What a Girl wants CHAPTER TWENTY-ONE


What a Girl wants πŸ’•πŸ₯°
🍬 CHAPTER TWENTY-ONE 🍬
“ANAK, gusto mo ba talagang magtrabaho sa industriyang ito? Ito ba talaga ang buhay na gusto mo? Kailangang magpanggap ka para sa ibang tao dahil iyon ang nakakasaya sa kanila pero napakasama mo kapag hindi mo sinunod ang sariling kaligayahan. Parang walang totoo sa mundong ito,” sabi ni Aling Myrna na hinahaplos ang buhok ni Claribelle.
Nakaunan si Claribelle sa hita ng ina. Kapwa nakasalampak sila sa buhanginan habang pinapanood ang paglubog ng araw. Nasa isang resort sila sa Bataan at dalawang araw na lang bago ang finale ng “You’re The One For Me” kung saan kailangan na niyang mamili kina Jaime at Warren. Naglaan talaga siya ng panahon para makapag-relax at mapag-isipan ang magiging desisyon.
“Nay, madali lang namang laruin ang industriyang ito,” sagot ni Claribelle at pilit na ngumiti. “Tignan niyo, masama o pangit man ang balita tungkol sa akin, pag uusapan pa rin ako ng mga tao.”
Nakatulong pa ang isyu sa kanya para tumaas ang ratings ng show. Ganoon yata ang mga tao. Masaya na makitang miserable ang ibang tao. Maraming galit sa kanya pero walang pakialam ang management dahil ratings lang ang habol ng mga ito. Patuloy lang sila sa programa at hindi na pinag-usapan ang isyu tungkol kay Reymart na parang hindi ito nag-e-exist sa mundo nila. Natuto na lang si Claribelle na maging matigas.
Pinagmasdan siya ng kanyang ina. “Pero kilala kita, anak. Ang industriyang ito ay parang nakaka-corrupt ng kaluluwa. Alam kong hindi ka masaya sa nangyayari. Nakikita ko na napapagod ka. Kung magtatrabaho ka sa industriyang ito, sana hindi na kailangang pati sarili mong kaligayahan at mga bagay na pinahahalagahan mo ay makokompromiso. At hindi ko maiwasang sisihin ang sarili ko kung bakit ginawa mo ito.”
Niyakap ni Claribelle ang ina. “Nay, kayo na rin po ang nagsabi na hindi ninyo ako mapoprotektahan sa lahat ng pagkakataon. Kailangan kong pangatawanan ang mga desisyon ko sa buhay. Siguro naman po pagpasok ko sa industriyang ito, hindi naman na mauulit ang pagsali ko sa reality show. May iba pa naman pong trabahong naghihintay sa akin kahit hindi sa harap ng camera. Gusto akong i-train ni Miss Kara para maging part ng staff niya.”
“Sana, hindi na sa ganitong klaseng programa. Doon sana sa mas informative at hindi masyadong personal, anak. Ordinaryo at pribadong tao naman talaga tayo. Hindi sa binabale-wala ko ang mga naitulong sa atin ng programang ito. Pero hindi rin naman tayo nagkaroon ng katahimikan. Gusto ko na lang matapos ang lahat.”
“Konti na lang po at babalik na tayo sa dati.”
“Pero walang Reymart sa buhay mo.”
“Hayaan na po natin yun, Nay. Wala na po akong magagawa para sa amin.” Malungkot na ngumiti si Claribelle. Huminto na siya sa pakikibalita tungkol sa binata. Ang alam lang niya ay hindi gaanong visible sa social media si Reymart. Puro promotion lang ng shows nito ang nandoon. Umiiwas din ito sa mga reporter. Nag-alala rin siya kay Reymart. Sa palagay niya ay may kumokontrol sa lalaki. Kahit ang numero nito ay hindi ma-contact ayon kay Edmark. Siguro ay tapos na ang lahat sa kanila. Hanggang doon na lang sila.
🍬🍬🍬🍬🍬🍬🍬🍬🍬🍬🍬
NAGPUNTA silang mag-ina sa gazebo kung saan nakahanda na raw ang hapunan. Parang espesyal iyon dahil nakaayos pa ang gazebo. Hindi naman nabanggit kay Claribelle kung iko-cover iyon. Nagulat sila nang sa halip na mga staff at crew, ang naabutan nila roon ay ang ina ni Reymart.
“Tita Gina, ano pong ginagawa ninyo dito?” tanong ni Claribelle at bahagyang umurong. Ito ang pinakahuling tao na gusto niyang makita.
“Nagpahanda ako ng dinner. Have a seat,” sabi nito.
“Magpapakagutom na lang kami ng anak ko,” matigas na sabi ni Aling Myrna.
“Let’s be civilized. Pwede niyo naman sigurong gawin iyon,” malumanay na sabi ni Tita Gina.
“Kaya naming maging sibilisado. Kaya nga mas gusto naming umiwas na lang dahil baka kung ano-ano na namang sabihin mo sa anak ko.”
” Kung ganon, pagsabihan mo ang anak mo na layuan si Reymart. She is a jinx. Nakita mo ba kung paano niya sirain ang career ng anak ko? Nasira na ang love team nina Reymart at Darling. Pati ang ratings ng show nila, bumabagsak na rin habang umaangat naman ang cheap na dating game ng anak mo. Malas ang anak ko sa kanya.”
“Paano naman ang reputasyon ng anak ko?” depensa ni Aling Myrna. “Nagmamahalan sina Reymart at Claribelle. Anak ko ang nakipaghiwalay sa anak mo. Pero si Reymart ang gumagawa ng paraan para magkita sila. Hindi ba sumama rin ang reputasyon ng anak ko dahil sa nangyari? Sinalo na nga ni Claribelle ang lahat ng sisi pero hindi ka pa rin masaya. Ano pa bang gusto mong gawin ng anak ko? Wala na siyang ginawang tama para sa iyo dahil masyado kang makasarili.”
Nanlaki ang mga mata ni Tita Gina. “Anong sabi mo?”
“Gusto mo lang kung anong mapapakinabangan mo. Di mo iniisip kung ano ang magpapasaya sa anak mo.”
Ngumisi si Tita Gina. “Nagsalita ang nanay na hinayaang pilahan ng mga lalaki ang anak niya.”
“Mag-iingat ka sa pananalita mo. Huwag mong palalabasing mababang klaseng babae ang anak ko. Baka hindi ako makapagpigil at ibunyag ko ang totoo sa mga tao.”
“Don’t you even dare.”
Niyakap ni Claribelle ang ina. “Nay, huwag po. Nangako ako kay Reymart…..”
“Pero hindi ako nangako ng kahit ano. Wala rin akong pinirmahang kontrata. Magpasalamat ang babaeng ito dahil mabait ang anak niya kung hindi, matagal na siyang...


nakatikim sa akin.”
“Wala kang alam sa showbiz. Ginagawa ko ang lahat para umayos ang buhay ng anak ko,” katwiran ni Tita Gina.
“Bakit? Wala bang talent si Reymart na hindi siya susuportahan ng mga tao kapag nalaman kung ano talaga ang laman ng puso niya? Ikaw na nanay niya, dapat mo siyang protektahan. Dapat, ibigay mo kung anong magpapasaya sa kanya. Nagsisikap naman ang anak mo para magkaroon ng magandang buhay. Bakit hindi mo man lang siya masuportahan? Mahirap bang ibigay yon?”
Naningkit ang mga mata ni Tita Gina. “Huwag mo akong turuan kung paano maging ina sa anak ko.”
Hinawakan ni Aling Myrna ang kamay ni Claribelle. “Mahal ko ang anak ko. At mahal ko rin si Reymart bilang isang anak. Kung hindi man sila magkatuluyan sa huli, basta makita ko lang masaya si Claribelle. At sa kabila ng gulong ito, alam ko na masaya ako para sa anak ko. Dahil nagsakripisyo siya para sa taong mahal niya. At nakita ko na naging masaya sila ni Reymart. Maipagmamalaki ko rin at kahit humarap pa ako sa Diyos, na hindi ako ang pumigil sa kaligayahan ng anak ko. Ikaw ba, kahit minsan sa buhay mo, natanong mo na ang anak mo kung ano ang nagpapasaya sa kanya at naibigay mo kahit na labag sa loob mo?”
“Halika na po, Nay,” awat ni Claribelle. “Umalis na po tayo.”
“Saan ba may turo-turo dito? Mas masaya siguro kung doon tayo mag-bonding,” sabi ni Aling Myrna at naglakad na sila palayo ng gazebo. “Hindi ko kailangan ng sosyal na pagkain sa resort na ito kung makakasalo ko lang ang babaeng iyon.”
Niyakap ni Claribelle ang ina. “I love you, Nay. Salamat po dahil ipinagtanggol niyo ako.”
“Noon ko pa dapat ginawa iyon. Ikaw ang pinakaimportanteng tao sa akin. At hindi ako papayag na may pipigil pa sa kaligayahan mo. Kung anuman ang mga plano mo sa buhay, susuportahan ko,” sabi nito at pinisil ang kamay niya. “Nandito lang ako para gabayan ka.”
Okay na si Claribelle. Basta nariyan ang nanay niya, alam niyang magiging okay siya sa kabila ng mahihirap na pagsubok. Sana ay dumating ang panahon na ganoon din ang maranasan ni Reymart.
🍬🍬🍬🍬🍬🍬🍬🍬🍬
“SAAN niyo ba ako dadalhin?” kinakabahang tanong ni Claribelle. Ang alam niya ay imi-meet niya sina Jaime at Warren para sa isang dinner date. Bisperas ng finale night nila at hindi niya alam kung para saan pa ang pagtatakip sa kanyang mga mata.
“Basta maghintay ka lang,” sabi ni Edmark na katabi niya sa van.
“I don’t know why I have a bad feeling about this.”
“Relax, Claribelle. Nagpahanda lang naman ako ng stripper para sa iyo,” sabi uli ni Edmark at humagikgik. “Parang despedida de soltera.”
“Wholesome lang tayo,” giit niya. “Puro ka talaga kalokohan.”
Ilang minuto pa at bumaba na sila ng van. Sinalubong ng katahimikan si Claribelle nang akayin siya sa paglalakad. Malakas ang kabog ng kanyang dibdib hanggang alalayan siyang umupo sa isang silya.
“Pwede mo nang tanggalin ang blindfold mo, Claribelle,” utos ni Vhon.
Nang tanggalin ni Claribelle ang blindfold, nagulat siya nang makitang nasa loob sila ng isa sa mga library ng Central University of Asia. Sila lang ni Vhon ang nandoon at hindi naman inayusan ang library para sa shoot. Parang isang ordinaryong araw sa paaralan pero siya na lang ang naiwang estudyante.
“Good evening, Claribelle,” bati ni Vhon. “Alam kong memorable sa iyo ang kuwartong ito dahil dito ka unang nagklase sa CUA. But more than that, dito mo rin unang nakilala ang taong mahalaga sa iyo. Ang ex-boyfriend mo.”
Kumunot ang noo ni Claribelle. Hindi niya alam kung sasagot o hindi. “Y-yes,” napipilitang sabi niya. Dapat ba niyang banggitin ang non-disclosure clause ngayon?
“Bukas, pipili ka sa dalawang makikisig na lalaki kung sino ang mas gusto mong maiwan sa puso mo. Pero hindi ka makakahakbang pasulong kung hindi mo pa nahaharap ang nakaraan mo. Kaya nandito ang ex-boyfriend mo para kausapin ka kahit sa kahuli-hulihang pagkakataon.”
“Ex-boyfriend ko?” bulalas ni Claribelle habang nakakunot ang noo. (Sinong ex-boyfriend ko?) πŸ€” Imposibleng si Reymart dahil guwardiyado ng ina ang lalaki. At hindi gagawa ng kahit ano si Reymart na pwedeng lalong ikasira ng career. Baka kung sino na lang ang kinuha ng staff ng show para magpanggap na ex-boyfriend niya. Minsan naman ay ganoon sa mga TV show. Ewan lang niya kung paano pakikiharapan ang fake ex-boyfriend. Baka magtatawa lang siya.
Pero parang huminto sa pagtibok ang puso ni Claribelle nang makita ang isang pigurang nakatayo sa pinto at may dalang bulaklak.
Inilahad ni Vhon ang kamay sa lalaki at kinamayan. “Reymart, thanks for coming.”
“Thank you for having me here and granting my request.”
“Naghihintay na sa iyo si Claribelle. Parang marami kayong dapat na pag-usapan.” At lumabas ng kuwarto ang host.
Saka lang nag-sink in kay Claribelle na silang dalawa na lang ni Reymart ang nasa library. Nilapitan niya ang binata. “Reymart, anong ginagawa mo rito? Sinong nagsabi sa iyo na pumunta ka dito at magpakilalang ex-boyfriend ko?” natatarantang tanong niya, saka kinalampag ang pinto. “Buksan niyo to.”
“Claribelle, hindi ka nila pagbubuksan.”
“Anong hindi pagbubuksan? Kailangan mong makalabas dito. May panahon pa para bawiin mo ang sinabi mo. Siguro naman maiintindihan nila.”
“Ako mismo ang nag-utos sa kanila na huwag bubuksan ang pinto hangga’t hindi pa tayo tapos mag-usap. Nagpunta ako dito nang kusa.”
“Nababaliw ka na ba? Gusto mo bang masira ang career mo?”
Nagkibit-balikat ang binata. “We are live right now.”






Share On Whatsapp

"4" Comments
  1. omg next na po

  2. next po

Leave a Reply


top