STOLEN IDENTITY


STOLEN IDENTITY

Malungkot lang akong nakatingin habang nagsasaya sila, ang kanilang atensiyon ay tanging nakatutok lamang kay Ariela.
Hindi na bago sa akin ang pangyayaring ito, dahil simula bata pa lamang ay tanging si Ariela lamang ang nakikita nila.
Ako si Aria at kakambal ko si Ariela. Para kaming pinagbiyak na bunga dahil magkamukhang-magkamukha kami.
Ngunit sa aming dalawa siya ang swerte at ako naman ang pinakamalas.
Nasa kaniya lahat ng atensiyon, at sa tuwing mag-aaway kami ay siya lagi ang kinakampihan kahit na siya naman ang may kasalanan.
Natatandaan ko nga nung birhday namin at nakakuha ako ng music box na gusto kong regalo. Inagaw ‘yon ni Ariela at para sa kaniya daw iyon.
At narinig ko na naman ang linya ng aking mga magulang.
“Pagbigyan mo na ang kapatid mo, baka atakehin na naman siya ng sakit niya,”
May sakit siya sa puso kaya laging siya ang kinakampihan. Paano naman ako? Hindi ba nila alam na sa araw-araw na pagbabalewala nila sa akin grabeng sakit rin ang nararamdaman ko?
Ngunit mabait ang Diyos, dahil isang araw nagbago ang buhay ko.
Ang malungkot at matamlay kong buhay ay sumaya nang makilala ko si Aeious.
Nakilala ko siya sa rpw, pekeng mundo pero totoo ‘yung feelings ko.
May nag-add sa akin sa isang gc at do’n ko siya nakilala. Nag-asaran kami do’n hanggang sa nag-private message na siya sa ‘kin.
Masaya siyang kausap at hindi nauubusan ng jokes. Sa tuwing malungkot ako ay siya ang nagpapasaya sa ‘kin. Sobrang bait niya at naiintindihan niya ako.
Hanggang sa nahulog na ang loob ko sa kaniya. Natatakot akong umamin sa kaniya dahil baka ma-reject lang ako.
Pero isang araw tinanong niya ako kung pwede niya ba akong ligawan. Sobrang saya ko no’n at pumayag ako.
Sinagot ko siya sa araw ng birthday niya at nag-desisyunan namin na magkita kami.
At upang madali namin mahanap ang isa’t isa ay nag-send kami ng op namin. Pinag-usapan rin namin kung saan kami magkikita.
Nakangiti akong naligo, sobrang saya ko ngayong araw. Excited na akong makita si Aeious.
Ngunit paglabas ko ng shower room ay masamang senaryo pala ang bubungad sa akin.
Nakita ko si Ariela na hawak ang cellphone ko at may demonyong ngisi.
“Anong ginagawa mo sa cellphone ko?” tanong ko sa kaniya at dali-dali itong hinablot.
“Ang gwapo naman ate ng boyfriend mo, pwede bang akin na lang siya?”tanong niya at ngumiti na parang baliw.
Kaagad na kumulo ang dugo ko dahil sa tanong niya.
“Nahihibang ka na ba? Lahat na lang ba aagawin mo?Magtigil ka Ariela dahil hindi mo siya makukuha.” nanggagalaiti kong sagot sa kaniya.
“Pero gusto ko siya ate. Makukuha ko siya at wala kang magagawa. ” nang-uuyam na sabi niya.
Nagpantig ang tenga ko at hindi ko na siya mapigilan sampalin. Dumating pala ang mama namin at nakita ang ginawa ko.
“Ano ba Aria?!...


Wala kang awa sa kapatid mo!” galit na sabi niya at sinampal ako.
“Mama gusto ko ‘yung boyfriend ni Ate, ayaw niya ibigay,” nababaliw na sabi ni Ariela.
Baliw na talaga siya.
“Arian pagbigyan mo na ang kapatid mo, alam mo naman na may sakit siya ‘di ba?”
Napatawa na lang ako ng mapakla sa sinabi niya.
“Pagbigyan? Nagbibiro ba kayo? Tao ‘yon Ma! Hindi isang bagay si Aeious na pwede kong ipamigay! Buong buhay ko palagi na lang ako ang nagpaparaya, ngayon pipiliin ko naman na maging masaya.” umiiyak na sabi ko kay mama.
“Kahit ngayon lang ma, magiging selfish ako kung dito lang ako magiging masaya.” sabi ko at lumabas ng kwarto.
Nakapagbihis na naman ako, hindi pa nga lang nakakasuklay ng buhok. Pero okay na ‘yon, ang gusto ko lang ay makaalis sa pamamahay na ‘to.
Sumakay ako sa taxi at sinabi ang lugar na pinag-usapan namin ni Aeious.
Pero sa hindi inaasahang pangyayari ay isang truck na hindi maayos ang takbo ang kasalubong namin.
Sinubukang iiwas ng driver ang taxi na sinasakyan namin ngunit nabunggo pa rin kami sa truck.
Narinig ko na lang ang pakabasag ng mga salamin at ang malakas na ingay.
Ngunit nahanap ko na lang ang sarili ko sa labas ng sasakyan, nakatingin sa dalawang sasakyan na nagbungguan.
Wala akong anumang sugat o galos. Wala rin akong nararamdamang kahit anong sakit.
At dahil nagmamadali na akong makita si Aeious ay umalis na lang ako sa lugar na iyon.
Tutal malapit na naman ako ay nilakad ko na lang.
Pagdating ko sa tagpuan namin ni Aeious ay nakita ko agad siya na naghihintay sa isang upuan.
Masaya akong lumapit sa kaniya at tinawag ang pangalan niya, ngunit nakakapagtakang hindi niya ako narinig.
Kaya ang ginawa ko ay hinawakan ko siya sa balikat ngunit lumampas lamang ang kamay ko sa kaniya.
“A-Anong nangyayari?” naluluha kong tanong.
Sinubukan ko ulit siyang hawakan ngunit tumatagos lang ako sa kaniya.
Napaiyak na lang ako sa frustration. Bakit? Bakit hindi ko siya magawanh hawakan?
Pumasok sa isip ko ang aksidente ay napahahulhol na lang ako dahil sa reyalisasyon.
Namatay ako sa aksidente. Isa na lamang akong kaluluwa. Bakit? Bakit nangyari ‘to? May nagawa ba akong masama? May mali ba ako?!
“Lord bakit?!” napahagulhol na lang ako at napaupo sa sahig.
Natigil ako sa pag-iyak ng marinig ko ang boses ni Ariela, tinawag niya ang pangalan ni Aeious.
Nakangiting niyakap ni Aeious ang kapatid ko. Parang dinudurog ang puso ko sa nakikita ko.
“Aeious hindi! Hindi ako ‘yan! Aeious!” ngunit kahit anong lakas ng sigaw ko ay hindi niya ako naririnig.
Paano niya nga ba ako maririnig? Isang kaluluwa na lang ako ngayon.
Ang tanging magagawa ko lang ay panoorin ang kapatid ko na nakawin ang aking katauhan at agawin ang lahat na dapat ay sa akin.

Words by: Kradmus/Tyron Crimson






Share On Whatsapp

Leave a Reply






top