MEDALYA PARA KAY TATAY.”
Written by: Rain Fall
“Tay! May bayarin na naman po kami sa eskwelahan. Project po,” nakayuko kong bungad kay tatay pagkarating sa bahay galing eskwela.
Nakita kong dinukot niya sa bulsa ang kaniyang pitaka at napakagat-labi ako nang makitang wala na ‘tong halos laman.
“Magkano ba, anak? Pagtiyagaan mo muna ‘yang singkwenta ha at ang sobra ay baon mo. Pagpasensyahan mo na si tatay at medyo malimit pa ang kita sa anihan,” nakangiti niyang tugon at inilahad sa’kin ang pera.
“Wala na tayong pera tay, wag niyo nalang po akong pabaunan.”
Malambing niya ‘kong inagak at hinalikan sa noo bago tapikin ng mahina at ulo ko.
“Ikaw talaga. Para sa’yo palaging may paraan ang tatay. Basta para sa prinsesa ko, madali lang ang lahat. Hmm? Kaya wag ka nang sumimangot diyan at nagmumukha kang bibe,” aniya na mas ikinahaba ng nguso ko.
Bata pa lang ako nang mamulat ako sa mundo ng kahirapan. Magsasaka ang tanging trabaho ni tatay habang namatay daw ang nanay ko no’ng ipinanganak ako. Simula no’n ay si tatay na ang nagtaguyod at bumuhay sa’kin, siya ang tumayong nanay at tatay ko para hindi ko lang maramdamang may kulang sa’kin.
Sa murang edad ay hindi na bago sa’kin ang makasaksi ng mga taong nagugutom sa panahon ng tag-init. Mahirap makaani at dahil sa init ng panahon ay tagtuyot ang mga lupa. Minsan pa ay nakikita kong namomroblema si tatay dahil sa init ng panahon at kapos sa tubig para makatanim at makabuhay ng palay. Pero kahit gano’n, hindi ko siya nakitang sumuko kahit isang beses lang.
“Anak, halika na. Kumain na tayo.”
“Opo, tay. Saglit lang po,” tugon ko at itinago na ang isang pirasong papel sa bag ko na sinulatan ko ng takdang aralin namin.
“Anak,” mahinang sambit ni tatay na hindi ko namalayang nakalapit na pala sa’kin.
“Po, tay?” malaki ang ngiting tugon ko.
“Wala kana palang papel, hayaan mo at bukas ay pupunta tayo sa bayan para bumili.”
Agad akong umiling at tinanggahin ‘to.
“Tatay naman, kailangan po natin ng pera para panggastos e. Wag niyo na pong problemahin ang papel ko, mababait naman po ‘yong mga kaklase ko e. Namimigay po sila tay,” masiglang usal ko at mas nilakihan ang ngiti ko.
Ngumiti lang siya at sabay na kaming naglakad papunta sa maliit naming lamesa. Nakahanda ang lahat kaya naupo nalang ako.
Ganado akong kumakain nang bigla akong tapikin ni tatay sa ulo.
“Pagpasensyahan mo na anak ha at palaging kangkong ang ulam natin. Kapag malaki-laki ang kita ng tatay ay ibibili kita ng fried chicken at hotdog. Gusto mo ba ‘yon?”
“Talaga, tay? Yehey! Salamat po,” tuwang-tuwa ako kaya tumayo ako at niyakap siya. Ginantihan niya naman ‘to.
Isang gabi ay malakas ang buhos ng ulan at wala pa si tatay kaya halos maiyak ako kung baka ano na ang nangyari sa kaniya.
“Tay!” umiiyak kong sigaw nang makita siyang pumasok sa bahay na basang-basa.
“O, anak. Matagal ka bang naghintay? Pasensya na at bumili lang ang tatay ng paborito ng prinsesa niya. Charan!” aniya at itinaas ang supot na hawak niya. Hindi inalintana na basang-basa siya mula sa ulan.
“Tatay,” niyakap ko siya ng mahigpit kahit basa ang damit niya dahil sa ibang sayang naramdaman ko.
“Bakit po kayo lumusong sa ulan? Pa’no po kung nagkasakit kayo? Pwede niyo naman pong bilhin ‘yan bukas e. Pwede rin pong sa susunod nalang,” humihikbi kong dagdag.
“Hush, bakit umiiyak ang prinsesa ko? Hindi ba siya masaya na binilhan siya ni tatay ng paborito niya?” hinagod niya ang likod ko at hinalikan ang tuktok ng ulo ko.
Umiling ako at pinunasan ang mga pisnge ko. “Masayang-masaya po tatay, kaso po nagpaulan po kayo para lang bilhin ang paborito ko. Pa’no po kung may nangyari sa inyo? Pa’no na po ang prinsesa?”
Ngumiti siya at kinandong ako. “Wala namang nangyari kay tatay kaya dapat ay masaya na ang prinsesa. Diba nga, kahit anong mangyari. Gusto ng tatay na palaging masaya...