What a Girl wants – CHAPTER SIX


What a Girl wants 💕🥰
🍬 CHAPTER SIX 🍬
HINDI inaasahan ni Claribelle na iyon ang unang sasabihin ni Reymart. Sa muli nilang paghaharap, inaasahan niyang yayakapin siya ng boyfriend. Na sasabihing miss na miss na siya. Gusto niyang sabihin na okay na ang lahat. Na nakabawi na ito sa kanya. At handa siyang makipag-compromise basta huwag na lang siya nitong kalilimutan. Gusto niyang makita ang ngiti ni Reymart, ang mga dimple sa magkabilang pisngi.
Hindi maintindihan ni Claribelle kung ano ang nangyari. Tinignan niya ang smartphone na hawak ni Reymart. Dumating na ang kinatatakutan niya. “N-napanood mo ang video?” nanginginig ang boses niyang tanong.
Marahang tumango si Reymart at sinapo ang noo habang nakayuko. “Ganito na ba tayo ngayon, Claribelle? Ganyan na ba kalaki ang pagkukulang ko sa iyo para gantihan mo ako nang ganito? Kailangan mo pang sabihin sa publiko kung gaano ka nasasaktan sa ginawa ko at kung gaano ako kawalang kwentang boyfriend?”
Nilapitan niya ang binata at tumayo sa harap nito. “Sandali, Reymart. Magpapaliwanag ako. Hindi yan kagaya ng iniisip mo.”
Nagtaas ng mukha si Reymart. Hilam ng mga luha ang mga mata nitong puno ng galit at hinanakit. “Alam kong nagkamali ako. I was too busy that I forgot our anniversary. Pero para sa akin, maliit na bagay lang iyon. Alam kong mapapatawad mo ako dahil hindi ko sinasadya iyon at hindi ko ginustong saktan ka.” Tumayo ito at inilahad ang kamay. “Kaya nga inihanda ko itong celebration na ito para sa atin. Gusto kong bumawi. Gusto kong malaman mong hindi kita nakakalimutan. Gusto kong malaman mo na ikaw pa rin ang mahal ko.”
“Alam ko yon, Reymart,” sabi ni Claribelle at mariing pumikit. Kinakain siya ng matinding guilt. Ayaw niyang makitang nasasaktan ang lalaki dahil sa video na iyon. Nagi-guilty siya kahit hindi niya kasalanan. Pakiramdam niya ay pagkalayo-layo ni Reymart sa kanya.
“Akala mo ba sinadya kong kalimutan ang date natin? Akala mo ba nagpapakasaya ako? Nagtatrabaho ako. Kailangan ko lang magsakripisyo…..”
“Para sa career mo,” sabi ni Claribelle sa malamig na boses. “Naiintindihan ko lahat ng sakripisyo mo, Reymart. Pareho lang tayong may pangarap. Masakit lang sa akin na i-date mo ang ibang babae sa mismong anniversary natin pero ako ay di mo man lang naalala. Ano sa palagay mo ang gusto mong isipin ko? Tapos, sasabihin mo sa mommy mo na break na tayo.”
Pinahid ni Reymart ang mga luha. “At ito ang gagawin mong ganti para ipaalam sa akin na hindi ka masaya sa ginawa ko? What a nice way of showing how much you hate me. Sinadya mo pang gawin ang paborito ko. Pastillas with so much bitterness and hate. This is your anniversary gift?”
“Siyempre hindi,” matapang na sagot niya. “Sino naman ang may sabi sa iyo na gusto kong lumabas ang video na yan?”
“I don’t know. Hindi ko alam kung ano ang gusto kong isipin.” Nagbuga ito ng hangin at tumalikod. “Ilang araw na akong walang tulog. Anything to please my mom so she will give me this day off. Isang araw na di niya ako pakikialaman sa kilos ko at wala akong kahit anong trabaho.” Nilingon siya ni Reymart. “Pinag-isipan ko ito para sayo. I want you to know that I love you and you will always be my princess. Tapos, mapapanood ko na lang ang video mo na sinasabi mo sa lahat na wala akong kwentang boyfriend? Did you do this to spite me?”
“Ganoon ba ako kababaw para ipangalandakan ko ang sama ng loob ko sa buong mundo dahil lang galit ako sa iyo?” naiiling na sabi ni Claribelle.
“You tell me. Ikaw ang nasa video. Hindi ka naman siguro pinilit na gawin lang yon. Di ka rin naman umaarte. It shows how much you hate me,” humihingal nitong sabi. “You made me feel like I am the lowest scum on Earth.”
Napapitlag si Claribelle. Nang mga oras na iyon, parang siya ang masamang girlfriend. Parang napakababaw niya na lahat ng nararamdaman ay ilalagay na lang basta sa Internet at kalilimutan na ang pagmamahalan nila. Posibleng nabubulagan na si Reymart dahil sa sakit. Gusto niyang mainis sa lalaki dahil parang nakalimutan na ang magagandang katangian niya. Na hindi niya gugustuhing masaktan ito. Pero kung sasabayan niya ang galit nito ay wala silang kauuwiang maganda.
Pumikit si Claribelle at huminga nang malalim. “Hindi yan personal na video para atakihin ka, Reymart. Dahil una sa lahat, project namin yan na pumalpak dahil hindi ko kayang kontrolin ang emosyon ko. Dahil nasasaktan ako nang hindi mo naalala ang anniversary natin at hindi mo man lang ako gustong makita kahit na sandali.”
Inilahad ni Reymart ang kamay. “Ito na ang project niyo? “Cooking with Love?” You have a funny way of showing it.”
“In-upload yan nang hindi ko alam. May sakit ako kaya hindi na kami nakapag-shoot. Akala ko, gagawa ng bagong video sina Marie at Edmark pero in-upload na lang daw nila yang naunang video ko dahil Wala na silang oras para gumawa ng bago. Natakot sila na bumagsak o magkaroon ng mababang grade lalo na’t graduating na kami next year. Pagbalik ko sa school, kumalat na pala ang video at marami nang nakapanood. Pinag-uusapan na ng lahat. Ayoko rin namang lumabas diyan.”
Hinawakan nito ang batok. “Yeah, great! It is now viral. Di mo man lang ipinatanggal.”
“Sinubukan kong i-request sa professor ko na tanggalin pero nagustuhan niya,” sabi niya habang magkasalikop ang mga kamay. “Maniwala ka sa akin na sinubukan kong makiusap sa kanya.”
“Maybe you didn’t try hard enough. Pakiramdam ko tuloy iniisip ng ibang mga tao na wala akong kwentang boyfriend. Am I that really lousy?”
“Reymart, unang-una, walang taong manghuhusga sa iyo dahil hindi naman alam ng mga tao na boyfriend kita. Itinago nga natin iyan. Pangalawa, malay ko rin bang magiging viral ang video. Sa palagay mo ba, gusto ko ang atensiyon na ibinibigay sa akin ng mga tao? Akala mo ba gusto ko na hinuhusgahan ako bilang papansin? Kanya-kanya na nga silang hinala na wala naman talaga akong boyfriend at ginawa ko lang iyon para tumaas ang grades ko. Do you know how pathetic it makes me feel?” Pinisil ni Claribelle ang kanyang ilong nang makaramdam ng pagod. “Wala akong planong i-share sa ibang tao ang nararamdaman ko. Pribado ang buhay ko. Pribado ang relasyon natin. At alam mo yan. Wala pa yata sa sampu ang nakakaalam tungkol sa atin kaya huwag mong isipin na gusto kitang ipahiya sa mga tao.”
“Pero iyon pa rin ang nararamdaman ko. Napahiya ako. Wala akong kwentang boyfriend. Na parang masaya ka na ipamukha sa akin ang mga pagkukulang ko.”
“Walang kaibahan na sweet ka kay Yaya Darling sa harap ng publiko na parang siya na ang girlfriend mo. Naisip mo rin ba kung anong nararamdaman ko kapag masayang-masaya ang lahat na makita kayong magkasama at hinihiling ng lahat na sana, kayo na lang ang magkatuluyan? Di mo ba naisip na para akong pinapatay habang natuloy ang peke ninyong date at ayaw mo man lang akong makita kahit isang minuto sa mismong anniversary natin? Pareho lang ng video ko. Di mo rin sinasadya.”
Hindi naiwasan ni Claribelle na hindi sumbatan si Reymart dahil sobrang sakit na. Parang paulit-ulit na pinupukpok ng maso ang kanyang puso. Nagsakripisyo siya sa loob ng mahabang panahon para sa relasyon nila. Inintindi niya ito. Ngayon lang siya may nagawang pagkakamali pero kaunting pang-unawa ay hindi man lang nito maibigay. Pulos sarili pa rin nito ang...


iniisip.
Lumungkot ang mukha ni Reymart at sinabi sa malumanay na boses, “Akala ko, naiintindihan mo ang trabaho ko.”
“Pero hindi ibig sabihing hindi ako nasasaktan. Ang tagal-tagal ko nang nasasaktan pero tinitiis ko para sa iyo. Tapos, may video lang na lumabas na hindi ko naman ginusto, parang napakasama ko nang girlfriend sa iyo. Hindi ako ang nagkulang sa relasyon natin. Ibinigay ko ang lahat sa iyo. Lahat ng pang-unawa, ibinigay ko sa iyo. Inunawa kita sa lahat ng pagkukulang mo.”
“And I am trying my best to make things right. Bumabawi naman ako.”
Umiling siya. “Hindi ka nakakabawi sa akin, Reymart. Lalo mo lang akong sinasaktan.” Sinipa niya ang mga lobo sa paanan. “Ito? Hindi naman ito ang kailangan ko, Reymart. Ikaw ang gusto ko. Ang konsiderasyon mo. Ang konting atensiyon mo. Kahit isang minuto man lang ay makita kita sa importanteng okasyon. Kahit hindi mo ako lapitan. At gusto ko, for once, isipin mong hindi lang ikaw ang may karapatang masaktan. Huwag mong isumbat sa akin ang mga bagay na hindi ko kontrolado. Said na said na ako.”
Sumalampak si Claribelle sa sahig na napapaligiran ng lobo at humagulhol ng iyak. Kahit sa pagluha ay parang wala na siyang maibibigay pa. Pagod na siya. Sa lahat ng mga luha at sakit na tinitiis niya sa loob ng tatlong taon, ngayon na lang siya tuluyang bumigay. Wala siyang nararamdaman sa kanyang puso kundi emptiness.
Niyakap siya ni Reymart. “I am sorry, Claribelle. This is also hard for me. Forgive me if I accused you. Patawarin mo kung nasasaktan kita at di kita inintindi. I am sorry.”
Umiling si Claribelle at pilit na kumawala. “Ayoko na ng ganito, Reymart.” Manhid na siya. Hindi na niya maramdaman ang init ng yakap ng nobyo. Kahit ang sorry nito na kayang palambutin ang kanyang puso noon, ngayon ay parang wala nang epekto sa kanya.
Hinaplos ni Reymart ang kanyang pisngi. “Never mind the video, Claribelle. I-I don’t care. Kahit mapanood yon ng lahat, hindi na ako magagalit o magtatampo. Naiintindihan na kita. Kailangan mo iyon sa project mo, hindi ba? I am cool with it. But please stop crying.”
Umiling si Claribelle. “Hindi lang tungkol sa video . Ikaw, ako, ang trabaho mo. Parang hindi na natin dapat ituloy ang relasyon natin. This is not working anymore.”
Nanlaki ang mga mata ng binata. “No, don’t say that.”
“Iyon ang totoo, Reymart. Hindi na ito relasyon. Hindi ito ang relasyon na gusto ko. Look at us. Ito ba talaga ang relasyon na gusto mo?” Ayaw niyang hiwalayan si Reymart. Marami na siyang in-invest na pagmamahal dito. Lumaban siya para sa relasyon nila hanggang sa huli. Pero kung hindi pa niya puputulin ang relasyon nila, baka wala nang matira para sa kanyang sarili.
Hinawakan nito ang kamay niya at hinalikan. “Claribelle, don’t be hasty. A-anong gusto mong i-improve ko sa relasyon natin? Gagawin ko iyon.”
Pagak siyang tumawa at umiling. “Kahit sabihin ko sa iyo, hindi mo kayang ibigay. Dahil mas mahalaga pa rin sa iyo ang career mo at hindi tayo magkakaroon ng normal na relasyon kahit kailan. You are at the peak of your career. Saan pa ako sisingit sa buhay mo? Sa lahat ng priorities mo, ako ang nasa dulo.”
“I… I will make it up to you.”
“Paano? Sa palagay mo ba papayagan ka pa ng mama mo na magkaroon ng free day oras na malaman niyang ako ang kasama mo ngayon? At paano tayo magde-date nang di nalalaman ng fans mo? Naka-disguise sa susunod? Kailan na naman tayo magkikita nang patago? Iyon ba ang gusto mo?”
“No,” he answered in a stiff voice. “But we don’t have a choice.”
“Iyan mismo ang punto ko. Wala tayong choice. At kahit may pagpipilian ka, ako ang huling choice mo. At pagod na pagod na akong magtago, Reymart. Pagod na akong umintindi. Pagod na akong masaktan. Parang ako na lang kasi ang lumalaban sa relasyon natin. Hindi ko alam kung anong panghahawakan ko saiyo.”
Mahigpit nitong hinawakan ang kamay niya at nangungusap ang mga matang pinagmasdan siya.
“Nandito pa rin naman ako. Di pa rin kita binibitawan. K-kailangan ko lang ng panahon para ayusin ang career ko. Kapag established actor na ako, hindi ko na kailangan ng ka-love team. Pwede na nating sabihin sa mga tao ang tungkol sa relasyon natin. Wala nang manghuhusga sa atin. Sa iyo.”
“Gaano katagal? Buwan? Taon? Di ko alam kung kaya ko pang maghintay nang ganoon katagal. Manhid na manhid na ako. Dahil ngayon pa lang, wala na akong maramdamang kahit ano. Manhid na ako.”
“Claribelle…….”
“Baka kailangan talaga nating maghiwalay. Gusto kong maramdaman sa sarili ko na importante pa rin ako. Hindi ito ang relasyon na para sa akin. Kung papasok ka sa isang relasyon, dapat siguro mapaglalaanan mo na ng panahon ang babaeng mahal mo. Hindi mo na siya kailangang itago. Maipagmamalaki mo siya sa lahat na siya ang babaeng mahal mo. Siguro, hindi ako ang babaeng yon. Hindi ako ang babae na maipagmamalaki mo sa lahat,” sabi niya at humagulhol na tumayo.
Masakit tanggapin na kailangan niyang pakawalan si Reymart. Mahirap pakawalan ang isang lalaking minahal at ipinaglaban niya sa loob ng tatlong taon. Pero may bagay na kailangan niyang panindigan para kay Reymart at para sa sarili niya.
“Mahal kita, Claribelle.” Niyakap siya ni Reymart mula sa likuran. “Kaunting panahon na lang. Just don’t give up on me now. Sabi mo, mahal mo ako. Paano mo ako nagagawang talikuran ngayon?”
Hinarap ni Claribelle ang lalaki at sinapo ang mga pisngi. “Gusto kong mag-focus ka sa career mo. Tama ang mommy mo. Malaking distraction ako sa iyo. Baka hindi ako ang kailangan mo sa buhay mo. At baka kailangan ko ring mag-focus sa pangarap ko gaya mo.”
“Hindi naman ako nakaka-distract sa iyo, hindi ba? You are doing just fine. You are running for cum laude.”
“Sa ngayon. Pero nagsisimula ko nang maramdaman na naapektuhan ako. Baka mas tama kung mag-focus tayo sa mga pangarap natin. Nang magkahiwalay.”
Hindi na nagawa pang magpatuloy ni Claribelle nang magsimula na namang tumulo ang mga luha ni Reymart. Hindi kumikibo ang lalaki pero may pagmamakaawa sa mga mata. He wanted her to stay. Pero kailangan niyang mamili. Kung pipiliin pa rin niya si Reymart, alam ni Claribelle na wala nang matitira sa kanya dahil mapupuno siya ng emptiness. May ibang buhay si Reymart kung saan hindi siya kabilang. Mananatili lang siya sa anino.
Malungkot na ngumiti si Claribelle. “Iisipin ko na lang na hindi pa ito ang panahon para sa akin. Kailangan ka sa trabaho mo. Kailangan ka ng pamilya mo at ayokong kalabanin yon. Mahal pa rin kita pero kailangan ko ring mahalin ang sarili ko.” Tumingkayad siya at hinalikan ito sa pisngi. “Good-bye, Reymart.”
Tumalikod na si Claribelle at mabigat ang mga paang humakbang. Nagdasal siya na sana ay hindi siya pigilan ni Reymart. Mahina siya pagdating sa boyfriend. Inipon na niya ang lahat ng tapang para talikuran ito at maglakad palayo. Kung hindi niya iyon gagawin, paulit-ulit lang ang mangyayari hanggang wala nang matira sa kanyang puso kundi galit kay Reymart. Gusto niyang lumayo habang mahal pa niya ito.
Pero hindi siya pinigilan ni Reymart kahit na ramdam niya ang mga mata nito sa likuran niya. Iyon nga siguro ang pinakamainam para sa kanila. Kailangang magpahinga ng puso niya. At kung para sila sa isa’t isa, darating din ang panahong iyon pero hindi pa ngayon. Hindi pa ngayon. 😩






Share On Whatsapp

Leave a Reply






top