What a Girl wants ππ₯°
π¬ CHAPTER SEVENTEEN π¬
PINASADAHAN uli ni Claribelle ng tingin ang babae na parang manang sa suot na mahabang damit. Kung napasama pa, parang mananakot ito sa isang horror film. Malayo sa itsura ng guwapo at makisig na matinee idol.
“Reymart? Ikaw talaga yan?”
Inalis nito ang salamin at pilit na ngumiti. “Ako nga. Tignan mo ang dimples ko.”
Humagalpak siya ng tawa. “Mukha kang mananakot sa hallway ng ospital. Malayo pa naman ang Halloween.”
“Kailangan kong mag-disguise para madalaw ka. Tapos pagtatawanan mo pa ako,” naiinis na sabi nito at ibinalik ang salamin.
“Kasi naman, kahit na nakakatakot ang itsura mo, mas maganda ka pa sa akin. Saan mo naman nahalungkat yang damit mo?”
“Ipinahiram sa akin ng asawa ni Mang Rodolfo. Kailangan ko raw mag-disguise para hindi ako makilala.” Nagdilim ang mukha ni Reymart nang magpatuloy sa pagtawa si Claribelle habang sapo ang dibdib. “Sige, tumawa ka pa. Magwo-walk out na ako dito.”
“Ito naman. Ang bilis namang magtampo.”
“Hubarin mo na yan, Reymart. Hindi titigil sa katatawa si Claribelle hangga’t hindi mo tinatanggal ang wig mo,” sabi ni Aling Myrna.
Sumunod si Reymart at noon lang nakita ni Claribelle ang totoong kaguwapuhan nito.
“Matutulog na ako. Ikaw na ang bahala sa anak ko. Tandaan mo na mag-iikot ang nurse matapos ang isang oras,” sabi ng nanay niya.
“Isang oras?” tanong niya. Ang ibig sabihin ay hindi agad aalis si Reymart?
“Dito muna ako.” Umupo si Reymart sa kanyang tabi at hinawakan ang kamay niya. “Kumusta ka na?”
“Mas mabuti na ang pakiramdam ko,” nakangiting sabi ni Claribelle. Kahit pa siguro kinukumbulsiyon siya sa sakit, gaganda ang pakiramdam niya kapag dinalaw ni Reymart.
Parang hindi ito kumbinsido sa sagot niya at hinipo pa ang kanyang noo. “Mataas pa rin ang lagnat mo. Pasaway ka kasi.”
“Ano naman ang gusto mong gawin ko? Umuwi na lang dahil nabasa ako ng ulan? Nandito ka ba para sermunan na naman ako?”
“Dinadalaw kita. Mula nang makita kitang basang-basa, hindi na ako matahimik.” Umabot ito ng isang orange π sa basket na nasa bedside table at binalatan.
“Alam ko, na kailangan kitang dalawin. Hindi ako makakapagtrabaho nang mabuti hangga’t di ko alam na okay ka.”
“Pero baka may makakita sa iyo. Saka ano na lang ang sasabihin ni Tita Gina kapag nalamang wala ka? Magagalit iyon tiyak.” Ayaw ni Claribelle na magkasira na naman si Reymart at ang nanay nito. Kahit pa hindi sila magkasundo ni Tita Gina, nanay pa rin ito ng lalaking mahal niya. Kahit pagbali-baliktarin pa ang mundo, kapakanan lang din ni Reymart ang iniisip nito.
Ngumiti si Reymart. “Kahahatid ko lang kay Mommy sa airport. Pupunta siyang Paris. One week siyang mawawala.”
“Umalis siya kahit na lumabas ang isyu ng concert kagabi?” Himala. Hindi basta-basta iniiwan ni Tita Gina si Reymart.
“She won’t miss shopping in Paris. Saka hindi naman natin kasalanan na nagkasama tayo sa stage kagabi. Coincidence lang na tayo ang unang nadala ng crowd sa stage,” paliwanag ng lalaki at sinubuan siya ng orange.
“Parang tadhana,” sabi ni Claribelle at hinaplos ang pisngi ng binata. “Hindi lang ako makapaniwala na nagkaharap tayo kagabi. At ngayon, nandito ka rin. Bakit kailangan nating pahirapan ang sarili natin? Alam mong malabo na tayo.”
Hinawakan ni Reymart ang kamay niya at hinalikan. “Dahil mas nahihirapan ako kung lagi kong dadayain ang sarili ko. It is bad enough that I have to pretend. That I have to hide to everyone who’s inside my heart. Pero ikaw ang mahal ko. Kahit sa pagkakataong ito, hayaan mo naman akong iparamdam sa iyo na mahal kita.”
Pumikit si Claribelle nang isa-isang halikan ni Reymart ang kanyang mga daliri. Ipinapaalala lang ng lalaki kung bakit niya ito minahal noon at kung bakit nai-in love na naman siya rito. At parang ginagawa nitong imposible para sa kanya na kalimutan ito.
“Alam mo namang hindi na tayo pwedeng bumalik sa dati,” usal ni Claribelle.
“I am not asking you for anything. Hindi ko hinihiling na bumalik ka sa akin. Parang masyado nang imposible para magkasama tayong dalawa ngayon. But I want to be with you. Kahit ngayon lang. Kahit mabantayan lang kita ngayong may sakit ka. Pwede bang ngayong gabi lang, kalimutan mo muna na nasa magkalaban tayong istasyon o ayaw ng mundo na magkasama tayo? Let’s just be…. Reymart and Claribelle. Gaya dati. Gaya noong masaya pa tayo at walang mga rules na kailangang maghiwalay sa atin.”
“Parang ordinaryong tao lang?” tanong niya.
“Yes. Gaya noong ako ang unang pumakyaw ng pastillas mo.”
Tumango si Claribelle. Gusto rin niya iyon. Gusto niyang makasama si Reymart. Gusto niyang malaya silang magkasama nang walang gagawa ng isyu. Wala silang pakialam sa buong mundo ngayon. Ang mahalaga lang ay magkasama sila.
π¬π¬π¬π¬π¬π¬π¬π¬π¬π¬π¬π¬
NAKAYUKYOK si Reymart sa kama habang nakatitig lang ito kay Claribelle at pinakikinggan ang masasayang experience niya sa mansiyon, pati na rin ang mga bagong natutunan sa production. Hindi niya binabanggit ang tungkol sa kanyang mga manliligaw. Hinaplos niya ang buhok ng binata.
“Salamat sa pag-aalala mo sa akin kahapon. S-sorry kung nainis ako sa iyo. Inaalala mo ako pero ikaw naman itong may ibang kasamang date,” sabi ni Claribelle at hindi naiwasang tumirik ang mga mata.
“Hindi ko naman gagawin yon kung hindi ko nakitang walang pakialam sa iyo ang mga manliligaw mo. Masyado silang busy sa concert, nakalimutan ka na nila. Nakalimutan nilang ikaw ang pinakaimportante kaya ka nandoon.” Hinaplos nito ang dulo ng kanyang ilong. “Bago nila unahin ang sarili nila, ikaw muna ang dapat nilang intindihin. Huwag mong sabihin na ikino-consider mo na isa sa kanila ang magiging totoong boyfriend mo?”
“No. Alam mo naman na laro lang ang lahat ng yon. Oh, gusto mong marinig mula sa akin na walang makakatalo sa iyo pagdating sa pag-aalaga sa akin?” sabi ni Claribelle at naghahamong tumango.
Umayos ng upo si Reymart. “Alam ko naman na hindi ako perpektong boyfriend. At some point, I made you feel neglected and unimportant. Pero hindi kita hahayaang mabasa sa ulan habang nagpapakasaya sa concert. Kahit na ako ang mabasa at magkasakit, basta safe ka lang.”
“Pinatunayan mo iyon kagabi.” Hindi na lang binanggit ni Claribelle na napagalitan ang mga manliligaw niya dahil ipinamukha ni Reymart sa lahat kung gaano ka-incompetent ang mga ito pagdating sa babaeng nililigawan. Dahil walang makakatalo sa totoong pusong nagmamahal. “Thank you, Reymart.”
“Sa jacket? Wala yon.”
“Hindi. Dahil nandito ka. Dahil mahal mo pa rin ako. Mas madali kung tatalikuran mo na lang ako, magkukunwari ka na hindi mo ako kilala. Delikado ang ginagawa mong pakikipagkita sa akin pero nandito ka pa rin. It is just...