YAPAK


NIGHTMARE TALES(SEASON 2)
“YAPAK”
🖊️R.V Nightmare
Magandang gabi sa inyong lahat ako si Michelle at ito ang aking kuwento.
Madalas na gabi ang shift ko sa pinapasukan kong ospital kaya napagdesisyunan ko na umupa muna ng kuwarto sa isang apartment na malapit.
Mahirap din kasing sumakay sa aming lugar dahil masyado itong liblib.
Tuwing walang pasok ay umuuwi ako sa amin para dalawin ang mga magulang ko isa rin sila sa mga naging dahilan ng paglipat ko dahil matatanda na ito at baka mahawa pa ng sakit na maaring dala ko.
Ito ang unang araw ng paglipat ko sa apartment at sa pangalawang palapag ang silid ko.
May katabi akong kuwarto na mukha namang bakante subalit ayaw itong ipagamit ng landlady sa akin.
Sumang-ayon nalang ako sa kaniya dahil mahirap ng humanap pa ng mauupahan. Sakto lang sa isang tao ang laki ng kuwarto mayroong banyo at maliit na kusina. Presko sa loob nito at maaliwalas.
Habang inaayos ko ang mga gamit ko ay nakarinig ako ng malalakas na yapak ng paa sa kabilang kuwarto.
Nagtataka ako sapagka’t ayaw itong ipagamit sa akin subalit mukhang may nakatira sa loob.
Marami pa pala akong aayusin kaya hindi ko nalang ito binigyan ng pansin.
Makalipas ang ilang oras ng pag-aayos ay nakarandam ako ng gutom kaya nagpalit na ako ng damit dahil basa na ako sa pawis at para bumili na rin ng pagkain.
Nang palabas na ako ng kuwarto ay naririnig ko pa rin ang mga yapak ng paa sa katabi ko kaya inilapat ko ang aking tainga sa pintuan nito.
Habang nakikinig ako sa ingay na galing dito ay bigla nalang kumalabog ang pinto nito na tila sinipa. Sa sobrang kahihiyan ay agad na akong umalis.
“Pasensya na po”
-kinagabihan-
Tapos na akong maghilamos at handa ng matulog dahil maaga pa ang duty ko bukas.
Pasado alas-diyes ng gabi. Huminto na ang mga ingay ng yapak sa kabilang kuwarto.
Sandali akong gumamit ng selpon para tingnan ang inbox ko. Matapos ‘yon ay ipinikit ko na ang mga mata ko at saktong nagsimula...


muli ang ingay sa kabilang kuwarto.
Sa oras na ito ay may kasama na itong pagtalon at pagsipa sa mga pader. Tiniis ko nalang ang ingay na ito, iba’t iba na ang posisyon ko sa pagtulog ngunit habang lumalalim ang gabi ay mas lumalala ang mga ingay.
Sa sobrang pagkarindi ko ay lumabas ako ng kuwarto kahit takot dahil madilim ang paligid. Kinapa ko ang mga pader para hanapin ang switch ng ilaw sa hallway subalit pundido ang lahat ng ito.
Pinagtiisan ko nalang ang liwanag ng selpon ko at kinatok ang pintuan ng katabing kuwarto. Ngunit bigo ako kaya dumiretso nalang ako sa landlady para kausapin ito.
Akmang maglalakad na ako ng palayo nang bumukas ang pintuan nito kasabay ang pagtahimik ng paligid.
Kahit takot ay binalikan ko ito. Tagaktak ang pawis na samahan pa ng panginginig ng katawan habang nilalakad ko ang hallway.
Pagtataka kong bukas na ang pinto nito kaya sumilip ako.
Walang bakas ng tao sa loob ng kuwartong ito mga lumang gamit lang ang nakita ko.
Hindi na ako naka-tagal pa dahil iba na talaga ang pakirandam ko, akma na akong maglalakad pabalik sa kuwarto subalit nabitawan ko ang selpon ko at pumailalim ang liwanag nito.
Tarantang-taranta na ako ng mga oras na ‘yon mas tumitindi ang takot ko, dali-dali kong pinulot ang selpon ko.
Nang tumutok sa isang tabi puwesto ang liwanag nito ay tumambad sa akin ang isang duguan at putol na pares ng paa.
Natigilan ako ng ilang segundo dahil sa takot, nang matanaw na papalapit na ito sa akin ay agad na akong tumakbo.
Naluluha na ako sa takot at kaba, nang makapasok ako sa aking silid ay agad kong isinara ang pinto at hinarang ang katawan dito.
Lumipas ang ilang minuto, bahagya akong tumayo para abutin ang switch ng ilaw na katabi ng pinto.
At sa pagliwanag ng paligid ay namilog ang mga mata ko sa sindak, bumungad sa akin ang pares ng paa na nakapatong sa kama ko habang tumatalon kasabay nito ang pagkalat ng malapot na dugo sa pader.
-Wakas-





1
Share On Whatsapp

Leave a Reply






top