AUTHOR: KCURSED
Pagod na pagod na si Calvin nang makarating sila ni Raven sa Quezon province. Hindi na niya napansin kung ilang oras siyang nagdrive. Basta ang alam niya, masakit na ang likod niya. Pagod na siya sa pagdadrive, pagod pa siya sa kakulitan ni Raven.
Nagpasya na lang siya na ipagpabukas ang pagpunta sa sinasabi ni Raven na lugar kung saan nito nakita si Anna. Nagcheck in muna sila sa isang hotel. Sinadya niya na sa isang hindi kilalang hotel sila nagcheck in. Iniiwasan niyang may makakilala kay Raven. Kapag kasi may nakakilala kay Raven, baka hindi lang sakit sa katawan ang abutin niya, baka pati ulo niya ay sumakit.
Pakiramdam niya kailangan niyang ipahinga ang sarili niya. Lalo pa at walang ginawa si Raven kundi ang kulitin siya sa buong byahe nila. Gusto na nga niyang patulugin ito pero ayaw naman nitong matulog. Binigyan niya na din ng pagkain, pero wala pa ring tigil ang bibig nito sa kakadaldal. Kung pwede nga lang niyang ihulog ito palabas ng kotse niya, ginawa na niya.
Nakahiga na siya sa kama niya at nakapikit ang mga mata nang may marinig siyang mga sunod-sunod na malalakas na katok. Muli niyang iminulat ang kanyang mga mata at tumingin sa may pinto. Hindi tumigil ang pagkatok sa pintuan ng kwarto niya kahit na nakailang minuto na niyang hindi pinagbuksan ang kumakatok.
Napahinga siya ng marahas. Sana lang hindi ito si Raven. Wala na siya sa mood para kausapin pa ito. Pero alam naman niya kung sino ang kakatok sa pinto ng ganito. Wala na siyang nagawa kundi ang bumangon. Hindi kasi tumitigil sa pagkatok ang isturbong tao na ito.
Pagkabukas niya ng pinto, ang nakangiting mukha ni Raven ang nabungaran niya. Napahilot siya sa sintido niya. Makita pa lang niya ang mukha ni Raven, sumasakit na ang ulo niya. Para itong sumpa sa buhay niya. Sa ilang taon niyang pagiging manager nito, wala yatang araw na hindi sumakit ang ulo niya. Gusto na niyang sukuan ito pero hindi naman niya magawa.
“Anong kailangan mo?” Naiinis na tanong niya.
Sa halip na sagutin siya nito, itinulak nito ang pintuan ng kwarto niya at dirediretsong pumasok. Kita mo nga naman! Parang wala sa bokabularyo ng taong ito ang salitang privacy. Inilapag nito ang dala nitong isang plastic sa ibabaw ng kama niya at naupo ito doon.
“Ano na naman ang kailangan mo?” Sinarado niya na lang ang pintuan at lumapit dito. Naupo siya sa maliit na upuan malapit sa kama.
“Binilhan kita ng damit” inginuso nito ang plastic na dala nito.
Tiningnan niya ang itinuro nito. Napakunot ang noo niya at saka muling tumingin kay Raven. “Lumabas ka? Di ba sinabi kong huwag kang lalabas. Pano kung may nakakita sayo at dumugin ka sa labas?” Problemado niyang sabi dito.
Nagkibit-balikat ito. “Hindi naman nila ako nakita. Kita mo naman nandito ako sa harap mo nang walang tumatawag sayo para kunin ako sa labas”
Huminga siya ng pagkalalim-lalim. Gusto na niyang sakalin ito. Sobra na ang sakit ng ulo niya dito. Kaya siguro hinahayaan na lang ito ng Kuya nito dahil sa sobrang kulit nito. Talo niya pa ang nag-aalaga ng bata.
“Sabihin mo nga sa akin, saan ka pumunta nang nawala ka?’ Seryoso niyang tanong dito. Nakita niyang biglang nag iba ang reaksyon nito. May pakiramdam siya na iiwasan lang ni Raven ang paksang ito. At hindi nga siya nagkamali.
Tiningnan siya nito. “Mahabang kwento. Inaantok na ako” sabi nito.
Nakatingin lang siya dito. Maya-maya’y gumapang ito papunta sa unan at nakadapang nahiga. Lintek na lalaki ito. Mukhang dito pa yata matutulog.
“Raven, bumalik ka na lang sa kwarto mo kung ayaw mong pag-usapan ang pagkawala mo noon” mahinahon niyang utos dito.
Iminulat nito ang isa nitong mata at saka tumingin sa kanya.
“Dito na lang ako matutulog”
“Hindi pwede. Tumayo ka na dyan at bumalik ka na doon sa kwarto mo”
“Tinatamad na ako” nanunulis ang ngusong sabi nito saka umayos ng pagkakahiga at nagkumot pa.
“Raven” nagtitimping tawag niya dito.
Hindi siya nito pinansin. Nakahiga pa rin ito at nakapikit ang mga mata. Wala talaga itong balak na umalis sa higaan niya.
Napabuntong-hininga na lang siya. Tumayo siya at kinuha ang plastic na dala nito. Tiningnan niya ang laman niyon. Buti naman at naisipan nitong bilhan siya ng maisusuot. Pumasok siya sa banyo at naglinis ng katawan. Pagkatapos niyang maghilamos ay nagpalit na siya ng damit.
Pagkalabas niya ng banyo ay mahimbing nang natutulog si Raven. Napapailing na lang siyang lumapit sa kama at nahiga sa tabi nito. Wala naman sa kanya kung katabi niya itong matulog. Minsan naman talaga natutulog ito sa bahay niya. Dalawa ang kwarto niya sa condo niya pero matutulog pa rin ito sa tabi niya. Wala naman siyang magawa, kahit na kasi ilang beses niya pa itong itaboy o palayasin, wala rin namang kwenta. Ang gusto pa rin nito ang masusunod. Ang ayaw niya lang talaga dito ay ang likot nito matulog.
Ipinikit niya na ang mga mata niya. Pagod na siya. Gusto na lang niyang matulog. Umayos na siya ng higa niya. Iniharang niya pa ang isang unan sa gitna nila ni Raven. Bukas hahanapin niya si Anna. Bukas makikita nito kung sino talaga siya.
Dahil sa pagod ay mabilis siyang nakatulog.
Kinabukasan, maaga siyang nagising. Wala na sa tabi niya si Raven. Siguro bumalik na ito sa kwarto nito. Bumangon na siya at naligo kaagad siya. Kinuha niya ang mga damit na binili ni Raven. Isang pantalon at tshirt na puti at boxer shorts lang ang binili nito na pwede niyang gamitin sa lakad nila.
Napasimangot siya. Nakakabuwisit talaga ang lalaking iyon. Hindi man lang siya binilhan ng mas maayos na damit. Ano siya, pupunta lang sa talipapa?
“Good morning!” Malakas na bati sa kanya ni Raven nang pumasok ito sa kwarto niya. “Ready ka na? Alis na tayo o kakain muna tayo? Ako, medyo gutom na ako. Pero nagkape naman ako sa baba. Pero kung gusto mong kumain, kain muna tayo. Anong masasabi mo?” Nakangiti nitong tanong sa kanya.
“Kain muna” sagot niya dito.
Nakangiting nakatitig pa rin sa kanya si Raven. Para bang may hinihintay pa itong sasabihin niya. Kung hinihintay nitong magsalita siya ng mahaba haba pa, pwes, wala na. Hindi na siya magsasalita ng marami.
“Yun lang?” Tanong ni Raven.
Kinunutan niya ito ng noo.
Napakurap-kurap ito. “Oh, okay. Yun lang. Lets go. Nagutom ako makipag-usap sayo” anito saka naglakad palabas.
Kinuha niya muna ang leather jacket niya at saka sumunod kaagad siya kay Raven. Sa isang fastfood lang sila kumain. Mas malapit kasi iyon sa hotel at gusto doon ni Raven. Sa pinakasulok sila naupo,yung hindi sila mapapansin ng mga tao. Inilapag niya ang bitbit na tray sa lamesa nila. Kinuha kaagad ni Raven ang binili niyang mga laruan. Isang set pa iyon. Nagtantrum na naman kaya napilitan na siyang bilhan ito ng mga laruan. Inilapag niya ang burger at fries sa harapan nito habang abala pa rin ito sa pagkalikot ng mga laruan. Umupo naman siya sa katapat nitong upuan.
Napapailing na lang siya habang nakatingin kay Raven na kumakain ng french fries habang pinipindot ang laruan. Tuwang tuwa pa ito na umiilaw ang laruan. Nakasuot ito ng hoodie at itim na itim na sunglasses. Mukha itong mandurukot sa ayos nito. Sinabi niya na kasing huwag ng sumama pero ang tigas ng ulo.
“Sinabi mo na lang sana sa akin kung saan ko makikita si Anna. Binibigyan mo lang ako ng dagdag na problema” naiiling na sabi niya.
Kunot-noong tumingin naman ito sa kanya. “Wala naman akong ginagawa para mamroblema ka”
Huminga siya ng malalim. “Kapag may nakakilala sayo Raven, siguradong pagkakaguluhan ka. Ako lang ang kasama mo. Sa tingin mo kaya kong ilayo ka sa mga tao kapag dinumog ka?”
Napalabi ito. “Wala naman sigurong makakakilala sa akin”
Sinimangutan na lang niya ito. Bahala na nga ito sa buhay nito. Kapag pinagkaguluhan ito, papabayaan niya talaga ito. Mas kailangan niyang paghandaan ang pagkikita nila ni Anna.
Naikuyom niya ang kanyang kanang kamay. Humanda ang babaeng iyon sa kanya. Makikita nito ang galit niya. Kakaladkarin niya talaga ito pabalik sa Maynila. Ibabalik niya ito sa mundo nito at doon sisirain niya ito. Walang pwedeng bumangga sa kanya. Walang pwedeng gumawa sa kanya ng ganito. Dudurugin niya ang pinaghirapan nitong career.
Matapos silang kumain ay umalis kaagad sila. At dahil si Raven ay si Raven, hinayaan niya itong magdrive. Kahit makipagmatigasan siya dito, ipipilit pa rin nito ang gusto.
Nakatingin lang siya sa labas ng bintana. Maganda ang lugar na ito pero wala dito ang atensyon niya. Abala siya sa pagpaplano kung paano gugulatin si Anna. Gusto niya yung gulat na gulat ito kapag nakita siya. Tapos matatakot ito sa kanya. Manginginig ito sa takot at saka ito magmamakaawa sa kanya. Magmamakaawa itong huwag niyang sirain ang lahat ng pinaghirapan nito.
Napangisi siya. Gustong-gusto niya na may nagmamakaawa sa kanya. Pakiramdam niya ay nasa kamay niya ang buhay ng mga ito, ang career na pinaghirapan ng mga ito. Nasa kanya naman talaga nakasalalay ang buhay ng mga inaalagaan niyang mga artista. Kung hindi sa kanya, hindi sisikat ang mga ito. Hindi mararating ng mga ito ang kasikatan na nararanasan ng mga ito ngayon. Kayang-kaya niyang pasikatin ang isang tao, kaya niya ding sirain lahat dito kung gugustuhin niya.
Natigilan siya sa kanyang pag-iisip nang mapansin niyang huminto ang kotse nila sa tapat ng isang palengke. Medyo maraming nakaharang sa kalsada. Marami ding nakapark na mga sasakyan sa gilid ng kalsada. May makikita ding mga nagtitinda sa may daan. Hindi pa siya nakakapunta sa ganitong klaseng lugar.
Kunot-noong tumingin siya kay Raven. Hindi itong lugar ang inaasahan niyang pupuntahan nila. Kahit kailan ay hindi niya naisip na dito niya pupuntahan si Anna. Hindi ganitong lugar ang kayang tagalan ni Anna. Sa arte ng babaeng iyon, pupunta iyon dito sa palengke?
Ni minsan nga ay hindi pa iyon nakapunta sa palengke. Kapag nga ang kukuning eksena ay nasa palengke, magrereklamo kaagad iyon at magdedemand na ilipat ng setting o palitan ang eksena. Nadidiri din iyon sa maruming lugar. Kaya imposible na nandito si Anna.
“Anong gagawin natin dito?” Nagtatakang tanong niya kay Raven.
Nakangiting lumingon naman sa kanya si Raven. “Pupuntahan si Anna” sabi nito na para bang excited itong makita si Anna.
Napairap siya. As if naman na hindi niya alam ang totoo. Never na...
nice story… hello po ask ko lang pano po kita macontact?? gusto ko sanang magpagawa ng series story… and pag usapan nlang natin if okey lang sa inyo. thanks… po.