MANANANGGAl- ng panty


MANANANGGAl- ng panty
Genre:Horror-Comedy
By:Shela Mae muris
Admin pa a prove. Po.Kong Hindi po OK LNG🥰🥰try LNG po
“Honeylabs, grabe naman sumipa itong si baby natin ano? Manang-mana talaga sa akin” patawang turan ni Donald habang hinihimas-himas ang walong buwang tyan ng asawang Si Mine.
Sumipa-sipa pa ito sa ere upang ipagyabang sa pinakamamahal na asawa na sa kaniya talaga nagmana ang kanilang magiging anak.
“Sana honeylabs, sa kapogian ay magmana rin sa akin noh?”
Kung babae magmana sa iyo ang kagandahan niya, maging ang kagandahan ng ugali at mapagmahal” pagpapatuloy pa ni Donald habang hinihimas-himas ang tyan ni Mine na nakatingin sa kaniya.
“Anong nagmana sa’yo? Nagmana iyan kay Jetli at Jackie chan. Iyon kasi ang pinaglihian ko honeylabs eh” pahagikhik na wika ni Mine habang sapo-sapo nito ang kaniyang tyan habang patuloy na nagpupumiglas ang sanggol sa kaniyang tiyan at parang masayang-masaya ang sanggol na nakikinig sa usapan ng mga magulang.
Tuwang-tuwa ang mag-asawa habang naglalambingan at patuloy na kinakausap ang malapit nang lumabas na kanilang magiging anak. Ngunit lingid sa kanilang kaalaman ay may mga matang nakamasid sa kanila sa labas ng kanilang bahay at may masamang planong namuo sa makitid at purol nitong utak.
Napalunok ito ng bahagya at sa hindi inaasahan ay nabulunan ito ng sarili nitong laway kaya napahawak ito sa sarili nitong lalamunan at umubo nang malakas. Halos lumuwa na ang kaniyang mga mata sa pag-ubo at napapaluha na rin. Kaya narinig siya nina Mine at Donald at sabay na napatingin sa kaniya ang mag-asawa.
“Oh, Enteng gusto mo ba ng tubig?” Alok ni Donald sa kaniya.
“Ah, ayos lang ako pre konteng malat lang ito, ahem ahem” ang pagkukunyare ni Enteng.
“Ah, sa pakiwari ko kasi pre hindi ka ayos eh” pagpapatuloy pa ni Donald.
“Ayos lang ako pre,” pangisi nitong saad at patuloy na lumalakad na nakatitig ito kay Mine.
Hindi napansin ni Enteng na may nakausling ugat ng niyog sa daraanan niya kaya natisod ito.
Malakas na sumalampak siya sa lupa at nauntog pa ang ulo niya sa nakausling bato.
“Oh pre? Ano na naman ang nangyari sa iyo?” Tanong ni Donald sa kaniya.
“Haisstt, pag minamalas ka nga naman oh. Tsk…tsk..” bulalas ni Enteng habang sapo-sapo pa nito ang nabukulang noo.
“Malas ba kamo? Oh sadya ka lang talagang t*nga?” Mahinang sambit ni Donald habang napangisi ng bahagya.
“May sinasabi ka pre?” Nang hindi maintindihan ang sinasabi ni Donald sa kaniya.
“Ah wala, ang ibig kong sabihin ay mag-iingat ka sa susunod” pagsisinungaling ni Donald.
Lumakad na palayo sa kinaroroonan nila si Enteng. Ngunit patuloy pa rin itong napangiti sa kaniyang planong naiisip. Tila wala itong pakialam sa natamong bukol dahilan ng kaniyang pagkadapa.
Araw-araw nang dumadaan si Enteng sa tapat ng bahay nina Donald at Mine.
“Pre, kapag nanganak iyang si Mine huwag mong kalimutan na gawin akong ninong ha!” Maangas na turan ni Enteng kay Donald.
“Aba! Syempre naman” ang pagsang-ayon ni Donald sa naturang kaibigan.
Napalakas ang pagkahampas ni Donald sa likod ni Enteng kaya ganoon na lamang ang pag-ubo nito. Pakiwari niya any lumabas na ang kaniyang baga sa paghampas ni Donald sa kaniyang likod.
Isang buwan ang lumipas at kabuwanan na ni Mine. Malalim na ang gabi at tanging buwan na lamang ang nagsisilbing liwanag sa paligid. Mahimbing na natutulog ang mag-asawa. Mayamaya ay nagising si Mine sapagkat nakaramdam siya ng paghilab ng kaniyang tiyan. Pabalikwas siya sa kaniyang higaan at hindi mapakali sa nararamdamang sakit. Ilang sandali ay ginising niya ang humihilik at tulo-laway na asawang si Donald.
“Honeylabs, gising humihilab na ang tyan ko baka manganganak na ako” wika ni Mine habang niyoyogyog ang katawan ng asawang patuloy pa rin sa paghihilik. Pabalik-balik pa ang laway nito sa kaniyang bunganga habang naghihilik. Natampal ni Mine ang kanyang bibig at napangisi habang minamasdan ang mukha ng asawa.
“Ang cute pa rin pala ni Honeylabs, kahit parang wacky na ang pagmumukha” pangiting sambit ni Mine sa sarili habang bahagyang nakalimutan ang sakit ng kaniyang tiyan.
Nagising si Donald nang maramdaman nito na bumangon ang asawang si Mine. Mayamaya ay nakaramdam na muli si Mine nang matinding paghilab ng kaniyang tyan. Kaya tarantang napabalikwas ng bangon si Donald.
Pinahid muna nito ang tumutulong laway bago humarap sa pinakamamahal na asawa.
“Oh, bakit honeylabs anong nangyayari sa’yo?” Pag-alalang tanong ni Donald kay Mine.
“Honeylabs manganganak na talaga ako” sambit ni Mine habang sapo-sapo nito ang kaniyang tiyan at likod.
Natigilan sila nang makarinig nang malakas na kalabog na nagmumula sa kanilang bobong.
Ngunit napatawa si Mine ng maramdaman na parang tumatambling ang sanggol sa kaniyang sinapupunan. Na halos hindi na mapigilan ang paglilikot ng bata.
“Haisst, nag mala Jetli at Jackie Chan na naman itong si baby oh” masayang wika ni Mine habang napapangiwi.
Kinuha ni Donald ang Cellphone sa kaniyang bag at tinawagan ang Komadronang si Eljhay. Lumabas pa ito ng bahay upang makahanap ng signal sapagkat mahirap ang signal doon sa baryo. Napangiti siya nang makita niya ang mataas na puno ng niyog. Umakyat siya roon habang kagat-kagat ang cellphone sa kaniyang bibig. Halos umabot na siya sa tuktok ng puno ng niyog bago matawagan ang komadrona.
Nagsimula na siyang magtepa ng numero ng komadrona nang makita na may signal na.
“Haisst salamat at nag ring din.” Habang mahigpit na nakahawak ang isang kamay nito sa puno ng niyog at ang mga paa nito ay mahigpit ding nakaekis sa puno.
“Hello Manang Eljhay, manganganak na po si Honeylabs ko, puntahan niyo po kami sa bahay. Choppy-choppy po kayo! Sige bye po manang” pangiti pa siya habang pinatay ang cellphone.
Mabilis siyang bumaba ng niyog pagkatapos tumawag sa komadrona sapagkat pinutakti na ang kaniyang balat ng mga malalaking langgam. Sa kaniyang pagbaba sa puno ay napansin niya na may malaking nilalang sa itaas ng kanilang bubong. Kaya dali-dali itong bumalik ng kanilang bahay. Habang si Mine ay nakahiga at pilit na pinapatigil ang bata sa pagpupumiglas sa kaniyang tiyan.
“Haisst, ang likot mong bata ka!” Napatingala ito sa kanilang bubong at napansin niya na may pulang mga mata na sumisilip mula sa butas ng kanilang bubong.
“Honeylabs, natawagan ko na si Manang Eljhay at papunta na siya rito” masayang balita ni Donald sa asawa.
Hindi na lamang sinabi ni Mine sa asawa ang kaniyang nakita sa kanilang bubungan. Sa palagay niya ay guni-guni lamang niya...


iyon. Ilang sandali pa ay tumigil na ang pagpupumiglas ng bata sa kaniyang tiyan at patuloy na ang pagsakit nito.
Mayamaya ay dumating na ang komadrona.
“Naku! Mine, bakit nakapanty ka pa? Paano makakalabas ang bata niyan” saway ni Manang Eljhay kay Mine habang pinapahubad ang salawal nito sa naturang buntis.
“Ay pasensiya na po manang pirstaym ko po kasi eh” nahihiyang tinanggal ni Mine ang panty niya at sinabit sa dingding.
Patuloy na humihilab ang kaniyang tiyan hanggang sa namimilipit na ito sa sakit.
“Manang hindi ko na po kaya. Honeylabs, walanghiya ka! Sobrang sakit nito! Inay tulungan niyo po ako hindi ko na kaya ang sakit” sigaw ni Mine.
“Susme kang bata ka! Nang ginawa niyo iyan hindi ka nga nakaalala sa mga magulang mo! Halos tumirik na iyang mga mata mo sa kasiyahan. Hala! Tumahimik ka at i-save mo iyang energy mo sa pag-ere” Saway ng komadrona kay Mine.
“Malapit nang lumabas ang anak ninyo” pagpapatuloy pa ni Manang Eljhay.
Napangisi ang nilalang sa itaas ng bubong sa kaniyang mga narinig. Bigla nitong binuka ang mlaking bunganga at lumabas ang napakahabang dila. Ang mga ngipin nito ay mahahaba at matatalim, tulo pa ang kaniyang malalagkit na laway. Halos nagniningning ang mga mata niya nang sumilip ito sa butas ng bubong.
“Ayon! Bulls eye!” Pangisi nitong sambit ng makita ang nasa loob ng bahay.
Ipinasok niya ang kaniyang dila sa butas ng bubong. Nanlaki ang kaniyang mga mata habang hinahanap at kinakapa ang kaniyang sadya at patuloy na sinisilip ang mga nangyayari.
Kitang-kita niya na abala ang komadrona sa pagpapaanak kay Mine. Kaya binilisan nito na pahabain pa ang kaniyang dila.
“Ayan, malapit ko nang makuha” ang wika ng aswang habang hinihigop pabalik sa bunganga niya ang tumutulo nitong malagkit na laway.
“Ayan! Success!” Ang malakas na sigaw niya. Kaya narinig siya ni Donald.
Hindi niya namalayan na si Donald ay patuloy na sinisipat ang paligid ng kanilang bahay at bubungan upang siguraduhin kung ano ang nakita nitong nilalang nang umakyat siya sa puno ng niyog.
“Hoy! Anong ginagawa mo diyan pangit! Hayop! Animal!?” Galit na sinundot ni Donald ang manananggal.
“Pasaway! Isturbo ka!” Galit na turan ng aswang.
Lulundag na sana ito habang bitbit ang kaniyang pakay. Ngunit sa kasamaang palad ay hindi na niya matanggal ang kanyang dila sa butas kung saan niya ito ipinasok.
Dahil sa pagpupumilit niyang makaalis ay bigla itong lumundag sa bubong at binubulya pa nito. Imbes na makaalis ay nasira ang bubong na kaniyang inaapakan. At dahil kalawangin na iyon ay malakas itong napahiyaw sapagkat nasugatan ang kaniyang dila.
Namilipit ito sa sakit habang pilit siyang kumakawala sa pagkakaipit ng kaniyang dila.
Nararamdaman niyang unti-unting rumurupok ang bubong na kaniyang inaapakan.
Ilang sandali pa ay bumagsak ito sa loob ng bahay at nabitawan nito ang mahiwagang “panty” ng buntis na kaniyang pinaghirapang kunin.
Mabuti at natapos nang manganak si Mine at lumipat sila ng pwesto ng kumadrona sa may sala at doon nagpatuloy na nagpahinga si Mine.
Nagulat sila ng biglang bumagsak ang manananggal sa kanilang harapan habang naiiyak na sa sakit na nakalawit ang nagdurugong dila nito.
“Magbabayad kayo! Lalo kana Donald! Kung hindi mo ako sinundot ay hindi ako maiistorbo at nakuha ko sana ang panty ng buntis na koleksiyon ko! Magrereklamo ako kay kapitana Marylai at idedemanda kita Donald!” Matapang na wika ng manananggal ng panty habang lumuluha sa sakit na nadarama.
Nabulabog ang baryo at nagising si Kapitana Marylai at pumunta sa pinagmulan ng ingay.
Nagulantang siya sa nakita na nakahandusay ang manananggal sa loob ng bahay nina Mine at Donald at nasira na ang bubongan.
“Kapitana, idedemanda ko iyang si Donald sa nangyari sa akin. Nararapat lamang po na ipapagamot niya ang aking dilang nasugatan sapagkat natatakot akong matetano sa kalawangin nilang bubong.” Pagpapatuloy pa ng manananggal.
“Sino ba nagsabi sa iyo na sumampa ka sa bubong nila?” Tanong ni Kapitana Marylai na pilit na pinipigilan ang pagtawa.
“Sabik lang po kasi ako nang makita ko ang panty ng buntis, koleksyon ko po kasi iyan kapitana” pangising turan ng manananggal habang kumikislap pa ang mga mata sa pagpapaliwanag habang sinasambit ang mahiwagang panty ng buntis.
“Case close men, Manananggal ng Panty spotted” ang wika ni Kapitana Marylai habang sumenyas sa kaniyang mga kasamang tanod at hindi na niya mapigilang matawa sa nakita at narinig.
Kaya agad naman nilang dinampot ang manananggal na naiinis pa at patuloy na dumadaldal na magsasampa ng kaso sa panggugulat ni Donald sa kaniya.
“Hala! Tumayo ka! Bilis! Ikaw pala ang nangunguha ng mga panty ng mga buntis ha!”
Ang sabi ng isang tanod habang hinahawakan ng mahigpit ang braso niya.
“Hoy! Dahan-dahan naman sa pagkakaladkad mababali ang pakpak ko” reklamo ng manananggal habang pilit na iniayas ang kaniyang mga pakpak.
“Sandaliiiii!!! Ang panty ko, kunin ko muna pinaghirapan ko iyon tapos mauuwi lang sa wala ang lahat?! Kukunin ko muna ang koleksyon ko. Nahirapan, Nasaktan, bumagsak, pero hindi ko man lang nakuha ang mahalaga kong kayamanan ang panty ng buntis” hagulhol ng manananggal.
Kinaumagahan ay nalaman nina kapitana na si Enteng ang manananggal ng panty sa kanilang baryo nang nagpalit na siya ng anyo.
“Enteng, bakit naman panty ng mga buntis ang pinili mong maging koleksiyon?” Tanong ni Kapitana sa kaniya.
“Kasi kapitana narinig ko kasi ang balita tungkol sa community panty, kaya naisipan kong iyon na lamang ang kolektahin ko” pagpapatuloy na sagot ni Enteng.
Humagalpak sa kakatawa sina kapitana at mga tanod sa narinig.
“Community Pantry iyon Enteng! Hindi community panty” patawang pagpapaliwanag ni kapitana Marylai sa kaniya.
“Ah, iyon ba? Akala ko po kasi paramihan ng kokolektahin eh, pasensiya na po kapitana hindi na po ako uulit. Patawarin niyo na po ako, hindi na po ako magsasampa ng kaso kay Donald sa sugat na natamo ko. At nangangako akong ipapaayos ko na ang kanilang kalawanging bubong at palitan ng bago” pagpapatuloy pa ni Enteng.
Pinatawad na lamang nina Mine at Donald si Enteng sa kaniyang kamaliang nagawa. Kagaya nga ng ipinangako ni Donald ay naging ninong ng kaniyang anak si Enteng. Mula noon ay wala nang “Manananggal ng Panty” sa kanilang baryo. Iba pala ang pagkakaintindi at pagkadinig ni Enteng sa salitang “community pantry”.
Tanggap na ng lahat na isang manananggal si Enteng,ngunit naging mabait at matulungin na ito sa mga kabaryo. Mula noon ay wala nang nawawalang mga panty ng mga buntis at naging payapa na ang kanilang lugar.
—WAKAS—






Share On Whatsapp

Leave a Reply






top