What a Girl wants 💕🥰
🍬 PROLOGUE 🍬
“CLASSMATES, sinong gustong bumili ng pastillas? Masarap to. Gawa namin ng nanay ko. Naku! Sa pinanggalingan kong school, bentang-benta to,” sabi ni Claribelle sa mga kaklase sa Broadcast Communication I-1 sa Central University of Asia.
Pangalawang araw pa lang ng klase at sinamantala na niya ang pagkakataong makapagbenta habang hindi pa dumarating ang professor. Dahil block section kaya naisip niya na pwede na siguro niyang simulan ang pagnenegosyo.
“What kind of pastillas is that again?” tanong ng artistahin na si Jessa. Papasok lang sa university ay nakakulot pa ang buhok at kuntodo ang makeup.
“Pastillas de leche. Pero may pastillas ube din. Gusto mo?” nakangiting alok ni Claribelle. Yes! Sa wakas ay may una na siyang customer. Maganda si Jessa kaya siguro maganda ring pang-buena mano.
“I mean, what brand is it?” nakangiwing tanong ni Jessa.
“Didn’t you hear? It is just homemade,” sabi ng kaibigan ni Jessa na si Venus na hindi man kagandahan ay makinis naman. Parang hindi dinadapuan ng alikabok ang balat.
“Doesn’t look like a sosyal homemade though. Isn’t she the scholar from the slums?” tanong ng isa pang lalaking patpatin na naka-gel ang buhok.
Ang lalaki ang kumausap kay Claribelle kahapon dahil sila ang nauna sa classroom. Unang impresyon ni Claribelle ay palakaibigan ang lalaki pero ngayon ay parang hindi na. Isa rin ito sa ipinagdidiinan na galing siyang squatter’s area at hindi sosyal.
“Excuse me? Don’t you know that you are not allowed to sell items here without the school’s permission? It is not the same as the public school where you came from,” sabi ni Marie na seatmate ni Claribelle kahapon. Akala niya ay mabait din ito.
“Baka madumi yan. I bet, wala kang sanitary permit. Will you handle our medical bills if we get sick from your dirty pastillas?” masungit na tanong ni Marvin, anak ng isang mayor sa Norte.
Napatingin si Claribelle kay Marvin. Ang sabi ng lalaki, kapag kailangan niya ng tulong ay lapitan lang niya ito. Pero ngayon, ito pa ang nagpapasama sa kanya.
“Grabe naman kayo. Di naman madumi at nakakadiri ang pastillas na tinda ko. Wala pa naman sa mga kaklase ko mula elementary ang nagkasakit dahil dito,” depensa niya.
“Of course. They are destitute people. Sanay na ang tiyan nila sa maruruming pagkain. Don’t compare them to us,” nakatirik ang mga matang sabi ni Jessa.
“I think we should tell the dean about this incident. This is against the school policy. She will make our class look cheap,” sabi ni Venus na sinang-ayunan ng iba pa nilang mga kaklase.
Natigilan si Claribelle. Wala pa siyang isang linggo sa Central University of Asia, sa dean’s office agad ang bagsak niya? Di bale sana kung pasaway siyang estudyante. Hindi naman. Bakit ba doon siya nag-enroll? May iba namang university na may offer na scholarship para sa kanya. Pero ang CUA ang pinili ng nanay niya dahil iyon ang pinakamamahalin sa lahat ng university na magbibigay ng scholarship; at sigurado raw na maraming bibili ng pastillas na ibinebenta nila dahil mayayaman ang estudyante roon.
Ayaw ni Claribelle na maramdamang kawawa siya. Gusto niyang pagmumurahin isa-isa ang mga mapanlait na kaklase. Pero ayaw niyang magmura. Nangako siya sa kanyang nanay na hindi magmumura dahil gusto nitong maiba ang buhay niya kaysa sa mga kapitbahay nila. Gusto nito na maging pino siyang kumilos kaya doon din siya pinag-aral. Pero ngayon ay parang gusto na niyang magsisi.
Sana, sa state university na lang nag-aral si Claribelle. Sana, kasama na lang niya ang mga kaibigan na bukod sa tanggap siya at nakakarelate siya ay hindi siya mamaliitin. Wala na siyang makakasamang kumain ng isaw. Lalong walang bibili ng masasarap na pastillas na gawa ng nanay niya. Kung wala siyang mabebentang pastillas, hindi niya alam kung saan kukuha ng baon.
“Pabili ng pastillas. Isang balot.”
Nagulat si Claribelle nang may magsalitang lalaki sa tabi niya. Parang kapapasok lang sa classroom. “Ha?” sabi niya at napatitig sa lalaki (Cute ☺️) Iyon agad ang pumasok sa isip niya. Matangkad ang lalaki na sa tingin niya ay sixteen lang gaya niya pero parang poste na sa tangkad. Nasa five-nine siguro ang height at makisig ang tindig kahit white Tshirt at pantalong maong lang ang suot. Naka brush up ang buhok. Nakangiti ang mapupungay na mata at matangos ang ilong. Parang tumigil ang mundo nang ngumiti ito at lumitaw ang dalawang malalim na dimples sa magkabilang pisngi.
Pero walang oras si Claribelle para matulala sa lalaki na hindi niya alam kung saan nanggaling. Guwapo ito at maamo ang mukha. Pero ganoon din naman ang ibang mga kaklase niya na nanghahamak sa kanya.
“Bibili ka?” tanong niya sa lalaki.
“Oo naman. May pera naman akong pambili,” sabi nito at inilabas ang wallet.
“Malay ko ba kung kasabwat mo sila at isusumbong mo ako sa dean ng school,” sabi niya at ngumuso sa mga kaklase.
Inilabas ng lalaki ang isandaang piso at iniabot sa kanya. “Heto ang bayad ko.”
“Wala akong panukli,” sabi ni Claribelle. “Beinte lang naman ang isang balot. Wala ka bang barya diyan?”
“Ipunin mo...