Written by : @Pandameme
Genre : Drama, Romance
Status : COMPLETED (CHAPTER 1-24)
* * * K A B A N A T A 1 * * *
Si JESSA… Ang labing walong taong gulang na dalagang pinupuri sa taglay na kagandahan. Ang balingkinitan nitong katawan, katamtamang laki ng pwet at perpektong hulma ng mga dibdib, dagdag pa ang katangkaran nitong 5’6. Ang kutis nitong makinis at maputi. Buhok na makintab, straight at hanggang baywang. At ang mukha nitong maliit, matangos na ilong, tamang laki ng mga mata na may katarayan sa bawat pagtitig nito, mga labing maninipis at hugis-puso. Ganoon ka-perpekto ang kabuuan ni Jessa. Para siyang modelo. At sa unang tingin ay mapapalingon ka talaga sa mala-dyosa nitong mukha at aura. Kaya naman, naging bukambibig ng mga tao si Jessa. Lalo na ng mga kalalakihang ibig na mapalapit sa kanya.
Maykaya ang pamilya ni Jessa. May sasakyan at malaking bahay. Lahat ng luho niya tulad ng mamahaling cellphone ay nakukuha niya nang ‘di kailangang ipilit. Nag-aaral na siya sa isang mamahaling unibersidad bilang Senior High. At doon lalong pinag-usapan ang taglay na kagandahan ni Jessa. Lalong dumarami ang mga humahanga sa kanya, higit na ang mga naninibugho sa kagandahan niya. Ngunit walang pakialam si Jessa. At ang motto niya ay, ‘Mamatay na ang mainggit!’
UMAGA. Sunod-sunod ang mga text messages na natatanggap ng dalaga. Hindi pa sana siya didilat ngunit naaalibadbaran na ang kanyang pandinig kaya pinilit niyang buksan ang cellphone at tingnan ang mga text messages na nasa inbox. 590 unread messages. Hindi na nagulat pa si Jessa. Iyon lagi ang bumubungad sa kanya tuwing umaga. Buti’t mamahaling brand ang cellphone niya kaya hindi nagha-hang.
Diretso niya itong idinelete. Alam na niya ang mga nakalagay doon. Mga lalake at babaeng kaibigan at kakilala niya, nag-go-goodmorning sa kanya.
Bigla ay tumunog ang phone niya. Nag-alangan siyang i-dicline dahil galing iyon kay Vince, ang MVP at heartthrob ng Campus nila. Nanliligaw ito sa kanya. At hindi sa anupaman, ibig na niya itong sagutin.
“Hello? Dyosa, ay este, Jessa. Good morning…” malambing na bungad ni Vince mula sa kabilang linya.
Napahagikhik si Jessa. Hindi niya iyon inilihim.
“Good morning, off to school?” tanong niya.
“Yeah. And I’ve brought you flowers and chocolates. Can’t wait to see you, babe.”
Muling napahagikhik si Jessa. Napaka-sweet talaga ng manliligaw niya.
“Okay. See you.”
Saka na naputol ang tawag. Bumangon na rin si Jessa at naghanda na sa pagpasok sa eskwela.
SIX THIRTY nang makarating si Jessa sa school sakay ng kotse ng daddy niya. Ihahatid lang siya nito at didiretso na ito sa trabaho.
“Have a nice day, anak,” anang daddy niya nang ihinto ang sasakyan sa tapat ng gate.
“Thanks, dad. Ikaw din,” aniya saka humalik sa pisngi ng ama.
Pagkapasok ni Jessa sa gate ay kaagad siyang binati ng mga estudyante. Sikat na sikat siya at lahat ay nakangiti sa kanya. May mga pumupuri din ng kagandahan niya.
Hinahanap ng kanyang mata ang matangkad at gwapong si Vince. Ngunit hanggang sa makapasok siya sa silid-aralan ay ‘di niya ito nakita. Nasa kabilang section lang si Vince at ayaw naman niyang siya pa ang sumadya doon, ano. Kahit papaano marunong siyang magpakipot. At alam niya ring all eyes sa kanya ang lahat ng mga estudyante sa campus kaya kailangan niyang maging mapagmataas. Na kung titingnan siya ay ‘di basta-basta maaabot ng kahit sino.
“Good morning, class,” bati ng guro nilang si Ms. Benitez na pumunta na sa desk nito sa unahan.
“Good morning ma’am,” tugon naman ng mga estudyante na ‘di na nag-abalang tumayo.
“Midterm na natin kaya get ready for the upcoming exam, class. Anyway, last time, we tackle about—”
“Excuse me, ma’am…”
Putol ng isang lalake sa diskusyon ng guro. Nakatayo ito sa harap ng pinto na nang mabistahan nila kung sino ay kaagad umugong ang tuksuhan sa loob ng klase.
“Hey, Jess…”
Pabulong na tawag ng seatmate ni Jessa na siniko pa siya para lamang matawag ang pansin niya.
Abala kasi noon si Jessa sa paggamit ng phone. Tinitingnan nito kung magtext si Vince pero wala siyang natanggap na mensahe simula pa ng pagdating niya sa campus.
“Oh, Mr. Villegas, what is it?” anang guro.
Kaagad napatanaw si Jessa sa guro. Mr. Villegas ang apelyido ni Vince. Hindi kaya’y…
Pumasok si Vince na may dalang balloons, imported na chocolate na nakasilid sa heart-shape na lalagyan, at bouquet ng red roses. Napakagwapo ng lalake sa porma nito ngayon. Nakasuot ito ng jersey jacket at hapit na pantalong maong. Kung titingnan ito ay napakalinis at napakabango.
Lalong nagsitilian ang mga kababaihan, maging mga kalalakihan ay nagkakantyawan na rin.
Umabante ng lakad si Vince papunta sa kinaroroonan ni Jessa. Hindi makapaniwala ang babae ngunit hindi siya nagpapahalata. Kaswal lang ang pagkakangiti niya. Tipong ‘di mo matukoy kung natutuwa ba o okay lang.
“I thought your not gonna see me,” ani Jessa.
“That won’t happen. Your the most special woman that I won’t resist. Babe, this is for you…”
Saka inabot ang balloons, chocolates at red roses. Napuno ng nakakabinging tilian ang klase. Maging ang bintana at pintuan ay nagsiksikan sa mga estudyante ng kabilang section na nais makasaksi sa nakakakilig na tagpong iyon.
“That’s enough!” sigaw ni Ms. Benitez. “Mr. Villegas, please go back to your room. Inaabala mo ang aming klase. Kayo mga chismosa kayo! Go back to your room now!”
Nag-uunahan na sa pagtakbo ang mga estudyanteng nakikisawsaw sa pagtitilian ng section ng guro. Si Vince naman ay tila walang narinig at patuloy pa rin sa pagtitig sa magandang dilag.
“Mr. Vince Villegas! Do you want me to report you to the Head for your improper manner of interrupting my class?” galit nang saad ng guro.
“I’ll call you…” pahabol pa ni Vince bago na tuluyang lumakad palabas ng classroom.
“Okay, class,...