THE TRUTH ABOUT SLENDERMAN.


THE TRUTH ABOUT SLENDERMAN.
Hindi ko kailanman naranasang magkaroon ng maayos na pamilya. Simula nu’ng naipanganak ako, hindi ko naranasang sumaya sa pamilya ko. Lasinggero ang papa ko at babaero, may tatlo akong kapatid sa ibang babae at may apat akong kapatid kay mama.
Labandera lang si mama at lagi silang nag-aaway nina papa. Habang kami ng mga kapatid ko, kanya-kanya. Walang tv, cellphone at iba pang gadgets. Hanggang singkwenta lang ang perang nahahawakan ko at madalas na hindi kami kumain.
Sa aming lima, ako ang napagbubuntungan ng galit ni mama. Ako ang binubugbog kapag naatake siya ng galit niya dahil ako lang naman ang lalaki, ako ang nagtitiis. Ako ang hindi nag-aaral, ako ang hindi mahal.
Isang araw, nasa ilog ako. Minsan ay naiisip ko na lang na lunurin ang sarili ko para matapos ang paghihirap pero hindi ko magawa.
Sa mga nagdaang araw, kumalat ang kwento ng “slenderman”. Nangunguha raw ito ng mga kabataan sa lalawigan namin at hindi na naibabalik ang mga ito.
I don’t believe it. Siguro ay kwento kwento lang nila para ipanakot sa mga bata. Pero kung totoo man, sana kunin na lang din ako.
I always talk to myself everytime I am alone here in the river.
“Sana magkaroon ako ng magandang buhay, sana.” laging iyan ang hiling ko sa maykapal.
I will never believe in slenderman not until I am the next victim.
Linggo at hapon na, ito ang oras na lagi akong tumatambay sa ilog. May pasa ang buong katawan ko. Iniwan kami ni papa, at labis na bugbog ang inabot ko. Ako ang lalaki, kaya namumukhaan ako ni mama na si papa.
Muntik pa niya akong mapatay buti na lang at nakatakbo ako bago pa man ako masaksak ng kutsilyo.
Umiiyak, lumuhod ako sa lupa.
“Kung ganitong paghihirap lang din naman ang tatahakin ko pa, kunin niyo na lang po ako.”
“Hayaan mong ako ang kumuha sa’yo.” malumanay pero malalim na boses ang narinig ko. Nag-angat ako ng tingin at nakita ang isang napakatangkad na nilalang, puro itim ang katawan niya at hindi siya mukhang tao.
Ganitong diskripsyon ang sinabi ng mga tao tungkol sa slenderman.
Naestatwa ako sa pwesto at napuno ng takot ang loob ko. Hindi niya pa ako nahahawakan nang tumayo ako at nagtangkang tatakbo na nang maalala kong kamatayan ang naghihintay sa akin sa bahay.
Kung kamatayan lang din naman ang kahihinatnan ko, mas mabuting sa kamay na lang ng nilalang na ito. Ayokong madungisan ang kamay ni mama kahit ganu’n ang trato niya sa akin.
Tumigil ako at ngumiti ng mapait. Wala namang may pakialam kung bigla akong mawawala.
Nakangiti akong humarap sa nilalang na iyon.
“Ano pang rason para tumakbo. Sige, hinahayaan kitang kunin ang buhay ko.” unti-unti siyang lumapit.
Pinikit ko ang mata at hinintay ang hantungan ng buhay ko pero wala akong naramdaman.
“Hindi ako pumapatay. Tinatapos ko lang ang kalungkutan ng isang bata. Hindi kita pipiliting sumama sa akin pero kung gusto mong tapusin ang paghihirap mo, sundan mo ako.” nagmulat ako ng mata.
Nasa likod ko na siya. Nang lumingon ako, naglalakad na siya papunta sa isang sasakyan.
Anong ibig niyang...


sabihin?
Kahit puno ng pagatataka, namalayan ko na lang ang sariling unti-unting naiidlip habang nasa sasakyan niya.
“Gising ka na, Alvin.” isang matining na boses ang nagpamulat ng tuluyan sa aking mga mata.
Isang maliit na kwarto pero puno ng mga damit at gamit ang bumungad sa akin. Sa tapat ng hinihigaan ko ay isang babaeng may katandaan.
“N-Nasaan ako?”
“Sa mansion ni Drian, o mas kilala niyo bilang slenderman.” nangunot ang noo ko at napabangon.
“P-Patay na po ba ako?” tumawa siya sa tanong ko.
“Hindi. Pero tapos ka nang makaramdam ng lungkot.”
“Po? A-Akala ko–”
“You misunderstood the story about my husband.” namilog ang mata ko. “Sundan mo’ko at ipapakita ko sa’yo ang paligid.” tumalikod siya at wala akong nagawa kun’di ang sumunod.
“A-Asawa niyo po s-siya?”
“Drian ang pangalan niya. At oo, asawa ko siya. Kung akala mo ay mamamatay ng bata ang asawa ko, nagkakamali ka.” namangha ako nang mapunta kami sa isang library. Maraming kabataan ang naroon. Nagbabasa ng libro at nagkukulitan. May ilan akong namukhaang mga nawawala sa bayan namin.
“S-Sila po ang mga nawawalang bata sa amin.”
“Gaya mo, ayaw na rin nila sa buhay nila. Nag-iikot ang asawa ko at naghahanap ng mga batang kagaya mo. Pare-pareho lang kayo. Hindi masaya sa pamilya at muntik nang sumuko sa buhay.”
Naglakad pa kami at nakarating kami sa balkonahe ng floor ng mansion na tinutukoy niya.
“Hindi sila dinakip ni Drian, kusa silang sumama. Akala nila, kamatayan na iyon pero hindi. Ang nag-iisang layunin ni Drian ay magpasaya ng tao. Pero kailangan niyang magtago dahil napag akusahan siyang isang kriminal noon.”
“Ano pong nangyari?”
“Milyonaryo ang asawa ko. Pero dahil sa pera niya, marami ang gusto siyang mapahamak. Inakusahan siyang pumatay nang hindi naman niya ginagawa.
Walang may alam sa lugar na ito kaya dito kami nagtago. Hindi kami makabuo ng anak kaya para hindi masayang ang perang meron siya, napagdisisyunan niyang ilaan ito sa ibang bagay. At ang pagiging magulang ng maraming bata ang napili niya.”
“Ibig sabihin po ba–”
“Dito ka na titira. At sa oras na magkaroon ka na ng sariling maunlad na buhay, saka ka na pwedeng lumabas sa mansiong ito. Pero kung naisin mong bumalik sa pamilya mo, malaya ka. Hindi ka namin pipigilan.” humarap siya sa akin at ngumiti.
Napatulala ako. Ayoko nang bumalik roon kahit alam kong pamilya ko pa rin sila.
Tinapik niya ako sa balikat.
“Pwede mong gawin lahat ng gusto mo rito. Ang iisang batas lang ay wala kang karapatang makita ang mukha ni Drian. Kung isang araw, gustuhin mong makita ang mukha niya at pipilitin mo ang gusto mo, mapapatalsik ka rito. Sige, alam mo naman na siguro ang kwarto mo, iiwan na kita para libutin ang mansion. Kung sakaling maligaw ka, magtanong ka na lang sa ibang bata. Enjoy yourself, Alvin.” saka na siya lumakad paalis.
Nilibot ko ang paningin. Magagara ang lahat ng bagay dito. I feel home.
Pinunasan ko ang luha sa mga mata at ngumiti. Hindi pa ako nakapagpasalamat.
Ang hindi ko inaakalang mabuting tao, ay siyang nagtapos ng paghihirap ko.
And that is the true story about slenderman.
@astrid.






Share On Whatsapp

Leave a Reply






top