MAKE IT REAL Kabanta 1


Genre : Romance
Written by : @Atalanta041
.
☆ ☆ ☆ K A B A N A T A 1 ☆ ☆ ☆
UNA ko siyang nakilala sa drama club kung saan ako nabibilang. Pinaupo kami ng aming mga seniors sa upuang inihanay ng pabilog sa gitna. At isa-isa kaming nagpakilala.
Isa lamang siyang tipikal na lalake. Walang gel ang itim na buhok. Nakasuot ng puting T-shirt at itim na slacks. Ordinaryo lang din ang mukha. Hindi pansinin at walang anumang kamangha-mangha dito. He’s plain as sheet. Goddamn plain.
“Oliver Benson. 2nd year Book Keeping student,” anito nang siya naman ang nagpakilala.
Walang sinuman ang nag-ukol ng pansin. Dagling pumatlang ang katahimikan bago nagpatuloy ang mga naroroon.
“Kim Ambray,” panimula ko nang ako naman ang bumida. Napatingin silang mga nakapalibot sa gawi ko. Maging ang nagpakilalang si Oliver. “…2nd year BSBA student. Bagong transferee kaya masaya akong napabilang sa Drama Club. Mahal ko ang pag-arte kaya umasa kayong gagampanan ko ng mabuti ang mga tungkulin at paggawa. Hinding-hindi ko kayo bibiguin!”
Nagpalakpakan sila. Mas malakas ang natanggap kong papuri sa Senior naming si Glenn. Ang gwapo at matipunong si Glenn Delarama.
“Nakita ko kaagad ang potensyal mo noong unang silay ko pa lamang sa maganda mong mukha, Kim. Bagay ka sa mga lead roles. Hindi ka nagkamaling dito magparehistro sapagkat may paglalagyan ka,” sambot ni Glenn.
Napangiti ako. Umayon ang mga kasamahan kong nakapalibot ng pabilog. Pero si Oliver na tila walang ka-close doon ay patuloy na nakatingin sa akin. Tahimik.
“Maraming salamat, Glenn,” kaswal kong sagot.
Gulat sila. Tila natunugan ang kanina pa hindi karaniwang turingan namin ng gwapong hunk at apple of the eye ng mga kababaihan sa school.
Malalim ang ugnayan namin ni Glenn. Higit pa sa kaibigan, para ko na siyang tunay na kadugo. Si Glenn Delarama ang nobyo ng ate kong si Dimple o Dim. High School pa lamang sila noon nang magkagustuhan at opisyal na hingin ni Glenn ang pahintulot ng aking mga magulang. Simula noo’y lagi na ang lalake sa bahay. Halos sa amin na niya inuubos lahat ng kanyang libreng oras kapag hindi subsob sa pag-aaral. Buong akala ko’y panghabang-buhay ang magandang pagtitinginan ng aking ate at ni Glenn. Ngunit nagkaroon ng trahedya. Namatay si ate Dim. 3rd year high school pa lamang ako noon. At saksi ako sa pagkaguho ng mundo ni Glenn. Tila baliw itong ayaw nang iwan ang tabi ng kabaong ni ate. Hindi ito kumakain at nagpapahinga. Patuloy lang ito sa panaghoy. Sa libing ay nais na nitong sumama habang ibinababa sa huling hantungan si ate. Sinisisi niya ang sarili niya. Ngunit alam naming aksidente ang lahat. Hindi niya kasalanang may sakit sa puso si ate at hindi nakayanan ang labis na kaligayahan nang mag-alok si Glenn sa
kanya ng future wedding.
Lumipat kami ng tinitirhan pagkatapos niyon. Sa ibang Paaralan na ako nagtapos ng high school at nag-aral ng first year sa kolehiyo. Sinadya ng mga...


magulang ko ang pansamantalang paglisan. Hangga’t sariwa pa ang sugat at alaalang iniwan ni ate. Nais nilang magpatuloy sa buhay ang binata. Bata pa ito at sayang lang kung panghabang-buhay na igupo ng konsensiya. Hindi rin kasi siya matatahimik kapag patuloy akong makikita. Ako ang pinagbiyak na bunga ni ate Dim. Iyon nga lang, nagkatalo sa beloy. Bumalik kami nina Mom at Dad sa dati naming tirahan nang masigurong naka-move on na si Glenn. Hindi man ganap ngunit unti-unti na siyang bumabalik sa normal.
“Si Kim…” nilapitan ako ni Glenn sa aking likuran at hinawakan ang magkabila kong balikat. “…ang aking future wife.”
Gulantang sa kinauupuan ang lahat. Maging ako man ay pinanglakihan ng mata nang pangahasan akong halikan sa pisngi ni Glenn.
Hindi pa rin pala ito lubusang nakaka-recover…
Nabubuang na ito!
Natapos ang aming pagpapakilala. Nagsialisan ang lahat na tila sa akin pa rin ang tuon ng mga mata. Nagbubulungan. Hindi ko inaakalang ganoon kasaklap ang sasapitin ko sa unang araw ng pagpasok ko sa drama club. Balak ko lamang noong kamustahin si Glenn sa pagsali ko. Hindi niya alam na nakabalik na kami nila mom at dad sa dati naming tirahan at balak ko lang sana siyang sorpresahin. Pero ako itong nasorpresa.
Inakay ako ni Glenn na mag-merienda sa canteen. Ngunit tumanggi ako. Nagdahilang magpapaiwan. Hindi na niya ako napilit. Nakita kong umalis na rin sa inuupuan nito si Oliver.
Dumuko na akong nagsituluan ang mga luha sa aking mga mata. Hindi ko na rin siguro aaminin ang bagay na ito sa aking mga magulang. Ayokong mag-alala pa sila at magpasyang umalis na naman ulit. Ayoko nang iwan ang bahay na tanging nagdurugtong sa akin at sa alaala ni ate Dim. Ayoko nang iwan si Glenn. Kailangan niya ako. Kailangan niya ako upang tuluyang makalimot. Hindi ko alam kung paano pero susubukan ko siyang tulungan.
Nakita ko ang pares ng itim na sapatos sa aking tapat. Tumingala ako at nakita si Oliver. May inilahad itong pagkain. Sandwiches at tetra pack na juice. Sa kabilang kamay ay may panyo. Tinanggap ko ang huli at nagpahid ng mga luha. Saka ko na inabot ang unang inalok nito na inilagay ko muna sa katabing bangko.
“Salamat–” hindi ko naituloy ang pagsasalita. Basta na itong naglakad paalis. ‘Ni hindi ako inukulan ng kakarampot na ngiti.
“Kim…” Saka naman iniluwa ng pintuan si Glenn.
May dala itong pagkain ngunit nang mapansin niyang kasalukuyan na akong kumakain ay natigilan ito.
“Sino?” Masama ang timpla ng mukha nito. Tinatanong kung sinong nag-abalang dalhan ako ng pagkain liban sa kanya.
“Ay, hindi mo ba alam, Glenn? May boyfriend na ako…” Nakangiti kong turan dito.
Hindi siya makapaniwala. Awang ang magandang hubog ng mga labi. Mamula-mula at napakasarap hagkan. Ang katangiang iyon ang pinaka-hinahangaan ko kay Glenn. Pero patawarin mo ako. Kailangan kong gawin ito.
“Sino?” Muli niyang sambot.
Napahinto ako sa pagsubo. Nag-isip saka ngumiti. “Si Oliver Benson!”
( ToBeContinued …. )
Add/follow me guys!🤠🧐✍️






Share On Whatsapp

Leave a Reply






top