SAVED


SAVED”

Matagal akong tumitig sa tubig sa ilalim ng tulay bago nag-desisyon. Wala rin naman akong halaga kaya bakit pa ako mananatiling buhay sa mundong ito?
Siguro nga matutuwa pa mama ko e kapag nawala ako, kasi walang magiging pabigat sa buhay niya. Hindi na niya ako araw-araw na sisisihin sa pagkamatay ng ate ko.
Ngumiti muna ako ng pilit at akmang tatalon na ngunit biglang may tumabing lalaki sa akin.
“Sabay na tayo miss,” sabi niya at hinawakan ang kamay ko.
“1,2,3 go!” ngunit hindi patalon sa tulay ang ginawa niya dahil hinila niya ako paalis sa tulay.
“Hoy sino ka ba? Pwede ba bitawan mo ako!” sigaw ko sa kaniya at pilit inaalis ang pagkakahawak niya sa akin.
Dinala niya ako sa plaza ng aming lugar. Dahil piyesta sa lugar namin ngayon ay may iba’t ibang rides at stall na makikita rito.
“Maging masaya muna tayo rito bago tayo mawala, para kahit mawala na tayo sa mundong ito. At least naging masaya tayo sa huling araw natin, okay ba ‘yon?” nakangiti niyang sabi.
Parang ngiting magbibigay liwanag sa mga taong makakakita nito.
Halos mawala na ang singkit niyang mata dahil sa kaniyang pagngiti.
Napangiti na lang rin ako at pumayag. May punto naman siya,last day ko na ‘to kaya dapat maging masaya muna ako bago mamatay.
Sumakay kami sa iba’t ibang rides. Inisa-isa namin ang mga rides at hindi ko na mabilang kung ilang beses akong sumuka.
Pero ang saya niya kasama, ang dami niyang kwento. Puro jokes pero corny naman HAHAHAHA.
“Oh ito naman, anong tawag sa anak ng shell?” natatawa niyang tanong.
“Ano?”
“Edi shell-dren HAHAHAHAHA,” sabi niya at humagalpak ng tawa.
Shuta may sayad yata ‘to e. Hindi ako sa joke niya natawa kun’di sa tawa niya yowo.
“Teka kanina pa tayo magkasama pero hindi ko pa rin alam ang pangalan mo,” reklamo ko habang kumakain kami ng isaw.
“Ay oo nga HAHAHA, ako nga pala si Sean. Diyan lang ako nakatira sa may labasan diyan oh, katabi ng tindahan ni Aling Betty.”
“Freya pangalan ko, diyan lang ako sa ikatlong kanto,” sabi ko at sumubo ng isaw.
Marami pa kaming rides na sinakyan. Sobrang sarap niya talaga kasama. Hindi ka maiinip at...


lagi kang mapapangiti.
Sa buong buhay ko,ngayon lang ako naging ganito kasaya. Panandalian kong nakalimutan mga problema ko.
Nag-usap rin kami tungkol sa mga buhay namin. At napag-desisyunan ko na ‘wag na lang ituloy ang pagpapakamatay.
At ngayon nakahiga ako sa kama ko at inaalala ang huli niyang sinabi bago kami naghiwalay.
“Enjoyin mo buhay mo. Marami man dumating na problema, isipin mo pa rin ‘yung mga blessings na dumadating sa ‘yo. Isipin mo na lang na may mga taong mas malala ang pinagdadaanan nila sa ‘yo pero nakuha nilang lumaban at mabuhay. Kaya kayanin mo rin, kung nakaya nila magagawa mo rin ‘yon. Laban lang Freya!”
Hindi ko alam kung kabaliwan ‘to pero, normal lang bang mahulog sa isang tao kahit isang gabi pa lang kaming magkakilala?

Kinabukasan ay pinuntahan ko siya sa bahay nila. Gusto kong magpasalamat sa kaniya. Dahil sa kaniya ay buhay pa rin ako ngayon.
“Tao po!” tawag ko sa labas ng gate ng bahay nila.
Maya-maya naman ay may lumabas ditong babae na may katandaan na,siguro ito ang mama niya.
“Ano kailangan mo iha?” ‘yung presensiya niya parang presensiya ni Sean.
Ngumiti ako dito bago nagsalita,”Nandiyan po ba si Sean? Kaibigan niya po ako. ”
Sa tanong ko ay biglang lumungkot ang ekpresyon ng kaniyang mukha.
“Isang linggo na siyang wala iha, hindi mo ba nabalitaan? May mga bumugbog sa kaniya at itinapon ang katawan niya sa tulay. Hanggang ngayon ay pinaghahanap—”
Hindi ko na narinig pa ang mga sumunod niyang sinabi. Para bang nabingi ako at gulong-gulo.
Paano? Kasama ko lang siya kagabi e. Masaya lang kami kagabing dalawa e. Niligtas niya pa ako ‘di ba?
Tsaka ko lang naalala na narinig ko nung isang linggo sa kapitbahay namin na may natagpuang bangkay sa tulay.
Unti-unting rumagasa ang masaganang luha sa pisngi ko.
Si Sean pala ‘yon.
Dali-dali akong tumakbo papunta sa tulay kung saan niya ako sinagip kagabi at kung saan rin siya namatay.
“Sean! Nandito ka pa rin naman ‘di ba? Magpakita ka ulit sa ‘kin! Sean!” napahagulhol na lang ako ng iyak.
Nakakalungkot lang isipin, na ‘yung taong minahal ko nung gabing ‘yon ay hindi ko na masisilayan pang muli.
“Maraming salamat, Sean.”

Words by: Tyron Crimson






Share On Whatsapp

Leave a Reply






top