LAST DESCENDANT OF THE DARK KINGDOM CHAPTER 2


May treinta minutos din bago narating ng Great great grandfather ng lolo ni Timothy ang mansion ng pamilya Ruiz. Mahigpit ang hawak sa kuwadradong portrait ng mag-anak na pumasok na siya sa nakabukas na malaking gate.
Nagtaka siya sa katahimikan ng paligid. Wala rin ang dating sumasalubong sa kanya. Madalas kasi na salubungin siya ng mayordomong si Juancho at maging ang tawa ng batang si Nicolas ay hindi niya naririnig.
Napatigil siya paghakbang nang biglang may kabang lumukob sa kanya. Pinakiramdaman din ang buong paligid at nakita niya na bukas ang entrada ng bahay na dati laging nakasara ang dahon ng pinto.
Dahil sa napansin nagmamadaling hakbang ang ginawa niya papasok ng bahay. Nabitiwan niya ang bitbit nang bumungad sa kanya ang katawan ni Juancho malapit sa grand staircase na naliligo sa sariling dugo. Nakadapa ito habang sa isang kamay hawak pa ang espada.
Naitulos siya sa kanyang kinatatayuan nasulyapan din niya ang tatlong katulong na nakahandusay na magkakatabi. Pinilit niyang hamigin ang sarili kahit nanginginig ang mga tuhod dahil sa nabungaran.
Hinanap ng kanyang mga mata ang pamilya Ruiz. Natagpuan niya si Alejandro sa kusina may malapit sa pinto palabas sa likurang bahagi ng bahay. Agad niyang kinalong ang ulo nito na may sariwa pang dugong umaagos sa bibig nito. Hindi niya malaman kung saan ang mga tama nito pero batid niyang marami itong sugat sa katawan.
Bahagya nalang maimulat nito ang mga mata maging ang hininga ay hinahabol. Sa bawat pag-ngiwi at paputol putol na salita sinabi nito na nakatakas ang kanyang mag-ina at si Lucia.
May iniabot sa kanya na isang nakatuping papel na may bahid ng dugo bago nahigit ang kanyang hininga at lumungayngay sa kanyang kandungan ang kaibigan. Pilit niya itong niyugyog ngunit hindi na ito humihinga. Napayuko nalang siya at nagtatanong sa isip kong sino ang maaring gumawa ng ganitong krimen.
Sa kanyang pang gigilalas sa mismong mga mata niya. Isang liwanag ang bumalot sa katawan ni Alejandro, unti-unting naglaho ang kanyang kaibigan. Maging ang mga tagasunod ng mag-anak na kanina lang ay mga nakahandusay at naliligo sa sariling dugo. Lahat naglaho na parang bula. Ang papel na binigay ni Alejandro wala sa sariling naisilid niya sa bulsa ng suot.
Sobrang pagkasindak ang naramdaman niya ng mga sandaling iyon. Para bang walang nangyari sa gabing iyon dahil walang bakas ng kahit ano maging ng mga dugo ng mga nakatira sa bahay na iyon. Pero alam niya saksi ang buwan sa naging kaganapan sa bahay ng mga Ruiz. Ilang sandali pa muna ang nakalipas bago siya nakabawi sa pagkabigla sa mga nasaksihan. Gulong-gulo ang isipan na naglakad siya sa may hardin ng mansion ng mga Ruiz, wala sa sariling napaluhod at napasabunot sa sariling buhok.
Umalis siya ng mansion ng gabing iyon at ilang araw pagkatapos ng kaganapang ng gabing iyon muli siyang nagbalik.
Inaalala ang mga araw na nandoon siya kasama ng pamilya.
Ngayon niya natitiyak na hindi nanggaling sa mundong ito ang pamilyang Ruiz. Pinatotohanan ito ng liham na iniwan ni Alejandro sa kanya. Marahil balak sana nitong ibigay sa kanya bago sila lumisan.
Nakasaad sa liham na hindi lang ang mga prayle ang nagtatangka sa kanilang buhay. Maging ang mga nilalang na kung saan sila nagmula. Ayon pa kay Alejandro natunton na sila ng mga kalaban kaya kailangan nilang muling maglakbay sa ibang panahon. Iyon lang muna sa ngayon ang naiisip niyang paraan upang mailigtas ang kanyang mag-ina. Sa ngayon daw hindi pa sila maaring makabalik sa kanilang mundo.
Napabuntong hininga nalang siya sa nabasang sulat galing sa kaibigan. Umaasa siyang nakapaglakbay sa ibang panahon ang mag-ina ni Alejandro kahit hindi ito kasama. Sa kaibuturan ng kanyang puso, ramdam niyang ligtas at buhay ang mga ito.
Naglakad na siya palabas ng gate ng mansion ng pamilyang Ruiz. Bago sumakay sa kalesang naghihintay ay muli niya itong nilingon. May lungkot na mababanaag sa kanyang mata na sa ganoon pangyayari nagtapos ang buhay ng kaibigan at ng isang pamilyang nais lamang mamuhay ng tahimik.
πŸ—οΈπŸ—οΈπŸ—οΈπŸ—οΈπŸ—οΈπŸ—οΈπŸ—οΈπŸ—οΈπŸ—οΈπŸ—οΈ
“Wow! Parang akong nakinig ng narrative na kuwento sa YouTube.” Napapalatak na sabi ni Mateo matapos marinig ang kwento ni Timothy tungkol sa kasaysayan ng mag anak sa paiting.
Habang si Baste tahimik lang hanggang matapos ang pagkukwento ng kaibigan. Sari-saring damdamin ang pumukaw sa kaniyang kalooban sa nangyari pagkatapos ng gabing nakatakas sila.
Lungkot dahil sa pagkaka kompirma na namatay nga ang kanyang ama ng gabing iyon. Salamat padin kasi nagkaroon siya ng ideya kung anong nangyari sa kanyang ama at mga kasama nila sa bahay ng gabing lusubin sila ng mga kalaban.
Nang mag-angat siya ng tingin parehong nakatitig sa kanya ang dalawang kaibigan. Hindi niya namalayan na may isang luha palang nalaglag sa kanyang mata. Agad naman niya itong pinahid ng likod ng palad.
“Napuwing ata ako may pumasok na dumi sa mata ko.” Palusot niya.
Bahagya naman natawa si Timothy,” akala ko nadala kana sa kwento ko eh.”
“Ako nga muntik narin maiyak eh.” Saad naman ni Mateo na kinurap kurap pa ang mata,”Pero totoo kaya iyong kuwento ng Great great grandfather ng lolo mo?” Tanong nito.
Nagkibit balikat muna si Timothy bago sumagot.” Totoo man o hindi. Sa tingin ko lahat ng mga lumang kasaysayan,gamit man o tao dapat nating respetuhin. Dahil bahagi na sila ng umuusad na panahon.”
“Sang ayon ako sa’yo pre.” Napangiti naman si Baste sa sinabi ng kaibigan at napahanga siya lalo dito. Puno man ng pagdadalamhati sa nalaman, kailangan padin niya magpatuloy para hindi masayang ang buhay ng ama at mga tagasunod na nag buwis ng buhay para lamang makaligtas siya.
“Mabuti pa ubusin niyo na ang merienda itotour ko kayo sa buong Resort pagkatapos.” Saad ni Timothy sa dalawa.
Tuwang-tuwa naman Mateo.
Nang gabing iyon gaya ng sinabi ni Timothy solo nila ang malaking swimming pool. Marami din silang reserba na beer in can at mga pulutan.
“Sayang nga lang wala tayong kasamang mga chicka babe. Mas masaya sana ang celebration ng birthday mo pre.” Turan ni Mateo habang paunti-unting iniinum ang beer na hawak. Nasa may pool ito at nakalubog ang kalahati ng katawan.
Si Timothy naman nasa gilid ng pool habang ang paa nasa tubig. Si Baste tahimik lang umiinum sa isang tabi.
“That’s why I’m here to avoid women. Minsan kasi nakakasakal narin sila. Kaya pag gusto kong mapag isa,dito lang ako sa resort namin.” Sagot ni Timothy saka sumimsim ng hawak na beer.
” O Baste ayos kalang dyan? Kanina ka pa tahimik ah.”Puna nito sa kanya.
Napangiti naman ng mapakla si Baste bago sumagot.” May iba lang akong iniisip. Siya nga pala bakit kami lang ang inimbita mo dito? Baka magtampo ang iba mong kaibigan niyan pag nalaman.”
“Bakit sasabihin niyo ba?” Pinaglipat lipat pa sa kanilang dalawa ang mata nito.
“Syempre hindi noh.” Mabilis na sagot ni Mateo.
“Seriously, kasi mga pare may gusto kasi akong idiscuss sa inyo it’s about business.”
Natigil naman sa ere ang pagdadala ng beer sa bibig ni Baste. Biglang bumangon ang curiosity niya sa sinasabi nitong business.
“What kind of a business ang gusto mong idiscuss samin? Im all ears.” Baste said
“Well gusto ko kasi na alukin kayo na makisosyo sakin sa negosyong balak ko ipatayo.”
“Anong bang negosyo?” Tanong ni Mateo.
Inisang lagok muna nito ang beer in can na hawak bago iniitsa sa trash bin na malapit lang dito.
“Gusto ko kasi magpatayo ng Farm somewhere in Cavite mga pare. ”
“Tingin ko naman kaya mong mag-isa kahit wala kang kasosyo sa itatayo mong negosyo.” Prangka namang sagot ni...


Baste dito.
“Oo nga pare,sa yaman niyo!” Saad naman ni Mateo na hindi makapaniwala na kailangan pa ng business partner ni Timothy pagdating sa negosyong gusto nitong itayo.
Bahagya naman natawa si Timothy sa mga sagot ng dalawa.
“Pamilya ko lang ang mayaman ngunit ako wala pang napapatunayan sa sarili kaya wala pakong yaman na maipagmamalaki sa ngayon.” Paliwanag niya.
“Bakit farm naman ang naisip mo?”
Napatingin si Timothy kay Baste.” Para maiba lang. Saka mas gusto ko kasi ang life style sa probinsya kaysa sa city. Saka mas gusto ko yong masasabi kong akin talaga hindi iyong pamana lang na negosyo ng parents ko.”
“Sa totoo lang Timothy nagbabalak talaga kami ni Baste na mag business. Mas gusto kasi namin na kami yong boss hindi iyong may boss kaming susundin lagi ang mga utos. Katulad ni Baste kaya lang iyan nag trabaho para magamit ang pinag-aralan ganun din ako. Pero dumating na sa point ng buhay namin na ayaw na namin mangamuhan.” Mahabang turan naman ni Mateo.
“May naisip na ba kayong business?” Tanong ni Timothy.
“Wala pa nga eh.” Natawa naman ito sa sagot ni Mateo.
Sinulyapan ni Timothy si Baste na binubuksan ang ikalawang beer nito.
“Anong masasabi mo Baste sa business proposal na iniaalok ko sa inyo?”
“Well,sa totoo lang wala akong knowledge pagdating sa pagpapatakbo ng isang farm. Pero kung capital ang kailangan mo,maari akong makisosyo.”
Napangiti naman ng malapad si Timothy sa tinuran ni Baste. Tumingin ito kay Mateo at waring hinihintay nito ang kanyang sagot.
“Deal. Mas mayaman naman kayo kesa sa’kin eh. Makikigulo na lang ako.” Pabiro nitong sagot na kinatawa nila pareho.
“Kung ganoon, let’s drink for our upcoming partnership! ” Tumayo si Timothy at itinaas ang beer in can na nasa kamay. Ganoon din ang ginawa ng dalawa.
Sa paglalim ng gabi, patuloy naman sa pag-iinuman ang tatlo. Nagiging maingay narin sa kanilang kinalalagyan na ang tanging mga saksi ay ang buwan at mga bituin sa langit. Hindi na namalayan ng tatlo ang paglipas ng mga oras.
πŸ—οΈπŸ—οΈπŸ—οΈπŸ—οΈπŸ—οΈπŸ—οΈπŸ—οΈπŸ—οΈπŸ—οΈπŸ—οΈ
Maghahating gabi sa Manila,sa tinitirhan ni Baste at Auntie Lucia. Hindi mapakali ang babae kaya naisipan niyang bumangon nalang kaysa nakahiga lang siya at nakatitig sa kisame ng kanyang kuwarto. Mula sa verandah na kanugnog ng kanyang silid,lumabas siya at tinanaw ang malawak na kadiliman ng gabi.
Pumikit pa siya habang nakatukod ang dalawang kamay sa balustre habang sinasamyo ang pang gabing hangin. Ang mahabang buhok na tuwid hanggang balakang ay mabining tinatangay ng hangin.
Ilang sandali siyang nasa ganoong ayos bago marahan iminulat ang mga mata. Muli niyang tinanaw ang malawak na kadiliman,kahit hindi man niya alalahanin kusang dumaloy ang mga alaala ng nakalipas. Iyong panahon na naglakbay sila sa hinaharap upang makatakas sa mga tumutugis sa kanila…..
Taong 1988,sa isang maliit na baryo sila napadpad ng batang si Nicolas. Isang matandang babae na kung tawagin sa baryo na iyon ay abularyo na sa kalaunan ay nalaman niyang maaring manggamot. Mag-isa lamang itong namumuhay sa baryo na iyon kaya sila’y malugod nitong tinanggap sa kaniyang munting tahanan na nakatirik sa paanan ng bundok.
Nagtataka naman siya kung bakit tinanggap agad sila nito samantalang sila ay dayo lamang. Kalaunan nalaman niya mula sa matanda na nakita pala sila nito nang lumabas sa isang maliwanag na lagusan sa gubat kung saan ito nangangahoy.
Pinayuhan sila nito na mas mapanganib kung may ibang taong makakaalam ng kanilang totoong pagkatao. Batid daw nito na hindi sila nagmula sa mundong ito.May isang taon din silang namalagi sa bahay ng matanda. Kinabisado niya ang paraan ng pamumuhay ng panahon na iyon,ngunit kailangan na nilang muling lumisan dahil sa nagbabantang panganib sa kanilang buhay.
Kasalukuyan silang narito sa Manila, dito narin niya naisipan palitan ang pangalan ni Nicolas bilang Sebastian o Baste.Napabuntong hininga na lang si Lucia. Kahit lumipas na ang mga taon na hindi sila natatagpuan hindi siya maaring makampante. Hangga’t buhay siya kailangan niyang protektahan ang pamangkin alang-alang sa ama nito na kanyang kapatid.
Pumasok na siyang muli sa loob ng silid nang makaramdam na ng lamig sa katawan. Naisipan niyang magtimpla ng tsaa kaya naman pumunta siya ng kusina na nasa unang palapag ng bahay.
Habang nagtitimpla ng iinumin bigla siyang nakarinig ng mga kaluskos na nagmumula sa sala.Dala ang tasa na may lamang inumin dumako siya papunta sa sala. Hindi na siya nag abalang buksan man lang ang switch ng ilaw. Ang ilaw sa poste sa labas ang nagbibigay ng malamlam na liwanag sa bahaging iyon ng bahay.
Ginala niya ang mga mata at napadako ang tingin sa kurtina na bahagyang gumalaw dahil sa hanging pumapasok sa bukas na bintana. Tutunguhin na sana upang isara ang bintana na marahil ay nakalimutan niyang isarado kanina.
Isang hakbang palang ang kanyang nagagawa ng mapahinto siya. Isang kilabot ang gumapang sa buong katawan niya. Pakiwari ba niya lahat ng balahibo niya ay nagtayuan at maging ang kanyang buhok sa ulo. Dahan-dahan ang ginawa niyang paglingon sa gitna ng sala malapit sa bookshelves.
Nanlalaki ang mga mata sa pagkakatitig sa hindi inaasahang panauhin sa dis oras ng gabi. Hindi niya gaanong maaninag ang mukha nito dahil nakatalikod ito sa liwanag ng ilaw sa labas ng bahay. Ngunit nakatitiyak siyang lalaki ito ayon sa pigura nito.
Dahan-dahan ang ginawa nitong paghakbang papunta sa kanya. Tila naman siya itinulos sa pagkakatayo. Ilang hakbang nalang ng huminto ito dahil siguro sa harapan nito ang center table ng sofa. Tumungo pa ito bago ibinalik ang tingin sa kanya.
Sa bahagyang liwanag ng ilaw ng poste sa labas ng bahay bahagya niyang naaninag ang mukha nito. Nakangisi itong nakatingin sa kanya.
“Er..Erast!” kanyang naibulalas.
“Matutuwa ba ko dahil alam mo pang bigkasin ang pangalan ko?” nang-uuyam nitong tanong,pinagkrus pa ang dalawang braso.
Naging mailap naman ang mga mata ni Lucia. Pinapakiramdaman ang paligid kung may mga kasama pa ito. Nang hindi siya sumagot muli itong nagtanong sa kanya.
“Nasaan ang huling tagapagmana?”
Ngumiti naman ng nakakaloko si Lucia saka bahagyang uminum sa hawak na tasa ng tsaa bago ito inilapag sa kung saan nalang.
“Bakit ko naman sa’yo sasabihin kung nasaan ang prinsipe?” nang-uuyam niyang tugon.
Naningkit naman ang mga mata ni Erast sa pagkakatitig sa kanya. Sa isang iglap inihagis nito ang center table na nasa harapan na lumikha ng ingay sa pagkabasag nito. Hindi man lang natigatig si Lucia sa ginawa nito.
“Kung ganun ito na ang iyong katapusan.” Wika nito sabay labas ng espada sa likod nito. Bahagya pang kuminang ang talim ng espada sa dilim ng itaas nito saka itinutok sa kanya.
πŸ—οΈπŸ—οΈπŸ—οΈπŸ—οΈπŸ—οΈπŸ—οΈπŸ—οΈπŸ—οΈπŸ—οΈπŸ—οΈ
“Auntie Lucia!” Napabalikwas ng bangon si Baste sa pagkakahiga sa kama. Tagaktak ng pawis ang buong katawan at habol ang hininga na sinuklay ng daliri ang buhok sa ulo.
Bumukas naman ang pinto at iniluwa nito si Mateo na mukhang kakagising lang.
“O pare,anung nangyari sa’yo?” tanong nito na pupungas-pungas pa,”narinig kong sumigaw ka.”
Tumingin siya dito saka lang naalala na nandito nga pala sila sa resort ng kaibigang si Timothy.
Tumayo siya,dali-daling hinanap ang mga damit. Naguguluhan naman si Mateo sa pagkakatingin sa kanya.
“Kailangan na nating umuwi.” Sabi lang niya dito.
Kahit siya hindi maunawaan ang biglang kabang naramdaman.
“Agad-agad? Pwede bang mamaya nalang? Palipasin ko lang hang over ko,naparami kasi ang nainum ko __.”
“Ako ang mag mamaneho ng sasakyan.” Putol niya sa sasabihin ng kaibigan.
Naguguluhan man si Mateo sa ikinikilos niya nagpahinuhod nalang ito.
“Shower lang ako sandali pre.” Saka ito tumalikod at pumasok sa kanugnog lang ng silid na ipinaukopa sa kanila ni Timothy.






Share On Whatsapp

Leave a Reply






top