TAHIMIK na pinagmamasdan ni Aica ang paligid habang si Lola Bening ay nakapikit habang hawak-hawak ang rosaryo. Si Ipe ay hindi mapakali sa upuan at kapag may nakitang kakaiba ay kagyat na sisigaw at ituturo sa kanya. Nauunawaan niya ang pagiging ignorante ni Ipe dahil bata pa ito.
“Wow! Ang daming eroplano!” bulalas nito nang nasa itaas na sila ng Skyway. “At iyong mga building, ang tataas, oh!”
“Iyan ang Ninoy Aquino International Airport,” sabi ni Sam. “Iyong mga building naman, residential condo. Gusto mo bang sumakay sa eroplano, Ipe?”
“Oo, Kuya! Pangarap kong sumakay sa eroplano.”
“Kung gusto ninyo, mag-eroplano kayo pauwi sa Bicol. Sagot ko ang pamasahe ninyo.”
“Wow, talaga! Yehey!”
“Naku, naku, nenerbiyusin ako sa eroplano. Mag-bus na lang tayo pauwi,” sabad naman ni Lola Bening.
“Eh….. ang lola talaga! Pagkakataon na nga nating makasakay sa eroplano, eh. Pumayag ka na.”
“Tayong dalawa lang? Naku, naku, huwag na at baka ako’y himatayin!”
Tinawanan nila ang tigas na pagtanggi ni Lola Bening sa pagsakay sa eroplano pauwi sa Bicol. Nakasimangot si Ipe at bubulung-bulong na ibinalik sa labas ng bintana ang atensiyon.
“Malayo pa ba tayo?” tanong niya nang mabasa ang mga katagang MARKET! MARKET! sa itaas ng isang mall. Nag-stop over sila sa isang restaurant na nasa tabi ng highway bago pumasok sa expressway ang sasakyan. Nakapag-inat-inat siya ng katawan niya, pero kanina pa iyon. Ngayon ay nangangalay na ang likod niya.
“Mga isang oras pa kung mata-traffic tayo.”
“Huwag mo na akong ihatid sa bahay, bro. Ibaba mo na lang ako sa Katipunan, then I’ll take a cab from there. Wala naman akong maraming dala,” sabi ni Jeric.
“Are you sure?”
“Oo naman, bro. Alam kong pagod ka na rin sa pagmamaneho.”
“Okay, if you say so.”
Pagdating sa sinasabi ni Jeric na Katipunan ay itinabi ni Sam sa loading zone ang kotse at bumaba ito. Inilabas ni Jeric ang isang backpack at isang basket ng gulay mula sa compartment bago muling nagpaalam sa kanila. Habang palayo sila sa binabaan nito ay nalingunan pa niyang pumara ito ng taxi.
“Ang gara talaga ng sasakyan mo, Kuya!” sabi ni Ipe na lumipat ng pwesto sa unahan. “Ang yaman-yaman mo talaga!”
“Hindi naman,” pa-humble na sabi ni Sam. “Ang lahat ng mayroon ako ngayon ay bunga ng kasipagan. Kaya paglaki mo, magsisipag ka, ha? Hindi pwede iyong puro pangarap lang. Kailangang samahan ng sipag at tiyaga para umasenso sa buhay.”
“Tatandaan ko iyan, Kuya Sam. Ikaw ang idol ko!”
“Ipe, tantanan mo nga iyang kadaldalan mo at baka hindi makapag-concentrate sa pagmamaneho ang kuya mo,” saway niya sa kapatid. Nag-alala siya na baka manghinawa si Sam sa kakulitan nito.
“Oo nga naman, Ipe. Kadaldal mo,” segunda ni Lola Bening sa sinabi niya.
“Okay lang. Natutuwa nga ako dahil nawawala ang inip ko, eh,” sabi naman ni Sam.
Wala pang isang oras ay narating nila ang bahay ni Sam sa Filinvest sa Quezon City. Dalawang palapag iyon na mayroong garden sa kaliwang bahagi ng bakuran. Ang gate na bakal pa lang ay tiyak niyang ginugulan na ng malaking halaga.
Binuksan ng isang may-edad na babae ang gate pagkatapos itong bumusina. Ipinasok ni Sam ang kotse sa driveway kung saan sa dulo niyon ay nakahimpil ang dalawa pang sasakyan, isang itim na Honda CR-V at isang silver Toyota Vios. Ang mga iyon ang nabasa niyang pangalan ng mga kotse.
Napatunayan niyang napakayaman nga nito. Bigla ay parang nanliit siya, lalo pa nang mapagmasdan niya ang maganda at malaking bahay na pag-aari nito. Kung ikokompara niya ang bahay nila sa bahay nito ay para lang iyong tambakan ng kahoy na panggatong.
“Come on in,” anyaya ni Sam nang mapansin marahil nito ang pag-aatubili niya.
Maging si Ipe na kanina ay makulit ay biglang tumahimik sa tabi ng kanilang lola.
“Kuya Sam! You’re here!”
Mula sa pinto ng bahay ay lumabas ang isang mestiza at matangkad na dalagitang nakasuot ng pulang bestida. Bakas sa mukha nito ang katuwaan at hindi ito nagulat nang makita sila.
“Kylie, I want you to meet Aica, Ipe and Lola Bening,” sabi ni Sam nang kumalas sa pagkakayakap nito. “Ito ang kapatid kong si Kylie. Mukha lang iyang dalaga pero bata pa iyan. She’s only fourteen.”
“Hi! Kumusta po kayo? We are really expecting you. Tumawag kasi kahapon si Kuya at sinabing darating kayo ngayon.”
“Hi,” kiming bati niya rito.
“Pasok kayo sa bahay ni Kuya,” anito na inalalayan siya sa siko at masayang iginiya papasok sa bahay.
Si Sam ay inalalayan si Lola Bening hanggang makaupo sa sofa. Si Ipe ay bigla yatang umurong ang dila nang makita si Kylie.
“Feel-at-home,” bulong sa kanya ni Sam at pinisil ang kamay niya bago muling lumabas para kunin ang mga gamit nila.
“Hi, everyone!” bati ng isang ginang na lumabas mula sa kung saan. Nakasuot ito ng apron, mestiza katulad nina Sam at Kylie. Maamo ang mukha nito at balingkinitan ang katawan. Sa tantiya niya ay wala pang singkuwenta ang edad nito.
“Mommy namin,” sabi ni Kylie sa kanya bago tumayo at ipinakilala sila rito.
“Ikaw pala ang nakuhang modelo ni Sam,” sabi nito nang lumapit sa kanya. “Nakikita kong hindi siya nagkamali sa pagpili sa iyo.” Binalingan nito si Lola Bening. “Napakaganda ng inyong apo. Salamat at nakarating kayo dito sa amin.”
“Kami nga po’y nahihiya…..” sabi ng lola niya.
“Naku, huwag kayong mahihiya sa amin. May tiwala ako kay Sam. Hindi pa siya nagkamali sa mga desisyon niya,...