STEALING HIS INNOCENCE CHAPTER THREE


STEALING HIS INNOCENCE
By YZABELAH
🌺🌺🌺🌺CHAPTER THREE🌺🌺🌺🌺
Alas sais na nang umaga nang magising si Vivienne nang araw na iyon. Bigla siyang napabalikwas nang bangon nang makita sa wall clock sa loob ng silid niya ang oras. Agad niyang natutop ang kanyang ulo nang maramdaman ang pagkirot sanhi ng hang over na idinulot na pag inom niya kagabi.
Sandaling tila umikot ang mundo niya nang biglang magbalik sa alaala niya kung paano siya nakauwi, ganoong wala siyang matandaan na siya ang nagmaneho ng kotse niya. Isa-isang bumalik sa kanyang balintataw ang mga kaganapan mula sa pagkakahawak ng isang lalaking nakilala niya kagabi sa kanyang braso nang muntik na siyang bumagsak sanhi ng pagkahilo hanggang sa pagkakasadlak niya sa malapad nitong dibdib.
May isang bagay na pilit pa siyang inaalala, iyon ay kung paano siya nito tapunan ng tingin at kung paano nito ipagkaloob sa kanya ang matatamis nitong ngiti. Bigla siyang napangiti sa isiping iyon. Bagay na agad din niyang pinalis sa kanyang mga labi. Kailan pa siya natutong basta na lang ngumiti dahil sa isang alala ng lalaki? Ipinilig niya ang ulo.
Noon naman biglang sumiksik pa sa isip niya ang isa pang tagpo sa pagitan nila, iyon ay nang iabot niya ang susi ng kotse niya sa lalaki at nang tuluyang madikit ang katawan niya sa kauna-unahang pagkakataon sa katawan nito sanhi ng pagkakabuhat nito sa kanya patungo sa kotse niya.
Nakaramdam siya ng pag iinit ng pisngi sanhi ng isiping iyon. What the heck! Kinikilig ba siya sa lagay na iyon? Maging nang makarating na sila sa mansiyon at hayaan niya na ipasok siya nito sa loob ng silid niya. Bigla siyang napaisip, teka paano naman nito nabuksan ang mansiyon at ang kanyang silid samantalang hindi naman niya ibinigay ang susi noon sa lalaki? Hindi rin niya natandaang siya mismo ang nagbukas? Ganoon na ba talaga siya kalasing para panandaliang mawala siya sa tamang wisyo at basta-basta na lang magpapasok ng isang estranghero sa loob ng silid niya? Kahit nga si Maximillian na kakambal niya ay hindi niya binibigyan ng karapatan na pasukin ang silid niya, ngunit bakit sa isang estranghero pa niya ibinigay ang karapatan na iyon.
Minabuti niyang tigilan na ang kaiisip ng mga bagay na may kinalaman sa lalaki. Hindi siya ang tipo ng babaeng uukupahin ng isang lalaki ang isipan.
Ibinalik niya sa isip niya ang plano niyang umalis sana sa Manila ng alas singko ng umaga patungong Baguio, ngunit heto at dahil sa pagkalasing niya ay hindi na niya nagawa pang umagap ng gising. Noon din ay tinawagan niya si Maurelle.
“Maurelle, I need a driver, hindi ko kayang magmaneho patungong Baguio, kumikirot ang ulo ko ngayon,” sabi niya sa sekretarya niya.
“Ako na lang po ang sasama at magmamaneho para sa inyo,” nauunawaan ni Maurelle ang pakiramdam ng amo sapagkat hindi naman lingid sa kaalaman nito ang nangyari kagabi.
“No! Mas kailangan ka sa office dahil wala ako, ikuha mo ako ng driver sa kahit saang agency na mapagkakatiwalaan at magagawang ingatan ako, ngayon na!” maawtoridad nitong utos.
Hindi na nakasagot pa si Maurelle sapagkat pinutol na iyon ni Vivienne upang tunguhin naman ang shower room.
Sanay na si Maurelle sa ganoon ka-demanding na pag-uutos palagi ng babae. Hindi na bago sa kanya iyon, ang po-problemahin naman niya ngayon ay ang pagkuha ng isang driver na mapagkakatiwalaan at iingatan ito ayon na rin sa gusto nito. Perfectionist ang amo niya, at kapag sinabi nito, dapat hind siya sumablay sa pagkuha. Isa na lang ang solusyon!
Bago pa tuluyang pumasok sa trabaho si Maurelle ay nagsadya na siya ng personal sa tahanan ng Tiya Fidela niya, iyon ay ang bunsong kapatid ng kanyang ina.
“Tiya, nasaan po si Julian?” tanong agad niya sa tiyahin matapos magmano rito.
“Hindi pa lumalabas ng silid niya tulog pa, puntahan mo na,” pagtataboy nito sa kanya.
Hindi na niya hinintay pang muling magsalita ang tiyahin niya. Agad niyang tinungo ang silid nito at sunud-sunod ang naging pagkatok sa nakasarang pinto nito.
Pupungas-pungas pa ang lalaki nang buksan ang pinto. Halatang kagigising pa lang nito.
“Maligo ka at mag-almusal na!” utos agad niya sa lalaki.
“Ano na naman bang kailangan mo?” Nahinuha na agad ni Julian na may pakay na naman sa kanya ang pinsan niya.
“Hindi pa kita nababayaran, hindi ba? Naisip ko kasi na lubha namang napakalaki ng Two Hundred Thousand pesos kung ang serbisyo mo lang na ginawa kagabi ang babayaran ko noon,” aniya sa lalaki.
“Sabi na nga ba bodolera ka rin at hindi ka tutupad sa usapan. Okay na iyon, “akmang muling isasara ni Julian ang pinto ng silid nang pigilin iyon ni Maurelle.
“Babayaran kita, ngayon din ita-transfer ko sa Bank account ng Fur Babies Shelter basta ipagmaneho mo lang ulit si Ms. Vivienne patungong Baguio. May appointment siya ngayon sa Valle Hotel at hindi niya kayang magmaneho.”
“Ni-request ba niya ako?”
“Asa ka pa, of course not! Ako lang ang may gusto. Inutusan lang niya ako na ikuha ko siya ng mapagkakatiwalaang driver na magagawa siyang ingatan, at dahil batid kong malapit ka sa Diyos kaya sigurado akong safe siya sa mga kamay mo,” kumindat pa si Maurelle sa pinsan.
“Hindi ba siya napapagod katatrabaho? Araw ng Linggo ngayon, araw ng pahinga.”
“Seven days a week siyang nagtatrabaho at wala siyang araw ng pahinga, ganoon siya kade-dicated sa trabaho niya. Though hinayaan niya ang mga empleyado niya na hindi pumasok ng Linggo pero hindi ko naman kayang pag-isahin siyang nagtatrabaho kaya sinasabayan ko na lang siya, tutal hindi naman niya ako hinihigitan sa oras na mag-sabi ako na kailangan ko ng day off.”
“Kung kayo nagtatrabaho ng seven days a week, ako araw ng pahinga ko ngayon. Araw ng aking pagdarasal, araw na inilaan ko sa Diyos, kaya iba na lang!”
“Hey! Araw mo rin ito ng pagkakawanggawa! Nalimutan mo na ba? Every day off ko, nagbo-volunteer ako sa shelter dahil sa hiling mo sa halip na asikasuhin ko ang lovelife ko, kaya its time para ikaw naman ang magbigay sa hiling ko!” sumbat pa niya rito.
Hindi na sumagot pa si Julian sa sinabing iyon ng pinsan. Nailing na lang siya. Kailan ba siya nanalo rito?
Parang biglang nanginig ang tuhod ni Vivienne nang paglabas niya nang mansiyon ay makilala ang lalaking may...


malawak na ngiti na sumalubong sa kanya upang kunin sa kanya ang bitbit niyang travelling bag. Napatigil siya sa paglalakad.
“Ikaw iyon—“
“Ako po iyong bar tender kagabi,” sagot nito agad na hindi pa nawawala ang pagkakangiti nito sa kanya.
“Driver ka din?”
Hindi ito tumango o umiling bagkus ay nanatili lang nakatingin sa kanya. Hindi naman niya matagalan ang ganoong eksena kaya iniabot na niya rito ang susi. Matapos kunin iyon sa palad niya ay binuksan na nito ang compartment ng kotse niya upang mailagay doon ang travelling bag niya.
Isang kakaibang paninindig balahibo ang naging dulot ng bahagyang pagdikit ng kamay ng lalaki sa kamay niya nang kunin nito ang susi. Ano ba kasing nangyayari sa kanya?
Nakita niyang binuksan nito ang pintuan ng kotse upang alalayan naman siyang makasakay. Pinilit niyang ibalik sa wisyo ang sarili. Buong tatag na humakbang siya palapit sa kotse niya. Inilahad nito ang palad nito upang hawakan niya pagsakay ngunit denedma niya iyon. Naramdaman na lang niya na inilagay nito ang palad nito sa may bandang ibabaw ng ulo niya upang masigurong hindi siya mauuntog kung sakali. Nang makasakay na siya at maisara na nito ang pinto ay lumibot na ito patungo sa driver’s seat.
“Alam mo naman siguro kung saan tayo pupunta?” wika ni Vivienne bago nito paandarin ang kotse niya.
Tumango ito.
“Kinausap ka naman siguro ng secretary ko at ipinaalam sa iyo ang mga dos and donts habang pinagsi-serbisyohan ako?”
Tumango ulit ang lalaki.
“Huwag mo akong kakausapin sa biyahe, magpapahinga ako at matutulog,” bilin pa niya.
Wala ulit siyang narinig na kahit na anong salita rito kung hindi tango rin lang. Matapos sabihin iyon ay hindi na niya ito kinausap pa. kahapon lang ay bar tender ito pero ngayon ay driver naman, gaano ba karami ang trabaho nito at gaano kalaki ang pangangailangan?
Minabuti niyang alisin na sa lalaki ang atensyon at ipasyang matulog na lang. Kulang ang naging tulog niya kagabi.
Hindi pa siya natatagalang nakapikit upang matulog sa hulihang upuan nang marinig niya na binuhay nito ang car stereo sa loob ng kotse niya. Sa isang catholic FM station nito itinapat ang frequency kaya naman puro worship songs ang tugtog doon. Dahan-dahan niyang iminulat ang kanyang mga mata upang muling kausapin ang lalaki.
“Kailangan mo ba talagang patugtugin iyan?” irita niyang tanong dahil ang gusto lang niya ay katahimikan.
“Mahina lang ito, hindi naman makakaistorbo sa pagtulog mo, magpahinga ka lang,” tugon nito na sinulyapan siya sa salaaming nasa may ulunan nito.
“Pero ayoko ng may naririnig na ingay!” reklamo pa niya.
“Hindi ingay ito, lahat ng mapapakinggan mo ay mga awit ng papuri sa Diyos, mas makatutulong ito sa iyo upang maka-relax,” malumanay nitong wika.
Nais na sana niyang magsermon sa lalaki dahil sa pangingialam nito sa gusto niya ngunit binanggit nito ang Diyos kaya naman nangilag na rin siyang magtaray at magmaldita rito. Kahit naman hindi siya relihiyosang tao ay may takot pa rin siya sa kung sino man ang lumalang sa atin. Minabuti niyang pagbigyan na lang ito at huwag ng makipagtalo pa. Wala na siyang panahong magpalit ng driver dahil masyado ng tatanghaliin ang biyahe niya. Anim na oras pa naman ang biyahe patungo roon. Ibinalik na lang niya ang sarili sa muling pagtulog. Mariing ipinikit niya ang mga mata at sumandig na sa sandalan ng kinauupuan.
Ilang mahinang tapik sa balikat ang gumising kay Vivienne. Pagmulat ng kanyang mga mata ay ang mukha ng nakangiting lalaki agad ang bumungad sa kanya. Ang gwapo gwapo talaga nito at dahil bahagya siyang nawala sa pokus ay hindi niya malaman sa kanyang sarili kung bakit sa halip na magalit sa pang iistorbo nito sa pagtulog niya ay isang tipid na ngiti rin ang naipinta sa mga labi niya. Nang ma-realize ang ginawa ay agad din naman niya iyong binawi.
Tumingin siya sa wrist watch niya, nakita niyang alas dose kinse na ng tanghali. Inilinga niya sa labas ng kotse ang paningin, sinisiguro niya kung nasa Valle Hotel na ba sila ngunit nasiguro niyang nasa ilang na lugar sila sa tapat ng isang native grilled eatery. Ibinalik niya sa lalaki ang paningin at tinaasan ito ng isang kilay, bilang pagtatanong kung ano ang ginagawa nila roon?
“Lunch time na, hindi dapat tayo nalilipasan ng gutom,” wika nito na nilawakan ang pagkakabukas ng pinto ng kotse upang makalabas siya.
“What? Ginising mo ako para lang kumain ng tanghalian?”
Tumango ito.
“Kailangan natin makarating sa Baguio bago dumilim kung kakain –“
“Sige na, halika na, mamaya mo na ako sermonan kapag busog na tayo pareho,” inilahad nito ang palad tandang handa siya nitong alalayan. “Promise, hindi ko hahayaang mahuli ka sa appointment me, we will arrive on time,” kumindat pa ito sa kanya.
Noon biglang nag-reklamo ang tiyan niya kaya kapwa kinig nila ang pag tunog nito. Nahiya siyang bigla na napahawak roon. Lalo namang lumawak ang pagkakangiti ng lalaki at naging mahinang tawa pa.
“Nakita mo na, nagrereklamo na ang tiyan mo, sumasang-ayon siya sa nais kong mangyari,” patawa-tawa nitong wika sa kanya.
“Stop! Enough! Huwag mo akong tawanan!” mariin niyang wika rito. Totoong gutom na rin naman siya nang oras na iyon lalo pa nga at hindi naman siya nag almusal, isang saging lang ang kinain niya kaninang umaga.
Napilitan na rin siya na lumabas sa kotse. Iniiwas niya ang sariling katawan na madikit man lang sa nakalahad nitong palad. Dahil sa pag iwas niyang iyon ay namali pa siya ng pag yapak sa magrabang parking lot ng kainan kaya naman naging sanhi iyon upang mag slide siya at sa takot niyang tuluyang bumagsak ay nahawakan niya ang braso ng lalaki at pwersang napayakap siya rito. Yakap na mahigpit na mahigpit at dalawang braso pa naman niya ang iniyakap niya rito. Kinabahan siya sa muntikang pagbagsak ngunit mas lalo yatang nag-rambol ang kanyang puso nang lumapat ang kanyang malusog na dibdib sa malapad at matigas nitong dibdib nang walang kasangga-sangga. Take note, siya ang humapit sa katawan ng lalaki at yumakap rito ng napakahigpit. Batid niyang nagulat din ito sa reaksyon niya at ginawa at hindi niya malaman kung paano luluwagan ang pagkakayakap rito o kung paano bibitaw rito. Hiyang-hiya siya sa tagpong iyon. Kung puwedi lang sana ay lamunin na siya ng lupa nang sandaling iyon!
ITUTULOY!






Share On Whatsapp

Leave a Reply






top