𝚈𝚘𝚞 𝙱𝚎𝚕𝚘𝚗𝚐 𝚠𝚒𝚝𝚑 𝙼𝚎 CHAPTER ELEVEN


MADILIM na sa labas nang magising si Aica. Tulog na tulog pa rin si Ipe at ganoon din si Lola Bening kaya maingat siyang bumangon at bumaba ng kama. Sumilip siya sa bintana at nakita niyang nakasindi na ang mga ilaw sa paligid ng solar. Mula roon ay natanaw niya ang isang hugis-mani na fishpond. Ang paligid niyon ay nalalatagan ng Bermuda grass. Sa isang sulok ay mayroong garden set na gawa sa marmol.
May sariling banyo ang guest room kaya hindi na niya kailangang lumabas para magbanyo. Nakapagpahinga na siya kaya ipinasya niyang maligo para mawala ang panlalagkit ng pakiramdam niya. Mabuti na rin iyon na pagharap niya sa mga ito sa hapunan ay preskung-presko siya.
Nakabihis na siya ng palda at blusang hanggang siko ang manggas nang may kumatok sa pinto. Dali-daling sinuklay niya ang kanyang buhok. Nang buksan niya ang pinto ay nakita niya si Kylie.
“Pinapagising na kayo ni Kuya. Kakain na tayo mayamaya.”
“Tulog pa sina Lola pero madali namang gisingin ang mga iyan. Nasaan si Sam?”
“Nasa study room niya. Halika, puntahan natin.”
Sumama siya kay Kylie. Hindi na muna niya ginising sina Ipe at Lola Bening. Nasa unang palapag ang study room, kanugnog ng sala. Inabutan nilang nasa likod ng mesa si Sam. Abala ito sa harap ng laptop computer nito.
“Hi, Kuya. Nandito na si Aica.”
“Come here, I want to show you something.”
Lumapit siya kay Sam. Ipinakita nito sa kanya ang Web site ng Garden of Eden at ang product line niyon. Isa-isang ipinaliwanag nito sa kanya ang benefits na makukuha ng consumers sa bawat produktong mina-manufacture ng kompanya.
“You will represent this products,” sabi nito. “Hindi magtatagal at makikita mo sa labels ng Garden of Eden ang mukha mo.”
“Isn’t that great, Aica? Makakarating sa iba’t ibang lugar ang mukha mo!” excited na bulalas ni Kylie.
“Eh, matanong ko lang, bakit kumuha ka pa ng modelo? Bakit hindi na lang si Kylie ang ginawa mong modelo? Maganda naman siya.”
“Alam kong maganda ako, thank you,” sabi ng dalagita.
“Pero kailangan ko ang isang mukhang may character. Not just a pretty face. At sa iyo ko nakita ang qualities na hinahanap ko. Iyong morena, exotic beauty, natural.”
“Wow, grabe naman ang papuri sa iyo ni Kuya! Dapat kang matuwa, pintasero at metikuloso iyan pagdating sa babae. Pero sa iyo, mukhang two thumbs-up siya!”
“Naku……” Nag-init ang mga pisngi niya. Dinampot niya ang sample ng lotion ng Garden of Eden at naupo sa tabi ni Kylie. Inamuy-amoy niya iyon. “Natatakot akong baka hindi ako makatugon sa mga inaasahan ninyo….”
“Ano ka ba? Ngayon ka pa ba matatakot? Ikaw na nga ang kinuhang modelo ni Kuya. At saka, alam mo, gusto kaagad kita. Gusto ka rin ni Mommy. Ang ganda-ganda mo raw at hindi maarte. Hindi ka kagaya ni Roselyn.”
“Pangalan ko ba ang narinig ko?” tanong ng babaeng bigla na lang pumasok doon. Isinara nito ang pinto at tiniyak na ang ingay niyon ay makakaagaw sa atensiyon nila.
“Speaking of the devil,” bulong sa kanya ni Kylie. “Nariyan na ang mangkukulam.”
Nang tumingin siya sa babae ay nakita niyang nakatingin din ito sa kanya. Nakataas ang mga kilay nito at masama kung makatitig.
“Roselyn, what are you doing here?” tanong ni Sam nang lumapit dito ang babae at humalik. Nakabakas sa mukha ng binata ang pagkairita.
“Hindi mo sinasagot ang mga tawag ko kaya ako na ang nag-abalang bisitahin ka. Kung hindi ko pa tinawagan si Jeric, hindi ko pa malalaman na nakauwi ka na pala. So, nasaan ang modelong ipinagmamalaki mo sa akin?” Inilibot nito ang paningin sa kuwarto bago muling tumitig sa kanya.
Ibig niyang manliit sa paraan ng pagkakatitig nito sa kanya.
“Oh, Kylie, may bago ka na namang yaya?”
“Hindi ko siya yaya. FYI, siya ang modelo ni Kuya. Si Aica,” mataray na sagot ng dalagita.
Nakita niya nang lalo pang tumaas ang kilay ni Roselyn. “Will you stand up?” utos nito sa kanya.
Napilitan siyang tumayo nang pandilatan siya nito. Hindi siya mapakali habang hinahagod siya nito ng tingin.


/> “This is your model? Saang bukid mo ba nakuha iyan, Sam? Mukhang katulong! Iyan ba ang gusto mong maging imahe ng Garden of Eden? Isang babaeng probinsiyana? Let me remind you, working class ang ating mga clientele. Kolehiyala, mayayaman. We need a fresh face pero hindi ang isang kagaya nito!”
“You have no right to speak to her that way, Roselyn,” nagbababalang sabi ni Sam. “Magdahan-dahan ka sa pananalita mo dahil kung pipintasan mo siya, parang ako na rin ang pinipintasan mo.”
“I’m just telling the truth, Sam. Kung ako ang buyer, at ito ang modelo ng produkto mo, hinding-hindi ako bibili!”
“Bakit, Ate Roselyn? Hindi ba di ka naman talaga gumagamit ng mga produkto ng Garden of Eden?” sabad ni Kylie na halatang inis na inis na. “Puro imported ang inilalagay mo sa mukha mo dahil gusto mong maging Amerikana!”
“Will you shut up? Ang akin lang naman, marami pa tayong mapagpipilian. Iyong mas deserving. Hindi itong isang ito na mukhang katulong. My God!” Namaywang ito at inikutan siya. “Marami ka pang gagastusin kung gusto mong pagandahin ang babaeng ito.”
“Stop it, Rosely! I don’t need your opinion!”
“Nagagalit ka sa akin dahil nagsasabi ako nang totoo? Come on, Sam, hindi ko alam kung ano ang nakita mo sa babaeng iyan. I’m sure everyone would agree kapag ipinrisinta mo siya sa opisina. Mukha siyang utusan, believe me!”
Pagkasabi niyon ay siya naman ang hinarap ni Roselyn.
“At ikaw naman, ano ang ipinakain sa iyo ni Sam at napaniwala ka niyang pwede kang maging modelo? Ang kapal naman ng mukha mo, neng! Tumingin ka na ba sa salamin, ha? Pwede ka rin namang maging modelo, why not? Pero modelo ng walis-tingting! Kung ako sa iyo, babalik na lang ako kung saang lupalop ako nanggaling! You’re ugly! Huwag ka nang mag-ambisyon!”
“Stop it! I said stop it!” Hinila ito ni Sam sa braso nang hindi pa rin magpasaway.
Hindi niya nakayanan ang panghihiyang ginawa ni Roselyn sa kanya kaya patakbong lumabas siya ng study room.
“Ate Aica, wait!” sabi ni Kylie.
“Aica, sandali lang!” tawag din sa kanya ni Sam.
Pero hindi niya pinansin ang mga ito. Tuluy-tuloy siyang pumanhik sa hagdan at bumalik sa kuwarto. Nanliliit siya at pakiramdam niya ay tama si Roselyn sa pagsasabing pangit siya. Wala siyang karapatang maging isang modelo. Dapat ay nanahimik na lang siya sa probinsiya. Hindi na sana siya nagpadala sa pangungumbinsi at magandang alok ni Sam.
“Oh, apo, bakit?” nagtatakang tanong ni Lola Bening nang makita nitong umiiyak siya.
Pinahid niya ang mga luha niya at sinabi niyang walang anuman iyon.
“Anong walang anuman? Bakit ba?”
“Lola, mabuti pa yatang bumalik na tayo sa atin……”
“Ha? Eh, bakit?”
Bago niya masagot ang tanong ni Lola Bening ay narinig nila ang pagtawag ni Kylie.
“Ate Aica? Buksan mo ang pinto, si Kylie ito.”
Binuksan niya ang pinto at pinapasok ito.
“Inihatid na muna ni Kuya si Roselyn sa bahay niya. Ewan ko ba sa babaeng iyon, kung umasta, akala mo’y asawa ni Kuya. Pintasera pero hindi naman talaga siya maganda. Makapal lang ang makeup niya, ano?”
“Anong oras kaya babalik ang kuya mo? Kakausapin ko na lang siya. Babalik na lang kami sa amin para huwag siyang magkaroon ng problema kay Aica. Hindi pa naman kami nagpipirmahan ng kontrata, eh.”
“Naku, anong babalik, ha? Hindi papayag si Kuya, believe me! Huwag mo na lang pansinin si Roselyn. Nagseselos lang iyon at naiinggit sa iyo dahil gusto niyang siya ang maging modelo ng Garden of Eden. Ikaw man o ibang babae ang maging modelo ay tiyak na aawayin din niya. Huwag kang magpasindak doon. Basta si Kuya ang kausap mo. Maniwala ka sa kanya.”
“Ngayon pa lang ay parang hindi ko na kakayanin, Kylie…..”
“Para iyon lang, tatakbo ka na? Hindi mo kasi tinarayan, eh. Kung nakipagtarayan ka, tiyak na bumahag ang buntot non!”
“Tama naman si Kylie, apo. Si Sam ang kausap mo, hindi ang Roselyn na iyon. Kay Sam ka maniwala,” sang-ayon ni Lola Bening. Hinimas-himas nito ang likod niya bilang pag-alo.






Share On Whatsapp

Leave a Reply






top