What a Girl wants CHAPTER THIRTEEN


What a Girl wants 💕🥰
🍬 CHAPTER THIRTEEN 🍬
UMABOT sila nang hanggang sampung tanong. Sa huli ay si Vincent ang pinakaunang nakakuha ng five points. Tumili si Marie at nagtatalon pa sa tuwa. Parang ipinagdasal na si Vincent ang manalo dahil makakasama rin si Marie sa bar date mamayang gabi. Katatapos lang na magbihis ni Claribelle nang puntahan nina Marie at Edmark sa kuwarto.
“Kailangan mong makita to,” sabi ni Marie at iniabot ang cellphone na nakabukas sa Instagram account ni Reymart.
“Anong meron?” tanong ni Claribelle at tinignan ang IG post. Wala naman siyang napansing kakaiba.
“Tignan mo. Lahat halos ng tanong sa Getting to Know You quiz kanina, sinagot ni Reymart sa Instagram niya,” sagot ni Marie. “Lahat ng sagot niya dito, may kinalaman sa sagot mo. Una, sa sagot na beef asado, iyon ang ipina-order niya.”
“Sa favorite place mo, nag-throwback siya ng picture niya sa Tagaytay. At ikaw mismo ang kumuha ng picture na yan,” dagdag ni Edmark.
Natigilan si Claribelle. May kinalaman nga sa mga sagot niya ang mga post ni Reymart. Gaya ng kung ano ang paborito niyang subject, kung ano unang sinasabi niya paggising hanggang sa paboritong kanta.
“May mga teaser post tayo sa social media na ina-upload namin habang ginagawa ang quiz kanina kaya siguro nasagot agad niya kahit na bukas pa ang labas ng episode na iyan,” paliwanag ni Marie.
Nagsalubong ang mga kilay ni Claribelle at binalikan ang mga post. “Ano ba ang gustong palabasin ng lalaking yon?” Tinawagan agad niya si Reymart. “Anong ginagawa mo? Nasisiraan ka ba ng bait? Gusto mo bang may makahalata na may koneksyon ang quiz ko sa mga manliligaw ko sa mga post mo sa Instagram?” sermon niya.
“Hello, Claribelle! I am flattered. Ini-stalk mo pa rin pala ang social media accounts ko. Akala ko kasi wala ka nang pakialam sa akin.”
“Hindi kita ini-stalk. M-may nakapag-report lang sa akin ng mga post mo. Ano ba ang gusto mong palabasin?” angil niya.
“Na hindi ko pa rin nakakalimutan ang lahat tungkol sa iyo.”
“Ano naman ngayon kung natatandaan mo pa rin lahat?”
“Wala ba akong reward? Dapat, ako ang nanalo sa quiz dahil ako ang naka-perfect score.”
“Hindi ka kasali sa game,” sabi niya sa malamig na boses. Hindi niya ito manliligaw. He didn’t even try.
“Pero mas deserving ako na makasama mong mag-date.”
Inihilamos ni Claribelle ang palad sa mukha. “Hindi ko alam kung anong gusto mong palabasin. Pero siguro naman may mas importanteng bagay kang dapat gawin kaysa makigulo sa dating show ko. Tama na, Reymart.” Ayaw na niyang umasa. Ayaw na niyang masaktan. Bakit parang nananadya pa si Reymart at ayaw siyang bitawan?
🍬🍬🍬🍬🍬🍬🍬🍬🍬
SA ISANG acoustic bar sa Quezon City sila pumunta kasama ang mga kaibigan. Sinadya ni Claribelle na pagdikitin sina Marie at Vincent. Para siyang tanga dahil sinasabotahe niya ang sariling dating game. Gusto lang niyang maging masaya ang kaibigan.
Siniko siya ni Louise, isa sa mga kaibigan noong high school. “Uy! Salamat kasi isinama mo pa rin ako kahit na….. alam mo na. Hindi naman na ako dalaga.”
“Oo nga. Ako rin, may mga anak n pero ako pa ang pinili mong isama rito. Nakakahiya naman dahil pinaayusan mo pa ako,” sabi ni Joanna na hindi nakatapos ng high school at may dalawa nang anak. Pero nang mga oras na iyon ay pusturang-pustura ito sa suot na floral dress at high-heeled shoes. Kinulot din ang buhok nito at maganda ang makeup. “Bakit nga ba kami ang isinama mo? Wala ka bang ibang kaibigan na mas sosyal?”
Tumawa si Claribelle. “Dahil mga kaibigan ko pa rin kayo. Bakit naman ako pipili ng sosyal nga pero hindi ko naman ka-close? Saka minsan lang mangyayari ito na makakapag-relax kayo sa buhay. Alam ko naman na busy kayo sa trabaho at sa pag-aalaga ng pamilya ninyo.”
Mas marami siyang nananatiling kaibigan sa high school kaysa sa college na dalawa lang ang malapit sa kanya… Sina Edmark at Marie. Karamihan sa mga kaibigan niya noong high school ay maagang nagsipag-asawa para takasan ang hirap ng buhay o kaya ay ang istriktong pamilya. Hindi alam ng mga ito na mas mahirap ang maagang pag-aasawa, walang natapos at walang matinong trabahong mapasukan dahil hindi nakatapos ng pag-aaral.
“Kung kagaya mo sana kami, siguro ganyan din kadami ang mga guwapong nagkakagulo sa amin at sa national TV,” sabi ni Yannie, ang salutatorian nila.
“Oh, inom ka pa. Ang sarap ng alak ng mayaman,” sabi na lang ni Claribelle.
“Huwag kang killjoy,” sabi ni Edmark. “Kaya hindi kayo magkasundo ni Jaime.”
“Ma’am, cranberry juice po. In-order para sa inyo ng guest sa kabilang table,” sabi ng lumapit na waiter.
“Sino?” tanong ni Claribelle.
“Doon po sa table sa sulok,” sagot ng waiter at itinuro ang bahagi ng bar na mas madilim. “Yong long hair po.”
“Naku! Baka mamaya may drugs yan. Ako na muna ang iinom,” nagpapakabayaning sabi ni Vincent.
“Ipinapabigay po niya,” sabi ng waiter at iniabot kay Claribelle ang nakatuping papel.
Tinanggap niya ang papel at...


binasa ang nakasulat.
🍬 NOTE :
Alam kong hindi ka iinom ng alak kaya um-order ako ng juice para sa iyo. Cranberry juice is good for you.
Cranberry juice. Naalala ni Claribelle nang minsang dalhan siya ni Reymart ng isang litrong juice na paborito nito. Nang tikman niya ang juice ay tumirik ang mga mata niya sa lasa. Pero inubos pa rin niya dahil masustansiya daw iyon ayon sa binata. Posible ba na ang dating boyfriend ang nagpadala ng juice na iyon ngayon para sa kanya? Nasa bar din si Reymart?
Tumayo si Claribelle para lumapit sa kabilang mesa nang bigla siyang pigilan ni Marie sa braso.
“Saan ka pupunta? Kakanta na si Vincent.”
“Ha?” sabi ni Claribelle at nakitang paakyat na sa stage ang lalaki. Naghiyawan ang mga kaibigan niya kaya napilitan siyang umupo at ibalik ang atensiyon kay Vincent na nagba-buckle pa habang ini-interview ng singer. Hindi naman kasi ito sanay sa maraming tao.
“Pagpasensiyahan niyo na po ang boses ko dahil hindi naman po ako singer. Gusto ko pong i-dedicate ang kantang ito sa pinakamagandang babae sa bar na ito ngayon, si Pastillas Girl.”
Nagpalakpakan ang mga tao at lumingon sa direksyon ni Claribelle. Pero nauwi sa kantiyawan ang masayang hiyawan dahil may sariling direksyon ang nota ni Vincent. Habang halos mabasag ang eardrums ni Claribelle sa sariling version ng “Thinking Out Loud” ni Vincent, kilig na kilig naman si Marie sa tabi niya. Pero natutuwa siya dahil mas may confidence na si Vincent kompara dati na mahiyain at laging nauutal. Kaya nang bumaba ito ng stage ay sinalubong agad niya.
“Great job! Ang galing mo.”
“The best singer ever!” tili ni Marie at sa gulat ni Claribelle ay biglang niyakap ang lalaki.
Nakatutok sa kanila ang cameraman at baka mapagalitan pa ang kaibigan, kaya nagyakap silang lahat.
“Group hug!” sabi ni Claribelle.
“Wow! Parang silaw na silaw sa araw si Kuya,” sabi ng singer. Ang next singer siguro ang tinutukoy. “In fairness, ang ganda ng dimples. Sana, dimples ka na lang.” At naghagalpakan ng tawa ang mga audience. “Anong kakantahin mo?”
“Mahal Pa Rin Kita para kay Miss Pastillas.”
Siniko ni Edmark si Claribelle. “Siya yata yong umorder ng cranberry juice para sa iyo. Parang taong-grasa levels si Kuya.”
Biglang kumabog ang dibdib ni Claribelle at nilingon ang susunod na kakanta mula sa audience. Mahaba ang buhok ng lalaki na nakasumbrero at naka-shades pa. Parang gusgusin. Pero nang nagsimula na itong kumanta ay natahimik ang audience.
“Di maamin….. ng damdamin… na ngayo’y wala ka na sa aking piling….”
Suwabe ang boses ng lalaki. Hindi magaspang kagaya ng isang rockstar pero parang idinuduyan ang nakakarinig. Pumikit si Claribelle at inisip kung saan narinig ang boses na iyon. Parang may katimbre ang lalaki. Hindi niya alam kung bakit naiisip niya si Reymart. Dumilat si Claribelle at nakitang nakaharap ang lalaki sa direksyon niya. Hindi niya nakikita ang mga mata nito sa kabila ng suot na shades pero parang tumagos sa puso niya ang kanta nito.
“Mahal pa Rin kita, oh…. giliw ko….”
Lumabas ang dimples ng lalaki nang ngumiti. Maraming may dimples sa mundo. Hindi lang si Reymart. Pero habang nakatitig si Claribelle sa lalaki, nasisiguro niyang ito ang dating boyfriend.
Tumayo siya para kumpirmahin ang hinala pero bumaling uli ang lalaki sa audience at pinutol ang kanta. “Thank you,” sabi nito at saka nagmamadaling bumaba ng stage.
Hindi dumaan sa direksyon nila ang lalaki kaya sinubukang hulihin ni Claribelle sa pinto ng bar. Pero hindi pa siya nakakalayo ay may grupo na ng mga teenager na lumapit sa kanya.
“Miss Pastillas, pa-picture naman tayo.”
“Ang ganda mo pala sa personal. Anong makeup ang gamit mo?”
“Pwedeng akin na lang si Gerlan kapag ayaw mo na sa kanya?”
Walang nagawa si Claribelle kundi pagbigyan ang tatlong teenagers. Hindi pa rin siya mapakali. Paano kung si Reymart nga iyon? Hindi ba’t sinabi ng lalaki na ito dapat ang nanalo sa date nila? Bago umalis ng bar ay pumunta muna siya sa restroom at tumawag sa cellphone ni Reymart.
“Hello, Reymart. Ikaw ba yong nakita ko sa bar? Sabihin mo naman ang totoo…..”
“Ikaw na naman?”
“T-tita Gina,” nagulat na sabi ni Claribelle. “Pasensiya na po. Akala ko po……”
“Akala mo makakausap mo na naman ang anak ko? Hindi ka pa nakontento sa mga manliligaw mo.”
“May itatanong lang po sana ako sa kanya.”
“Huwag mo nang abalahin ang anak ko. Kanina pa siya natutulog. At kahit pa magkita kayo, huwag mo na siyang kausapin o lalapitan man lang.”
Isang malaking palaisipan kay Claribelle kung sino ang lalaking nag-dedicate ng kanta sa kanya. Kung si Reymart ba iyon o nahihibang lang siya. Sa huli, wala siyang nagawa kundi balingan ang kaibigang si Totoy Biloy.
(Sa palagay mo ba malaki ang problema ko? 🤔 Kahit na lang kasi saan, parang nakikita ko ang ex-boyfriend ko. Kanina, inisip kong nag-disguise siya para lang kantahan ako. Anong gagawin ko?)
Pero walang sagot mula kay Totoy Biloy sa pagkakataong iyon.
(Reymart, hanggang kailan mo guguluhin ang puso ko?)






Share On Whatsapp

Leave a Reply






top