LOVE ME, OR I’LL K*LL YOU?


LOVE ME, OR I’LL K*LL YOU?
“Where are you going, Lailah?”
Lumingon ako kay Athena. Hindi ko maiwasang maawa sa kaniya. Sobrang lungkot ng hitsura dahil sa nangyari sa kanila ng demonyong minahal niya.
“May gagawin lang ako.” Tipid akong ngumiti sa kaniya bago siya iniwan sa apartment niya.
Ang nasa isip ko lang ngayon ay kailangan may gawin ako para mailigtas siya.
Ngayon kasi ang araw na haharap siya sa itaas upang parusahan siya sa nagawa niya. Malala ang parusa dahil nagmahal siya ng demonyo lalo na at nagkaanak pa sila.
Kailangan kong puntahan ang Diyosa ng Kagubatan upang manghingi ng tulong.
Malamig ang simoy ng hangin habang payapa akong naglalakad sa gitna ng gubat. Madilim pero hindi ako nakakaramdam ng takot. Ang mga Anghel ay hindi madaling matakot. Dahil kami ang gumagabay sa mga taong maraming kinakatakutan.
Kumakanta pa ako habang naglalakad pero natigil ang mga paa ko sa paghakbang. Kumunot ang noo ko.
Huh?
Sinubukan ko pang gumalaw pero tila yatang nayelo ang mga paa ko sa lupa. Naninigas ang paa ko at umaakyat na ‘yon papunta sa katawan ko.
Dinagundong ako ng kaba. Hindi dahil sa baka may taong nakakakita sa’kin. Dahil hindi naman kayang gawin ng tao ang ganitong mahika. Malamang na ibang nilalang ito.
Sinubukan ko ‘ring gamitin ang kapangyarihan ko pero hindi ‘yon gumagana dahil hindi ako makabwelo. Naiipit ako at parang malalagutan na ng hininga. Kahit ang mga pakpak ko ay hindi ko maibuka dahil sa klase ng itim na mahikang bumabalot sa’kin.
Itim na mahika… isa lang ang ibig sabihin nito.
Demonyo.
“Magandang gabi sa’yo, aking binibini.”
Napasinghap ako at nanlamig ang buong katawan nang marinig ang kakaibang boses sa likuran ko. Hindi ko magawang lumingon dahil hindi parin ako makagalaw. Pumikit nalang ako at pinakiramdaman ang may-ari ng boses na iyon.
Tumaas ang balahibo ko nang maramdamang may kung anong talahib ng bulaklak ang dumadaplis sa mukha ko. Naamoy kong rosas iyon na hawak ng nilalang sa likod ko. Halos mapunit na ang mukha ko dahil sa talas ng rosas na iyon.
“Ano ang dahilan at narito ka sa gitna ng dilim?” Patuloy parin ang paghaplos ng matinik na rosas na iyon sa mukha ko. Bumababa pa iyon papunta sa leeg at dibdib ko. Mas lalo akong inatake ng kaba.
Pumikit ako ng mariin at sinubukang kumunekta sa Panginoon sa pamamagitam ng pagdasal pero natigil lang ‘yon nang muli siyang magsalita.
“Walang bisa ang dasal mo rito, binibini.” Saka siya tumawa ng malakas. Gusto kong takpan ang tainga ko dahil masakit sa tainga ang boses niya na nanggaling pa sa kinailaliman ng lupa. Nangingilabot ako.
“A-Ano bang kailangan mo sa’kin?” Mahina at malumanay kong tanong. Kailangan kong malaman kung anong pakay niya habang nag-iisip ng paraan upang makatakas.
Kahit yata ang isip ko ay nabasa niya. “Hindi ka makakatakas dito kahit pa anong gawin mo. Balot na nang enerhiya ko ang kagubatang ito, bago ka palang magpunta rito.” Muli pa siyang tumawa.
Mas lalo akong binabalot ng takot. Nawawalan na ng pag-asang makatakas. Kahit ang kapangyarihan ko ay wala ‘ring silbi dahil mukhang pinaghandaan talaga ng demonyong ito ang pagdating ko. Hindi hamak na mas malakas siya sa’kin lalo na at nakatungtong ako sa teritoryong inangkin niya.
Napapapikit nalang ako ng mariin nang naramdamang lumapit ang katawan niya sa’kin. Ang isang kamay niya ay humahaplos sa bewang ko at ang isa naman ay hinihimas ang buhok ko. Tumulo na nang tuluyan ang luha ko dahil sa sobrang takot na nararamdaman.
“Huwag kang malungkot binibini.” Pinunasan niya ang luha sa pisnge ko gamit ang kalansay niyang kamay. Suminghap ako. Nararamdaman ko rin ang matigas nitong bungo sa gilid ng ulo ko.
“Demonyo ka… humanda ka kapag nakatakas ako rito. Ibabalik kita sa pinanggalingan mong impyerno.” Pilit kong pinatapang ang sarili. Anghel ako at marami rin akong kakayahan. Kung ibibigay ko lahat-lahat, posibleng...


matalo ko ang demonyong ito.
“Ooohhh.” Muli pa siyang tumawa. “Hindi ka parin nagbabago, Lailah. Mas lalo kang gumaganda at tumatapang. Kaya mas lalo kitang minamahal.”
Biglang lumakas ang tibok ng puso ko. Hindi dahil sa takot. Kundi dahil sa huling salita na narinig ko sa kaniya.
At kilala niya ako!
“S-Sino ka?”
“Hindi mo ako naaalala, Lailah?”
Bumitaw siya sa’kin at humarap. Ngayon ay kita ko na ang buo niyang hitsura. Paano ko siya makilala gayong puro kalansay at bungo naman ang nakikita ko?
Biglang umihip ang malakas na hangin at binalot siya ng itim na usok. Ilang sandali pang nagtagal ‘yon hanggang sa nagbago ang itsura niya.
Umawang ang labi ko.
“V-Vin?”
“Hello there, babe.” Nagbago rin ang boses niya ngunit malamig iyon.
Gulat parin ako sa nakita. Kanina demonyo ang kausap ko at ngayon… nasa harapan ko na ang kaakit-akit at makisig kong dating kasintahan.
Tulala akong napapatitig sa kaniya hanggang sa may isang napagtanto.
“D-Demonyo ka?”
Marahan siyang tumango saka tipid na ngumiti. “Matagal na kitang gustong makausap ulit.” Biglang pumula ang mga mata niya. “Para pagbayarin ka sa kasalanan mo sa’kin. Sa pang-iiwan mo sa’kin.”
Kahit galit siya ngayon ay hindi ko maiwasang purihin ang itsura niya. Pula ang mga mata niya pero mas lalo siyang gumagwapo sa paningin ko.
Umayos ka Lailah!
Bumuntong-hininga ako. Nabawasan rin ang takot ko dahil kilala ko kung sino ang nasa harap ko. Pero hindi nakaiwas sa pakiramdam ko ang sakit nang marinig na pagbabayarin niya ako sa pag-iwan ko sa kaniya.
Papatayin niya ako. Mapait akong napangiti.
Mas gugustuhin ko pa yatang isipin na brutal akong papatayin ng isang demonyo.
Dahil doble ang sakit ngayong alam ko na ang papatay sa’kin, ay ang nag-iisang lalaking minahal ko.
“Handa ka na ba?”
Mas lalong nag-aalab ang mga mata niya. Alam kong galit na galit siya ngayon.
“Vin… iniwan kita kasi bawal ang relasyon natin dahil akala ko ay tao ka. Pero…” Tumulo ang luha ko. “Mas lalong ipagbabawal ang relasyon natin dahil Demonyo ka at Anghel ako. Mas malala ang magiging parusa natin at alam mo ‘yan.”
Nawala lahat ng emosyon sa mukha niya. “Alam ko ‘yon. Pero isipin mo,” Isang matalim na punyal ang lumitaw sa palad niya at nangngingiting tumingin sa’kin. “Wala paring pinagkaiba kung papatayin kita ngayon at parurusahan ka nila, ‘di ba?”
Napayuko nalang ako dahil tama ang sinabi niya.
“Kaya may dalawa kang pagpipilian.” Umangat ang tingin ko sa kaniya. “Mamahalin mo ako, o papatayin kita?”
Nanlaki ang mga mata ko at umawang ang labi. Hindi ko inaasahan na ganito ang sasabihin niya.
Titig na titig siya sa’kin, hinihintay ang sagot ko. Pinag-isipan ko muna ng mabuti ang magiging kahinatnan ng pipiliin ko bago ko siya sagutin.
“Sige…” Huminga ako ng malalim. “Patayin mo nalang ako.”
Eto lang ang nag-iisang paraan para maiiwas ko siya sa parusang kalalagyan naming dalawa. Kahit siya nalang ang huwag parusahan, kahit ako nalang. Dahil sigurado naman ako na malalaman at malalaman ng lahat ang relasyong matagal na naming itinago.
Huli na para maisip kong nababasa niya nga pala ang nasa isip ko dahil nasa loob ako ng kapangyarihang kinokontrol niya. Lumamlam ang tingin niya sa’kin.
Pero nanigas nalang ang katawan ko nang ilapat niya sa pisnge ko ang malamig niyang palad. Bahagya ‘yong uminit hanggang sa nanghina nalang ang katawan ko at parang gusto nang bumagsak sa sahig. Nauubos ang lakas ko at dahan-dahan akong napapapikit.
Bago ako lamunin ng kadiliman ay narinig ko pa ang boses ng lalaking pinakamamahal ko.
“Hindi kita kayang patayin mahal ko… buburahin ko lang lahat ng ala-ala mo at mamumuhay ulit tayo mula sa umpisa. Kakalimutan natin ang responsibilidad natin sa langit at impyerno na parang isa tayong simpleng tao. At pangako kong handa kong iwan ang dati kong pagkatao, makasama at mahalin ka lang ng totoo.”
✍️: Janess Manunulat | @janesscious






Share On Whatsapp

Leave a Reply






top