BEFORE YOU LOVE ME CHAPTER 24


Iminulat ni Anne ang kanyang mga mata. Tumingin siya sa may bintana. Nag-uumpisa ng lumiwanag sa labas.
Bumangon siya at lumapit sa may bintana. Binuksan niya ang kurtina at bumungad sa kanyang mga mata ang magandang tanawin. Palabas pa lang ang araw. Malumanay pa ang alon ng dagat. Mukhang magiging maganda talaga ang araw ngayon.
Binuksan niya ang bintana. Pumasok kaagad ang malamig at sariwang hangin. Ang amoy ng dagat. Ang payapang tunog ng mga alon. Nandito siyang muli sa tabing dagat. Pakiramdam niya ay mas naging relax siya. Gumaan ang pakiramdam niya ngayon na nandito siya sa lugar na katulad ng kinalakihan niya. Ang kinalakihan niya… sana nga makabalik pa siya doon.
Huminga siya ng malalim. Pinuno niya muna ng sariwang hangin ang kanyang baga bago tumalikod at bumalik sa higaan nila ng anak niya. Lumapit siya sa pwesto ng anak niya at inayos ang kumot ni Zyra. Ang himbing ng tulog nito. Nasarapan yata sa hangin dito sa tabing dagat.
Matapos niyang masiguro na maayos ang anak niya ay pumasok siya sa banyo at nagayos ng sarili. Pagkatapos niyang mag-ayos ay lumabas na siya ng kwarto nila para maghanda ng almusal nila. Alam niyang wala silang kasamang kasambahay dito sa villa ni Calvin. Hindi niya din sigurado kung may magdadala sa kanilang pagkain. Nang sabihin nga nito kagabi na nakahanda na daw ang pagkain nila, inaasahan niyang lutong bahay ang tinutukoy nito, iyon pala ay pizza, fried chicken at pasta ang nakahanda. Pakiramdam niya tuloy ay hindi naman siya umalis ng condo nito. Ganun pa rin kasi ang kinakain nila. Hindi niya magawang magreklamo dahil mukhang iyon ang inihahandang pagkain ng mga tauhan nito para dito.
Dumiretso siya sa kusina pagkababa niya galing sa second floor. Pagkapasok niya sa kusina ay sumalubong kaagad sa kanya si Calvin. Wala itong suot na t-shirt kaya lantad ang magandang katawan nito. Napaubo siya ng wala sa oras.
Umatras siya kaunti dahil parang hindi na siya makahinga. Ubo pa rin siya ng ubo kahit na hinahampas na niya ang dibdib niya. Bakit naman kasi naglalakad ito ng walang suot na pang itaas? Ang aga-aga makamundong tanawin kaagad ang bumubungad sa kanya.
Napasinghap si Anne at nanlaki ang mga mata niya nang maglakad si Calvin papalapit sa kanya. Hindi pa rin maalis-alis ang tingin niya sa katawan nito. Grabe, hindi naman niya ito nakikitang nag-e-exercise pero ang ganda ng katawan nito. Wala sa loob na napahawak siya sa leeg niya. Pakiramdam niya ay nanuyo na talaga ang lalamunan niya. Nakaka-uhaw.
“Good morning” nakangising sabi sa kanya ni Calvin habang hawak nito ang baso na may lamang tubig. Mukhang tuwang-tuwa ito sa nakikita sa mukha niya.
“Huh?” Wala sa sariling sabi niya.
“Sabi ko good morning” natatawang sagot ni Calvin sa kanya.
Napa iwas siya nang tingin ng matauhan siya. Nakakahiya. Para na siyang tanga. Natutulala pa siya sa katawan nito. Dapat nga sanay na siya dahil sa klase ng trabaho no Anna. Ano naman kasing pumasok sa isip niya at gandang-ganda siya sa katawan nito?
Nahuli pa tuloy siyang nakatingin sa katawan nito. Siguradong palihim na siya nitong pinagtatawanan. Bakit naman kasi wala itong suot na tshirt?
Kasalanan niya pa ba na mapatingin siya dito, eh ito ang walang suot na damit. Hindi na niya kasalanan kung mapatingin siya. Natukso lang naman siya. Dapat kasi hindi ito naglalakad ng walang damit.
“G-good morning” ganting bati niya dito habang nakatingin sa ibang direksyon. “Ang aga mo yata nagising” pag-iiba niya ng usapan. Naglakad siya papasok ng kusina at naghanap ng maluluto sa loob ng ref.
“Maaga naman talaga akong nagigising” sagot nito sa kanya. Naglakad ulit ito pabalik sa loob ng kusina. Sumandal ito sa island counter saka tumingin sa kanya. “Anong hinahanap mo dyan?”
“Magluluto ako. Anong gusto mong almusal?” Tiningnan niya ang laman ng ref. Kompleto naman ang laman niyon. May maluluto siya na matinong pagkain.
“Kahit na ano” anito saka uminom ng tubig.
Inilabas na lang niya ang bacon at itlog. Tutal naman ay almusal ang ihahanda niya, tama na ang mga ito. Hindi naman kumakain ng marami si Calvin sa umaga. Inilapag niya sa may lababo ang mga lulutuin niya. Kumuha muna siya ng bigas para makasaing na siya. Sa lahat ng galaw niya, nakasunod lang ng tingin sa kanya si Calvin. Pinapanood ang bawat galaw niya. Hindi naman niya ito pinapansin kahit na nakakaramdam siya ng pagkailang. Binalewala niya na lang ito hanggang sa matapos siya sa ginagawa niya.
Matapos nilang kumain ay nagpasya siyang maglakad-lakad sa tabing dagat. Iniwan niya muna si Zyra kay Calvin. Naglalaro pa kasi ang dalawa kaya hindi niya muna inistorbo ang mga ito. Ginawa na namang babae ni Zyra si Calvin. Puro ito ipit sa buhok at nilagyan pa ito ng make-up ng anak niya. Wala namang reklamo si Calvin, mukha pa ngang game na game ito sa laro ng anak niya. Nakikita niyang nagiging mas lalong close ang anak niya kay Calvin, at isa iyon sa pinoproblema niya. Iniisip niya pa lang ang mangyayari kapag lumayo na sila, alam na niyang masasaktan ang anak niya.
Huminga siya ng malalim. Madali lang para sa kanya na bumalik sa dati nilang buhay, pero ang iniisip niya ay ang anak niya. Alam niyang mahihirapan ito na iwan ang buhay nila ngayon, lalo na at masyado na itong malapit kay Calvin at Raven. Palagi ba namang binibilhan ng mga laruan at kung anong gusto ng anak niya, ibibigay kaagad ng dalawa. Na-i-sploiled na tuloy ang anak niya.
“Mukhang malalim ang iniisip mo” mula sa likuran niya ay sabi ng isang lalake. Mabilis siyang lumingon sa nagsalita. Nakita niya ang papalapit na si Calvin. Nakapamulsa ang dalawa nitong mga kamay habang papalapit sa kanya.
Humalukipkip siya at saka ito hinintay na makalapit sa kanya. Nang makalapit ito sa kanya ay tumayo ito sa tabi niya. Nginitian siya nito saka tumingin sa dagat.
“What are you thinking?” Tanong nito ulit sa kanya.
“Nasaan si Zyra?”
Natawa ito at hindi makapaniwalang tumingin sa kanya. “Iyan talaga ang iniisip mo?” Sabi nito. “Dont worry, nakatulog si kulit. May bantay naman siya, kaya walang isturbo sa atin”
Pinaningkitan niya ito ng mga mata. Nagbakasyon lang sila, marunong na itong makipag biruan sa kanya. Naninibago na naman tuloy siya dito.
Tumingin siya sa harapan at saka huminga ng malalim. Heto na naman yung pakiramdam niya kapag malapit sa kanya si Calvin. Nararamdaman na naman niya ang bilis ng tibok ng puso niya. Hindi niya maintindihan kung bakit ganito ang nararamdaman niya. Nagkaroon na rin naman siya ng boyfriend noong pero hindi niya naramdaman ang ganitong pakiramdam.
“Come on, what is it?” Pamimilit nito.
Tiningnan niya ito. Nakatingin na din ito sa harapan.
“Hmm… iniisip ko lang kung ano ang gagawin natin dito”
“Yung totoo” nakasimangot na sabi ni Calvin.
Nanulis naman ang nguso niya. Ang kulit. “Iyon nga ang iniisip ko”
Napangisi ito. “Hindi ka magaling magsinungaling”
“Hindi naman ako nagsisinungaling, ah. Iniisip ko lang kung ano ang gagawin natin mamaya saka bukas”
Humarap ito sa kanya. Tiningnan siya nito sa mukha niya. Inilabas nito ang isa nitong kamay mula sa bulsa ng pantalon nito at saka itinuro ang nanunulis na nguso niya.
“Nanunulis ang lips mo kapag hindi ka nagsasabi ng totoo”
Nanlaki ang mga mata niya saka niya mabilis na ikinipot ng madiin ang labi niya. Napansin na din pala nito iyon. Ang nanay at ate niya lang ang nakakaalam nun. Sabi nga ng nanay niya, madali daw siyang mahuling nagsisinungaling dahil sa labi niya din.
Narinig niyang tumawa ito kaya tiningnan niya ito. “Ikaw ba, anong ginagawa mo kapag nagsisinungaling ka?” Naniningkit ang mga matang tanong niya dito.
Nagkibit-balikat lang ito saka muling tumingin sa dagat. “Magaling akong magsinungaling kaya hindi mo ako mahuhuli” anito saka muling tumingin sa kanya at kinindatan siya.
Natigilan naman siya sa ginawa nito. Pakiramdam niya ay mas lalong naghurumintado ang puso niya. Pasimple niyang hinawakan ang dibdib niya. Kinikilig siya. Ang gwapo naman talaga kasi nito. Nagtataka nga siya dito. Sa gwapo nito, bakit hindi ito pumasok bilang artista? Pero mas maganda...


nga naman na hindi ito nag artista, baka mamaya mas marami pang babae na mahumaling dito.
Napairap siya. “Yabang” mahina niyang usal. Narinig niya namang tumawa si Calvin pero hindi na niya ito tinapunan ng tingin.
“Ano nga ba ang iniisip mo?” Tanong ulit nito.
“Ang kulit” pinaningkitan niya ito ng mga mata saka siya huminga ng malalim. “Iniisip ko lang yung future namin ng anak ko kapag bumalik na si Anna”
Kunot-noong tumingin ito sa kanya. “Bakit mo iniisip iyan? Di ba sabi ko magrelax ka muna ngayon”
Nanulis ang mga labi niya. “Sumagi lang sa isip ko. Saka kailangan advance ako mag-isip. Paano na lang kapag biglang bumalik si Anna, ano na ang gagawin ko? Saan na kami pupulutin ng anak ko?”
Bumuntong-hininga naman si Calvin. “Ako na ang bahala sa inyo. Naplano ko na lahat”
“Pati pag-alis namin ng anak ko?”
Tumango ito. “Huwag ka na munang mag-isip ng problema. Nasa bakasyon tayo. Sige ka, baka kapag bumalik na tayo sa Manila mukha ka ng matanda” biro nito saka ngumiti ng malapad.
Nanunulis ang ngusong yumuko siya. Alam niyang pinapagaan lang nito ang pakiramdam niya. Pero hindi naman iyon nakakatulong sa kanya. Mas ramdam niya pa lalo ang tibok ng puso niya. Bakit niya ba ito nararamdaman? May gusto na ba talaga siya kay Calvin?
Huminga siya ng pagkalalimlalim. Hindi naman malabong mangyari iyon. Ngunit ayaw niyang masaktan. Natatakot siya na baka sa huli ay siya lang pala ang may nararamdaman. Siya lang ang aasa.
Sabi ng nanay niya, nakakatakot daw ang magmahal dahil masasaktan ka kapag sa maling tao mo ibinigay ang puso mo. Maging matalino daw pagdating sa pag-ibig. Hindi lahat ng nararamdaman ay tama. Hindi por que kinilig o kumalabog ang dibdib, tunay na pag-ibig na iyon. Pero, di ba nasasaktan din kahit ang tamang tao ang minahal mo?
Napahinga siya ng malalim. Siguro gusto na nga talaga niya si Calvin. Hindi naman siguro masama na magkagusto siya dito, basta hindi lang nito malaman. Hindin din naman nito pwedeng malaman dahil nakakahiya sa girlfriend nito. Ayaw niyang makasira ng relasyon lalo na kung nagmamahalan ng tunay ang dalawang tao. Hanggang doon lang naman ang nararamdaman niya. Kumbaga, hanggang tanaw na lang siya.
NAGLAKADLAKAD sila Anne at Calvin sa tabing dagat. Hindi pa naman masakit sa balat ang init ng araw kaya pwede pa silang maglakad doon. Sanay din naman siya sa init ng araw. Ewan niya lang kay Calvin. Tinignan niya si Calvin. Mukhang ayos pa naman ito kahit na may kaunting pawis na ito sa noo at medyo namumula na ang mukha nito.
Naupo siya sa ibabaw ng malaking bato nang makarating sila sa dulo. Tumabi naman sa kanya si Calvin pero napangiwi din ito ng maramdaman nitong mainit ang bato. Natatawang itinuro niya dito ang kabilang gilid niya na hindi masyadong naaarawan. Tahimik naman itong naupo doon.
Pareho silang tahimik ni Calvin habang nakatingin sa dagat. Parang may kanya-kanyang gumugulo sa kanilang isipan. Parang pareho silang pinoproblem ang pagbabalik ni Anna.
Napakagat-labi siya. Kapag umalis na sila ng anak niya, hindi na niya makikita pa si Calvin. Hindi na din niya ito makaka-usap ng ganito kalapit. Hindi na rin siya magkakaroon ng pagkakataon na makatabi ito. Kapag ba bumalik na si Anna, mawawala ba kaagad siya sa buhay nito?
Nakakatakot nga ang magkagusto. Ngayon pa nga lang na may gusto pa lang siya ganito na ang nararamdaman niya. Paano pa kaya kung mahal na niya? Mas nakakatakot kapag mahal na niya. Hindi niya alam kung kaya niya pang umalis kapag dumating ang araw na iyon. Ang araw na dapat na silang umalis ng anak niya.
Naikuyom niya ang kanyang mga kamay. “K-kapag…kapag ba bumalik na si Anna, aalis na ba kaagad kami?” Mahinang tanong niya kay Calvin.
Tumingin ito sa kanya pero hindi ito nagsalita kaagad. Bumuntong-hininga ito saka muling tumingin sa dagat. Parang alam na niya ang sagot sa tanong niya. Kahit naman kasi hindi sa kanya sabihin ni Calvin, alam niya ang sagot sa tanong niya. Doon din naman ang kakahantungan nila. May babalik, may aalis. At siya ang aalis.
“Gusto mo bang umalis?”
Tumingin siya dito. Bumuntong hininga siya. “Alam naman natin na hindi sa akin ang kinatatayuan ko ngayon. Ano mang oras mahahanap mo na si Anna at babalikan na niya ang trabaho niya. Kapag bumalik siya, mawawala ako…”
“You can stay” wika nito.
Umiling siya. “Hindi ganun iyon, Calvin. Hindi ako pwedeng magstay kapag nandyan na si Anna. Hindi pupwede na dalawa kaming nasa mundong ito”
Humarap itong muli sa kanya. “But, you can stay with me…”
Natigilan naman siya sa sinabi nito. Stay with me? Anong ibig sabihin nito?
“Anong ibig mong sabihin?” Naguguluhan niyang tanong.
Pinakatitigan siya nito. Nakikita niya sa mga mata nito ang pagkalito. Parang may gusto itong sabihin pero hindi nito magawang sabihin. O baka hindi talaga nito alam kung ano ang gusto nitong sabihin. Sa huli ay mariin nitong itinikom ang mga labi nito.
Nag-iwas ito ng tingin saka muling nagsalita. “Madali lang naman gawaan ng paraan iyan. Pwede kitang irecommend sa ibang company. O kaya sa….”
“May makakakilala sa akin kung lang ako sa Manila”
“So, you want to leave?” Kunot ang noong tanong nito.
“Hindi pupwede na dalawa kami sa iisang lugar. Masisira siya, pati na din ikaw”
Ikinipot nito ang labi saka muling nagsalita. “As long as she’s not here yet, you can stay… wala pa naman siya kaya pwede ka pang magstay sa akin. Hindi pa tapos ang mga plano ko kaya kailangan pa kita”
Umayos siya nang pagkakaupo, humarap siya dito. Hindi niya maintindihan ito. Parang may kakaiba sa sinasabi nitong plano. Parang iba sa pagkakaalam niya. Ano ba ang mga plano nito?
“Anong…ano bang plano mo?”
Tumingin ito sa mga mata niya. Nakita niyang parang natatakot ito pero bigla din iyon nagbago. Parang katulad ng dati. Pure business, walang emosyon. O baka ginagawa ito ni Calvin para umiwas. Para hindi ipakita ang totoong iniisip at nararamdaman nito.
“Plano kong pabagsakin si Anna” pagtatapat nito habang nakatitig sa mga mata niya.
Natigilan siya. Hindi siya makapagsalita sa narinig. Plano nitong pabagsakin si Anna?
Kung ganun, ginamit siya nito para sirain si Anna. Hindi dahil sa iniwan nitong trabaho, kundi dahil gusto nitong masira si Anna. Kaya siya nandito ay para sa plano. Hindi niya alam kung ano ang sasabihin sa sinabi ni Calvin. Ito ba ang plano nito sa simula pa lang?
Nag-iwas siya ng tingin. Sumama siya dito sa hangarin na makabayad sa utang-na-loob na meron siya para dito. Inisip niyang walang masama na tulungan niya ito. Wala siyang nakikitang masama sa kagustuhan nitong pagtakpan si Anna. Ngunit hindi pala ganun. Iba ang iniisip niya sa iniisip ni Calvin.
“Naghihiganti ka?” Mahina niyang tanong.
Tumango ito.
“Ginamit mo ako para sa paghihiganti mo?” Nasasaktan na tanong niyang muli rito.
“Yes”
“Hanggang kailan?”
“Hanggang sa mahanap ko siya at maibalik sa Manila”
Huminga siya ng malalim. Pakiramdam niya ay may sumaksak sa puso niya. Akala niya dinala siya nito sa Manila dahil kailangan lang nito ng tulong. Kailangan niya lang pagtakpan ang pagkawala ni Anna. Iyon pala siya ang humaharap sa paghihiganti nito kay Anna. Nasasaktan siya na nagamit siya nito para sa ganitong bagay. Para sumira ng isang tao.
Tumingin siyang muli dito. “Marunong ka bang magsinungaling….” napakagat-labi siya. “Sorry, marunong ka pala. Pwede bang magsinungaling ka sa akin?”
Hindi ito nagsalita. Nakatitig lang ito sa kanya na para bang hinihintay nito ang susunod niyang sasabihin.
“Magsinungaling ka lang sa akin. Huwag kang magsasabi ng totoo. Ayoko nang marinig ang katotohanan mula sayo”
Tumango ito. “If that’s what you want…”
“Thank you” iyon na lang ang nasabi niya saka siya tumayo at iniwan ito sa tabing dagat.
Mula pa noon ay ayaw na niya sa dagat. Pero lalong nadagdagan ang pagkadisgusto niya sa dagat ngayon. Hindi pa naman malalim ang nararamdaman niya para kay Calvin. Pero bakit nasasaktan siya ng ganito? Dapat bang nagsinungaling na lang si Calvin sa kanya? Mas matatanggap niya ba ang sinabi nito kung nagsinungaling na lang ito sa kanya?
#ANO PONG MASASABI NIYO SA KWENTO 🤔






Share On Whatsapp

Leave a Reply






top