip ko ang bagay na iyan.”
“So, walang magiging problema kahit ilagay natin sa kontrata na bawal kang mag-asawa at magbuntis?”
“Oo.”
Satisfied na ngumiti ito. “May iba ka pa bang gustong ipabago o idagdag bago mo pirmahan ang kontrata?”
“Pwede bang pag-aralan ko pa ito?”
“Sige. Iiwan ko sa iyo ang kopya ng kontrata. But I need your decision tomorrow.”
“Pwede bang sa Maynila ko na lang pirmahan ito? Gusto ko muna sanang makita kung magiging maayos ang kalagayan ko roon gaya ng ipinapangako mo. At saka, pwede ko bang isama si Ipe at si Lola Bening? Mga ilang araw lang at uuwi rin sila rito. Ayoko lang kasing mag-alala si Lola sa akin.”
“Sure, no problem,” agad namang pagsang-ayon ni Sam. “At huwag kang mag-alala, ipahahatid ko sila sa driver kapag gusto na nilang bumalik dito.”
“Salamat, Sam. Napakabait mo,” sabi ni Lola Bening. “Kaya lang, eh, hindi ba nakakahiya sa iyo? Baka makaabala pa kami.”
“Huwag ninyong isipin iyon, Lola. Huwag kayong nahihiya sa akin. Ituring ninyo akong kapamilya. At nangangako akong hindi ko pababayaan si Aica. Aalagaan ko siya para sa inyo.”
“Maraming salamat kung ganoon. Mapapanatag ang kalooban ko. Siyanga pala, bakit hindi mo kasama ang kaibigan mo?”
“Inutusan siya ni Auntie Lily sa Naga para puntahan si Lolo Igme. Mamayang hapon pa ang balik niya.”
“Ah, ganoon ba?”
“Lola, kung sasama kayo ni Ipe sa Maynila, ang mabuti pa siguro ay ipagpaalam ko sa mga teachers niya si Ipe,” naisip niya. Tinignan niya ang oras sa wall clock na nakasabit sa maliit na sala. Mag-aalas-dos ng hapon pa lang. “Maaga pa pala, ano kaya kung pumunta na muna ako sa eskwelahan niya?”
“I’ll drive you there,” alok ni Sam. “Sasamahan na kita.”
“Huwag na. Lalakarin ko na lang. Malapit lang naman iyon dito, wala pang isang kilometro.”
“Malapit? Malayo na ang isang kilometro. Ipagmamaneho na kita.”
“Mabuti pa ngang magpasama ka na kay Sam,” sabi ni Lola Bening. “Para madali ka.”
Mukhang hindi naman papayag ang dalawa na siya ang masunod kaya pumayag na siya. Sakay ng Chedeng ni Sam ay nagtungo sila sa eskwelahan ni Ipe. Siyempre pa, hindi nagpaiwan ang kapatid niya na excited sumakay sa kotse. Napakaingay nito sa hulihang upuan at hindi makuha sa tingin. Lalo pang lumakas ang loob nito nang kampihan ni Sam.
“You have an excuse when you’re young. Hayaan mong maglaro ang kapatid mo dahil bata pa naman siya. Let him enjoy his youth.”
“Dapat nga, hanggang maaga ay turuan siya para magkaroon ng disiplina sa sarili.”
“Ganyan din ba ang gagawin mo sa magiging mga anak mo?”
Napamaang siya sa tanong na iyon ni Sam. Pakiramdam niya ay wala sa lugar ang tanong na iyon.
“Bakit?” nagtataka pang tanong nito.
“Bakit mo ako tinatanong nang ganyan?”
“Naku, si Ate? Tiyak na parang pulis iyan sa pagdisiplina sa magiging mga anak niya, Kuya. Mahilig pang mangurot iyan!” sabad ni Ipe na tumayo pa at pumuwesto sa pagitan ng upuan nila ni Sam.
“Sumusobra ka na, ha! Kanina ka pa sabad nang sabad sa usapan, baka tamaan ka na sa akin!” saway niya rito.
“Kuya, Sam, oh!”
“Manahimik ka nga, Ipe! Dai ka nakakangisi! Maaanggot ako sa imo!”
“Anong ‘maaanggot’?” natatawang tanong ni Sam.
“Magagalit. Anong nakakatawa roon?”
“Wala naman,” anito pero ang ngiti ay nakaplaster pa rin sa mga labi nito.
Pagdating nila sa eskwelahan ay pinagtinginan sila ng mga estudyante at guro nang bumaba sila mula sa Chedeng ni Sam. Pinagkaguluhan ng mga kaklase si...


Ipe sa pag-aakalang pag-aari na nila ang magarang sasakyan. Natatawa na lang siya sa kakulitan ng kabataan. Nakakahiya man ay ganoon din siya noon. Inosente. Ignorante.
Kinausap niya ang adviser ni Ipe habang naghihintay sa tabi ng kotse si Sam. Hindi niya sinabi ang tunay na dahilan kung bakit luluwas sila sa Maynila. Ayaw niyang ipagyabang na kinukuha siyang modelo dahil hindi pa naman siya nag-uumpisa sa trabahong iyon.
Pagkatapos niyang mapapayag ang adviser ni Ipe sa ilang araw na pagliban nito sa klase ay nagpaalam na siya. Tinawag niya si Ipe at sabay na silang bumalik sa kinapaparadahan ng kotse. Ipinagbukas pa siya ng pinto ni Sam katulad sa isang tunay na maginoo.
“Dito ka rin ba nag-aral?” tanong nito nang palabas na sila ng gate ng eskwelahan.
“Oo. Dito rin nag-aral noon si Tatay. Iyong teacher ni Ipe, siya rin iyong teacher ko noon.”
“So, pumayag siya na umabsent ang kapatid mo?”
“Oo. Saka katatapos lang daw ng first grading kaya pwede siyang umabsent ng ilang araw. Nagbiro pa nga na padalhan ko siya ng pasalubong.”
“No problem. Padalhan natin ng pasalubong ang teacher ni Ipe pag-uwi niya.”
“Naku, nagbibiro lang iyon.”
“Just tell me kung kinakailangan, okay? Huwag ka nang mahihiya sa akin.”
“Huwag mong ipakita sa akin na masyado kang mabait,” biro niya. “Baka umabuso ako, mapapasubo ka.”
“Anything for you, pretty lady,” biro din nito.
Pero kung inaakala nitong natutuwa siya sa pagpapakita nito ng labis na kabaitan ay nagkakamali ito. Ang totoo ay naiinis siya. Nahihirapan siyang basahin ang nasasaloob nito kapag masyado itong mabait. Pakiramdam niya ay may itinatago ito.
“Kuya, maganda ba ang bahay na ibibigay mo kay Ate? Sana may aircon. Iyong pangmayaman, ha?”
“Ipe!” Muling sinibat niya ng tingin ang kapatid niya.
“I have a bachelor’s pad in Makati. Mula nang magpatayo ako ng bahay sa Quezon City ay bihira ko nang magamit iyon kaya doon muna siya titira. Pwede rin naman sa bahay ko kung papayag siya.”
“Pwede na ako sa bachelor’s pad mo. Baka kung ano ang isipin ng mga tao kapag nalamang magkasama tayo sa iisang bahay.”
“Kasama ko sa bahay ang mom ko at ang kapatid kong si Kylie wala kang aalalahanin kung sakali.”
“Empleyado mo ako at hindi kapamilya.”
“All right, you can use my bachelor’s pad. Kung ano ang gusto mo ay iyon ang susundin ko.”
“Salamat.”
Pagbalik nila sa bahay ay nakahanda na ang minatamis na saba at kamote para sa kanilang minindal. Gustong-gusto ni Sam ang simpleng pagkain na iyon. Isang bagay na nagpapakita ng isang mayamang tao ay may simpleng panlasa rin.
Nahiya pa ito nang halos maubos nito ang inihain ni Lola Bening sa kanila. Si Ipe naman ay walang pakialam sa minatamis dahil nilalantakan nito ang cake na dala ni Sam. Sa tatlong araw na pagpunta nito roon ay tatlong cake na rin ang natikman nila. Special request ni Ipe iyon kay Sam kaya hinayaan na niya.
Alas-kuwatro ng hapon ay nagpaalam na si Sam sa kanila. Nang makaalis ang binata ay binisita niya ang mga tanim niyang gulay. Parang mga taong kinausap niya ang mga iyon, pinagpaalaman. Kung mayroon siyang mami-miss kapag nasa Maynila na siya, iyon ay ang ilang oras na ginugugol niya sa bukid sa loob ng maghapon. Kahit mahirap ang gawain, kapag nakasanayan na ay tiyak na hahanap-hanapin na rin ng katawan.
“Ate….”
Namimitas siya ng sitaw at talong na iluluto niya para sa hapunan nang lumapit si Ipe sa kanya. Nakitulong ito pero sa mga sulyap nito sa kanya ay halata niyang may iba pang pakay ito.
“Anong sasabihin mo? Patingin-tingin ka riyan…..”
“Eh……” Bumuntong-hininga ito. “Talaga bang kailangan mong magtrabaho sa Maynila?”
Napakunot-noo siya nang lumingon at makitang malungkot ito. “Oh, bakit? Hindi ka pa ba nasiyahan sa cake na dala ni Sam? Halos maubos mo, ah!”
“Naisip ko lang kasi, magkakalayo na tayo kapag sa Maynila ka nagtrabaho.”
“Asus! Bakit ka naman malulungkot? Kaya ko lang naman gagawin ito, eh, para sa kinabukasan mo. Gusto kong siguruhin na makakapag-aral ka hanggang sa college. Pero hindi ka pwedeng magsundalo, okay?”
“Oo na!” Pumalatak ito. “Huwag mo kaming kalimutan ni Lola, ha? Palagi mo kaming dadalawin.”
“Ipe, Maynila lang iyon, hindi abroad. Siyempre dadalawin ko kayo palagi.”
“Promise, ha?”
“Oo.” Hinaplos niya ang ulo nito. “Basta magpapakabait ka.”
πŸ‘©β€β€οΈβ€πŸ’‹β€πŸ‘¨πŸ‘©β€β€οΈβ€πŸ’‹β€πŸ‘¨πŸ‘©β€β€οΈβ€πŸ’‹β€πŸ‘¨πŸ‘©β€β€οΈβ€πŸ’‹β€πŸ‘¨πŸ‘©β€β€οΈβ€πŸ’‹β€πŸ‘¨πŸ‘©β€β€οΈβ€πŸ’‹β€πŸ‘¨πŸ‘©β€β€οΈβ€πŸ’‹β€πŸ‘¨πŸ‘©β€β€οΈβ€πŸ’‹β€πŸ‘¨πŸ‘©β€β€οΈβ€πŸ’‹β€πŸ‘¨πŸ‘©β€β€οΈβ€πŸ’‹β€πŸ‘¨πŸ‘©β€β€οΈβ€πŸ’‹β€πŸ‘¨
“I AM GLAD you made the right decision!”
Nakita ni Aica ang katuwaan sa mukha ni Sam nang sabihin niyang pumapayag na siya sa alok nito nang magbalik ito kinabukasan. Abot-tainga ang ngiti nito at kulang na lang ay tumalon ito sa tuwa.
“Hindi ka magsisisi sa naging desisyon mo,” dagdag pa nito.
“Salamat.”
“Ngumiti ka naman,” biro nito at sinalo ng daliri ang baba niya. “Bakit parang malungkot ka?”
“Wala……” Ngumiti siya kahit parang may kung anong bigat sa kanyang kalooban. “Mami-miss ko lang itong Lugar. Hindi pa ako nakakarating sa Maynila. Unang pagkakataon ko na luluwas……”
“Ganoon ba? Huwag kang mag-alala, lagi ako sa tabi mo para alalayan ka. Hindi kita iiwan sa mga photo shoot mo. Babantayan kita.”
“Naku, baka sabihin naman nila na bodyguard kita!”
“Okay lang. Natural lang na bantayan ko ang modelo ko. “Kumindat ito at pinisil ang pisngi niya bago niyaya siyang lumapit sa kinaroroonan nina Jeric at Ipe.
Gaya ng dati ay abala ang kapatid niya sa target shooting. Mga lata naman ngayon ang tina-target ng dalawa.
“Oh, ano, okay na ba?” tanong ni Jeric nang makita ang masayang disposisyon ng kaibigan. “Napapayag mo na ba?”
Nag-thumbs-up si Sam bilang tugon. Nag-high-five ang mga ito pagkatapos ay nakipagkamay si Jeric sa kanya.
“Congratulations, Aica! Tama ang naging desisyon mo,” sabi pa nito.
Nang sulyapan niya si Sam ay nakita niya ang makahulugang ngiti nito.






Share On Whatsapp

Leave a Reply






top