Ika-dalawampu at dalawa ng Setyembre, 1975
Mahal kong Ayong,
Maselan ang aking kalagayan…
Ayon kay Nanang Pasing, mababa ang aking matres.
Kaya pala may napatak na dugo mula sa aking kaangkinan noong minsang ako ay magbuhat nang batya galing sa paglalaba sa ilog.
Noon lamang ako nakaramdam ng panghihilakbot sa takot.
Hindi para sa akin, Ayong, kundi para sa munting sanggol na lumalaki sa aking sinapupunan..
Mabuti na lamang at ako’y sinamahan nila Guada bago ako nahandusay malapit sa batuhan nang pampang.
Mabait ang Panginoon, Ayong..
Kahit ako’y nangungulila sa iyo’y may munting anghel akong hinihintay sa kanyang araw ng pagluluwal.
Subalit ang lungkot ay kay hirap ibsan sa tuwing sasapit ang dapi’t hapon na hindi kita nasisilayan sa bawat araw na dumadaan.
Ang bunga sanang ito’y mula sa ating dalawa kung di sin sana’y di mo ako iniwan…
Mahal ko…mamahalin mo pa kaya ako sa kabila ng aking nalalapit na pagiging ganap na ina? Ina ng sanggol na hindi ikaw ang ama?
Datapwa’t noo’y nangako ka sa akin, habang tayo’y nasa ilalim ng puno ng mangga at nakahimlay ka sa aking kandungan.
Ang sabi mo’y tatanggapin mo ako.
Ako na iyong buong pusong iniirog.
Ako na buong buo mong minamahal, na ibibigay mo ang lahat para sa akin.
Ako na kailanma’y di mawawaglit sa iyong isipan at gunita.
Ayong, saan ka man naroroon, sinta.
Pag-ibig ko’y wagas na sa iyo’y maghihintay.
Saan mo man ako abutan sa iyong pagbabalik, mahal ko…
Ako sana’y iyong tanggaping...