THE ACTIVITY


Sa isang classroom, nagising ang 20 na estudyante sa kani-kanilang mga silya nang umalingawngaw sa buong school ang nakaririnding ingay ng bell.
Sampung babae at sampung lalaki.
Pagtataka ang tanging namutawi sa kanila nang malamang naka-lock ang dalawang pinto ng silid. Hindi rin nila alam kung ano ang kanilang ginagawa rito bago sila magising dahil lahat sila’y walang naaalala at wala rin silang ideya kung bakit sila narito sa ganitong oras at kung bakit naka-lock ang mga pinto na tila ba may kung sinong nagkulong sa kanila. Wala rin sa kanila ang mga cellphone nila at bag na naglalaman ng kanilang gamit na labis nilang ipinagtataka at ikinaiinis naman ng iba.
Sumigaw sila mula sa loob para humingi ng tulong ngunit wala man lang ni isa sa labas ng silid na kinaroroonan nila ang nakakarinig. Tila walang tao at tanging sila lamang.
“Anong ginagawa natin dito?” kabadong tanong ni Gino.
“Malay ko!” tugon naman sa kan’ya ni Carlyn.
“Naka-lock yung dalawang pinto. Sinong baliw naman ang magkukulong sa atin rito?” ani Jake at napabuntung hininga na lamang.
“Bakit tayo nandito?!” tila naiiyak na sambit naman ni Zianne.
“Gusto ko nang umuwi. Mamaaa!” Gano’n din si Jane.
“Manahimik nga kayo!” pagsita naman sa kanila ni Kenzo.
“Gabi na, ‘di ba dapat nasa bahay na tayo sa mga oras na ito?” tila walang alam na biglang sambit naman ni Jason kung kaya’t binatukan s’ya ng kaibigan at kaklaseng si Rico
“Bobo ka ba!? May nagkulong nga sa atin dito e nang hindi natin nalalaman.” mariing saad sa kan’ya ni Rico.
“Ang tanong, ano’ng dahilan at kung bakit tayo kinulong sa classroom na ito?” blangkong ekspresyon na tanong naman ni Theo habang nakangisi.
Pareho-parehong takot at pangamba ang mababakas sa mukha ng ibang estudyante. Samantalang ang iba naman ay tahimik lamang na nakaupo sa kanilang mga silya na tila ba kalmado lamang sa sitwasyong ito. Madilim na rin sa labas dahil sa gabi na.
Isang estudyanteng nagngangalang Greg ang sinubukang buksan ang pangalawang pinto sa dulo gamit ang silya. Ilang beses n’yang pinaghahampas ang pinto ngunit nadismaya lamang s’ya dahil sa wala ring silbi ang naisip n’ya. Napakahirap buksan ang pinto dahil sa tibay ng kandado nito.
“B’wisit na ‘yan! Sino ba kasing walanghiya ang nagkulong sa atin rito!” sigaw n’ya sa inis at nagtungo naman sa unahang pinto. Ang pintong naka-door lock at nangangailangan ng passcode para mabuksan ito.
Hindi alam ni Greg kung ano ang passcode at baka magkamali lang s’ya kung susubukan n’ya kaya naman ay napasigaw na lamang s’yang muli sa sobrang inis at pagkadismaya. Kilala si Greg sa pagiging mainitin ang ulo at pasaway.
Sa kabilang dako, tahimik lamang na nakaupo sa kan’yang silya ang estudyanteng si Ashley habang walang emosyong nakatanaw sa bintana.
Ilang saglit, isang lalaking estudyante ang biglang lumapit sa kan’ya kung kaya’t bahagya s’yang nabigla. Si Carlo na kababata n’yang kaibigan.
“Teka Ashley, ikaw ba iyan? Nandito ka rin pala,” nakangiti at tila gulat na sambit ni Carlo at umupo sa tabi ni Ashley.
“Ikaw pala ‘yan Carl,” tugon naman ni Ashley.
“Hindi ko inaasahang makikita rin pala kita dito. Pero ano ba kasing ginagawa natin dito?” biglang tanong ni Carlo kasabay nang paglaho ng kan’yang ngiti.
“Hindi ko rin alam at wala rin akong ideya,” malamyos at tipid na tugon ni Ashley sabay muling tingin sa bintana kung saan kanina pa n’ya tinitingnan.
Tumayo si Carlo at nagpunta sa may bintana. Tumingin s’ya labas ngunit wala s’yang makitang kahit ano dahil sa makapal na bagay na bumabalot sa bintana.
Naisipan n’yang kumuha ng isang silya at walang ano-ano’y mabilis na inihampas iyon sa bintana ng ilang beses. Tumalsik lamang ang silya at ang bintana’y hindi man lang nagkabasag ni isa.
“Wala ring magagawa ang bagay na iyan. Makapal na seal ang nakabalot sa bintana, hindi mo talaga magagawang mabasag o masira kahit ano’ng gawin mo. Pakiramdam ko, parang sinad’ya tayong ikulong sa classroom na ito,” wala sa sariling sambit ni Ashley kaya naman natahimik na lamang si Carlo.
Napansin naman ng isang estudyanteng si Jonard na may suot na salamin sa mata, ang mga nakasulat sa blackboard na may kinalaman sa mathematics.
Nang igala pa ang mata ay nasulyapan n’ya ang isang poster na nakapaskil sa sa dingding sa tabi ng blackboard. Nagulat s’ya nang mabasa ang nakasaad sa poster na iyon.
“Alam ko na kung bakit tayo nandito!” bigla n’yang sigaw kaya naman ang atensyon ng lahat ay napunta sa kan’ya.
“Dahil lahat tayo ay ang mga estudyanteng bumagsak ngayong school year, I think we’re here para mag-retake ng exam. What do you think guys?” dagdag pa n’ya dahilan para magtaka ang iba.
“Ano bang pinagsasabi mo?” mataray na tanong naman ni Venice sa kan’ya.
“Tingnan niyo itong poster. Listahan ito...


ng mga bumagsak ngayon at ang mga pangalan natin ay nakasulat rito,” paliwanag n’ya sabay turo sa poster.
Nagsipuntahan ang lahat ng estudyante sa unahan upang makita ang nakapaskil na poster. Tama ang sinabi sa kanila ni Jonard, nakasaad sa poster ang mga katagang ‘Listahan ng mga bumagsak’ at sa ibabang parte ay nakalista ang kanilang mga pangalan at sa tabi niyon ay ang mga grade na nakuha nila. Naglalaro sa 75 pababa ang mga nakuhang grado ng mga estudyanteng nasa silid na ito. Sa paaralan nila, consider na bagsak ka na kapag nakakuha ka ng 75 pababa.
Hindi na nagtaka ang ilan sa kanila na tila ba alam na bagsak sila. Katulad na lamang ni Ashley na hindi na nag-aksaya ng oras para tingnan ang pangalan sa listahan.
Nagulat naman si Carlo nang makita sa listahan ang kan’yang pangalan at ang pangalan ng kaibigang si Ashley at ang 75 na grade na nakuha nito. Hindi n’ya inaakalang bagsak rin ang kaibigan dahil sa pagkaka-alam n’ya ay taon-taon itong may award at may medalya dahil sa pagiging matalino.
Mayamaya pa, isang estudyanteng babaeng nagngangalang Rose ang biglang lumapit kay Ashley. Nagulat si Ashley nang makita si Rose kaya naman napatayo s’ya.
“Anong ginagawa rito ng isang tulad mong top student? At bakit nakalista ang pangalan mo sa listahan ng mga bumagsak, don’t tell me na totoo ngang bumagsak ka?” singhal ni Rose kay Ashley.
Dati silang matalik na magkaibigan na nagkasira dahil sa isang alitan at hindi pagkakaintindihan noon.
“R-rose…” tanging nasabi ni Ashley.
“Do you think matutuwa ako dahil sa nalaman kong bumagsak ang dati kong bestfriend at pareho na kami ngayon?” nakangising ani ni Rose sabay mahinang natawa. Nanatili lamang na nakatingin sa kan’ya si Ashley at hindi alam ang sasabihin dahil sa hindi inaasahang pagkikita nila.
“Ito lang ang masasabi ko sa’yo, sana nagkamali ka ng desisyon mo sa buhay,” huling sambit ni Rose at umalis na.
Unti-unting may luhang pumatak sa mga mata ni Ashley nang maalala n’ya ang masayang pangyayari kung saan maayos pa ang pagkakaibigan nila ni Rose.
Nang makita naman ni Carlo na tila umiiyak si Ashley sa silya nito ay kaagad niya itong nilapitan at inabutan ng panyo.
“Ash, what’s wrong? Ayos ka lang ba?” alalang tanong n’ya sa dalaga.
Tumango naman si Ashley at saka kinuha ang panyo ni Carlo.
Ilang minuto ang nakalipas, natahimik ang lahat ng nasa classroom nang biglang may magsalita mula sa intercom na nasa itaas sa isang sulok, isang boses ng lalaki na hindi pamilyar sa kanila.
“Kumusta mga mahal kong estudyante? Kayo ang mga napili namin upang mabigyan ng pagkakataon na makapasa ngayong school year.”
Nabigla ang lahat sa isinaad nito.
“Nakita n’yo naman na siguro ang inyong mga pangalan sa listahan ng mga bumagsak. Sa pagkakataong ito, maaari kayong pumasa at maka-graduate. Subalit para magawa iyon, kinakailangan n’yong sumabak sa mga aktibidad na aming ibibigay sa inyo. Kapag nagawa n’yo sa tamang oras ang mga gawain sa aktibidad na iyon nang hindi lumalabag sa rules ay may posibilidad na mapili kayo sa mga ipapasang estudyante.”
Pare-parehong nangunot ang noo ng mga estudyante sa pagtataka dahil sa narinig. Hindi nila alam kung totoo ba ang sinabi ng lalaki mula sa intercom, subalit may ilan sa kanila na tila natuwa at na-excite pa, tulad na lamang ng estudyanteng si Theo na isang gangster.
“Ngayon, handa na ba kayo para sa unang aktibidad? Alam kong curious na kayo kaya halina’t umpisahan na natin.”
Mayamaya, biglang tumunog ang bell at pagkatapos no’n ay napalitan ang boses sa intercom ng boses ng isang babae.
“Para sa unang aktibidad, kailangan n’yong sagutan at i-solve ang mga math problems na nakasulat sa blackboard. Kailangan na tama ang makuha n’yong sagot dahil iyon ang magsisilbing passcode sa doorlock na nasa pinto. 15 minuto lamang ang hinihinging oras at kapag hindi n’yo nabuksan ang pinto sa loob ng 15 minuto ay maaaring hindi kayo makapasa. Mayroon lamang kayong limang subok para buksan ang doorlock at kung sa limang subok na iyon ay mali pa rin ang nailagay n’yong passcode ay hindi na kayo makakalabas pa sa silid na ito. Dalawang bagay lamang ang inyong gagawin, ang sagutan ang math problems ng tama at makalabas sa loob ng silid na ito bago matapos ang itinakdang oras, dahil kung hindi lahat kayo ay mamamatay.”
Lahat ay nagulat sa sinabing iyon ng nasa intercom at parehong nanlaki ang kanilang mga mata.
“Ang aktibidad ay magsisimula na ngayon. Goodluck mga mahal kong estudyante.”
Matapos no’n, biglang tumunog ang tila timer na nasa itaas ng blackboard, ibig sabihin lamang na umpisa na.
Umpisa na ng kanilang pagdurusa sa mala-impyernong aktibidad.
(IPAGPAPATULOY)

Words by Wiro Eunwoo.
Work of fiction.
PLAGIARISM is a crime.
Photo not mine.






Share On Whatsapp

Leave a Reply






top