FALLING SNOWFLAKES


FALLING SNOWFLAKES
written by: Luna Hera
genre: Fantasy
— Wakas —
Umihip ang panghapong hangin. Tanging huni ng mga tuyong dahon na hinahangin at natatapakan ko ang nagsisilbing ingay. Huminga ako ng malalim at binuksan ang rehas na bakal. Pagpasok sa loob ay ganoon pa rin ang pakiramdam.
Inilapag ko ang bulaklak na binili at nagsindi ng kandila. Malinis pa naman ang lugar niya. Ngumiti ako at hinaplos ang pangalang nakaukit.
Claudia Hermes Lopez
September 20, 2002 – February 14, 2022
Yumuko ako at tumahimik ng ilang sandali bago muling nag-angat ng tingin sa puntod niya.
“Ilang buwan na ang nakalipas, Claudia. Hanggang kailan mo ako balak paghintayin?”
Katulad noong una, wala akong nakuhang sagot. Ngumiti ako ng tipid at hinaplos ang puting rosas na bigay ko sa kanya.
“Maligayang kaarawan.” dagdag ko.
Tinitigan ko ang litrato niya sa harap. Maganda ka pa rin. Maganda ka lagi.
“Bakit hindi mo na lang ilipat ang kubo mo dito tutal araw-araw ka nang bumibisita.”
Binalingan ko si Apollo na bagong dating. Gaya ko, may dala rin siyang bulaklak. Pulang rosas lang ngayon. Inilapag niya iyon sa tabi ng dala ko at nagsindi ng kandila.
Binigyan ko silang dalawa ng oras at nang tapos na si Apollo ay tumabi siya ng tayo sa akin. Nakasandal kaming dalawa sa rehas habang pinagmamasdan ang litrato niya. Ang tanging naiwan.
“Bibisita ang mga prinsipe dito.” saad ni Apollo pagkatapos ng mahabang katahimikan.
“Silang lahat?”
Umiling siya, “Si Luan kasama si Stella at si Kieran kasama rin ang asawa niya.”
Tumango ako at muling bumaling kay Claudia, “Anim na buwan na, Apollo. Anim na buwan na.”
Rinig ko ang buntong hininga ng kasama ko, “Para alam mo, hindi kita sinisisi. Ayaw kong sisihin ka dahil alam ko ang nararamdaman mo. Ganoon din si ama. Inisip na lang namin na hindi talaga siya nararapat sa mundo ng mga buhay.”
Kumuyom ang kamay ko. Hindi nararapat sa mundo ng mga buhay?
“Noong bata pa si Claudia, may hika siya. Gusto niyang palaging naglalaro. Kung hindi ako, si Stella ang niyayaya niya. Gusto niyang maging malaya. Pero wala siyang kaibigan. Kaya noong dumating si Yuri at Ayu, alam kong iningatan niya sila nang husto.”
Ngumiti ako ng tipid habang pinapakinggan siya. Ano kaya ang itsura ni Claudia noong bata siya habang niyayaya si Stella. Nakanguso, mapula ang labi at pisngi, nagniningning ang mga mata.
Iniisip ko ang sarili kong bibigay agad kapag nakita siyang ganoon. Kapag umiyak naman siya, magpapaalipin na lang ako.
“Masyado siyang inosente. Hindi siya nauunawaan ng karamihan kaya may mga taong galit sa kanya. Inisip kong tulungan siya dati pero hindi ko ginawa dahil naniniwala akong malalagpasan niya ang problema. At dito tayo dinala… sa libingan niya.”
Huminga ako ng malalim, “Binaril ko siya. Sa akin galing ang bala na tumapos sa kanya.”
“Sinadya mo ba ‘yon? Kung sasabihin mong oo sasaksakin kita ngayon mismo.”
Ngumisi ako. Ngumisi rin siya at umiling.
“Nauna na pala kayo.”
Sabay kaming bumaling ni Apollo sa labas ng rehas at doon nakita si Stella at Luan kasama si Kieran at ang asawa nito at anak na lalaki.
Pumasok silang lahat at dahil nandito si Kieran, agad na binalot ng ingay ang buong lugar.
Claudia, nandito ngayon ang mga nagpapahalaga sa’yo. Masaya ka ba?
Bahagya akong nabigla nang nakita ang anak ni Kieran sa aking binti. May malaki itong ngiti sa labi.
“Ilang buwan pa lang ang nakalipas, nakakalakad na?” tinuro ko ang bata at bumaling kay Kieran.
Agad siyang ngumisi, “Mana sa akin. Mabilis.”
Ngumiti ako at hinaplos ang buhok ng bata. Tumakbo ito palapit sa kanyang ina na agad siyang kinarga. Bahagyang yumuko sa akin ang asawa ni Kieran kaya tumango ako ng tipid.
Lumapit sa akin si Stella. Tumitig ako sa kanya ng ilang segundo habang hinihintay ang sasabihin niya.
“Gusto mo ng yakap?”
Agad na hinanap ng mata ko si Luan at nakita siyang nagsisindi ng kandila. Hindi pa man nakakapagdesisyon ay naramdaman ko na ang yakap ni Stella. Masuyo at puno ng pag-iingat.
Aasahan kong magagalit si Luan pero tumingin lang siya at muling bumalik sa kandila. Pumikit ako ng marahan at dinama ang yakap.
Ang makatanggap ng ganito mula sa kanyang kapatid, kahit papaano ay nagpagaan ng loob ko.
“Mahal ka niya, Astro.” bulong niya.
Dumilat ako, “Alam ko. Alam ko, Stella.”
Dahil kay Kieran na pilit binabasag ang kalungkutan na bumabalot sa amin, kahit papaano ay tumatawa si Stella at Apollo. Naisip nilang kumain at uminom ng dugo. Pagkatapos ay nag-usap ulit bago nagpaalam dahil dumidilim na.
Tumingala rin ako sa kalangitan. Umaga pa lang noong dumating ako. Tumango ako sa kanila at isa-isang tinugon ang mga paalam.
“Magpapaiwan ka ulit?” tanong ni Apollo.
Tumango lang ako at hindi na siya nagsalita. Lumabas silang lahat para makauwi na. Naupo ako sa gilid habang pinagmamasdan si Claudia. Nakatingin lang ako sa litrato niya ng hindi alam kung ilang oras. Namalayan ko na lang na malalim na ang gabi.
Pumikit ako ng marahan.
Agad na nagningning ang mata ni lola pagkakita sa akin. Umamba siyang yayakapin ako pero iniwasan ko siya.
“Astro, apo, ayaw mo ba ng yakap ni lola?”
“Sino talaga ang apo niyo. Si Helios o ako?” tanong ko sa kanya.
Suminghap siya, “Ano ba ang sinasabi mo?”
“Palagi kayong nasa mundo ng mortal at nagpapanggap na manghuhula. Sinabi niyo kay Solene ang kapalaran niya, sinabi niyo kay Stella ang kapalaran niya. At ito pa, sinabi niyo kay Helios ang kapalaran ko. Kapalaran ko pero sa iba niyo sinabi.”
Tumawa siya ng pilit, “Paano mo iyon nalaman, apo?”
“Sasabihin niyo ang akin o lalayas na talaga ako sa palasyo?”
“Huwag ka ngang ganyan. Ayaw ko lang na magkaproblema ka.”
“Kaya sa iba niyo sinasabi? Nakakatawa. Marahil pinagtatawanan na ako ni Helios ngayon dahil alam niya ang mangyayari sa akin. Kung ayaw niyong sabihin turuan niyo ako manghula.”
“Ayaw ko.”
“Lola naman!”
“Halika, apo. May hinanda akong mga handog para lang sa’yo.” ngumisi siya at inabot ng marahan ang kamay ko.
Bumuntong hininga ako at nagpahila na lang. Mula noong nakita ko ang babaeng alam kong nakatakda sa akin, hindi na ako tumigil sa kakahanap ng solusyon kung paano mapipigilan ang pagkamatay niya.
Si lola ang nagsabi na nakatakdang mamatay ang babaeng iyon. ‘Yon ang kapalaran niya. Hindi ko ‘yon masyadong naisip dahil hindi pa kami nagkikita ni Claudia noong mga panahong iyon kaya ngayon nababaliw ako.
Palagi ko siyang tinutulak pero ako naman ang unang lumalapit. Masyado siyang inosente, walang masyadong alam sa kasamaan ng mundo.
Gusto kong magalit siya sa akin, pero sa tuwing nakikita ko ang lamig sa mga mata niya… hindi ko kaya. Gusto ko siyang makita.
Nalukot ko ang papel pagkatapos mabasa ang nakasulat doon. Pagbabanta iyon kay Claudia. Nilingon ko siya at nakita ang nanlalaki niyang mga mata. Huminga ako ng malalim para pakalmahin ang sarili bago naisipang magkunwari na wala lang iyon sa akin.
Ang hirap labanan ng puso. Maraming beses ko na itong nilalabahan lalo na sa tuwing nagkakaharap kami pero nahihirapan pa rin ako.
“Ang nagpapadala ba ng sulat kay Claudia ang nakatakdang pumatay sa kanya?” salubong ko kay lola na umaamba ng yakap sa akin.
“Ilang taon na ang nakalipas pero iyan pa rin ang tinatanong mo?”
“Iba ito, lola. Kapag hindi niyo pa sinabi sa akin ang buong katotohanan, huwag niyong aasahan na makikita pa ako sa palasyo.”
Nanlaki ang mata niya at suminghap. Tumalikod ako kay lola pero mabilis niyang hinawakan ang kamay ko. Nilingon ko siya at nakita ang mukha niyang kinakabahan. Lumunok ako, hinanda ang sarili para sa maririnig sa kanya.
“A-ang pagbabanta ay parte ng kapalaran niya.”
“At?” udyok ko.
“Nakatakda siyang mamatay kaya magkakaroon iyon ng dahilan.”
“Ang tao sa likod ng mga sulat ay ang dahilan ng pagkamatay niya?”
Umiling si Lola, “Parte lamang sila ng kapalaran. Ang totoong papatay kay Claudia…”
Kumuyom ang kamay ko. Ano mang pangalan ang lumabas sa bibig ni lola sisiguradin kong hindi na sisikatan ng araw.
“Ay ikaw, apo.”
Tila ako nabingi sa sinabi niya. Umiling ako at umambang magsasalita pero hangin lang ang lumabas sa aking bibig. Nagkabuhol-buhol ang mga salita sa isip ko. At kahit ano mang gusto kong gawin, hindi ko magawa.
Nagpasya akong tapusin ang relasyon namin para makalayo sa kanya. Pero ang hirap, sobrang hirap. Habang sinisilip siyang natutulog sa pintuan ng aking kubo, naninikip ang dibdib ko.
Marahan kong binuksan ang pinto at agad siyang sinalo. Pinangko ko siya at inilapag sa kama ko. Naupo ako sa tabi habang hinahaplos ang pisngi niya. Napaaway ako kanina bago bumalik sa kubo kaya puno ng sugat ang katawan ko.
Kumuha ako ng basang tela at pinunasan ang pisngi niya pababa sa leeg at sa kanyang dibdib. Pinunasan ko rin ang kaunting dugo sa braso niya. Hindi man natanggal lahat, sinadya ko para hindi siya maghinala.
Hinalikan ko ang kanyang pisngi at labi. Balaj ko siyang titigan ng isang oras lang pero hindi ko namalayan na lumagpas na pala roon. Naalala ko lang noong narinig ang huni ng ibon sa puno.
Binuhat ko siya at ibinalik sa pagkakasandal sa gilid. Naupo ako sa silya at bumuntong hininga. Hindi na kailanman nagbalak na matulog hanggang sa nag-umaga.
Kung alam ko lang na mangyayari ang lahat ng ito, sana sa umpisa pa lang hindi ko na hinawakan ang kamay niya. Sana sa umpisa pa lang, hindi ko naisipang matulog sa puno malapit sa bahay nila. Kung hindi ko siya nakita dati, buhay pa sana siya ngayon.
Kung pwede lang humiling, ginawa ko na.
Dumilat ako nang marinig ang huni ng mga ibon sa may hindi kalayuang puno. Hindi ko namalayan na nakatulog na pala ako. Lumapit ako sa mga kandila at sinindihan iyon dahil namatay kagabi. Hinaplos ko ang lapida pagkatapos.
“Claudia, pakiusap magpakita ka. Kahit isang beses lang....


Sabihin mo lang na maayos ang lagay mo. Sabihin mo lang na masaya ka sa lugar na wala ako. Pakiusap, panatagin mo ako.”
Napatingin ako sa puting rosas na biglang nahulog sa baba. Nagkalat ang ibang talulot nito sa sahig at bumuo iyon ng isang letra.
A
Ngumisi ako at tumingin sa litrato niya, “Kahanga-hanga ka talaga.”
Ayaw kong sabihin sa kanya na mababaliw na ako. Ayaw kong mag-alala siya. Ayaw ko rin sayangin ang sakripisyo niya. Ayaw kong sayangin ang pagkawala ni Claudia. Gusto niyang maging masaya ako, at nabuhay akong ginagawa lahat ng gusto niya.
Saktong pagbukas ko ng rehas ay dumating si Apollo na may dalang rosas. Bakas ang pagkabigla sa kanya na agad ding napawi.
“Akala ko mamaya ka pa darating.” aniya.
“Napaaga lang ng kaunti.”
Tumango siya at pumasok na kapalit ko. Sinulyapan ko si Claudia bago nagpaalam kay Apollo. Ngayon ang kaarawan niya ulit. Kung nabubuhay lang siya, dalawampu’t isa ang gulang niya. Pinagmasdan ko ang puno at ang mga sanga nitong gumagalaw habang naglalakad ako palabas ng sementeryo.
Lumipas ang normal ngunit walang kulay na taon para sa akin. Palagi ko siyang dinadalaw lalo na kapag kaarawan niya. Hanggang sa ang isang taon ay naging limang taon, sampong taon, at labin-limang taon.
Nagpatuloy ako sa buhay hanggang sa lumipas ang napakaraming taon na hindi ko na mabilang.
Nakahalukipkip ako habang pinagmamasdan ang banayad na pagpatak ng nyebe mula sa salaming bintana ng bahay. Ito na ang pang limang daan at apatnapu’t-anim na pagpatak ng snow.
Mahihirapan na naman ang kotse ko na makadaan dahil sa mga naipong nyebe sa kalsada. Halos araw-araw akong nagpapaulan ng nyebe. Wala akong pakialam may makahalata man pero dahil malayo ang lugar ko sa bayan, wala masyadong nakakapansin.
Lilipas ang kadiliman at sisikat ang araw bukas. Ang mainit na sinag nito ang tutunaw sa mga makakapal na nyebe. Kailan naman kaya sisikat ang araw sa buhay ko. Kailan matatapos ang kadiliman.
Narinig ko ang doorbell mula sa baba. Napabuntong hininga ako at bumaba sa hagdan para makapuntang sala. Agad kong binuksan ang tv at nagsalin ng wine sa baso.
“Ang aga, Astro. Gosh, wala ka bang tea?” salubong ni Kieran na naupo na sa sofa kaharap ko.
Nagsisunod na sa kanya ang iba niyang mga kapatid. Umikot ang mata ko at diretsong nilagok ang alak.
“Ayos, JD. May balak ka bang tunawin ang atay mo?” sunod na tanong ni Luan.
“Gosh, Astro, buntis ako. May bisita ka pero ang unti ng mga upuan mo dito sa baba. Wala ka bang manners?”
Nilingon ko si Solene na malaki ang tiyan. Nasa likod niya si Helios, Blad at ang asawa nito.
Sinipa ko ang mahahang sofa na nasa likod ng inuupuan ko. Wala namang umuupo lagi sa upuan kaya walang dahilan para idisplay.
“Wow, thanks. Very gentleman.” sarkastiko ang ngisi ni Solene tsaka ako inirapan.
Bumuntong hininga ako at muling nagsalin ng alak. Nilagyan ko rin ang mga baso na nakahanda na sa harap nila. Inangat ni Solene ang baso niya pero mabilis siyang pinigilan ni Helios.
“Walang lason ang alak, Helios. Takot ka pa rin?” tanong ko.
“Mabuti nang nag-iingat.”
Ngumisi ako, “Kanina pa ako umiinom pero walang nangyayari sa akin. Chill, hindi ako ganoon kasama.”
Ngumisi si Damian habang hawak ang kamay ng asawa niya. Katabi niya si Blad at ang asawa rin nito. Sa Luan at Stella ay nasa harap ko at sa gilid naman si Solene at Helios.
“Nandito ba kayo para ipamukha sa akin na single ako?”
“Hindi lang ipapamukha, isasampal pa namin sa’yo.” tumawa si Kieran na agad natigil nang sinapak siya ni Celestine.
“Nandito kami dahil alam namin na magpapaulan ka ng nyebe.” kalmadong tugon ni Stella.
“Limang daang taon na ang lumipas. Marami nang nagbago.” ani ko at pinaglaruan ang baso.
Ngumisi si Blad, “Maraming nagbago. Kaya ba hanggang ngayon halos hindi makadaan ang sasakyan namin dahil sa kapal ng nyebe.”
Walang emosyon kong binalingan si Blad, “Huli mo na ‘yan.”
Tumawa siya ng marahan at may ibinulong kay Letizia. Sinulyapan ko ang kakambal kong hawak ang kamay ni Damian. Nagtaas siya ng kilay sa akin.
Tumayo ako at inayos ang necktie, “May aasikasuhin pa akong meeting ngayon. Ipapasa ko pa ang resignation letter ko. Maiwan ko na kayo.”
Hindi na ako naghintay pa ng permiso mula sa kanilang lahat. Palagi naman sila sa bahay kaya hinahayaan ko na. Mabilis kong pinatunog ang kotse at sumakay na roon. Malayo ang university sa bahay ko at malilate na ako sa meeting.
Pinaharurot ko ang kotse. Walang pakialam sa makapal na nyebe hanggang sa nawala ang mga iyon. Maraming nagbago sa nakalipas na maraming taon. Mga bahay, mga tao, mga paniniwala, mga pamumuhay, at ugali.
Pero may ilan pa rin na hindi makalimutan ang nakaraan. Binagalan ko ang kotse at para mapagmasdang mabuti ang isang bahay-kubo na nakatayo sa gitna ng kalsada. Wala nang mga ganyan na makikita sa panahon ngayon kaya nakatayo ‘yan diyan dahil sa mga taong ayaw makalimutan ang itsura ng ganoong bagay.
Ngumiti ako ng tipid at binilisan na ang sasakyan. Saktong alas syete nang nakarating ako sa unibersidad. Inaayos ko ang necktie at buhok ko habang binabati ng guard.
“Good morning, Sir.”
Tipid ang ngiti ko. Pagpasok pa lang ay napuno na ng pagbati ang tainga ko. Iba’t ibang lahi. Iba’t-ibang mukha ng mga studyante. May robot na naglalakad at isa-isang tinitingnan ang mga gamit ng mag-aaral. May isa pang robot na nagbabantay ng tatakas.
Lahat may CCTV camera na. Kahit saan tumingin, may itlog na nakakakita ng lahat. Isa sa kinaiinisan ko. Kung pwede lang gawing yelo, ginawa ko na noon pa.
“Good morning, Prof!”
Ngumiti ako ng tipid, “Good morning.”
Pagpasok sa office ay agad akong sinalubong ni Miminton, “Sir, nakahanda na po ang meeting sa main bulding.”
Tumango ako at bumuntong hininga, “Maghahanda na ako.”
Pinag-usapan sa meeting ang tungkol sa pagpaparami ng robot sa buong school. May inihahanda silang espesyal na robot na magsisilbing teacher ng mga studyante sa hinaharap. Ang baliw na mundong unti-unti nang pinaghaharian ng mga bakal. Mga walang kwenta.
Iritado akong lumabas ng university. Medyo madilim na at gusto kong magpahinga sa dami ng tinuruan ko buong araw. Kung bakit ko pinasok ang ganitong klase ng trabaho, hindi ko na alam.
Bukas ipapasa ko na ang resignation letter ko. Nagawa ko na iyon kanina at ipapasa na lang para maaprobahan. Tulog-kain na lang ako sa bahay buong araw.
Hinawakan ko ang pinto ng kotse pero natigilan nang makarinig ng sigaw na tila binubugbog. Naglakad ako palapit sa gawi na iyon at nakita ang grupo ng studyante sa likod ng building na may sinusuntok at sinisipa.
Bumuntong hininga ako at nilapitan sila, “Pagabi na. Baka gusto niyong ipagpabukas ‘yan at baka ikulong ko kayo sa classroom. Gusto niyo ba?”
Mabilis nilang tinapon ang bag ng lalaki at babae bago mabilis na nagsitakbuhan. Magulo ang buhok ng lalaki at umiiyak na rin ang babae. Pinulot ko ang bag at pinagpagan iyon bago inabot sa lalaki. Nakayuko ito sa akin at nagdadalawang isip pa kung kukunin ba o hindi.
“Kunin mo na ang bag mo at umuwi na kayong dalawa. Dumidilim na at hindi magandang maglakad pauwi kapag gabi.”
Binuksan ko ang bag pero wala naman nakita na kakaiba kaya isinara ko ‘yon. Inilapit ko sa kanila ang bag pero mas lalo pa yata silang natakot.
“Itigil mo ‘yan!” sigaw ng matinis ngunit malambing na boses sa likod ko.
Hindi ako lumingon sa kung sino mang nagsalita. Patuloy kong inaabot ang bag pero hindi nila tinatanggap.
“Hindi mo dapat sila sinasaktan!” sigaw ulit ng nasa likod ko.
Umirap ako sa kawalan, “At sino ka namang walang alam…”
Pagharap ay tumigil ang mundo ko. Babaeng maganda na hanggang dibdib ang haba ng buhok. Matalim ang tingin niya sa akin habang lumalapit. Paglagpas niya pa lang ay naamoy ko na ang puting rosas.
Ang amoy na iyon na ilang daang taon kong hindi naamoy, nanunuot sa ilong ko ngayon. Naging tipid ang oras na pati pagtibok ng puso ko ay bumagal din.
“Bagong lipat pa naman ako dito tapos ito pa ang unang nakita ko. Akala ko pa naman maganda ang school pero dito lang pala ako makakakita ng teacher na bully.” inis niyang sambit.
Hindi ako makagalaw. Maski ang kumurap hindi ko magawa. Natulos ako sa kinatatayuan.
“Kahit na malaki ang katawan niyo hindi niyo dapat sinasaktan ang studyante niyo, Sir. Kung pasaway man sila dapat ang parusa sa loob ng room lang at hindi sa labas. Maging propesyunal kayo.”
Ngumuso siya at nilapitan ang babae. Kinuha niya sa akin ang bag. Hindi nagtama ang mga daliri namin pero pakiramdam ko nakahawak ako ng kuryente.
“Umiiyak ka. Tumahan ka na.” pag-aalo niya sa babae.
Mabilis na tumakbo ang dalawa kaya naiwan kami. Napakurap-kurap siya at nakangusong pinagmasdan ang dalawang tumatakbo palayo.
Humarap siya sa akin at umingos, “Aalis na ako.”
Naglakad siya at nilagpasan na ako. Pinilit kong magising sa realidad at binalingan siya.
“Claudia Hermes Lopez.”
Natigil siya at tumingin sa akin sa gulat at nanlalaking mga mata. Umawang ang labi niya at tiningnan ang uniform pero wala roon ang name tag niya.
“Paano mo nalaman ang pangalan ko?” gulat niyang tanong, “Ikaw… kilala mo ako?”
Sa sandaling mabuhay ka ulit, ako ang unang makakakilala sa’yo.
“Kilala mo ba ako?” ulit niyang tanong, puno ng kalituhan ang mga mata.
Sa sandaling mabuhay ka ulit, ako ang unang magmamahal sa’yo.
Pumatak ang nyebe. Natabunan ng puti ang bubong, ang puno, at ang daan. Pero imbes na araw, ulan ang dumating. Pumatak ang malalakas na ulan na naging dahilan sa pagkatunaw ng nyebe.
Nilukot ko ang resignation letter na nasa bulsa at tinapon iyon. Sinong magreresign? Mananatili ako sa unibersidad. Mananatili ako kung nasaan siya.
Bumalik ka nga gaya ng sinabi mo. Lubos akong nasisiyahan, Claudia.






Share On Whatsapp

Leave a Reply






top