𝚈𝚘𝚞 π™±πšŽπš•πš˜πš—πš πš πš’πšπš‘ π™ΌπšŽ CHAPTER SIX


“PARA tayong mamamanhikan sa dami ng pagkaing dala natin.”
Biniro ni Auntie Lily si Sam nang magbalik siya sa sasakyan dala ang isang kahon ng cake at isang gallon ng ice cream.
“Baka gusto mong magdala na rin ng lobo?” biro ni Jeric na siyang nagmaneho para sa kanila.
“Come on. I’m trying to please them.”
“Tiyak na mapapa-‘oo’ mo si Lola Bening. Aba, kung ako ang lola ni Aica, ikatutuwa ko ang pagbibigay-halaga mo sa amin.”
“Ang problema ay si Aica mismo, Auntie Lily. Mukhang mahihirapan si Sam na kumbinsihin siya. Suplada, eh.”
“Suplada? Napakabait kaya ng batang iyon. Suki niya ako sa gulay, kaya halos linggo-linggo kaming nagkikita sa tiangge. Masarap siyang kausap at mahusay makisama.”
“Siguro ay ganoon lang siya sa atin dahil muntik ko nang masagasaan ang kapatid niya.”
“Kunsabagay……” pagsang-ayon ni Auntie Lily sa sinabi niya. “Hayaan ninyo at kakausapin ko si Aica. Ako na ang magpapaliwanag sa kanya.”
Bago mag-alas-onse ng umaga ay narating nila ang bahay nina Aica. Nasa balkonahe si Lola Bening at may pinagkakaabalahan habang kasama ni Aica at Ipe sa pagsisiga ng mga naipong tuyong dahon at sanga sa bakuran.
Nagulat ang tatlo nang makitang kasama nila si Auntie Lily pero higit na nagulat ang mga ito nang ilabas nila ang mga pagkaing dala nila.
“Ano ba ang okasyon?” tanong ni Lola Bening nang imbitahan silang pumanhik sa bahay.
“May mahalaga lang sana kaming pakay sa inyo at sa apo ninyo, Lola Bening,” sabi ni Auntie Lily sa matandang babae. Bitbit nito ang malaking tupperware ng chicken and pork caldereta na niluto nito kanina pati na ang kaserola na kinalalagyan ng kanin.
Si Jeric ay bitbit ang Coleman na kinalalagyan ng soft drinks at ice cream para hindi matunaw. Ang tanging bitbit niya ay ang kahon ng cake na balak niyang personal na iabot kay Aica.
Sinadya niyang magpahuli upang batiin ang dalaga pero sa halip na lumapit ito ay nagtungo ito sa likod-bahay.
“Kuya Sam! Ang dami ninyong bitbit, ah!” ani Ipe nang lumapit sa kanya. “Wow, cake! Para sa akin ba iyan?”
“Para sa ate mo,” nakatawang sabi niya at hinaplos ito sa ulo. “Saan pupunta iyon?”
“Ewan ko. Bigla na lang sumimangot nang makita ka, eh. Galit yata sa iyo.”
“Ganoon ba?”
“Kung gusto mo, ilalakad kita kay Ate.”
“Really?”
“Oo, ako pa!” nagmamalaking bulalas nito. “Pero akin na iyang cake, ha?”
Tumawa siya at iniabot ang kahon ng cake kay Ipe. “Sige, sa iyo na. Pupuntahan ko muna ang ate mo.”
“Sige, Kuya, nandiyan lang iyon sa likod-bahay. Pagkasabi niyon ay diretso nang pumanhik si Ipe sa balkonahe.
πŸ‘©β€β€οΈβ€πŸ’‹β€πŸ‘¨πŸ‘©β€β€οΈβ€πŸ’‹β€πŸ‘¨πŸ‘©β€β€οΈβ€πŸ’‹β€πŸ‘¨πŸ‘©β€β€οΈβ€πŸ’‹β€πŸ‘¨πŸ‘©β€β€οΈβ€πŸ’‹β€πŸ‘¨πŸ‘©β€β€οΈβ€πŸ’‹β€πŸ‘¨πŸ‘©β€β€οΈβ€πŸ’‹β€πŸ‘¨πŸ‘©β€β€οΈβ€πŸ’‹β€πŸ‘¨πŸ‘©β€β€οΈβ€πŸ’‹β€πŸ‘¨πŸ‘©β€β€οΈβ€πŸ’‹β€πŸ‘¨
HINDI alam ni Aica kung ano ang pakay ng magkaibigang Sam at Jeric para isama pa roon si Aling Lily. May bitbit pang pagkain ang mga ito. Pagpapakita lang ba iyon ng sinseridad ng mga ito sa paghingi ng paumanhin sa insidenteng kinasangkutan ng kapatid niya? Masyado naman yatang overreacting ang mga ito.
Pagkatapos niya sa paghuhugas ng mga kamay at paa sa bomba ay tinuyo niya ng malinis na basahan ang mga iyon. Naupo siya sa gilid ng papag habang iniisip kung ano nga kaya ang sadya ng mga ito.
Nagulat pa...


siya nang biglang sumulpot si Sam. Nakangiti itong lumapit sa kinaroroonan niya. Nakapamulsa ang mga kamay nito sa suot na pantalon.
“Hi! Good morning!”
“Ano ang good sa morning?” Sumimangot siya upang ipakitang hindi siya natutuwang makita ito. “Anong ginagawa ninyo rito? Kasama pa ninyo si Aling Lily?”
“Why don’t we join the others? Para malaman mo kung ano ang sadya ko?”
Nagtatakang napatitig siya kay Sam. Hindi niya maunawaan ang ibig sabihin nito.
“Come on….”
“Hindi ako haharap sa inyo hangga’t hindi mo sinasabi kung ano ang sadya mo sa amin.”
“All right….” Nakita niya sa pagtaas at pagbaba ng mga balikat nito ang pagbuntong-hininga. “Nandito ako para ipagpaalam ka kay Lola Bening.”
Lalong pinagtakhan niya ang sinabi nito. “Ipagpaalam? Ano ang ibig mong sabihin? Bakit mo ako ipagpapaalam sa lola ko?”
“My company is looking for a product model. At ikaw ang napili kong maging modelo.”
“Ha? Ako? Modelo?” Tinawanan niya ang sa palagay niya ay pagkakamali nito. “Nagsusuba ka ba?” aniyang ang ibig sabihin ay kung nagbibiro ito.
“Ano naman ang nakita mo sa akin? Mukha ba akong modelo? Kailangan mo na yatang magsalamin.”
“I’m serious. I took pictures of you yesterday. You are very beautiful.”
“Ano? Kinunan mo ako ng litrato kahapon? Paano nangyari iyon?”
“Hindi mo alam na kinukunan kita ng litrato.”
“Wala ka bang magawa sa buhay mo? Bakit mo ako kinunan ng litrato nang hindi ka man lang nagpapaalam?”
“I’m sorry. Wala akong masamang intensiyon.”
“Hindi ako magmomodelo sa iyo dahil hindi ko gagawing kahiya-hiya ang sarili ko. Huwag mo akong lokohin. Dai ka nakakangisi!” Hindi nakakatuwa si Sam, iyon ang ibig niyang sabihin.
“Pakinggan mo muna ako, please.”
“Hindi na kailangan! Ayokong makinig sa sasabihin mo!”
“Ate Aica, pinaaapod ka ni Lola!” Narinig nila ang tinig ni Ipe. Ipinapatawag daw siya ng lola nila.
“Oo, pupunta na!” sagot niya bago inirapan si Sam. “Hindi ako papayag na maging modelo mo. Huwag kang makulit dahil hindi na magbabago ang isip ko.”
“Ipagpapaalam kita sa lola mo.”
“Hindi!” agad na sansala niya. “Ayokong magkaroon ng anumang kaugnayan sa iyo, naiintindihan mo?”
“Bakit ba parang galit na galit ka sa akin?”
“Ah, tinatanong pa ba iyon?” Pinamaywangan niya ito. “Hindi ba nang dahil sa iyo ay muntik nang mapahamak ang kapatid ko?”
“Humingi na ako ng paumanhin sa iyo at sa lola mo, hindi ba? Besides, wala namang masamang nangyari sa kapatid mo.”
“Kahit na! Ayokong magkaroon ng kaugnayan sa iyo kaya tigilan mo ako, pwede ba?”
“Give me a chance. Hindi ako masamang tao.”
“Wala akong pakialam!” Pagkasabi niyon ay tinalikuran na niya ito. Pumasok siya sa likurang pintuan at dumaan sa paminggalan. Sa mga siwang sa sawaling dingding ay nakita niyang umikot ito sa harapan at nagdaan sa balkonahe.
Nang humarap siya sa mga ito ay nakaupo na si Sam sa tabi ni Aling Lily.
“May sasabihin daw sila sa iyo, apo,” sabi ni Lola Bening sa kanya nang maupo siya sa tabi nito.
Napabuntong-hininga siya habang pinagmamasdan ang tatlo. Kahit alam na niya ang sadya ng mga ito ay itinikom na lang muna niya ang bibig niya.






Share On Whatsapp

Leave a Reply






top