PANGAKO NI NANAY


Genre: Paranormal-Family Drama (One-shot only)
Author: Wiz Ligera
Nagising si Precious nang may marinig na kumalabog. Pagmulat ng mga mata ay napansin niya na dapithapon na pala. Yamot na kinusot niya ang mga mata nang mapagtantong napahaba ang pag-idlip niya kanina lamang.
Sinikap niyang tumayo pero napaupo muli. Umikot ang paningin niya kaya napapikit na lang siya at lumunok ng ilang beses upang hindi naman masuka.
Noong nakaraang mga araw ay naging mas antukin at mahihiluin na siya. Simula bata pa lamang ay sakitin na rin siya kaya naging natural na ang ganitong karanasan sa kanya.
Subalit mas nagtagal ang pagkahilo niya kaya naalarma na siya. May naramdaman siyang likido na tumulo sa kanyang ilong kaya alam niya na dumudugo na naman iyon.
“‘Nay,” pagtawag niya sa ina na tanging kapamilya na nagtitiyagaang nag-aalaga sa kanya.
Limang taon na ang nakalilipas, iniwan na siya ng ama at sumama sa isang mayamang banyaga upang manirahan na sa America. Napagod na kasi ito sa pag-aalaga sa kanya at ayaw nang makasama pa ang asawa na tumanda na ang itsura nang dahil sa dami ng problema. Kung noon ay biniyayaan ng magandang mukha at katawan ang misis, sa paglipas ng panahon ay nalosyang na raw ito. Nang makahanap ng mas batang babae na mayaman pa, nagdesisyon na itong iwanan silang mag-ina. Tandang-tanda niya noong mag-alsabalutan ang ama at walang lingon-lingon pa na umalis sa tahanan nila.
Laking-pagtataka niya nang hindi siya sagutin ng ina. Dati-rati ay marinig lang siyang tumawag nito ay kaagad na napupuntahan.
“Inay?” pagtawag niya muli.
Nang walang tumugon, kahit nanghihina ang mga paa ay sinikap na niyang maglakad at nagtungo sa sala. Gaya nang dati, nagkalat pa rin ang mga gamit dahil hindi na maasikaso ng ina ang pagliligpit sa bahay. Sa umaga ay nagtatrabaho ito na janitress at sa gabi naman ay magtitinda naman ng balot at inihaw. Pagod man si Aling Fely sa pagkayod, ginagawa niya ito upang maipagamot ang anak na may leukemia. Pinag-iipunan niya ang mga gamot at pagpapa-chemo therapy kaya kahit anong trabaho at basta legal, pinapasok na niya.
Sumilip si Precious sa labas upang hanapin ang nanay. Tanging mga tambay sa katapat na tindahan ang nakita niya. Kadalasan ay walang pang ala-sais ay nasa tahanan na ang ina kaya nababahala na rin siya.
“Akala ko, magtitinda siya ng inihaw ngayon,” pagtataka niya. “Nasaan na kaya siya?”
Lumipas ang ilang sandali ay nainip na siya. Dahil nahihirapang huminga at naiinitan, lumabas muna siya upang nagpahangin. Pinagmasdan niya ang mga taong pauwi na mula sa trabaho upang aliwin ang sarili at makalimutan ang karamdaman. Napansin niya na karamihan ay may dala-dalang mga pagkain at regalo, at may ngiti pa sa mga labi.
“Anong meron?” tahimik na pag-uusisa niya.
“Anak!” narinig niyang tumawag sa malayo. Inakala pa niya na boses ng ina ang narinig kaya napalingon siya bigla. Nadismaya siya na ibang nanay pala ang tumatawag at kapitbahay lang pala nila. Pumasok na ang mag-iina sa tahanan nila. Mula sa loob ay dinig niya ang katuwaan dahil birthday pala ng anak nito na teenager. Nalanghap pa niya ang handang pansit at fried chicken ng pamilya kaya kumalam na rin ang sikmura niya.
“Kailan kaya ako magkakaroon ng ganyang birthday?” may bahid ng inggit na naisip pa ni Precious. Dahil salat sa pera, mumurahing cake at kaunting spaghetti lamang ang nabibili ng ina para sa kanya. Nagpapasalamat naman siya sa simpleng handa pero hindi rin niya maiwasang maghangad na sana ay mas masasarap ang nakakain niya tuwing kaarawan.
“Huwag ka nang mainggit,” pinagsabihan pa niya ang sarili. “Winner ka naman kay, Inay. Napakabait at maalaga pa kaya kahit wala pang handa, OK lang, basta magkasama kami!”
Natapos na ang selebrasyon ng birthday ng kapitbahay ay hindi pa rin dumarating ang ina. Nag-alala na siya nang lubusan kaya naisip na niyang abangan ito sa may kanto. Marami pa namang tao sa daan kaya naisip niya na ligtas na magtungo sa may waiting shed ng barangay. Hindi nale-late ng uwi si Aling Fely kaya takang-taka siya kung bakit wala pa rin ito.
Unti-unti nang nawala sa lugar ang mga tao kaya napagpasyahan na niyang umuwi. Kung kanina ay may mangilan-ngilan pa ang naglalakad, tila ba naglaho na lahat kaya medyo nakaramdam na siya ng kaba. Kahit hinang-hina pa ay sinikap niya pa rin na maglakad nang matulin. Dahil sa kadiliman ay hindi niya napansin na may nakausli pala na semento kaya sumabit ang kanyang paa at nadapa. Ramdam niya ang pagtama ng kanyang pisngi sa malamig na semento kaya napaiyak siya.
“Aray!” maluha-luhang naisigaw niya. Nang dahil sa hapdi at pagkalamog ng katawan, hindi na niya napigilang maluha. Panandalian na nanlabo ang paningin niya kaya inakala niya na nabagok pa ang ulo.
“Bakit kasi lumabas ka pa?” laking-pagsisisi niya dahil siguradong magkakapasa na naman siya nang marami at mapapagalitan pa ng ina.
Nang mahimasmasan at luminaw ulit ang nakikita, napabalikwas siya ng bangon nang may makitang maruruming paa na nasa tapat niya. Pag-angat ng mga mata ay tumambad ang isang matandang babae na gula-gulanit na ang suot na damit. Marungis ito at may sugat-sugat sa balat kaya napaurong pa siya nang dahil sa magkahalong takot at pandidiri. Mas nangilabot siya nang makitang may dala itong manika na wala ng ulo.
“H-Huwag ka nang u-umiyak…” nauutal na sinambit ng babaeng wala na sa katinuan. “N-Narito na ako…pupunasan ang l-luha mo…pangako…”
Lumuhod ito at akmang hahawakan na sana niya pero sinagi niya ang maruruming kamay nito.
“Lumayo ka!” pagtataboy niya.
Buong-lakas pa niyang itinulak ito bago nagtatakbo palayo. Sa kakamadali niya ay hindi niya na namalayan kung gaano kalayo ang narating. Natagpuan na lang niya ang sarili na nasa tapat ng isang pampublikong ospital. Naisip niya na mas ligtas kung doon muna siya mananalagi kaysa naman mahabol ng isang babaeng baliw.
Lalakad na sana siya patungo sa gusali pero may biglang humablot sa kanya. Napahiyaw siya sa sindak nang malamang iyon pa rin ang iniiwasan na tao.
“Saklolo!” nanginginig ang katawang paghingi niya ng tulong. Gamit ang natitirang lakas, pinagsisipa niya ito at pinagtutulak. Kahit na nagpupumiglas pa man, nagulat siya nang bigla siyang yakapin ng matandang babae.
“Anak,” pagtawag nito sa kanya na puno pa rin ng pagmamahal at lambing. Nanlaki ang mga mata ni Precious nang makilala ang boses. Hindi niya inaasahan na ang kinatatakutang baliw ay nanay pala niya.
“Inay?” hindi makapaniwalang napabulalas niya.
“Ako nga,” lumuluhang pagpapakilala ni Aling Fely. Pinuno niya ng halik ang noo ng pinakamamahal na anak nang dahil sa sobrang tuwa. “Akala ko, hindi na tayo magkikita. Masayang-masaya ako at natagpuan din kita!”
“Imposible! Hindi ikaw ang nanay ko!” pagtanggi pa rin ni Precious sa kausap, maging sa sarili. “Kaninang umaga lang e nagkita tayo! Paano ka naging ganyan? Hindi baliw ang nanay ko!”
“Precious, makinig ka. Marahil patuloy mo pa rin na itatanggi sa sarili mo…”
Halos mawala rin sa katinuan ang dalagita sa susunod na narinig. Kung maaari lamang na bumalik na lamang sa bahay ay gagawin niya subalit wala na rin pala siyang karapatan na manalagi pa roon.
“Anak ko, sampung taon ka nang sumakabilang-buhay…”
“Sinungaling ka! Isa ka lamang baliw!” naghuhurimintadong isinigaw niya. Tinakpan niya ang mga tainga upang hindi na makarinig pero umalingawngaw pa rin ang tinig ng kanyang magulang.
“Sana nga, nagsisinungaling ako…”
Napalugmok na sa lupa si Aling Fely nang muling nagliwanag ang kanyang isipan at maalala ang sinapit ng anak. Gabi-gabi ay binabangungot pa rin siya nang dahil sa nasaksihang katawan sa morgue. Sabog na ang bungo, wasak ang mukha ni Precious at nagkabali-bali pa ang mga buto nang dahil sa taas ng kinabagsakan kaya nahimatay pa siya nang hayaang silipin ang bangkay.
Sampung taon na ang dumaan pero hindi mawaglit sa isipan niya ang kalunus-lunos na nangyari sa anak. Ilang araw pa lamang na namatayan, nagsimula na siyang matulala. Hindi na niya napansin na unti-unti na pala siyang nawawala sa sarili hanggang nagpapagala-gala na lamang sa daan.
“Sana, lumaban ka pa nang kahit kaunti…” lumuluhang pinagsabihan siya ng ina. “Hindi ka na sana tumalon sa building…sana hinintay mo akong makabalik…”
Unti-unting umulit sa isipan ni Precious ang pangyayari isang malamig na gabi, sa bisperas ng Bagong Taon.
Bigla na lamang...


siyang nagising na nag-iisa sa silid ng ospital. Sa pagkakaalala niya, kinaumagahan ay nawalan na siya ng malay kaya dinala na siya sa pagamutan. Akala niya ay naroon lamang ang ina pero sa ikalimang araw ng pagkaka-confine, sa Bisperas ng New Year, tanging mga doktor at nars lamang ang dumadalaw sa kanya. Dahil sa alam nila na mahirap lamang ang pasyente, nakakarinig pa siya ng masasakit na salita sa iilan na kesyo wala raw pambayad kaya iniwan ng ina.
“Saan kukuha ng pambayad ‘yan e habang tumatagal, mas tumataas hospital bills niyan!” pasinghal na sinabi ng isang nurse sa kasama.
“Ssshhh, huwag kang maingay,” pagsaway ng kausap. “Baka na-delay lang si Ma’am Fely, naghahanap pa ng pera! Delikado na lagay ng anak niya. Malay natin, naghahanap ng mapag-uutangan o charity!”
“Siguro, pabigat lang talaga ako!” desperadong naisip ni Precious habang patagong umiiyak upang hindi mapansin ng mga nurse.
“Mas magandang matapos na ang lahat ng paghihirap ko…at ng kay Inay…”
Kasabay ng pagsabog ng liwanag mula sa langit at selebrasyon ng nakararami sa parating na bagong taon, tumalon siya mula sa ikalimang palapag ng ospital.
“Bakit mo kasi ako iniwan?” may hinanakit na itinanong niya sa ina. Maging siya ay napaiyak na rin nang bumalik sa alaala ang pagkamatay. “Masama na ang pakiramdam ko, pagkatapos noong hanapin kita, nawawala ka! Ang sabi ng mga nurse, nagpaalam ka raw na mawawala ng tatlong araw pero hindi ka na bumalik!”
“Anak, hindi kita iniwan,” pagtatapat ni Fely. Hinawakan niya ang mga kamay ng anak at inilapat sa kanyang dibdib, kung nasaan ang puso ng isang mapagmahal na inang gagawin ang lahat ng makabubuti para sa anak.
“Ginagawan ko ng paraan ang pagpapagamot mo…” masamang-masama sa loob na pinahayag ni Fely. Umasa siya na gagaling pa sana si Precious, matutupad ang pangarap nito na maging isang doktor at magkaroon pa ng sarili niyang pamilya kaya noong may nag-alok ng dalawang milyong piso para sa isang kidney niya, sinunggaban niya ang pagkakataon. Malakas ang loob niya na magsakripisyo kapalit ng magandang kinabukasan ng anak.
Pero naglaho na parang bula ang pangarap niya dahil sa isang masamang balita na hinihiling pa rin niya na sana ay bangungot lamang.
Ilang minuto lang bago siya nakabalik sa ospital, nagpatiwakal na pala si Precious.
“Noong nga araw na akala mo ay nawala ako, nasa ospital din ako. Ibinenta ko kasi ang isa kong kidney upang magkaroon ng sapat na pera sa pagpapagamot mo. Nagkaroon ng komplikasyon ang sugat ko sa loob kaya hindi ako nakabalik kaagad kaya pasensya na talaga…hindi ko sinasadyang iparamdam sa iyo na nag-iisa ka. Desperado na kasi si nanay kaya naghanap lang ako nang mapagkakaperahan…”
“Pagbalik ko…nasa morgue ka na…” nagpakamatay ka raw,” Napahagulgol na ng iyak si Fely dahil sa kinahinatnan ng anak. Nanginig ang katawan niya na buto’t balat na lamang. Napasabunot siya sa mangilan-ngilang buhok na naiwan sa anit nang dahil sa pighati. Umagos ang luha sa mga mata niya na nananalamin sa matinding paghihirap ng isang ina.
“Siyam na buwan kitang dinala sa sinapupunan ko…labing-limang taon kitang inalagaan…hindi ko pa rin matanggap na sa isang iglap, kukunin ka ni Kamatayan sa akin!”
“Inay!” pagtawag na ni Precious sa ina. Niyakap niya si Aling Fely at paulit-ulit na humingi ng pagpapatawad. “Sorry po, ‘Nay, naging mahina ako! Nahihirapan na kasi ako…at gusto na rin kitang makalaya mula sa akin…isa lamang akong pabigat!”
“Kahit kailan, hindi ka pabigat sa akin, tandaan mo ‘yan,” paniniguro nito sa kanya habang hinahaplos ang pisngi ng anak. “Araw-araw, gabi-gabi, kahit alam ko na wala na ang mortal mong katawan, pinagdarasal ko na sana maging maayos ka. Hindi ko inaasahan na hanggang ngayon, naglilibot ka pa rin bilang kaluluwa. Pasalamat naman ako at nahanap pa rin kita. Huwag kang mag-alala, gagawa ako ng paraan para makapunta ka na sa langit.”
“Kung maibabalik ko lang sana ang panahon, hindi ako magpapakamatay. Patawad, sana ako ang nag-alaaga sa iyo ngayon,” sinambit ni Precious na puno nang panghihinayang. Sising-sisi siya dahil kung nagpatuloy lamang siya sa paglaban sa karamdaman, nakapagtapos na sana siya sa kolehiyo at nakahanap ng maayos na trabaho. Hindi sana mukhang pulubi ang nanay niya ngayon dahil sisiguruhin niya na mapagsisilbihan ito nang maayos, kapalit ng pag-aaruga sa kanya.
Pero huli na ang lahat dahil matagal na pala siyang patay.
“Anak, wala kang kasalanan,” pagpapalubag ni Fely sa kalooban nito. “Marahil, natalo ka na ng iyong sakit kaya nagawa mo ang hindi nararapat. Tigilan mo na ang paninisi sa sarili mo, upang makatawid sa liwanag.”
Yumakap nang mahigpit si Precious sa ina. Ipinikit niya ang mga mata at inilapat ang ulo sa dibdib nito. Kakatwa man ay sa bawat pagtibok ng puso ng nanay ay naririnig niya ang mga salitang…
“Mahal kita…mahal kita…mahal kita…”
Walang kasingsarap sa pakiramdam ang maranasang mahalin ng butihing ina. Lumipas man ang mga taon at matagal nang naging abo ang mortal niyang katawan, hindi kailanman mawawala ang koneksyon niya sa magulang na kahit sa kamatayan ay hindi mapuputol.
Mula sa likod ni Aling Fely ay lumitaw ang nakabubulag na liwanag. Napangiti si Precious nang makita ang mga makukulay na paru-parong nagsisiliparan sa isang hardin ng mga rosas. Ramdam niya ang kapayapaan na hatid ng tanawin, kaya alam niya na panahon na upang lisanin ang mundo ng mga tao.
“Nakikita mo na ba ang liwanag?” pagtatanong ni Fely nang mapansing nakangiti ang kayakap na tila ba may nakikitang paraiso.
“Opo!” patangu-tangong sinagot niya na para bang isang paslit na napakaligaya. “Napakaganda! Iyan na ba ang langit?”
“Oo,” pagkumpirma ni Fely kahit hindi man niya nakikita ang tinutukoy nito. Muli ay pumatak ang mga luha sa pisngi niya, hindi dahil sa lungkot kungdi dahil sa tuwa. Malungkot man na magkakahiwalay na sila, masaya naman siya na matatahimik na ito at hindi na magiging ligaw na kaluluwa.
“Hinihintay ka na ni Lord,” pag-engganyo niya pa upang pumasok na ang anak sa liwanag. Nais man niyang makasama pa sana si Precious nang matagal, ayaw naman niyang maging maramot kaya napakahirap man ay nagdesisyon na siyang palayain ito.
“Inay, kapag oras mo na, susunduin kita!”
“S-Sige,” pigil sa pag-iyak na pagpayag niya. Hinalikan niya ito sa pisngi at tinapik-tapik ang mga balikat. “I-enjoy mo ang panahon mo sa langit. Kapag oras ko nang umuwi kay Papa God, hindi na tayo magkakahiwalay pa!”
“Promise?”
“Promise!” Nilahad pa ni Fely ang palad sa ere bilang simbolo ng panunumpa.
Tumayo na si Precious at nagtungo sa lagusan na naghahati sa mundo ng mortal at langit. Muli ay lumingon siya sa ina na para sa kanya ay ang pinakamagandang nilalang. Hindi na niya makita ang isang maruming babae. Sa mga mata niya, isa itong anghel na binigay ng Diyos upang gabayan siya habangbuhay. Kinaway niya ang kamay bago pa man siya naglaho sa paningin ng ina.
“Hanggang sa muli…”
“Inay…”
Naiwan na nag-iisa si Fely sa gitna ng kadiliman. Umihip ang malakas na hangin kaya nanuot ang ginaw sa manipis at gula-gulanit na damit.
“Mag-e-Enero na kaya taglamig na naman,” naisip niya. Bahagyang nangangatog man nang dahil sa klima, magaan naman ang kanyang pakiramdam dahil alam niya na nasa maayos ng kalagayan si Precious.
Tulala siyang tumayo at dinampot ang manikang wala ng ulo. Paika-ika siyang naglakad hanggang sa mapagod na ang katawan. Gaya ng dati, nilalayuan siya ng mga tao at wala ni isa man ang nagkusang tulungan siya kahit kitang-kita na dumudugo ang mga sugat niya at napakapayat na.
Habol ang hiningang umupo siya sa isang sulok. Ang panandaliang katinuan kanina lamang ay unti-unti na namang nasasakop ng kawalan sa sarili at dilim ng isipan.
Habang abala ang lahat sa selebrasyon ng ng Bagong Taon, tanging manika lamang ang makakasalo niya ngayong gabi
“Huwag ka nang umiyak,” panghehele niya sa pinaglumaang laruan na napulot lamang sa basurahan. Inakala niya na ang malamig na plastik ay ang sanggol na si Precious.
“Narito na ako. Pupunasan ko ang luha mo…
“Pangako ni Nanay, anak ko…”
Author’s Note:
Maraming salamat po sa pagbabasa. 🙂❤️
Narito rin po sa grupong ito ang istorya ko na pinamagatang “Sundo”. Paki-click lang ang FB profile ko upang mabasa.
Pakiusap ko lang na sana huwag i-plagiarize ang mga akda ko.
God bless po, and stay safe!






Share On Whatsapp

"1" Comment
  1. For instance, if the user flies to Japan and he wants to fax something to a client in Australia, all he needs is a phone line. Of course that was after I had already given the number out like crazy.

Leave a Reply


top