ILAW NG PAGBABAGO Kabanata 1


“Anong oras na hindi pa kayo bumabangon! Ang dami-dami na naming nagawa sa bahay na ‘to tapos kayo natutulog pa? Ang sarap naman yata ng buhay ninyo riyan.”

Mula sa aking kwarto ay dinig na dinig ko ang malakas na tinig ni mama sa kusina. Ganyan siya tuwing umaga, laging nagbubunganga, akala mo naman talaga wala ng natirang gawaing bahay sa dami na “raw” ng kanilang nagawa. Lagi nalang siyang ganyan. Ang lakas pa ng boses, parang nakalunok ng megaphone. Halos lahat yata ng mga kapitbahay dito sa amin nakakarinig ng pagbubunganga niya eh. Kainis.

Alas syete palang ng umaga pero bumangon na ako at niligpit ang hinihigaan ko dahil ayaw kong matapunan ng mainit na tubig. Joke lang. Di naman nagtatapon si mama ng ganon, tinatakot lang talaga niya kami. Eto namang kapatid kong tulog-mantika, aba, hindi talaga nagpapatinag. Bahala siya dyan. Baka tuluyan na siyang masapak ng super saiyan. Joke ulit.

Bumaba ako at isinaksak ang cellphone kong na-lowbatt simula pa kagabi. Ilalagay ko na sana sa mesa yung cellphone ko nang….

“Aba! Tanghali na nga nagising tapos inuuna pang atupagin yung pagse-cellphone! Parang mga negosyante! Wala na talaga kayong nagagawa sa bahay na ‘to! Lagi nalang ang mama ninyo ang gumagawa ng lahat ng mga gawain dito sa bahay!” Isa pa ‘tong tatay ko na wala ring ibang ginawa kundi sundin ang yapak ng nanay ko. Nagtitimpi na talaga ako dito pero ayaw kong magalit ng husto lalo pa’t tatay ko siya at malaki ang respeto ko sa kanya.

Nilagpasan niya ako at dumiretso naman ako sa kusina. Buti nalang nakapagtimpi ako. Ang ayaw ko sa lahat ay ‘yung pinararatangan ako sa mga bagay na hindi ko naman ginawa. Char, ang drama. Pero nag-charge lang naman ako ng phone ko eh. Akala niya kasi nagse-cellphone ako kasi hawak ko ‘yung phone ko pero tiningnan ko lang naman talaga kung nag-charge ba. Ang OA naman.

Tiningnan ko kung ano yung tinakpan sa lamesa ngunit pagbukas ko ay wala palang laman. Ano ba naman ‘yan! Inilibot ko ang paningin ko para tingnan kung anong maaari kong lutuin at natigil ang mata ko sa lalagyan namin ng mga gulay. Tila naging puso ang aking mga mata pagkatingin kong may sitaw doon. Tamang-tama! Ito nalang lulutuin ko. Sinimulan kong hiwain nang hindi gaano kaliit ang mga sitaw tsaka ko hinugasan. Pagkatapos naghiwa rin ako ng bawang at sibuyas at inihanda ko rin ang pangmalakasang maggi magic sarap ni mama.

Habang hinihintay kong maluto ang aking adobong sitaw, nahagip ng aking paningin ang isang bible na inaalikabok na sa sulok. Kinuha ko ito at binuksan, hindi alintana kung saang pahina ako napunta ngunit natigilan ako at hindi ko batid kung bakit nakaramdam ako ng kirot sa aking puso nang mabasa ko ang isang verse doon.

Kabanata 2

Habang pinagmamasdan ko ang nagniningning na tubig ng dagat sa gilid ng dalampasigan, napaisip ako bigla doon sa nabasa ko.

Paano kaya kung magkatotoo ang pangyayaring iyon? Saan kaya ako mapupunta?

Muli, kumirot na naman ang aking dibdib. Hindi ko mawari kung bakit bumabalik sa aking isipan ang mga katagang iyon. Masakit. Dahil naniniwala naman talaga akong posibleng mangyari ang bagay na iyon.

Pinagmasdan ko nalang ulit ang mga alon na matiwasay na nagpapabalik-balik sa buhanginan. Mas mainam na dito na muna ako upang makapagisip-isip.

“Hoy! Ate! Gising!” Ano ba ‘yan! Sino ba ‘tong sea creature na ito na mahilig manggulo ng buhay ng may buhay? Minulat ko ang aking mga mata at bumungad sa akin ang pangit na mukha ng aking walang hiyang kapatid. Partida! Bakit ba ako natunton ng isang ‘to?

“Ano ba! Nakakarami kana ah! Ano bang kailangan mo?” Nagngising-aso siya—mukha palang aso talaga ang isang ‘to pag nakangisi. Tsk.

“Pinapauwi ka ni mama. May i-uutos daw.” Utos na naman. Tapos ko ng gawin lahat ‘yong mga gawain ko sa bahay eh. Kaya nga nagpunta ako rito para makapag-relax. Hays. ‘Ba naman ‘yan!

“Ikaw nalang gumawa ‘non. Inaantok pa ako eh. Tsaka tanghali ka na nagigising. Dapat ikaw na ang gum—” Aba! Tinalikuran lang ako! Bastos talaga ‘tong batang ‘to. Hindi ko alam kung saan ‘to nagmana eh. Walang modo!

Inayos ko ‘yong damit kong nagusot bago ako nagpasyang umuwi. Ano na naman kayang i-uutos ni mama? Haynaku. Ang dami-daming utos, wala namang sahod. Joke.

“Saan ka galing?” Bungad sa akin ni mama pagkauwi ko ng bahay.

“Sa dagat po, nagpapahangin lang pero nakatulog pala ako, ‘di ko namalayan.”

“Nakita mo ba ‘yong kapatid mo?” Ha? Akala ko ba dito galing ang isang iyon?

“Hindi ba nagpaalam sa inyo, Ma? Pinuntahan ako doon sa dagat eh ngayon-ngayon lang para pauwiin ako kasi may i-uutos ka raw.”

“Naku. Ang batang ‘yon. Siya ‘yung inutusan kong bumili ng karne ng manok sa palengke eh pero bigla nalang nawala pagkatapos kong sabihin na hindi pwedeng gamitin motor.”  Ang walang hiyang ‘yon. Ipapasa talaga sa akin kung anong utos para sa kanya.

Pinalampas ko nalang ang pangyayaring ‘yon at ginawa ang iniutos ni mama na dapat sana ang kapatid ko ang gumawa.

Kabanata 3

Mabilis umusad ang mga araw. Hindi ko namamalayang nandito na pala ako’t nakikipagsapalaran sa isang unibersidad malayo sa pamilya ko. Namimiss ko na sila agad. Pero ginusto ko ‘to. Ginusto kong mag-aral dito kaya paninindigan ko ito.

Nagising ako ng 5:30 AM tapos ang pasok ko ay 7:00 AM. Mabuti nalang may natira pa akong kanin at ulam kaya hindi na ako nagsaing dahil wala na nga rin akong oras. Naligo ako ng mabilisan at nagbihis ng usual na sinusuot ko, printed na leggings at kulay white na t-shirt.

Lakad-takbo ang ginawa ko papuntang school dahil nga late na ako at hindi ko rin alam kung saang lugar ako pupunta. Ito na nga ba ang sinasabi ko eh. Dapat kasi gumigising ng maaga Sam para hindi nale-late. Ayan tuloy.

“Excuse me po, saan po ba itong DTE?” Tanong ko sa nakasalubong kong babaeng estudyante.

“Ah doon po malapit sa orange building.” Orange building? Saan ba ‘yon? Hindi ko nga rin alam ‘yon eh.

“Sige salamat po.” Nagpatuloy ako sa paglilibot at pagkatapos ng kalahating oras ay nakarating din ako sa wakas sa DTE. Dito lang pala. Edi sana doon ako sa daanan pakaliwa dumaan. Kaya pala ‘yon ang daang tinuro ng babae kanina. Ba’t di ko agad naisip ‘yon?

Hay! Napakahirap lakarin ang unibersidad na ito. Sobrang lawak. Sa sobrang lawak, papayat ako nang husto sa araw-araw ng paglalakad ko dito.

“Magandang umaga sa lahat, ako nga pala si Sam Dela Fuente. Labing-siyam na taong gulang. Kasalukuyan akong nakatira sa Brgy. Guadalupe.” Ilang beses ko nang paulit-ulit na sinabi ang linyang ito ngayong araw bilang pagpapakila ko sa aking sarili sa bawat instructor namin. Hindi ako gaanong sanay sa ganitong bagay. Bata pa lang ako, hindi kasi ako friendly at kahit paulit-ulit na rin itong ginagawa noong highschool, hindi pa rin ako nasasanay. Well, iba kasi ang mundo rito. Maraming mga taong nagmumula sa iba’t ibang lugar at hindi ko alam kung magiging maayos ba ang relasyon ko sa kanila.

Sa isang bahagi ng silid sa bandang kanan ako umupo kasi doon mas komportable ako. Wala masyadong titingin kasi isang upuan nalang, hulihan na. May kakilala din akong kaklase ko noon na naging kaklase ko rin ngayon, Si Feyy Limpiado. Hindi kami gaanong close noon kasi magkaiba kami ng mga hilig at iba rin ang circle of friends namin pero ngayon naging madalas ang pagsasama namin, kami lang kasi ang magkakilala dito.

Sa araw na ito, isang tipikal na gawain lamang ng mga estudyante ang aming ginawa, ang pagpapakilala sa sarili since first day pa ito ng pasukan. Nagpakilala na rin ang ilan sa aming mga instructors at halos lahat ay mababait. Sana tuloy-tuloy na ito.

Umuwi ako ng boarding house na tahimik. Wala rin akong masyadong kakilala dito. Sa room 1 ako matutulog dahil ito ang naibigan kong room noong nag-inquire ako dito. Maganda naman tsaka mura lang din at alam kong makakaya kong manatili rito ng mag-isa, walang mga magulang at mga kapatid.

Pero sa hindi inaasahang pangyayari ay nakatagpo ako ng mga taong maituturing ko na ring pamilya, ang aking roommates. Akala ko magiging tahimik lang ang pagpapanatili ko sa boarding house na ito hanggang sa makapagtapos ako pero mali pala ako. Naging magaan ang loob ko sa kanila. Nagkaroon ako ng bagong mga ate na mapagsasabihan ko ng mga problema.

Kabanata 4

Nagising ako sa ingay ng alarm clock sa paligid. Tiningnan ko kung anong oras na at 4:00 AM na pala. Bumangon na lang ako kahit mamaya pang alas-syete ang pasok ko. Mabuti na rin ito upang mas makapaghanda ako. Nagsaing ako at nagluto ng ulam pagkatapos. Itinabi ko muna ang ulam sa isang tupper ware at dinala ko sa room namin. Naghanda ako ng damit na susuotin at pagkatapos ay naligo. Hindi pa nagigising ang iba kong kasama sa room. Siguro mamaya pa ‘yon kaya minabuti kong hindi masyadong mag-ingay kasi baka magising ko sila. Saktong alas-sais ay natapos akong gawin lahat ng mga kailangan kong gawin. Hinanda ko na ang bag ko at pagtungtong ng 6:30 ay aalis na ako.

Sa DTE pa rin ang schedule ng klase namin ngayon. Ngunit kagaya kahapon ay wala pa rin kaming formal na klase. Ang ibang instructors ay inilahad ang tungkol sa mga subjects namin, ang iba nama’y nasa stage pa ng pagpapakilala. Ang sabi ng iba’y pag ganitong bago pa lang ang pasukan ay wala pa masyadong maayos na klase. Kaya naman maaga akong umuwi sa bhouse. Hindi ako lumabas at doon lamang ako nanatili sa bed ko.

“Hi, Sam!” Si Ate Glam, ang first roommate na nakausap ko na same course ko lang din.

“Hello po. Wala po kayong pasok?”

“Meron kanina pero umuwi na lang ako kasi wala pa namang formal na klase ngayon eh.”

“Ah, oo nga po eh. Kami nga rin kanina ganoon din.”

Inabot kami ng ilang oras sa pagkwe-kwentuhan ni Ate Glam. Ang sarap niyang kausap, hindi nauubusan ng topic. Minsan nakakarelate ako sa kanya. Tapos ang bait-bait pa niya. Sana lahat ng tao dito sa bhouse ay kagaya niya.

Naisip naming magluto ng noodles at pumayag naman ako. Habang kumakain kami, pinagpatuloy namin ang aming kwentuhan.

Alas-tres pa lang ng hapon pero sobrang nakakapagod na. Pagkatapos naming magkwentuhan ni Ate ay pumunta ako sa school pero as usual, nag-‘introduce yourself’ lang ulit kami. Pero nakakapagod kasi malayo ‘yong rooms ng schedule namin.

Pagkarating ko sa bhouse ay dumiretso kaagad ako sa bed ko at umidlip ngunit pagkahiga ko, hindi ko alam kung bakit biglang nawala ‘yong antok ko. Kaya in-open ko nalang ‘yong Facebook app ko kasi ilang araw na rin akong hindi nakakabisita rito. Pagkaopen ko ay nag-pop up agad ang message ng kaibigan kong Si Louisse.

“Chang, kita tayo minsan sa eco park. Bible study tayo.”

Kabanata 5

Kinaumagahan, maaga ulit akong nagising dahil ako na mismo ang nag-set ng alarm para hindi ako ma-late. Ginawa ko ‘yong usual na ginagawa ko bago ako umalis ng bhouse.

May iilan pa rin sa mga instructors naming hindi pa namin nakikilala dahil hindi rin namin alam kung bakit hindi pa sila nagpapakita. Ang iba nama’y sinimulan nang ipakilala ang subjects namin, kung ano ang i-e-expect namin at iba pang mga importanteng dapat naming malaman sa subjects na iyon.

Dahil marami pa akong free hours, nagpasya akong makipagkita sa kaibigan kong si Louisse sa ecopark.

“Chang, free ka today? I’m at ecopark.” Pagkatapos kong magtipa ng mensahe ay nag-scroll muna ako sa newsfeed ko sa Facebook. Ilang minuto pa ang lumipas bago tumunog ang messenger ko, nagpapahiwatig na may bagong mensaheng dumating. Tiningnan ko ang pangalan sa notification bar at nireplyan ko ito kaagad pagkakita ko sa pangalang Louisse Muñoz.

“Okay, chang. Free din kasi ako today. May dala ka bang bible?”

Sa pagkakaalala ko, may dala dala akong bible nung bumyahe ako papunta rito eh. Pero pagkatingin ko sa bag ko, naalala kong nilagay ko pala ‘yon sa ibabaw ng bed ko.

“Naiwan ko sa boarding house, chang eh.”

“Ganon ba? Okay lang ‘yan, chang. May bible naman akong dala dito.” Hindi pa ako nakapagreply ay may panibago na naman siyang mensahe.
“Sige, chang, antayin mo ako dyan, papunta na ako. Teka, saang banda ka ba?”

“Sa harap ng gazebo, sa bandang north, chang.”

“Okay, chang. See you!”

Hindi na ako nagreply pa. Hinintay ko nalang si Louisse na pumunta dito. Hindi naman siguro siya matatagalan kasi malapit lang naman siya.

Inilibot ko ang paningin ko sa paligid. Napakaraming puno, napakaraming tao. May mga nagtatawanan, may mga nag-uusap ng masinsinan, may mga estudyanteng tahimik na nagbubuklat ng kanilang aklat, may mga kumakain, mga nakaupo lang mag-isa at may mga nagse-cellphone. Ngayon ko lang din na-appreciate ang kagandahan ng mga matatayog na punong nandito. Sabi nila’y ang mga ito raw ay sinasadyang itanim dito.

“Hi, chang!” Isang malaking ngiti ang ibinungad ni Louisse sa akin pagkaraan ng ilang minutong paghihintay. Nakasuot siya ng puting long sleeves na damit na may belt at itim na saya. Napakapormal ng dating niya at bagay na bagay din sa kanya ang kanyang suot ngayon.

“Kamusta ka? Grabe ilang araw din tayong hindi nagkita ‘no? At ang laki ng espasyo ng university na ‘to ah. Parang anytime maliligaw tayo eh.” Nginitian ko siya pabalik at kinamusta rin. Nag-usap muna kami saglit tungkol sa mga first time experiences namin dito sa VSU bago kami nagsimulang mag-usap tungkol sa pinakapunto ng aming pagkikita.

“So, saan tayo magsisimula? May mga tanong ka ba para masagutan ko o ano?” Pagsisimula ni chang. Marami akong gustong i-tanong ngunit hindi ko alam kung saan ako magsisimula.

Ang hirap palang mag open ng ganitong topic. ‘Yong tipong gustong-gusto mo ng magkaroon ng kasagutan sa mga tanong mo pero ni pagbukas ng bibig ay hindi mo magawa. Pero hindi ko alam kung bakit narito ako ngayon at naghihintay pa rin ng sagot. Ang labo.

Kabanata 6

Lumipas ang mga araw at nagsisimula na rin kaming magseryoso sa aming klase. Bawat araw ay nagiging busy kami dahil unti-unting dumarami ang aming nga gawain.

Hindi pala talaga madali ang buhay sa kolehiyo. ‘Yong kahit pagod ka na pero wala kang magawa kung hindi ang magpatuloy.

Pinasok ko ang bagay na ito dahil simula bata pa ako ay pangarap ko na talagang makapag-aral sa isang university. Siyam kaming magkakapatid at ako lang ang tanging may gustong magpatuloy ng kolehiyo. Noong una ay hindi sila sang-ayon sa kagustuhan kong mag-aral doon. Hindi nga ako suportado sa pag-aaral ko financially eh kasi wala din naman kaming panggastos. Ipinilit ko lang talaga ang sarili ko na mag-aral dahil sa pangarap ko at para sa kanila din naman lahat ng ‘yon.

Pagkatapos ng aming pangalawang klase sa umaga ay dinala ako ng mga paa ko sa canteen. Bumili ako ng makakain dahil nagutom ako bigla. Pagkalingon ko para bumalik na sa aming department ay nakasalubong ko si Louisse.

“Hi, chang! Kamusta ka na?” Malaki ang ngiti niya nang makasalubong ko siya kaya nginitian ko rin siya pabalik. Nakasuot siya ngayon ng black long sleeves na may ribbon sa gitna at polka-dot circular skirt paired with her usual white shoes. Lagi siyang nakasuot ng long sleeves at skirt dahil hindi siya Roman Catholic gaya ko pero kahit ganoon, hindi ko siya nakitaan ng pagkakaiba. I mean, oo, iba ang paraan ng pananamit niya pero I don’t judge her and I respect her faith. Actually, I admired how formal she wears dahil ‘yon naman talaga ang tamang kasuotan ng mga babae para sa akin.

“Hello, chang. Okay lang ako. Medyo naging busy na kami the past few days sa dami ng mga gawain namin pero okay pa rin naman ako. Ikaw, kamusta? Huli tayong nagkita ay ‘yong nandoon tayo sa ecopark eh. Tapos no’n hindi na kita masyadong nakikita ulit.”

“Oo nga, chang eh. Magkaiba kasi tayo ng schedule, ‘yong free time mo, class hours ko naman. Anyway, okay lang din ako, chang. At oo nga pala! Tamang-tama at nakita kita ngayon.”

“Bakit? Anong meron?” Tanong ko dahil medyo naguluhan ako sa huling sinabi niya.

“Pupunta kami sa Sogod. Sama tayo? ‘Wag kang mag-alala i-lilibre kita ng pamasahe.” Ngingiti-ngiting sabi niya. At dahil gusto kong makapunta ng ibang lugar, walang pag-aalinlangan akong pumayag sa alok niya.

“Sige, kailan ba ‘yan? At anong meron?”

“Ngayong Thursday, chang. Sem-break naman natin ‘yan so okay lang. May Youth Anniversary kasi sa simbahan namin doon chang at every time na may ganyang activity doon, pinapapunta kaming lahat na taga iba’t ibang simbahan.” Naguluhan ako, hindi ko maintindihan pero hindi nalang ako nagtanong. Pumayag ako kaagad nang hindi tinatanong kung anong magiging flow ng activity na ‘yon. Basta ang nasa isip ko lang, makakapunta na ako sa wakas sa ibang lugar. At gusto ko rin kasi makapagrelax ako dahil na-e-stress na rin ako sa school.

Kabanata 7

Tinanong ko si Louisse kung ilang araw kami doon at ang sabi niya ay isang gabi at isang araw daw kaya nagdala ako ng konting damit na intended lang sa isang araw. Nagdala rin ako ng iba pang mga gamit gaya ng sabon, shampoo, mga skin scare products ko at kung ano-ano pa. Maya-maya may tumunog ang cellphone ko at nakita kong galing ang mensahe kay Louisse.

“Chang, mamayang 2:00 PM daw tayo tutulak papunta roon. Sasakay kami ng Metro Bus at hintayin mo lang na dumaan doon sa waiting area. Ako nang bahalang magsabi sa konduktor na i-hinto ang bus para makasakay ka. Tatawagan nalang kita mamaya.”

“Okay, chang.”

Dali-dali akong naligo pagkatapos at nagsuot lang ako ng blue t-shirt at flower-printed na...


leggings. Nagsuklay ako ng buhok at inilagay ang aking relo sa kaliwang wrist ko at ang iba ko pang mga jewelry tapos inihanda ko na ang aking mga dadalhin. Nagpaalam muna ako sa mama at ate ko bago ako umalis. Saktong pagkalabas ko ng bahay ay nagtext si Louisse at ang sabi niya ay maghintay na raw ako doon sa waiting area dahil papunta na raw ang bus na sinasakyan nila.

Ilang minuto na akong naghihintay at may iilang Metro Bus na rin ang dumaan pero air-conditioned nga lang. Tinawagan ako ni Louisse at sabi niya ay nasa Hindang Market na raw sila. Alam kong ilang sandali na lang ay dadaan na ang bus dito kaya tiningnan ko ng maigi kung anong kulay ng bus ang dadaan at hindi nga ako nagkamali dahil malayo pa lang ay namataan ko na ang aking kaibigan na may dalang cellphone na nakatapat sa kanyang tainga.

Sumakay kaagad ako at umupo sa tabi niya. Pagkapasok ko ay nakita ko ang kanyang mga kapatid na nakaupo rin sa magkabilang upuan. Ngumiti silang lahat sa akin at nahihiya rin akong nginitian sila pabalik.

Habang tahimik akong nakaupo katabi ni Louisse ay naisip kong tanggalin ang lahat ng mga jewelry na suot ko ngayon. Una kong tinanggal ang aking relo, sunod ang aking singsing, tapos ang aking kwentas, at panghuli ang aking bracelet. Hindi ko alam kung bakit ko ito ginagawa pero I suddenly felt na kailangan kong tanggalin lahat ng ito at nilagay ko ito sa wallet ko. Ngumiti sa akin si Louisse dahil sa ginawa ko pero alam kong makahulugan ang ngiting ‘yon.

Habang bumabyahe ay pinagmamasdan ko ang labas mula sa bintana ng bus. Mamasa-masa ang daan dahil sa malakas na pagbuhos ng ulan kanina, buti nalang ay hindi na masyadong malakas ngayon. Wala pa rin akong ideya kung anong gagawin namin pagdating namin doon. Well, sa totoo lang, hindi ko rin kasi alam kung ano ang Youth Anniversary eh dahil first time ko naman itong gawin.

Sa byahe ay nakita kong natutulog ang dalawang kapatid ni Louisse at pati na rin siya. Ako naman, kahit anong pilit kong ipikit ang aking mga mata ay hindi pa rin ako makatulog. Masyado akong naaaliw sa mga tanawing nakikita ko sa labas. Gayunpaman, pinilit ko pa rin ang sarili kong umidlip.

Kabanata 8

Makalipas ang halos dalawang oras na byahe ay nakarating din kami sa bayan ng San Pedro sa Sogod Southern, Leyte.

Pumasok kami sa bahay ng tiyahin ni Louisse at mainit ang pag welcome nila sa amin. Nag-shake hands kami sa isa’t isa, hindi ko alam kung bakit ganon pero siguro ‘yon ang paraan nila ng pag welcome sa mga bisita. Ngingiti ako habang nakikipag-shake hands dahil batid ko naman ay mga mababait ang mga tao rito, hindi nga lang ako marunong makihalubilo sa iba dahil hindi ako sanay.

Sobrang ingay ng paligid, maraming nagkakamustahan, maraming nagtatawanan dahil nagkita na rin sila sa wakas. At uulitin ko, wala pa rin akong ideya kung anong gagawin namin dito.

Pagkatapos naming maghapunan ay kumuha si Louisse ng mga damit na susuotin at sinimulang plantsahin dito sa maliit na eapasyo ng kanilang bahay, hindi kalayuan sa hapag-kainan.

Naisip kong tanungin siya tungkol sa mga nangyayari ngayon dito dahil na-curious na ako. Tila hindi ko ito maaaring ipagpabukas pa.

“Chang, anong gagawin natin dito? Tsaka para saan ‘yang mga damit na pinaplantsa mo?” Ngumiti lamang siya at sinagot ang tanong ko.

“Magsisimba tayo, chang.” Oh, no. Wala akong dalang damit na pangsimba. Bakit hindi ko naisip ang bagay na ito? Sam, Youth Anniversary nga sa simbahan nila diba? Haynaku! Wala na, hindi na ako makakabalik pa sa amin. Nakakahiya namang magsuot ng pants sa simbahan nila kung silang lahat ay nagsusuot ng mga saya o bistida. Ako lang ang maiiba, nakakahiya.

“Hala, wala akong dalang damit, chang. Sana sinabihan mo ako kanina para nakapaghanda ako ng maisusuot.”  Tumawa siya at inilabas ang isang dress na may stripes na black and white na kitang kita ang balikat ngunit hindi ko pa natatapos na tingnan ang kabuuan ng dress ay may inilabas siyang isa pang damit, kulay itim na blazer na parang may puff sa bandang balikat. Doon ko naisip na bawal nga pala silang magsuot ng damit na nakikita ang balikat.

Dumiretso na kami sa loob pagkatapos niyang plantsahin ang mga damit dahil malapit na raw magsimula ang simba.

Pumasok kami sa maliit na bodega ng kanyang isa pang tiyahin. May mga nakalagay na bundok ng damit doon, may mga sandals, at marami pang mga gamit. Nagbihis kami doon, hindi na nagkahiyaan dahil pareho naman kaming mga babae pero nakatalikod kami sa isa’t isa. Hindi ko alam kung anong magiging hitsura ko sa damit na ito ngunit base sa tingin ng aking kaibigan ay batid kong kasya lang at bagay sa akin ang damit na suot ko.

“Ito din ‘yong sinuot ni Ate Lenee noon, chang. Kasyang-kasya pala sa’yo.” Nginitian ko nalang siya pagkatapos niyang sabihin ‘yon.

“Oh siya, tara na at baka ma-late pa tayo.”

Sinundan ko siya sa paglalakad at nakarating kami sa kanilang simbahan malapit lang din sa kanilang bahay. Akala ko maliit lamang ang espasyo ng simbahan nila ngunit nagkamali ako pagkakita ko rito. Sobrang lawak at sobrang linis din tingnan.

Kabanata 9

Ang daming tao, halos lahat ay mga ka-edad ko o mas bata pa sa amin. Naaaliw akong tumingin sa paligid. May iilan din ang lumapit sa amin at nakangiting nakikipag-shake hands.

Sa gilid ay doon kami umupo katabi ng isa ko pang kaibigang si Erin. Nakita ko na siya dati sa school dahil may common friends kami pero hindi ko alam na church mates pala sila ni Louisse. Ang liit naman ng mundo.

Maya-maya ay nagsimula nang magsalita ang lalaking nasa gitna sa may maliit na stage.

“Magandang gabi sa ating lahat, mga kapatid! Nagagalak akong makita kayong lahat at makasama upang purihin ang ating Diyos!” Sobrang lakas niyang magsalita. Kahit naka-microphone ay sumisigaw pa rin siya. “Ganito ba talaga sila kung magsalita?” Nasabi ko nalang sa aking isipan.

“Bago tayo magsimula ay babasahin ko muna ang isang verse dito sa book of Psalm Chapter 29 verse 2, Ascribe to the Lord the glory due his name; worship the Lord in the splendor of holiness. Praise the Lord Jesus Christ! Hallelujah! Hallelujah!” Tiningnan ko ang katabi ko at nakapikit sila. Pagkatingin ko rin sa unahan at sa aking kanan ay ganoon din. “Pipikit ba talaga? Pero nahihiya ako baka may tumingin sa akin.” Tanging nasabi ko nalang sa aking isipan. Sa huli ay hindi ko magawang maipikit ng tuluyan ang aking mga mata kaya nagpasya nalang akong huwag nalang.

“Sa ating pagsisimula, awitan natin ang Diyos dahil sa Kanyang kabutihan sa atin sa awit na…..Heart of Worship.” At nagsimula nang tumugtog ang kanta gamit ang iba’t ibang instruments ng simbahan.

I’m coming back to the heart of worship
And it’s all about you
It’s all about you, Jesus
I’m sorry, Lord, for the thing I’ve made it
When it’s all about you
It’s all about you, Jesus

Nagsimula na ring kumanta ang lahat. Wala pa rin akong ideya kung ano ang magiging flow nito at kung papaano ito magtatapos. Hindi ako mapakali, siguro dahil sa sobrang dami ng tao at bago sa akin ang pangyayaring ito.

When the music fades
All is stripped away
And I simply come
Longing just to bring
Something that’s of worth
That will bless your heart
I’ll bring you more than a song
For a song in itself
Is not what you have required
You search much deeper within
Through the way things appear
You’re looking into my heart

Nakapikit na ang lahat, ninanamnam ang bawat mensaheng nakapaloob sa musika ngunit ako ay ganoon pa rin, hindi mapakali at masyadong pre-occupied ang isip. Naguguluhan pa rin ako hanggang ngayon. Bakit kaya ito nangyari sa buhay ko? Bakit kaya ako narito?

Kabanata 10

Natapos ang pagsisimba namin sa gabing ‘yon na marami akong natutunan. Ang iba sa aking mga tanong ay nabigyan na ng kasagutan. Ngunit may ilan pa ring gustong-gusto kong i-tanong ngunit hindi ko batid kung papaano ko ito itatanong. Kahit kailan talaga ang labo kong magsalita. Haaay.

Ang sabi ni Pastor ay maghahanda kami para sa gagawin naming susunod na activity. Gigising kasi kami ng 4:00 AM para magsimula. Pero dahil nakatulog kami nina Erin at Louisse ng 2:00 AM pagkatapos naming gumawa ng mga banner na dadalhin namin kinabukasan, mukha tuloy kaming zombie pagkagising namin at hindi pa sana namin gustong bumangon pero hindi pwede dahil magagalit sa amin sila Pastor. Isa pa, ang gagawin namin ay para sa Diyos naman kaya sa ayaw at sa gusto namin, gigising talaga kami.

Naghanda na kaming lahat. Ang mga kababaihan ay nasa right side at naroon naman sa left side ang mga kalalakihan.

Napakasaya. Ngayon ko lang naranasan ang bagay na ito. Bawat lugar na madadaanan namin ay napapatingin sa amin. Marami ang nagtatawanan sa mga sinasabi namin ngunit patuloy lamang kami sa aming ginagawa. Marami rin ang tahimik na tumitingin lamang sa amin.

“JESUS IS OUR SAVIOUR!” Paulit-ulit na binibigkas naming lahat. Kumakanta din kami ng iba’t ibang music habang may tumutugtog ng gitara. Naaaliw ako ngunit nahihiya dahil hindi nga ako sanay sa ganitong bagay. Hindi ako nasanay na ma-expose sa maraming tao kagaya ng ginagawa namin ngayon. Simula bata ako ay palagi lamang akong nasa bahay, sa school at nakikipaglaro sa aking mga kaibigan.

Natapos ang aming gawain dito sa munisipyo. Wow. Nagmumukha kaming nasa Hongkong dahil sa naglalakihang painting na kopyang-kopya ang disenyo ng Disneyland. Ang galing! Nagtake kami ng groufie na si Pastor Jun ang humawak ng phone.

Ngayon ko lang napansin na ang dami pala namin. Halos hindi kasi kami magkasya sa camera pero nagawa pa rin ni pastor na magkasya kaming lahat at magtake pa ng napakaraming pictures. Ang saya sobra. Para kaming isang malaking pamilya.

Ngayon lamang ako nakaramdam ng ganitong saya at pagmamahal sa buong buhay ko. Iba ang atmosphere tuwing sila ang kasama ko. Hindi ko ito nararanasan sa bahay. Doon kasi panay ang pagbusangot ko ng mukha at laging stress ang binibigay sa akin. Pero dito, sobrang saya. Parang ibang mundo. Ibang-iba sa mundong kinalakhan ko.

Kabanata 11

Alas-dyes na ng umaga kami nakauwi sa bahay ng tiyahin ni Louisse. Inaantok man dahil late ng natulog kagabi ngunit napalitan naman ito ng saya dahil sa experience na habang buhay ay hinding-hindi namin malilimutan.

Ang sabi ni Pastor ay magsisimba ulit kami mamayang alas-dos ng hapon kaya may oras pa kami para makapagpahinga na siyang aming ginawa.

Pagkagising namin ay kumain muna kami ng late lunch namin at saka kami nagbihis para maghanda na sa pagpunta sa simbahan. Mga ilang minuto nalang ay magsisimula na raw sabi nila Pastor. Last day na ng anniversary ngayon at ang gagawing activity namin ngayon ay ang pinakaimportanteng parte raw ng aming pagsisimba.

Maayos na ang panahon at hindi na gaanong mamasa-masa ang daang tinatahak namin papuntang simbahan. Tahimik lamang kaming pumasok at umupo sa upuan namin kagabi.

Pumunta si Pastor Jun sa harap at sinabi niya ang kahalagahan ng gagawin naming activity. Pagkatapos ay naglahad ulit siya ng bible verse na tugma sa topic namin ngayon. Nakinig ako ng mabuti at talagang nakapokus lamang ako sa bawat salitang sinasabi niya. Pakiramdam ko kasi kailangan kong pakinggan lahat ng ‘yon. Pakiramdam ko hindi ko ‘yon kailangang palampasin. Kumbaga importante ang bawat salitang ‘yon.

“Kailan mo ba balak na tanggapin ang Diyos sa iyong buhay?”, ang tanong na ito ang tila paulit-ulit na inaanunsyo sa aking puso’t isipan. Parang binibiyak ang puso ko sa mga katagang binitawan ni Pastor Jun. Hindi ko alam kung bakit. Parang tumigil ang mundo ko at ang tanging pumapalibot sa akin ay ang mga katagang ito. Tila nasa isang malaki at madilim na espasyo ako at ang nagsisilbing ilaw lamang ay ang tanong na ito. Kailan nga ba? Kailan ko nga ba Siya tatanggapin? May namumuong luha sa aking mga mata, naiiyak ako dahil hindi ko alam kung ano ang magiging sagot ko.

“Saka na ba kapag bumalik na Siya?” dugtong ni Pastor sa sinabi niya. Hindi ko namalayan na ang luhang namumuo sa aking mga mata ay tuluyan nang pumapatak. Hanggang sa tinawag niya kaming lahat na mga bisita sa simbahan at pinapunta sa harap. Sabi niya’y yumuko kami, ipikit namin ang aming mga mata at pakiramdaman ang presensya ng Diyos, pakiramdaman namin ang kabutihang ibinigay ng Diyos sa aming mga buhay.

Sa pagkakataong ito, tuluyan ko nang naipikit ang aking mga mata habang walang tigil sa pag-agos ang aking mga luha. Unti-unti ko ring itinataas ang aking mga kamay at patuloy na pinakiramdaman ang presensya ng Diyos. Wala akong ibang inisip kundi ang huling sinabi ni Pastor at ang mga kabutihang ginawa ng Diyos sa buhay ko. Sa labing-siyam na taon kong pagpapanatili sa mundong ito, ngayon ko lang na-realize na naging masama akong anak sa harap ng Diyos. Walang tigil sa pagluha ang aking mga mata at walang tigil din akong humihingi ng tawad sa mga kasalanang nagawa ko sa Kanya.

Habang nakayuko ako at nakapikit ay naramdaman ko ang kamay ni Pastor sa aking ulo. Gayunpaman, hindi ko iminulat ang aking mga mata at patuloy lamang ako sa paghikbi.

“Ikaw, handa ka na bang tanggapin ang Diyos sa buhay mo?” walang pag-aalinlangan akong tumango at umiiyak nang nakapikit.

Masaya ako sa naging desisyon ko. Hindi ako ‘yong tipo ng tao good in decision-making pero sigurado akong sa pagkakataong ito ay tama ang desisyon ko. Ngayon alam ko na kung bakit ako sumama kay Louisse dito at ngayon nabigyan na rin ng kasagutan ang mga tanong ko.

Kabanata 12

Ang sabi ng mundo’y ang tao raw ay parang panahon lang din na nagbabago. Maraming tao ang gumagawa ng masasamang bagay at marami ring masasamang tao ang nabigyan ng pagkakataong magbago.

Simula pa lang, alam kong naging masama ako at nakagawa ako ng mga bagay na hindi ginusto ng pamilya ko. May kinikilala akong Diyos noon pero hindi ako naniniwalang buhay Siya at handang baguhin ang mga taong kumikilala sa Kanya.

Sa pagdaan ng mga araw, mas masalimuot pa ang mga pangyayaring naranasan ko sa buhay ko na naging dahilan upang magkaroon ako ng maraming katanungan tungkol sa pagkatao ko. At ang pinakamasakit doon ay napapatanong na ako sa Diyos tungkol dito.

“Ano ba ang kahalagahan ko sa mundong ito?”
“Bakit ito ang buhay na mayroon ako?”
“Bakit kaya sa ganitong pamilya ako nilagay ng Diyos kung pwede naman Niya akong bigyan ng pamilyang mas makabubuti sa akin?”

Simula noong gabing ‘yon ay nagbago ang takbo ng buhay ko o sabihin na nating nagbago ang pananaw ko sa buhay.
Pagkatapos kong sumagot sa tanong sa akin ni Pastor Jun ay nabinyagan ako sa tubig at pormal na idineklarang Kristiyano. Marami ang natuwa sa desisyon kong pagtanggap sa Diyos bilang aking personal na tagapagligtas lalo na ang aking kaibigang si Louisse at ang buong pamilya niya at syempre, batid kong natuwa rin ang Diyos sa ginawa ko.

Marami man ang natuwa sa naging desisyon ko ngunit kabaliktaran naman ang ipinakita ng pamilya ko tungkol dito. Hindi nila matanggap ang pagbabago ko sa aking relihiyon dahil nanininiwala sila na kung ano ang relihiyong kinikilala namin ay dapat iyon lang ang kikilanin namin hanggang sa huli. Pero iba ako at grabe ang Panginoon sa buhay ko.

Naniniwala ako na hindi lang ako ang nagdesisyon ng bagay na ito, desisyon na rin ito ng Diyos dahil alam kong parte ito ng mga plano Niya sa buhay ko.

Ngayon alam ko na ang tunay na kahalagahan ko sa mundong ito. Alam ko na kung bakit nilagay ako ng Diyos sa ganitong klaseng pamilya. Alam ko na kung bakit ito ang buhay na mayroon ako.

Tama nga ang sabi ng bibliya; Many are called but few are chosen. Ito ang mga katagang pinaniniwalaan ko dahil alam kong pinili ako ng Diyos na baguhin at bigyan ng misyon o maging instrumento upang magbago rin ang buhay ng pamilya ko.

Binigyan ako ng Diyos ng ganitong klaseng pamilya upang magsilbing ilaw sa daang tatahakin nila. Hindi ako galing sa isang broken family ngunit hindi rin gaano ka-saya ang pamilya namin. Halos taon-taon, hindi nawawala ang mga away, away ng mga kapatid ko at ng mga magulang ko at away naming magkakapatid mismo. Ngunit ang lahat ay nagbago simula nang tinanggap ko ang Diyos sa buhay ko. Natuto akong magpatawad at hindi magtanim ng sama ng loob. Naisip kong baka ito ang buhay na binigay ng Diyos sa akin upang matuto akong pasalamatan Siya sa mga simpleng bagay na mayroon ako. 

Naging masama ako sa paningin ng Diyos noong una ngunit mabuti Siya dahil binago Niya ako at hindi Niya ako pinabayaang makagawa pa ng mas maraming kasalanan. Binigyang-linaw ng Diyos ang aking puso’t isipan at binigyan Niya ng kapayapaan ang masalimuot kong buhay. Higit sa lahat, nalaman ko ang tunay na kahalagahan ko bilang tao.

Akala ko noon wala ng pagkakataong magbago ang isang tao ngunit mali pala ako, dahil handa tayong baguhin ng Diyos kung handa rin tayong tanggapin Siya ng buong puso. Mahal tayo ng Diyos at ngayon, naniniwala akong buhay Siya at gumagawa ng milagro. Maituturing kong ilaw ang Diyos ng aking pagbabago.

Hindi natin hawak ang ating mga buhay kaya’t sana ay lagi nating piliin ang kabutihan at ang daang papunta sa tahanan ng Diyos.

WAKAS…

GCash: 0948 840 6852






Share On Whatsapp

Leave a Reply






top