nabuhay ang patay


By:mish.
MALAKAS na yugyog sa balikat ko ang nagpagising sa akin ng umagang iyon. Tila wala ako sa sarili na nilibot ko ang paningin sa loob ng aking kwarto. Pilit kong inaalala sa isip ang mga detalye sa panaginip ko. Napanaginipan ko na nalaglag ang ngipin ko. Mayroon pa akong ibang napanaginipan ngunit lahat ng iyon ay parang bula na nawala sa utak ko nang imulat ko ang aking mga mata.
Napatingin ako kay Ate Sharon, ang hipag ko, nang magsalita ito sa gilid ko. Sabi niya ay para raw akong nananaginip at umuungol pa kaya naman ginising niya ako.
Hanggang sa hapag kainan ng umagang iyon ay kapansin-pansin pa rin ang pagiging matamlay ko. Hindi siguro nakatiis si Ate kaya naman tinanong niya ako kung masama ba ang pakiramdam ko. Umiling lamang ako bilang tugon.
Dahil na rin sa agam-agam ay naikwento ko kay Ate Sharon ang tungkol sa panaginip ko. Gulat ang rumehistro sa mukha niya pagkarinig sa sinabi ko. Ayon sa kanya ay masama raw ang ibig sabihin kapag nanaginip ng nalaglag na ngipin, may mamamatay daw. Sinabi pa nito na kailangan ko raw kumagat sa katawan ng puno sa labas ng bahay namin para daw maiwasan ang posibleng masamang mangyari.
Naisip ko kung totoo ba ang sinabi ni Ate. Pero naisip ko rin na wala namang masama kung maniniwala ako. May pumasok pa na kalokokan sa utak ko at hindi nakaligtas kay Ate nang mahuli niyang nakangiti ako. Naisip ko kasi na baka lalong matanggal ang ngipin ko kapag ginawa ko ang sinabi niya. Mayamaya, nagpaalam na si Ate na ihahatid sa iskwelahan ang pamangkin ko.
Ako nga pala si Richard at nagtatrabaho ako bilang Family driver sa Maynila. Nagpaalam ako sa amo ko na uuwi muna dito sa probinsya dahil first death anniversary ng namayapa kong ama. Pinayagan naman ako na magbakasyon ng sampung araw at talaga namang susulitin ko para makapamasyal sa mga magagandang lugar dito.
Pagkatapos kong kumain ng almusal ay humahangos na dumating ang pinsan ko, nanggaling pa ito sa kapitolyo kung saan ito nakatira. Dahil sa tagal namin na hindi nagkita ay napahaba ang kwentuhan namin. Nakalimutan ko ang binilin sa akin ni ate Sharon bago siya umalis. Wala naman sa hinagap ko na magaganap ang isang masamang pangyayari.
KINABUKASAN ay maaga akong nagising. Alas sais pa lamang ay nasa kusina na ako at masayang nagluluto ng kakainin namin para sa almusal. Pakanta-kanta pa ako habang hinahalo ko ang nilulutong champorado sa kaserola nang makarinig ng malakas na sigaw mula sa loob. Dali-dali kong pinatay ang kalan at pinuntahan ko si Ate Sharon sa kwarto nila. Nadatnan kong yakap-yakap niya si Thea, ang pamangkin ko. Humahagulgol siya ng iyak habang kinakarga nito ang anak.
Tinanong ko si Ate Sharon kung ano ang nangyari, pautal-utal itong sumagot na humingi ako ng tulong dahil hindi na humihinga ang pamangkin ko. Mabilis akong tumakbo palabas ng bahay at kinatok ang katabi naming kapitbahay, si Manang Cely. Mayamaya ay lumabas ito at halatang bagong gising. Sinabi ko kung ano ang nangyari at mabilis naman nitong tinawag ang asawa.
Dahil may sariling sasakyan sila Manang Cely ay mabilis na naisugod sa hospital ang pamangkin ko. Halos hindi ko makausap ng maayos ang hipag ko dahil patuloy lamang itong umiiyak habang nakaupo sa waiting area.
Pagkalipas ng tatlumpung minuto ay lumabas ang doktor sa Emergency Room. Lumapit ako rito at tinanong kung kamusta ang lagay ng pamangkin ko. Parang huminto ang ingay sa paligid nang sinabi nito na wala na ang pamangkin ko. Narinig kong lalong lumakas ang hagulgol ni Ate Sharon. Mabilis kong kinarga ang pamangkin ko, sabi ng doktor ay wala na raw siyang sisingilin sa amin. Napansin kong maputla na ang kulay ng pamangkin ko at bahagya nang lumalamig ang braso niya.
Ibinurol sa bahay namin ang pamangkin ko. Kung titingnan ay para lamang siyang natutulog. Tumanggi si Ate Sharon na ipa-imbalsamo ang anak niya. Naniniwala siya na baka gumising pa ito. Hindi na ako kumontra sa desisyon niya. Naiintindihan ko ang nararamdaman niya dahil alam ko kung gaano kasakit ang mawalan ng mahal sa buhay.
Humahagulgol pa rin ng iyak si Ate habang nakatitig ito sa anak na nasa loob ng kabaong. Napaiyak rin ako dahil naalala ko ang sakit katulad ng mamatay sila Nanay at Tatay. Lumapit ako kay Ate at niyakap ko siya nang mahigpit. Naisip ko na kailangan kong maging matatag dahil mahina at emosyonal si Ate dahil sa pagkamatay ng pamangkin ko.
Bumitaw ako kay Ate ng makita ko ang Kuya ko na dumating. Napansin kong namumula na ang mga mata niya. Kinuha ko ang bag na bitbit ni Kuya. Nagtatrabaho kasi siya bilang construction worker at isang beses sa isang linggo kung umuwi.
Ipinaliwanag ko kay Kuya na hindi namin alam kung ano ang nangyari at namatay ang pamangkin ko. Hanggang ngayon ay palaisipan pa rin sa akin kung ano ang naging sanhi ng pagkamatay ni Thea. Naalala kong masigla pa siya kagabi at kinukulit pa niya ako na mamasyal kami. Walang salitang namutawi sa labi ni Kuya. Niyakap niya ako nang mahigpit at ramdam ko ang pag-alog ng balikat niya.
UNANG gabi ng lamay, maraming tao at kapitbahay ang pumunta sa bahay. Naging abala ako sa pagtitimpla ng kape at pag-se-serve ng mga pagkain para sa mga bisita.
Nang masiguro na maayos naman ang lahat ay ilang beses akong humikab dahil na rin sa pagod. Nakita kong natutulog si Ate sa upuan. Akma ko na itong gigisingin para sana sa kwarto na matulog nang bigla akong tawagin ng isang matanda. Baka hihingi pa ito ng pagkain o kape sa isip ko ngunit nagkamali ako. Sinabi ng matanda na huwag daw namin tulugan ang patay lalo na sa gabi...


kasi may mga aswang daw na gumagala para palitan ang katawan ng patay na nasa kabaong. Sa nalaman ay bahagyang nangalisag ang mga balahibo ko sa braso. Bago pa ito umalis ay sinabi pa nito na kapag may nakita akong aso o pusa na umaaligid ay itaboy ko.
Nang sumunod na gabi ay sinunod ko nga ang bilin ng matanda. Pinilit kong hindi antukin at matulog. Totoo ngang may mga aswang talaga na umaaligid at gagawin lahat para makalapit sa kabaong ng pamangkin ko. Ilang pusa na itim ang binubugaw ko na bigla na lamang pumapasok sa bahay namin. Tuwing hahabulin ko ang mga ito ay para silang bula na biglang nawawala.
PANG limang araw ng burol. Huling gabi nang lamay at talaga namang maraming tao ang nagpunta. Halos mapuno ang labas ng bahay ng mga nagsusugal.
Nang gabing iyon ay naging abala kami sa pagluluto at pagbibigay ng pagkain sa mga bisita, idagdag pa na dumating ang kapitan ng baranggay at ilang konsehal para makiramay at magbigay ng tulong pinansyal.
Sa sobrang abala namin ng gabing iyon ay hindi namin nakita ang hindi inaasahang bisita. Mababagal ang mga hakbang ng isang may edad na babae papunta sa kabaong.
Eksakto na palabas ako ng kusina kaya nakita ko ang may edad ng babae na nakatayo sa harap ng kabaong. Naka belo itong itim at nakasuot rin ng itim na mahabang damit na abot hanggang sakong.
Nagsitahimik ang mga tao sa lamay na kasalukuyang abala sa pagsusugal at natuon ang pansin sa babaeng dumating. Nagulat ako pati na si Kuya at Ate ng buksan nito ang salamin ng kabaong ng pamangkin ko. Mabilis namin siyang pinigilan at pilit pinalalabas sa bahay. Nanlaki ang mga mata ko at kumabog ang dibdib ko ng sabihin nito na buhay pa raw ang bata! Paulit-ulit iyon sinisigaw ng matanda. Hindi naniwala si Kuya kaya naman galit na sumigaw ito. Dagdag pa ni Kuya ay sana ay galangin naman ang burol ng anak niya.
Nanlilisik ang mga mata ng babae na tumitig kay Kuya. Wala na itong ibang sinabi at tumalikod na. Iglap lang ay nawala ito sa paningin namin. Iginala ko ang mga mata at nagulat ng makita ang itim na pusa na nakatitig sa akin. Ang pusa na lagi kong binubugaw noong mga nakaraang gabi.
Binawi ko ang tingin nang makarinig ako ng ingay. Napalingon ako sa kabaong. Lumapit ako para masiguro kung doon nanggagaling ang kalabog na narinig ko. Nakita kong sinilip ni Kuya ang kabaong at patda ito sa nakita. Kumakatok ang pamangkin ko sa loob ng salamin ng kabaong nito!
Biglang nagsitayuan ang mga tao para makiusyoso sa kung anong nagaganap. Nangangatog man ang mga kamay ay pikit matang binuksan ni Kuya ang kabaong.
‘Papa nauuhaw po ako’ ang nasabi ng pamangkin ko. Halos habol ang hininga nito nang magsalita.Hindi kami nakaimik ni Kuya. Para kaming natuka ng ahas at itinulos sa kinatatayuan.
Sumigaw ang isang lalaki ng ‘nabuhay ang patay’.Nagsigawan ang lahat at nagtakbuhan. Kanya-kanya ng direksyon kung saan pupunta para makatakbo. Mayroon pang ibang mga natumba, nadapa at naapakan dahil sa komosyon. Si Ate Sharon naman na nakaupo sa sofa ay dahan-dahan tumayo. Lumapit ito sa kabaong at agad kinarga si Thea. Hindi ito makapaniwala na buhay ang pamangkin ko. Naluluha pa ito habang hinahaplos ang braso at mukha ng anak.
Halata sa inosenteng mukha ng pamangkin ko na hindi nito alam ang totoong nangyari. Sa pangalawang pagkakataon ay nagsalita ulit ang pamangkin ko para humingi ng tubig kay Ate Sharon.
Nang makabawi sa pagkabigla ay dali-daling nagpunta si Kuya sa kusina para kumuha ng isang baso na malamig na tubig. Pagkaabot sa baso ay inisang lagok lang ito ng pamangkin ko. Inabot nito ang baso kay Kuya at humingi pang muli. Kinusot-kusot pa nito ang mga mata at sinabing ang tagal daw niyang nakatulog at ang haba pa raw ng panaginip niya.
Tila isang panaginip ang naganap ng gabing iyon. Hindi kami makapaniwala na totoong nabuhay nga ang pamangkin ko. Chineck ko ang pulso niya at normal naman ang tibok. Mainit na rin ang temperatura ng katawan niya at malambot naman ang mga balat. Bumalik sa normal ang lahat sa kanya. Nagtataka lang kami kung paanong nasabi ng may edad na babae na dumalaw sa burol na buhay ang pamangkin ko. Lahat ng ito ay naging malaking palaisipan sa amin.
Ang inaasahan namin ay nangyari nga kinabukasan. Pumutok ang balita tungkol sa pamangkin ko na namatay at muling nabuhay. Kumalat ito pati sa mga karatig lugar. Naging usap-usapan rin ang tungkol sa may edad ng babae na pumunta noong huling gabi ng lamay. Wala raw nakakakilala rito at hindi rin alam kung taga saan. Baka aswang raw ito at balak sana na kunin ang bangkay ng pamangkin ko para palitan ng katawan ng puno ng saging. Ngunit sa kamalasan ay hindi nito nagawa dahil naramdaman nitong buhay pa nga ang pamangkin ko. Narinig ko pa sa chismis na baka naligaw lang daw ang kaluluwa ng pamangkin ko kaya hindi agad nakabalik sa katawan nito at matagal bago nagising.
Bumalik sa normal ang buhay namin lalo na si Ate Sharon na tuwang-tuwa sa pagkabuhay ng kanyang unica hija. Marami man sa mga kababayan namin ang natakot at halos hindi makapaniwala sa nasaksihan ng gabing iyon ay nagpapasalamat pa rin kami dahil sa iilan na nakakaintindi at nakakaunawa ng nangyari. Para makasigurado ay pinasuri namin si Thea sa doktor. Laking gulat ng doktor nang makita muli si Thea na buhay. Ikinuwento ni Kuya ang nangyari at talaga namang hindi rin makapaniwala ang doktor. Kahit ang pangyayaring ito ay hindi kayang ipaliwanag ng sensia.
WAKAS
sana po magustuhan nyo😍
Pa support po
Pa aaprove po admin plssss
Thanks admin and readers






Share On Whatsapp

"1" Comment
Leave a Reply


top