By Yzabelah
TAHIMIK lang si Vivienne habang nakaupo sa likurang upuan ng kotse. Makailang ulit niyang pinukol ng tingin ang lalaking naka-upo sa driver’s seat sa salaming nasa unahan ng kotse. Walang nabago sa charm na taglay nito. Hindi mo pagsasawaang pagmasdan. Bigla niyang binawi ang pagkakatingin roon nang biglang sulyapan rin siya nito mula sa salamin.
“Nakatulog ka ba ng mahimbing?” pagdaka’y tanong ng lalaki sa kanya.
Hindi niya iyon sinagot sapagkat wala siyang balak na magpasimula ng konbersasyon sa pagitan nila nang umagang iyon.
“Mukhang hindi ka nakatulog ng maayos, halata sa iyong mga mata,” wika ulit nito na wala yatang balak tumahimik kahit hindi siya nagsasalita.
Bigla siyang na-curious sa hitsura. May eyebag ba siya? Ganoon na ba ka-obvious ang katotohanan ng sinabi nito na hindi nga siya nakatulog ng maayos dahil lang sa pag-iisip ng kung ano talaga ang naging dating ng muntikang paghalik ni Tobias sa mga labi niya nang makita iyon nito?
Kinuha niya sa shoulder bag niya ang maliit na salamin at tiningnan ang sarili. Nag-aalala siya kung pangit na ba siya sa paningin nito.
Hindi pa nakuntento si Julian, nilingon pa siya nito.
“Huwag kang mag-alala hindi naman nabawasan ang ganda mo, saka wala namang ibang makakapansin na puyat ka maliban sa akin.”
Mula sa pagkakatingin sa sarili sa maliit na salamin ay ibinaling niya ang tingin rito.
“Matulog ka na lang ulit diyan sa likod.”
“Alam mo na ba kung saan tayo kasunod na pupunta mula rito?” Ibinalik niyang muli sa shoulder bag ang maliit na salamin at nakahalukipkip na tumingin sa nakalingon pa ring lalaki sa kanya.
Tumango ito.
“Nang tanggapin ko ang trabahong ito bilang driver mo, inilahad na sa akin ng secretary mo kung saan ang itinerary mo at ang lahat ng dos and donts,” ngumiti na naman ito sa kanya.
“Kung ganoon, mag-concertrate ka na lang sa pagmamaneho mo. Huwag mo na muna akong kausapin at huwag mo akong laging nginingitian!”
Ayos na sana iyong unang mga sinabi niya, eh! Pero iyong mga huling mga salita nito na binitiwan ay nag-iwan ng palaisipan kay Julian kung bakit ayaw ng dalaga na ngitian niya ito.
Tatanungin pa sana niya rito ang rason ngunit nakita niyang umayos na ito sa pagkakaupo at pumikit na sumandal sa sandalan ng hulihang upuan para matulog.
“Salamat nga pala sa breakfast in bed na ipinahanda mo,” wika ni Julian sa dalaga kahit nakapikit na ang mga mata nito para matulog.
Hindi naman inaasahan ni Vivienne na maririnig ang pasasalamat na iyon mula sa lalaki. Maliit na bagay iyon para sa kanya. Ang totoo kaya niya pinadalhan ito ng breakfast sa silid nito ay dahil ayaw niya itong makasalo sa breakfast. Lalabas namang masama ang ugali niya kung obvious na hindi siya sasabay rito. Isa pa ayaw niyang magutom ito lalo na at malayo pa rin ang magiging biyahe nila patungong Adelfa’s Garden sa Quezon.
Nang i-start na ng lalaki ang engine ng kotse ay biglang nagmulat ng paningin si Vivienne. May isa pa nga pala siyang nais malaman sa lalaki. Magda-dalawang araw na niyang kasama ito ngunit hindi pa niya alam ang pangalan nito.
“Wait!” Sinadya niyang lakasan ang tinig niya upang marinig ng lalaki.
Muli itong lumingon sa kanya. Naghihintay ng sasabihin niya.
“What’s your name?”
Tila naguluhang nagsalubong ang kilay ni Julian. Seryoso ba ang babaeng ito sa tanong nito? Hindi ba talaga nito alam ang pangalan niya? Wala bang nabanggit ang pinsan niyang si Maurelle?
“Bakit? Wala ka bang balak magpakilala sa akin?” Tumaas ang isang kilay ni Vivienne nang bitiwan ang tanong na iyon para sa lalaki.
“Julian,” agad na tugon ng lalaki. “Julian Samañego.”
“That’s cute!” Wala sa loob na sambit ni Vivienne nang marinig ang pangalan ng gwapong driver niya.
“Anong sinabi mo?” sugid ng lalaki sa naging reaksiyon niya.
“Ah, wala! Sabi ko ingat ka sa pagmamaneho at huwag mo muna akog iistorbohin. Isa pa ayokong makakarinig ng music, okay?”
Pinigil ni Julian na mapangiti, sa halip ay tinanguan na lang niya ang babae. Tama ba ang narinig niyang sinabi nito matapos marinig na sabihin niya ang kanyang pangalan? Na-cute-an ba ito sa pangalan niya? O mismong sa kanya? Wow huh! Assuming din naman siya minsan kahit pa nga higit pa sa pagkaka-cute meron siya.
ADELFA’S GARDEN
PITOGO, QUEZON
SAMPONG ORAS din ang naging biyahe nina Vivienne mula Baguio hanggang Quezon Province, na ang tanging pahinga lang nila ay nang mag-lunch sila sa isang kilalang fast food na nadaanan nila.
Kung nakaramdam ng matinding pagkangawit ang dalaga ay nasisiguro nitong mas higit ang nadaramang pagod ng lalaki. Alas siyete na ng gabi nang marating nila ang Adelfa’s Garden.
“Ipahahanda ko na ang cottage house sa hardin na tutuluyan ninyo, bukas na lang natin pasyalan ang hardin,” wika ni Hyacinth, ang florist at ang kasalukuyang nangangasiwa ng Adelfa’s Garden, kung saan kukunin ang mga bulaklak na gagamitin sa kasal ng lahat ng mga apo ni Don Zandro Brillante.
“Wala bang pag-asa na makita ko ito ngayon?” mabilis na tugon ni Vivienne.
“Ah, puwede naman, may ilaw naman sa hardin. Naisip ko lang na baka napagod na kayo sa biyahe. Isa pa mas maganda ang mga bulaklak kung umaga, lalo kung nahamogan na sila at nasinagan na ng araw.”
Napatango-tango na lang si Vivienne. May punto nga naman ito. Bihasa ito kung mga halaman at bulaklak ang pag-uusapan kaya pumayag na rin siya.
Nais sana niyang ngayon na ito pasyalan kahit gabi dahil balak niyang sa kinabukasang umaga ay bumalik na rin agad sila sa Manila. Pinagbigyan na rin niya ang mungkahi ni Ms. Cueva.
“Kung ganoon, pag-usapan na lang natin kahit sa dinner ang detalye ng mga pagbabago,” wika niya rito.
Tumango naman si Hyacinth bilang pagsang-ayon.
Matapos silang maihatid ni Ms. Hyacinth Cueva sa tutuluyan nilang cottage house at makapagpahinga ng halos kinse minutos ay pinaunlakan naman nila ang dinner na inihanda nitong pagsasaluhan nila kasama ito, na nasa rooftop ng mansiyon na pag-aari ng pamilya nito. Kasalo rin nila roon si Julian kahit pa nga hindi naman ito kasali sa meeting nila.
“Thank you, Ms. Cueva, sa pagpapaunlak na makausap ka ng personal,” personal na ipinaabot ni Vivienne ang pasasalamat na iyon sa dalaga.
“Ayos lang iyon, Ms. Santibañez,” tugon naman nito na sinundan iyon ng isang ngiti. “ Lubhang malayo ang lugar namin para sadyain mo pa.”
“Gusto ko kasing, personal na makita ang mga Calla Lily. Nag-aalala ako na dahil nabago ang schedule ng kasal ay–”
“Wala kang dapat ipag-alala, lahat ng mga bulaklak para sa pitong ikakasal na tagapagmana ng mga Brillante ay naka-reserve na,” putol ni Hyacinth sa sinabi niya. “Nakakalungkot lang at kailangan pang hindi matuloy ang kasal ni Cleo.” Hindi na nito napigilan na hindi maglabas ng tunay na nararamdaman sa nangyari sa kaibigan. Apektado rin ito ng husto at lubos na nasasaktan sa hindi pagkakatuloy ng kasal ng apo sa kapanganayang anak ni Don Zandro.
Nakita ni Vivienne na binitiwan ni Hyacinth ang kubyertos...