HIS LOVELY OBSESSION Kabanata 3


Inipit ko ang takas na buhok sa aking tainga pagkatapos kong ibigay ang pamasahe sa aking katabi.
“Para po!” sabi ko nang nasa kanto na ako sa amin.
Tumigil muna ako sa bakery store para bumili ng tinapay. Bale ‘yun na lang ang kakainin bago pumasok sa trabaho.
Wala naman akong aasahan sa bahay para lutuan ako ng kakainin ko.
“Pabili po, Aling Marietta.” sabi ko sa matandang kasalukuyan nag-aayos ng paninda niyang tinapay.
“Ano sa iyo, Aviona?”
“Isang loaf bread nga po,” sabi ko.
Kumuha siya no’n. “Palaman, Aviona?” baling niya sa akin.
Paumanhin akong umiling. “Huwag muna. Hindi pa po naubos ‘yong peanut butter na binili ko no’ng isang araw.”
“Ah. Ganoon ba. Sige.” aniya.
“Galing ka sa school niyo?” tanong niya no’ng napatingin siya sa uniporme ko.
“Opo,” sabi ko sabay kuha sa tinapay. Inabot ko naman sa kanya ang bayad ko ngunit hindi niya iyon pinansin.
“Ang sipag mo talaga, Aviona. Sa umaga nag-aaral ka tapos sa gabi, kanda-kuba ka sa pagtratrabaho,”
“Tapos iyong kapatid mo na si Yna. Walang ibang ginawa kundi magbulakbol sa pag-aaral.” umiiling pa siya, tila dismayado sa kapatid ko.
“Hmm. Heto na po ‘yung bayad ko, Aling Marietta.” pang-iiwas ko sa sinimulan niyang topic.
“Ayy! Oo nga pala. Sige na, Aviona. Pasensya na sa abala.” hilaw siyang ngumiti.
May kamalayan naman ako na ganoon talaga si Ate Yna. Pinabayaan na ang pag-aaral. Pero hindi naman tamang sabihin pa sa pagmumukha ko at ikumpara ako sa kanya.
Mali iyon.
Nasa bukana pa lamang ako ng aming bahay ay rinig ko na ang sigawan nina Nanay at Ate Yna. At hindi na bago sa akin ang ganitong eksena.
“Wala kang kwenta! Kung hindi dahil sa akin! Wala ka ngayon sa harapan ko! Pasalamat ka nga dahil binuhay ko kayo!” sigaw ni Nanay kay Ate Yna.
Mabilis akong humakbang palapit sa kanila.
“Sana tuluyan mo na lang akong pinalaglag! Kaysa mabuhay sa ganitong klaseng buhay! Mas gugustuhin ko na lang ang mamatay kaysa maging ina kita! Kaysa naman masilayan kita dito sa mundong ibabaw!”
“Ate!” hinawakan ko siya sa braso para patigilin siya sa pagsasalita.
Lumagitik ang palad ni Nanay sa pisngi ni Ate Yna.
“Tama na po,” sabi ko.
Tumagilid ang mukha ni Ate Yna dahil sa lakas ng impact no’n. Nakita kong umagos ang luha niya.
“Magsama kayong dalawa! Mga walang kwenta!” galit na sabi niya atsaka padabog na umalis ng bahay.
Kaagad kong niyakap ang kapatid.
“Shhh. Tahan na, Ate.” pang-aalo ko.
“B-bakit ganoon, Aviona? Sa dinami-dami ng ina sa mundo, bakit sa kanya pa tayo napunta?” sabi niya sa gitna ng kanyang hikbi.
Hindi ko rin siya masisisi kung bakit niya natanong ‘yun. Dahil kahit kailan hindi pa namin naramdaman ang pagmamahal ng isang ina.
Pati sa ama.
Magkapatid kami ni Ate Yna sa ina.
Puro siyang pilipino samantalang may dugo akong banyaga dahil amerikano ang ama ko, na hindi ko pa nakikita, ganoon din si Ate Yna sa ama niya.
Minsan tinanong namin si Nanay tungkol sa mga tatay namin ngunit wala kaming nakuhang maayos na sagot kaya hininto na din namin na malaman kung nasaan ang totoong tatay.
“Siguro… dahil kailangan niya ng anak na magmamahal sa kanya. Sa kanya tayo napunta dahil alam ng nasa itaas na hindi natin siya iiwan.”
Kung may pagkakatulad kami ni Ate Yna iyon ay ang mayroon kaming tunay na pagmamahal kay Nanay kahit gano’n ang trato sa amin.
“Bakit ka tulala, ha?” sabay bangga niya sa siko ko gamit ang kanya.
“Wala lang ‘to. Iniisip ko lang ang mga naiwan kong gawain ko sa school na nasa bahay.” sabi ko kay Sandra.
Sabay na kaming pumasok kanina. Nagpalit sila ni Danna ng schedule, pinakiusapan kasi siya ni Danna. Pumayag naman agad si Sandra dahil gusto niya daw akong makasama. Atsaka sabi niya enjoy daw magtrabaho sa gabi dahil naglalabasan ang mga gwapo.
At isa na doon si Saint… sabi niya.
Ayoko sana iwan si Ate Yna sa bahay na ganoon ang kalagayan ngunit pinilit niya akong pumasok dahil gagaan din daw kalaunan ang kinikimkim niyang sakit sa naging sigawan nila ni Nanay.
“Tiisin mo lang ang lahat ng hirap, Aviona. Isang taon na lang graduate ka na. Nakakalungkot lang isipin kasi hindi na kita makakasama rito kapag mag-a-apply ka ng ibang trabaho na linya ng kurso mo.”
“Ang drama mo ha, matagal pa ‘yun, Sandra.” tumatawang sabi ko.
“Basta proud ako sa iyo best friend.” sabi niya sabay halik sa pisngi ko.
Lumabas na rin kami pagkatapos namin magpalit. Hindi ko alam kung bakit awtomatik na nilibot ng aking paningin ang loob ng bar, wari may hinahanap.
No’ng nakaraang linggo ang huli namin pag-uusap. Iyon na din ang huling kita ko sa kanya.
Hanggang ngayon hindi pa rin ako natatahimik dahil sa mga kinikilos niya no’n. Siguro nga pinagloloko niya lang ako nang utusan niya akong ngitian siya.
Siguro pagkatapos ko siyang pekeng nginitian ay lihim niya akong pinagtatawanan dahil mabilis akong nauto. At para makaganti na rin sa akin.
Pagkatapos kong ilapag ang order no’ng isang grupo sa kanilang mesa ay umalis din ako agad para kumuha ulit ng order na nasa kabilang mesa.
Maraming tao ngayon kaya paroo’t parito ako sa mga nagtatawag ng waitress.
Kanina ko pa natanaw si Saint sa pa-letter U na sofa. Nag-iisa siya ngayon. At kanina pa nakasunod ang tingin niya sa akin.
Muntik na akong mabunggo no’ng isang lalaki dahil...


hindi siya nakatingin sa kanyang dinadaraanan.
Mabuti na lang mabilis akong umiwas.
Pagbalik ko, dadaanan ko ang inuokyupang sofa ni Saint ngunit hindi na siya nag-iisa ngayon. May kasama na siyang dalawang babae at kinakausap siya ngunit hindi niya pinapansin ang dalawa dahil nasa akin ang buong atensyon niya.
Hindi manlang siya umiwas ng tingin
nang mahuli ko siyang nakatingin sa akin. Kaya ako na lang ang umiiwas dahil naiilang at nahihiya ako sa paraan ng tingin niya.
Muntik ko pang matapon ang inumin sa isang costumer no’ng sulyapan ko ulit siya dahil sa pag-aakalang hindi na siya nakatingin ngunit nagkakamali pala ako.
Natapos ang trabaho ko nang hindi niya ako nilapitan.
Pero laking gulat ko no’ng may humintong magarang sasakyan sa harapan namin ni Sandra habang naghihintay ng jeep.
Pasimpleng kinurot ako ni Sandra sa tagiliran.
Lumabas mula doon si Saint. Sabay pa kaming suminghap ni Sandra. Lumapit siya sa amin.
“Natupad na ata ang pangarap ko, Aviona.” kinikilig na bulong sa akin ni Sandra.
Siniko ko siya para tumigil. Para siyang uod na binudburan ng asin dahil hindi mapakali.
“It’s already late. Let me drive you two on your way home,” sabi niya, sa akin siya nakatingin.
“Huwa-” Naputol ang sasabihin ko nang unahan ako ni Sandra.
“Buti nga, Sir! Sa ganitong oras, wala masyadong napapadaan na jeep dito. Buti nalang talaga, Sir, kayo ang napadaan.” may landi sa boses ni Sandra.
Napapikit na lang ako sa kahihiyang natamo dahil sa sinabi ni Sandra.
“Alright, then.” sabi niya, tinatantya ang reaksyon ko.
Tahimik lang akong sumunod sa dalawa. Siguro dahil sa pagod ay hindi na ako nakaangal pa.
Binuksan ni Saint ang pintuan sa passenger’s seat. Atsaka tumingin sa akin.
“Get in,” aniya sa akin.
“Huh?” Laglag ang panga ni Sandra, maski ako.
May pagdududang napatingin sa akin ang kaibigan.
Nagkandaugaga ako ng sasabihin. “S-si Sandra na lang po diyan, Sir,” nauutal pa ako. Hindi naman pwedeng dalawa kami sa back seat dahil magmu-mukha siyang driver.
“Sabi ko ikaw. Your friend will seat at the back seat.” walang kaemo-emosyon niyang sabi.
“P-pero-” aangal pa sana ako nang pinutol ako ulit ni Sandra.
“Pasok ka na, Aviona. Sa likod na lang ako,”
Wala ulit akong nagawa nang tinungo na ni Sandra ang likod at binuksan para pumasok.
Samantalang nakatayo pa rin ako.
Tumikhim ako.
“S-sana hindi ka na nag-abala pa,”
“Pauwi na ako at saktong nakita ko kayo. Hindi ako naabala, Aviona.”
Iminuwestra niya ang loob. Pumasok na lang ako dahil baka maghinala si Sandra sa amin, na wala naman dapat paghinalaan.
Maganda at purong itim ang interior ng sasakyan niya. Mahal, iyong ang unang pumasok sa isip ko unang kita ko palang sa sasakyan niya.
“Why are you so silent?” tanong niya pagkatapos namin unang ibinaba si Sandra.
Nilingon ko siya. Nasa daan ang tingin niya. At pansin ko rin na bumagal ang takbo niya, hindi kagaya kanina na parang mawawalan ako ng hininga sa sobrang bilis.
“W-wala naman akong sasabihin,”
“I heard from Kemery, you are a working student.”
“Ahm. Oo,”
Tumingin siya sa kanyang wrist watch.
“It’s already three twenty in the morning. Ano’ng oras pasok mo?”
Kahit naguguluhan ako sa mga klase ng tanong niya, tinugunan ko pa rin mga ‘yun.
“Ten thirty,” sabi ko. Tuesday kaya medyo maluwag ang schedule ko ngayon.
Nagkasalubong ang kilay niya nang sulyapan ako. “After your class, papasok ka ulit para mag-trabaho?”
Hindi ko napigilan ikutan siya ng mata, buti na lang hindi niya nakita. “Working student nga ako, di ba, kaya oo.”
Humigpit ang hawak niya sa manibela. Lantad sa paningin ko ang ugat niya sa kanyang kamay.
“How about your parents? Pinayagan kang magtrabaho sa gitna ng pag-aaral mo? You are still nineteen, Aviona.”
“Paano mo nalaman ang edad ko?” sa halip ay natanong ko. Ayokong maging paksa namin ang mga magulang ko, lalo na dahil hindi ako komportableng pag-usapan ‘yun kasama siya.
Nagkibit balikat siya.
Siguro baka nabanggit na naman ni Madam Kemery. Hanggang saan kaya ang kini-kwento ng manager ko tungkol sa akin dito sa lalaking ‘to.
“Itigil mo na lang diyan.” sabi ko sabay turo sa palaging pinaghihintuan ko.
“Nasaan ang bahay niyo?” Nakatingin siya sa labas, tila hinahanap nga ang bahay namin.
“S-sa loob pa,” aniko.
Mabilis niya akong nilingon. “What? Bakit dito ka bababa? Kung kaya naman kitang ihatid sa loob.”
Umiling ako. “Huwag na. Hindi naman kasya ang sasakyan mo. Makipot kasi ang daan.”
“Ihahatid ka ng sarili ko kung gano’n.” Akmang tatanggalin niya ang kanyang seatbelt nang pigilan ko siya.
“Huwag na. Kaya ko ang sarili ko. Laging ganitong oras ako umuuwi… wala naman nangyayaring masama sa akin.” sabi ko sa mababang boses.
“Hindi mo hawak ang isip ng may masamang binabalak sa iyo, Aviona. Paano ka nakakasigurong walang nag-aabang panganib sa iyo diyan sa madalim na eskinita na ‘yan?”
“Mababait ang mga tao rito. Hindi gaya ng iniisip mo.”
“Huwag kang magtiwala sa panlabas lang, Aviona. You don’t know what’s running on their mind.” saad niya. “Kaya ihahatid kita.”
“Huwag na sabi eh!” hindi ko napigilan taasan siya ng boses.
Kinagat ko ang pang-ibaba kong labi dahil sa inakto.
Hindi niya ako pinakinggan. Lumabas na siya.
Bago ko pa siya masundan ay nakita kong umilaw ang cellphone ko sa aking kandungan, hudyat na may nag-text. Tinignan ko ‘yun. Si Sandra.
Sandra:
Ano’ng ganap niyo ni Sir Saint? Ikaw ha, may hindi ka sinasabi sa akin 🙁






Share On Whatsapp

Leave a Reply






top