Ang Bukol sa Dibdib ni Tate’


Ang Bukol sa Dibdib ni Tate’
by Tote for Tate
isang araw habang naliligo ako ay may nakapa akong bukol sa kaliwang dibdib ko. may namuong kaba sa akin, dama ko ang lumalakas na tibok ng puso ko habang sinusuri ang bukol. nagpakonsulta ako. Invasive ductal carcinoma. Stage three. ano yun? breast cancer? taning?
naalala ko kaagad ang dalawang anak ko. paano na sila kapag nawala ako. maliliit pa sila, sinong gagabay sa kanila? paano na lang ang mararamdaman nila kapag nawala ako? sinong magsasabit ng medalya kapag graduation na nila? sinong magiging abala sa preparations ng debut ng panganay ko? sinong unang kikiligin kapag nalaman kong may nililigawan na ang bunso ko? sinong maghahatid sa kanila sa altar kapag ikakasal na sila? maraming tanong, kakaunti ang sagot.
Nawalan ako ng trabaho dahil hindi na ako fit to work. Isa na namang tanong. Saan ako kukuha ng pantustos sa gamutan ko?
Sinunod ko ang payo ng doktor, dumaan ako sa pagkahirap-hirap na chemo sessions. Yung dama mong gumuguhit ang gamot sa mga ugat mo, mahapdi, mainit, masakit, pero kailangang tiisin. para ito sa kanila, sa...


mga anak ko, na gusto ko pang masubayabayan. inoperahan ako, tinanggal ang kaliwang suso, ang naiwan na lang ay tahi, isang malaking tahi. sa pagitan ng gamutan ko, hindi ko kinalimutan ang pagiging ina sa dalawang anak ko.
Ilang buwan ang lumipas, bumagsak ang katawan ko. alam na rin ng mga anak ko na may sakit ako, kahit hindi ko sabihin. kita naman na nila ang naging itsura ko matapos ang ilang buwang chemo.
Isang araw, hindi sinasadyang makita ng anak ko ang dibdib ko habang ako ay naliligo. nakita niya ang malaking tahi, nagtanong siya, anong nangyari? may kinuha lang sila. masakit? tanong niya. Hindi naman gaano. bakit nila kinuha? para… para… (kinailangan kong mag-isip ng mabilis) para merong gumabay sa inyo kapag nasa malayo na si mama. nagtaka siya. inilagay ko ang kamay niya sa kaliwang dibdib niya. kapag nasa malayo na ako, kapag hindi ka sigurado sa gagawin mo, kapag natatakot ka, pakinggan mo lang iyan. iyan ang maiiwan para gumabay sa inyo.
alam kong hindi niya lubos itong nauunawan pero sapat na sa akin ang tugon niyang isang mahigpit na yakap.






Share On Whatsapp

Leave a Reply






top