𝚈𝚘𝚞 π™±πšŽπš•πš˜πš—πš πš πš’πšπš‘ π™ΌπšŽ CHAPTER THREE


NAISIP ni Aica na mabuti na ring isinama ni Enteng sa bahay nila ang ina at mga kapatid nito. Naging malinaw sa mga ito na hindi siya nagpapakipot lang kaya hindi pa niya sinasagot si Enteng. Ang totoo ay hindi nga niya ito sinasagot dahil wala naman siyang nararamdaman para dito.
Kinabukasan ay naging abala siya sa bukid, at dahil kailangan pang magpahinga ni Ipe ay wala siyang katulong sa pagdidilig ng mga tanim niyang petsay at mustasa. Hindi siya magkandaugaga sa paglalagay ng tubig sa sprinkler at pagbubuhat niyon para diligan ang mga halaman.
Bago magtanghali ay bumalik siya sa kubo para magluto ng kanilang pananghalian. Routine na ang mga gawain niya sa maghapon. Pagkakain ng tanghalian ay nag-siesta siya at nagbalik lang uli sa bukid nang malamig na ang sikat ng araw.
Namimitas siya ng sitaw nang marinig niya ang tila putok ng baril na nagmula sa kakahuyan na nasasakupan ng kanilang lupain. Napalingon siya at hinintay ang susunod na mangyayari.
Lumipas ang ilang sandali bago niya muling narinig ang putok. Sa pagkakataong iyon ay narinig niya ang pagkabulabog ng mga ibon. Naisip niyang may namamaril lang siguro kaya nagpatuloy siya sa ginagawa niya.
Pagkaraan pa ng ilang minuto ay natapos siya pamimitas ng gulay. Inilagay niya sa bilao ang mga sitaw at sumunod na pinitas ang paminta. Idiniretso niya iyon sa supot na dala niya.
Akmang bubuhatin na niya ang bilao para bumalik sa bahay nang maramdaman niyang tila may mga matang nakatitig sa kanya. Nagpalinga-linga siya sa paligid upang alamin kung may ibang tao roon. Aywan kung bakit kinukutuban siyang may mga matang nagmamasid sa kanya nang mga sandaling iyon.
Hinayon ng paningin niya ang kakahuyan kung saan nanggaling ang putok kanina. Napakunot-noo siya nang mapunang tila may nagkukubli sa likod puno ng mangga sa banda roon.
Ang balak niya ay umikot upang tignan mula sa ibang direksyon ang puno pero bago pa niya magawa iyon ay narinig niya ang pagkabulabog ng mga alaga niyang manok. Kasunod niyon ang putok na sinundan ng pagsulpot ng isang lalaking may hawak na air gun.
“Sam! What are you hiding in that tree?” narinig niyang tanong ng lalaki bago pa nito napansing nakatayo siya di-kalayuan sa mga ito.
Nakumpirma niyang tama ang kutob niya nang lumabas ang isang lalaki mula sa pinagkukublihan. Nakasukbit sa leeg nito ang isang camera.
Parehong nakasuot ng sumbrero ang dalawa kaya hindi niya makilala ang mga ito.
“Si isay kamo? Anong ginigibo nindo digdi?” sigaw niya na tinatanong kung sino ang mga ito at ano ang ginagawa roon.
“Pasensiya na, ne. Napaagi lang kami,” sagot ng may hawak na air gun.
“Binabadil mo ang manok ko?” galit na tanong niya na ang ibig sabihin ay kung binabaril nito ang mga manok niya. “Lupa namin ito at mga alaga ko iyan. Kung magha-hunting kamo, sa bundok kamo magduman.”
“Sorry, I...


didn’t know this is private property.”
“Teka, parang nakikilala ko kayo,” sabi niya nang mapagmasdan ang tindig ng lalaking may nakasakbit na camera sa leeg. “Oo nga! Hindi ba kayo iyong muntik nang makasagasa sa kapatid ko kahapon?”
“Humingi na kami ng paumanhin, Miss. At napatunayan namang walang masamang nangyari sa kapatid mo, right?” sagot nito.
“Anong walang nangyari? Hayun ang kapatid ko, hindi makatulong sa akin dahil napilayan!”
“I’m sorry. Nakahanda naman akong ipagamot siya kung sinabi ninyo sa akin.”
“Hindi na kailangan. Ipinahilot na lang namin siya kay Nana Gagay.”
“Sasagutin ko ang ibinayad ninyo sa manghihilot.”
“Hindi ako interesado sa pera mo!” Nanggigigil siya sa kayabangan nito. “Hindi kami mapagsamantala.”
“But you said your brother had a broken bone.”
“Gagaling na iyon. Ang mabuti pa, umalis na lang kayo.”
Pero sa halip na lumayo ay lumapit ang mga ito sa kanya.
“Hindi kami masasamang tao, Miss,” sabi ng may bitbit na air gun. “Tagarito ang mga magulang ko pero sa Manila na kami naninirahan. Binibisita ko lang ang tiyahin ko. We are on vacation. By the way, my name is Jeric. And this is my friend Sam.”
“Hindi ako interesadong makipagkilala sa inyo. Umalis na kayo,” mataray na sabi niya. Tinalikuran niya ang mga ito at dinampot ang bilaong pinaglagyan niya sa mga sitaw.
“Look, we’re sorry for what happened yesterday. Sana naman ay mapatawad mo kami. Bigyan mo kami ng pagkakataon para makabawi.”
“Hindi na. Umalis na lang kayo.”
“Baka pwedeng makiinom na lang, Miss?”
“Hindi mo naman siguro ipagkakait sa amin ang isang basong tubig?” sabi ng nagngangalang Sam nang lumingon siya.
“Wala kaming mineral water. Sa poso lang nanggagaling ang iniinom namin. Baka sumakit ang tiyan ninyo ay kasalanan ko pa.”
“We drink water from the stream when we’re hiking. So far, hindi pa naman namin naranasang sumakit ang tiyan,” sabi nito.
“I agree.”
Ayaw niyang lumabas na masama ang ugali niya kung pagdadamutan niya ng isang basong tubig ang mga ito kaya wala siyang mapagpipilian. “Uso naman ngayon ang bottled water, bakit hindi na lang kayo nagbaon?” nakasimangot na sabi niya pero hinayaan niyang sumunod sa kanya ang mga ito.
“Ate, sinong mga kasama mo?” tanong ni Ipe na sumalubong para kunin ang bilao mula sa kanya.
“Makikiinom daw sila,” sabi na lang niya rito.
“Hindi ba sila iyong muntik makasagasa sa akin kahapon?” anito nang mamukhaan ang dalawa.
“Oo.” Pahinamad na pumasok siya sa paminggalan at kumuha ng dalawang basong tubig mula sa tapayan. Natural na malamig ang tubig kapag inilagay sa tapayan kahit hindi lagyan ng yelo. At hindi naman totoong galing sa poso ang inumin nila. Iniigib nila iyon ni Ipe sa boluntarya na sinuri ng kawani ng munisipyo at idineklarang ligtas para inumin ng mga tao.






Share On Whatsapp

Leave a Reply






top