The Vow


Genre: Love, Mystery,Sad Story
Author: John Reyugi
“Opo mommy pauwi na po ako….. sige po I Love you”. Tinanggal na ni Hailey ang kanyang Bluetooth earphone matapos sagutin ang tawag ng kanyang nanay.
Napahikab si Hailey habang nagmamaneho ng kanyang kotse. Nakaramdam siya ng antok dahil sa pagod sa buong pagtatrabaho niya sa pinapasukang opisina.
Habang nagmamaneho ay nahagip ng kanyang mata ang isang coffee shop. Hindi niya mawari pero parang may kakaiba siyang naramdaman doon sa nakita niyang coffee shop.
Hindi dahil sa inaantok siya at gusto niyang uminom ng kape kundi dahil parang may humahatak sa kanya upang pumunta doon.
Nang makarating siya sa tapat ng naturang coffee shop ay agad niya itong iginarahe sa parking lot ng coffee shop.
Bumaba siya sa kanyang kotse at agad tinungo ito. Pagpasok niya doon ay agad sumalubong sa kanya ang kakaibang presensya.
Di niya mawari kung bakit pero binalewala niya nalang iyon. Naghanap siya ng bakanteng mauupuan at di nagtagal ay nakita niya ang isang bakante sa tapat ng glass window.
Agad siyang umupo ng marating iyon. May lumapit na waiter sa kanya at kinuha ang kanyang order.
“Plain Black coffee nalang ang sa akin”, sabi niya sa waiter.
“Iyon lang po ma’am?” tugon ng waiter.
“Yes”, sabi naman niya.
“Okey po ma’am pakiantay nalang po saglit”. Nakangiting sabi ng waiter.
“Okey”, sagot niya.
Habang nagaantay ay inililibot niya ng kanyang paningin ang buong coffee shop.
Di niya mawari pero parang nakarating na siya dito dati kahit ngayon niya palang ito napuntahan.
Habang iginagala niya ang kanyang paningin ay nakita niya ang isang lalaki. May itsura ito, matangos ang ilong, mapungay ang mata at maputi.
Pero nagtaka siya dahil nakatingin din ito sa kanya na parang gulat na gulat na may halong saya na hindi niya maintindihan.
Tumagal pa ng ilang saglit at ganoon parin ang lalaki. Naiilang na siya sa ginagawa nito at tatayo na sana siya upang lumipat ng ibang pwesto pero biglang dumating ang waiter dala ang kanyang order.
“Here’s your order ma’am”, sabi ng waiter.
“Oh thank you!” sagot naman niya. Inabot agad niya ang bayad sa waiter.
“Salamat po!” tugon ng waiter.
Ngumiti naman siya bilang sagot.
Kinuha na niya ang kanyang kape inilapag sa lamesa. Ibinalik niya ang tingin sa lalaki kanina pero wala na ito doon.
“Hay! buti naman”, sabi niya sa isip.
Binuksan niya ang kanyang bag upang kunin ang kanyang Phone para mag online may libre kasing wifi ang naturang coffee shop.
Habang nago-online ay kinuha niya ang tasa ng kape at humigop ng kaunti.
“Hi!!!”
Muntik na niyang maibuga ang iniinom na kape dahil sa gulat.
Paglingon niya sa kaliwa niya ay laking gulat niya ng makita ang lalaki na nakatingin sa kanya kanina.
Nakangiti ito sa kanya at halos ilang dangkal nalang ang pagitan nila.
“Excuse me?…. Sino ka ba?.. Di ba Ikaw yung kaninang lalaking kung makatitig sa akin ay wagas? Wag mong sabihin sakin na stalker kita??!!” Sunod-sunod na tanong niya sa naturang lalaki.
Gumuhit ang lungkot sa muka ng lalaki ng marinig iyon.
Ilang segundong katahimikan ang bumalot sa kanilang dalawa.
“O… Ano na??!!”pagbasag katahimikan ni Hailey.
Hindi parin umiimik ang lalaki at nakatingin lang sa kanya ito.
Naiilang na si Hailey dahil sa inaasta nito. Akmang tatayo na siya para lumipat ng ibang pwesto pero natigilan siya ng biglang hawakan ng lalaki ang kanyang kamay upang pigilan.
Biglang may kakaibang naramdaman si Hailey sa paghawak ng lalaki sa kanyang kamay.
Hindi niya maintindihan pero parang may kuryenteng dumaloy sa kanyang kamay sa paghawak sa kanya ng lalaki.
“I’m sorry Miss…. Akala ko kasi”…
Malungkot na sambit ng lalaki.
Hindi maintindihan ni Hailey dahil nakaramdam siya ng lungkot para dito. Agad tumayo ang lalaki sa kanyang pwesto para umalis.
Parang nakonsyensya naman si Hailey sa kanyang ginawa. Sinundan niya ng tingin ang lalaki habang papalayo.
Habang papaalis ito bigla itong huminto sa tapat ng exit door ng coffee shop at lumingon sa kanya.
Gumuhit ang malungkot na ngiti sa muka nito at may binigkas na salita. Hindi narinig ni Hailey ang sinabi ng lalaki pero alam niyang para sa kanya iyon.
Lumabas na ang lalaki sa coffee shop at unti-unti na itong naglalaho sa kanyang paningin habang papalayo.
Tila parang may sariling isip ang kanyang mga paa dahil kusa niyang inihahakbang ang mga ito para habulin ang lalaki pero pinigilan niya ang kanyang sarili.
“Sino ka ba?… Bakit parang matagal na kitang kilala”?? Bulong niya sa sarili.
Hindi mawala sa isip ni Hailey ang lalaki kanina. Kanina pa siya nakauwi galing sa naturang coffee shop.
Alas dos na ng madaling araw ay di parin siya dinadalaw ng antok, marahil ay naparami yata ang inom niya ng kape kanina.
“Sino kaya siya?…Bakit kakaiba ang nararamdaman ko sa kanya? Parang nakita ko na siya dati at parang may koneksyon kami sa isat-isa??” wika niya...


sa kanyang isip.
“Anak! Gumising ka na! mahuhuli ka na sa trabaho mo”!! Nagising si Hailey dahil sa sigaw ng kanyang nanay mula sa labas ng kanyang silid.
Minulat niya ang kanyang mga mata at pakapa kapang hinanap ang kanyang phone.
“Oh! Shit!!!!”
Gulat na sabi ni Hailey ng makita niya sa oras ng kanyang phone na halos tatlumpung minuto nalang ay late na siya.
Napuyat yata siya kakaisip doon sa lalaki. Agad siyang bumangon sa kanyang kama upang magsipilyo at maligo.
Akmang kukunin na niya ang kanyang twalya sa loob ng kanyang closet ng biglang mahagip ng kanyang paningin ang tila isang litratong nakasiksik sa pinakailalim ng kanyang mga damit. Agad niyang kinuha ito upang tignan.
Nakita niya sa litrato ang kanyang sarili at may kasama siyang isang lalaki na nakaakbay sa kanya.
Makikita sa larawan na masaya silang magkasama ng lalaki habang nagpapakuha ng litrato na wari moy magkasintahan.
Habang sinusuri niya ang litrato’y parang may kakaiba. Parang pamilyar sa kanya ang lalaking kasama niya.
Napakunot ang noo niya ng maalala niya na ito yung lalaki kahapon sa coffee shop.
Ilang segundo siyang natulala dahil doon, wari’y iniisip kung paano nangyari yon. Wala din siyang maalaalang lalaki na nakasama o naging nobyo niya dati.
Bumalik siya sa wisyo ng bigla ulit siyang tawagin ng kanyang ina upang magagahan, dali-dali siyang pumasok sa banyo at naligo habang hindi parin mawala sa isip niya ang larawan.
******************
“Sige po mommy alis na po ako”, paalam niya.
“Hindi ka muna ba magaalmusal?”
tanong ng kanyang nanay.
“Sa office nalang po late na po kasi ako”, sagot naman niya.
“O sige ingat ka nalang anak”, bilin naman nito.
“Opo mommy I love you! Paalam niya”.
*******************
Nagdaan ang buong araw at natapos din ang kanyang trabaho. Tulad ng dati ay over time na naman siya. Dahil sa pagod ay naisipan niya munang mag relax.
Bigla niyang naalala ang coffee shop kahapon at ang lalaki sa larawan na nakita niya kaninang umaga. Dahil doon ay ito ang agad niyang pinuntahan upang mag relax.
Di niya maintindihan pero parang umaasa siya na makikita niya ulit ang lalaki doon. Nakaramdam siya ng excitement na may halong kaba ng maisip niya iyon.
Kasalukuyan na siyang nasa coffee shop ngayon pero di tulad ng inaasahan niya ay di niya nakita dito ang lalaki.
Di niya maintindihan pero parang gusto niya talaga itong makita at makausap para tanungin tungkol doon sa litratong nakita niya.
Dinala niya rin ito upang may pruweba. Dumaan ang mga oras pero ni anino nito ay di niya nakita.
“Ma’am sorry po pero magsasara na po kami”, napatingin siya sa waiter na nagsalita. Ito din yung waiter na nag serve sa kanya kahapon noong unang punta niya dito sa coffee shop. Napatingin siya sa kanyang paligid at napagtanto niyang siya nalang pala ang customer dito.
“A-amm…. sorry di ko namalayan yung oras pasensya na”.. paghingi niya ng paumanhin sa waiter.
“Okey lang po….. aammm… may inaantay po ba kayo?” kasi parang kanina ko pa kayo napapansin na parang may inaantay… ah-eh… sorry po ah kung madaldal ako”, paumanhin ng waiter.
“H-Hindi okey lang tama ka naman may inaantay talaga ako”, sagot niya.
“aammm… Pwede po magtanong?” sabi ng waiter.
“Sure, ano yon?” sagot niya.
“Pero wag po sana kayong magagalit ha”, nagaalalang sabi ng waiter.
“Syempre depende sa tanong mo,… ano ba yon?” Pabirong sabi niya.
“Kasi po…. napansin ko po kayo kahapon dito sa coffee shop na parang may kaaway po ata kayo?” Tanong ng waiter.
“Ah! Yun ba! pasensya ka na ha, kasi may isang lalaking weird na kung makatingin sa akin ay wagas tapos bigla nalang akong nagulat nasa tabi ko na siya syempre natakot ako ayun kinompronta ko siya at sa huli umalis din siya natakot yata! Hahaha!” Sunod-sunod na kwento ni Hailey.
Bumakas naman ang pagtataka sa muka ng waiter dahil sa kwento niya.
“Bakit may problema ba?” takang tanong ni Hailey.
“Eh kasi po”……..
“Wala po akong nakitang kausap niyo kahapon!”
“Ha?!!!” gulat na tanong ni Hailey.
“Joke ba yan?…Ikaw ha!” Pabirong tanong ni Hailey pero mababakas sa kanyang muka ang pagtataka at takot.
Hindi sumagot ang waiter bagkus ay nanatili lang itong tahimik habang seryosong nakatingin sa kanya.
Nahalata niya na seryoso ito at hindi nagbibiro. Dahil doon ay binalot siya ng matinding kilabot at kaba.
“Hindi po ako nagbibiro totoo po ang lahat ng sinabi ko, sa katunayan po ay hindi lang po ako ang nakapansin, maging ang mga ka trabaho ko ay nakita din yon. Tumatawa pa nga ang iba sa kanila dahil siguro ay iniisip nila ay nababaliw na po kayo. Maging ang ibang customer ay pinagtitinginan po kayo!” Sunod sunod na kwento ng waiter.
Itutuloy…..






Share On Whatsapp

Leave a Reply






top