STEALING HIS INNOCENCE CHAPTER TWO


STEALING HIS INNOCENCE
By Yzabelah
🌺🌺🌺🌺CHAPTER TWO🌺🌺🌺🌺
Maringal ang gandang lumitaw sanhi ng kasuotang nakabalot sa balingkinitang katawan ni Vivienne nang dumating sa Midnight Paradise nang gabing iyon. Isang silver tube fitted dress na hanggang hating hita ang suot niya. Pinang-ibababawan lang niya iyon ng isang red coat. Lumitaw ang mestizang kutis niya lalo pa nga at tenernohan niya iyon ng red glittered high heeled stiletto shoes. Idagdag pa roon ang mga pulang ruby na nagsilbing bato sa kanyang earring, necklace, bracelet at anklet. Lahat ng iyon na nasa katawan niya ngayon ay mula sa pera ng kakambal nyang si Maximillian. Isang imbitasyon na kailangan niyang pagbigyan. Ayaw niya ng ideyang iyon pero batid niyang ginagawa iyon ng lalaki upang bigyan siya ng pagkakataon na makapamili ng magiging asawa mula sa mga mayayamang angkan at samahan na miyembro ng kapatirang kinabibilangan nito. Bakit nga ba ito nagpapakaabala para lang makapag-asawa siya agad? Dahil tiyak niyang umiiwas ito na ito ang unang matali sa sagradong matrimonya ng kasal kaya siya ang pinupursige nito.
Matapos niyang iabot sa nasa entrance ng Midnight Paradise ang silver card na binigay ni Maximillian ay agad siyang iginiya ng isang babae na naroon patungo sa silid na ipina-reserve ng kakambal niya. Ngunit bago pa nila marating iyon ay nasalubong na nila ang lalaki kaya iniwan na siya ng babaeng nag-assist sa kanya.
Malawak ang pagkakangiti nito bagay na hindi niya man lang ginantihan kahit tipid na ngiti.
“Sabi ko na darating ka!” patawa-tawa nitong wika.
“Birthday mo kaya pinagbigyan kita, walang ibang dahilan!”
“Natatakot ka sa arranged marriage ano?” pangungulit pa nito.
Pinandilatan niya ito.
“Wala akong kinatatakutan, kahit pa arranged marriage paulit-ulit kong tatakasan iyon!”
“Hindi mo magagawa kapag itinakda ni Papa, ayaw mo naman sigurong ma-highblood siya at ma-stroke ulit dahil lang sa iyo,” lumakas na ang pagtawa ng lalaki.
“Tumigil ka Maximillian! Hindi ako narito para pumili ng magiging asawa o para hayaan kang i-display ako sa mga kaibigan mo. Narito ako dahil sayang naman ang effort mo kung hindi mo makikita sa akin ang pinagkagastahan mo ng pera,” ang tinutukoy niya ay ang lahat ng ibinigay nito sa kanya ngayon.
Hindi na kinontra pa ni Max ang bunsong kakambal sapagkat halata na niya na malapit na itong mag-walk out sa oras na tuluyan itong mapikon. Naiiling siya sa iniisip nito na kaya niya ito pinapunta roon ay para i-display. Hindi naman siya papayag na basta na lang mapunta sa kahit sino mang lalaki ang kapatid niya kahit pa nga ubod ng yaman at makapangyarihan ito kung hindi rin lang liligaya rito ang dalaga.
Sa isang pribadong function room dinala ng kakambal si Vivienne. Birthday party iyon ng binata at siyempre damay na rin ang selebrasyon ng birthday niya sapagkat kambal naman sila. Maingay sa loob. Hindi nga siya nagkamali sapagkat naroon lahat ang mga heredero at heredera ng mayayamang angkan.
Pagpasok nila roon ay kinuha ni Max ang atensyon ng mga ito upang ipakilala siya. Kahit hindi niya ugali na maging palangiti ay naging sunud-sunod ang pagbibigay niya ng tipid na ngiti sa mga ito na halos ikasakit na ng panga niya. Ayaw naman kasi niyang mapag-usapan na ang isang Vivienne Santibañez, ay isang supladang heredera. Matapos ang pagpapakilalang iyon ay pumailanlang na sa ire ang himig ng musikang maingay at ang hatid sa kanyang taynga ay sobrang nakakarindi. Iyon ang unang pagkakataon na pumasok siya sa Midnight Paradise. Iyon din ang unang subok niya makihalubilo sa party na tulad noon. Siya ang tipo ng babaeng mas gusto ang mapag-isa o ang tahimik na lugar kung kailangan niyang mag-enjoy o mag-relax.
Sa halip na makipag sosyalan at makigulo sa paty ng kakambal ay nagpaalam siya rito na pupunta lang sa ladies room. Hindi siya nagi-enjoy sa piling ng mga miyembro ng Billionaire Bachelor Brotherhood na para sa kanya ay walang ginawa kung hindi magpaguwapuhan at magpayamanan. Mga karismang ginagamit upang mapaikot sa palad ang sino mang babae na magustuhan.
Pagkagaling sa ladies room ay hindi na siya bumalik pa sa party, sa halip ay sa isang bar na lang doon din sa Midnight Paradise siya pumunta, tutal nasa mood naman siyang uminom ng alak. Laking pasasalamat niya at hindi tulad sa party ay tahimik roon at pawang mga calming music lang ang tumutugtog, sapat upang ma-relax ang sinumang iinom roon.
Naupo siya sa harap ng counter kung saan agad siyang nilapitan ng isang bar tender. Napataas bigla ang kaliwa niyang kilay dahil sa malawak nitong pagkakangiti sa kanya.Gwapo ito na may matangos na ilong at mga matang ang pagkatsinito ay lumalarawan sa isang lalaking hindi mo pagsasawaan na titigan. Kahit wala pang alak na natitikman ay para na siyang nalalasing sa tamis ng pagkakangiti nito at tingin na magpapawala sa iyong katinuan bilang babae. Biglang naibaba ni Vivienne ang kanyang paningin. Hindi niya kayang salubungin ang tingin ng lalaki. Nais niyang kastiguhin ang lalaki. Kailan pa siya nagkaroon ng panahon na tumitig sa mukha ng isang lalaking estranghero? Kailan pa niya natutong ilarawan ang isang lalaking noon lamang nakita sa ganoong kaparaanan? At kailan pa siya kumabog ng ganoon kabilis ang dibdib dahil lamang sa isang matamis na ngiti at tingin ng isang bar tender?
Kanina lang sa loob ng party ay natanggap niya ang iba’t-ibang paghanga, mga ngiti at titig ng mga lalaking kilala at makapangyarihan sa kani-kanilang larangan ngunit ni isa ay walang nagpakabog ng ganoon sa dibdib niya!
“Mukhang hindi ka nag-enjoy sa party,” ang tinig na iyon ng isang babae na naupo sa tabi ni Vivienne ang pumukaw sa nawiwindang nitong isip na saglit na inukopa ng bar tender na wagas kung ngumiti.
Napatingin siya sa babaeng nagsalita.
“Vivienne Santibañez, right?” paniniguro nito sa pangalan niya.
Tumango naman siya.
“Suzanne de Austria,” naglahad ito ng palad upang makipagkilala.
Tinanggap niya iyon.
“Isa ako sa guest sa birthday party n’yo ng kakambal mo, pero I find it boring, minsan nakakasawa na rin makipag-usap sa mga herederong akala mo ay sasambahin ng mga babae ang kaguwapuhan at kayamanang taglay,” wika nito.
“Oh!” walang maisip maisagot si Vivienne. Hindi pala siya nag-iisa ng nararamdaman.
“Sorry, I’m too vulgar!”
“Okay lang, umalis ako roon dahil naririndi ako sa ingay, hindi ako maka-relax, lalo akong nai-stress!” tugon naman niya.
“Just give us two cocktail glass of French 75,” nakangiting baling ni Suzanne sa gwapong bar tender na kanina pa hindi umaalis sa harap nila.
“Champagne Cocktail, sure Ma’am,” tugon nito na tinapunan pa ulit siya ng tingin bago lumayo. Kitang-kita niya iyon dahil hindi niya napigilan ang sarili na hindi ito muling tingnan.
Hindi nagtagal at muling lumapit ang bar tender at sa pagkakataong iyon ay dala na nito ang ladies drink na ni-request ni Suzanne. Kusa nitong kinuha ang cocktail glass na para rito at sinadya namang iabot pa sa kanya ng lalaki ang para sa kanya. Bawat pagtatama ng tingin nila ay tinatapunan siya nito ng tinging kakaiba na may nakakaakit na ngiti. Masarap sa pakiramdam ngunit hindi niya nagugustuhan.
Masayang kakuwentuhan si Suzanne kahit ngayon lang niya nakausap at nakaharap sa kauna-unahang pagkakataon. Isa rin itong heredera at kilalang musa ng mga mayayaman. Laman ng party at kung sino-sino ang lalaking nali-link rito bagaman at wala namang ipinapakilalang nobyo.
Ang isang cocktail glass ng French 75 ay naging dalawa, tatlo hanggang sa hindi na nila matandaan ang bilang. At nang makaramdam si Vivienne na pagkalasing ay ipinasya na niyang magpaalam kay Suzanne. Matibay sa inom ang babae. Kahit nga nahihilo na siya at medyo pakiramdam niya ay umiikot na ang kanyang paligid ay tingin niya ay parang wala lang dito ang nainom nila, marahil ay nasanay na ito dahil sa dami ng party na palaging pinupuntahan.
“Are you okay? Kaya mo pa ba umuwi? May driver ka ba?” nag-aalalang tanong ni Suzanne sa kanya.
“Of course, kaya ko naman!” pinilit niyang magpakawala ng ngiti upang ipakita sa babae na ayos lang siya at wala lang ang kanilang ininom.
“Nice meeting you,” nakangiting niyakap pa sya ni Suzanne bago siya umalis.
“Nice meeting you too,” tugon naman niya na tinanggap ang yakap ng babae.
Matapos...


makapagpaalam ay tinatagan ni Vivienne na makapaglakad kahit may pagkahilo nararamdaman. Tinawagan niya si Maximillian upang sabihing uuwi na siya.
“Nasaan ka na ba? Bigla kang nawala sa party?” Bungad na tanong agad nito nang sagutin ang tawag niya. Naglalakad na siya noon patungo sa parking lot.
“Nag-enjoy lang ako, huwag ka mag-alala sa akin.”
“Lasing ka?” tanong ng lalaki na tila nahalata sa tono niya na lasing siya.
“Uminom ako natural maging tipsy ako pero huwag kang mag-alala kaya ko naman umuwi. Tumawag lang ako kasi baka sumabatan mo ako na hindi man lang ako nagpaalam na aalis. Uuwi na ako dahil bukas kailangan ko pang bumiyahe patungong Baguio dahil may appointment ako sa Valle Hotel.”
“Ipahahatid na kita!”
“No! Kaya ko, bye!” Tinapos na agad ni Vivienne ang pakikipag-usap sa kakambal. Malamang kasi na sesermonan lang siya nito kapag nakita na nalasing siya ng ganoon.
Samantala tinawagan naman ni Julian ang pinsang si Maurelle upang ipagbigay alam rito ang lagay ng amo nitong si Vivienne.
“Siguraduhin mo na hindi siya magmamaneho ng kotse niya,” tarantang wika ni Maurelle sa lalaki.
“Anong gagawin ko patungo na siya sa parking lot?”
“Bakit kasi ngayon mo lang sinabi sa akin? Bakit hinayaan mo na magpakalasing siya?” Paninisi pa nito sa kanya.
“Relax, hindi ko naman kasi trabaho na bawalan ang mga customer ng bar sa pag-inom na nais nila,” malumanay na wika ng lalaki.
“Pero sana itinawag mo na agad sa akin? Hindi ba niya kasama si Sir Max?”
“Wala siyang kasama!”
“Sundan mo siya!” mariing utos ni Maurelle sa pinsan.
“Pero hindi pa tapos ang duty ko dito sa bar,” reklamo nito.
“Kalimutan mo muna ang pagiging bar tender mo at sundan mo siya!” Tumaas na ang tinig ni Maurelle dahil sa pag aalala nang sandaling iyon.
“Ikukuha ko na lang siya ng driver sa labas,” suhestiyon ni Julian sa pinsan.
“Hindi! Ikaw ang magmaneho, ihatid mo siya! Sa oras na gawin mo iyan magdo-donate ako sa Fur Babies Shelter ng Fifty thousand pesos,” may panunuhol na ang huling sinabi ni Maurelle. Batid niyang kahinaan ng pinsan ang Shelter na ini-sponsoran nito.
“No! Make it Two hundred thousand!”
“What?!”
“Two Hundred Thousand o ipagmamaneho ko ang mala-dyosa mong amo!”
“Mukhang pera ka talaga!” gigil na wika ni Maurelle. “Deal! Pero siguraduhin mong ligtas siyang makakarating sa mansiyon ng mga Santibañez.”
“Ok deal! I-message mo sa akin ang detail ng tahanan niya,” pangiti-ngiting wika ni Julian bago tuluyang tapusin ang pakikipagusap sa pinsan.
Malapit na sa lugar kung saan niya ini-park ang kotse niya nang bahagyang umikot ang paligid kaya napatigil saglit sa paglalakad si Vivienne. Nasapo niya ang kanyang noo at matapos iyon ay ipinilig pa ang ulo. Nais niyang magsisi. Ano ba naman kasi ang naisipan niya at nakipagsabayan siya kay Suzanne? Ang plano niya ay mag-relax lang pero mukhang hindi rin relaxation ang nakuha niya. Nang muli niyang tangkaing ihakbang ang mga paa ay muling naging mabuay ang kanyang katawan at muntik na siyang matumba at bumagsak kung hindi lang may biglang humawak sa braso niya at humila sa kanya. Dahil sa impact ng paghila nito ay napasadlak siya sa dibdib ng nilalang na gumawa noon sa kanya.
Agad na nanunuot sa kanyang ilong ang kakailang masculine scent sanhi marahil ng pabango nito na nagdulot lang ng swabeng amoy sa ilong niya. Hindi agad siya nakabawi mula sa pagkakasadlak sa dibdib nito ngunit nagawa niyang itaas ang kanyang paningin patungo sa mukha nito na nakatunghay rin sa kanya.
Sa kabila ng pamumungay ng kanyang mga mata sanhi ng kalasingan ay muli niyang nakita ang mga ngiting kanina lang ay nagpabilis sa tibok ng kanyang puso. Agad na umalis siya sa pagkakadikit sa dibdib nito at binawi ang brasong hawak nito
“Oh, I’m sorry but thanks anyway,” tanging nasabi lang niya at tinalikuran na niya itong muli.
Ngunit sadyang kahit pa pilitin niyang magpakatatag sa paglalakad patungo sa kotse nang hindi bumabagsak at gumigiwang ay hindi naman maipapangako ni Vivienne sa sarili na makakaya pa niyang magmaneho. Sa halip na humakbang papalayo ay muli siyang humarap sa lalaking kanina lang ay nasa loob ng bar, ang bar tender na walang ginawa kung hindi ang siya ay titigan at ngitian ng walang humpay.
Iniabot niya ang susi ng kotse niya rito.
“I’ll pay you, be my driver,” deritsa niyang alok rito. “I can’t drive,” amin niya rito dahil nahihilo na talaga siya.
Walang pagtutol na agad na kinuha ng lalaki sa palad niya ang susi ng kotse niya na iniabot niya. Lingid sa kanyang kaalaman ay naroon naman talaga sa parking lot ang lalaki dahil nga inutusan ito ng pinsan nitong si Maurelle na ipagmaneho siya upang masigurong ligtas siyang makakauwi.
Hindi lang iyon ang ginawa nito. Hindi niya inaasahang walang sabi-sabing bubuhatin pa siya nito patungo sa kotse niya. Napipi siya sa ginawang iyon ng lalaki at tila nawala ang kanyang kalasingan ng ilang Segundo. Kahit lasing siya ay kinig niya ang malakas na pagrarambol ng kanyang puso sa ginawa nito. Isa iyong kapangahasan ngunit bindi magawang magalit.
Hindi niya alam kung anong mayroon ang lalaking ito upang maging ganoon ang epekto sa kanya. Natagpuan na lang niya ang kanyang sarili na nakatingin siya sa salamin sa unahang bahagi ng kotse niya at pinagmamasdan ito habang nagmamaneho. Nang bigla itong mag-anga ng paningin at magtama ang kanilang mga mata ay kaagad siyang pumikit upang magkunwaring tulog, sanhi upang hindi na niya makita ang muling pagngiti nito sanhi ng ginawa niya.
Ang pagpikit na iyon na ginawa ni Vivienne ang naging dahilan upang tuluyan na siyang makatulog sa likurang bahagi ng kotse niya.
Hindi na nga niya namalayan na nakarating na pala sila sa kanilang mansiyon. Dahil sa pagkakahimbing na iyon ng dalaga ay napilitan na rin ang lalaki na muli itong buhatin papasok dahil na rin sa utos muli ng pinsan nang tawagan niya pagkarating mismo sa tahanan ng babae. Itinuro nito sa kanya ang secret code ng key box na nasa may pinto kung kaya nakuha niya ang susi roon.
Nang mailapag na ni Julian ang dalaga sa kama nito ay marahan niyang inalis ang suot nitong sapatos. Muli niyang tinawagan ang pinsan niya at nagpaalam na rito ngunit muli pa itong humiling.
“Ano?” hindi akalain ni Julian ay pati iyon ay hihilingin rin ng pinsan sa kanya.
“Sige na banyosan mo na rin siya para naman maibsan ang kalasingan niya,” pakiusap nito.
“Naririnig mo ba ang sinasabi mo?”
“Bakit? Hindi mo ba magagawa iyan ng walang malisya?”
“Maurelle babae itong amo mo,” paalala nito. Gusto niyang maisip nito na lalaki siya at hindi niya man lang ito nobya para pangahasan.
“Alam ko, at may tiwala naman ako sa iyo! Ipagkakatiwala ko ba siya sa iyo kung alam kong manyak ka!” singhal nito mula sa kabilang linya. “ Sige ka pwedi kong kalimutan ang deal natin tutal nariyan na din naman siya sa tahanan nila nagawa mo ng ihatid siya,” pananakot pa nito.
Kung puwedi lang kutusan ni Julian ang pinsan nang sandaling iyon ay ginawa na niya. Wala siyang nagawa kung hindi sundin ito. Dahil na rin sa guide ni Maurelle ay binanyosan niya ang walang kaalam-alam na dalaga . Bukod pa roon ay pinakiusapan pa siyang alisin niya ang makeup nito dahil ayon kay Maurelle ay sinisiguro nitong wala itong make-up sa oras ng pagtulog.
Napatigil sa pagpupunas ng mukha ng dalaga si Julian nang marinig niyang magsalita ito.
“Hindi ko naman kailangan pakasal sa isang taong hindi ko mahal pero bakit minamadali nila akong mag-asawa! Ang gusto ko lang naman ay makatagpo ng isang taong magmamahal sa akin at magpapahalaga. Kung hindi rin lang kaya ko namang mag-isa, kahit ang lungkot-lungkot at kahit pakiramdam ko laging kulang ang pakiramdam ko,” wika nito habang namamalisbis ang mga luha.
Napalumod-laway si Julian. Ayaw niya nang nakakakita ng babaeng umiiyak. May habag na kumukurot sa puso niya sa tuwing makakakita ng luha ng isang babae. Wala siyang ideya sa kung ano man ang pinagdadaanan nito ngayon pero nabanaag niya sa mukha nito ang kakaibang lungkot!
ITUTULOY…
Thanks for reading 😘😘😘






Share On Whatsapp

Leave a Reply






top